“NAKALABAS na sa ospital si Lolo. Gusto mo bang sumama para bisitahin siya?”
Araw ng linggo, ang plano sana ni Quinn ay ipasyal si Kroen. Alam niya na nag-enjoy ang lambana sa pagtigil nila sa park kahapon. Tinuruan pa nga niya itong mag-bike. Nag-rent lang sila sa naroroon sa park. Kinulit kasi siya ni Kroen na sumakay sila sa bisikleta. At hindi ito nakontento sa basta pagsakay lang, ginusto rin nitong subukang magmaniobra noon. Hindi naman nagging mahirap dahil magaling itong manimbang. Mas maigi na din na doon natutok ang atensyon nito kesa naman sa alamin kung paano gumawa ng baby.
“Oo sana, kaso…” Lumipad ang mga mata ni Quinn pababa sa hagdanan na si Kroen. Halos magkakasunod lang pala silang bumaba mula sa kani-kanilang mga silid.
And life is so unfair! Bakit ang ganda-ganda pa din nito maski bagong gising?
“Isama natin siya para hindi ka masyadong nag-aalala.”
Nakakunot-noong bumaling siya sa kanyang bestfriend.
“O, bakit ganyan mo ako tingnan? Hindi ba’t totoo naman na masyado kang nag-aalala kapag iniiwan mo si Kroen. Kulang nalang ay kumuha ka ng tali at itali mo siya sa tabi mo. You must be inlove, pare. Ngayon ka lang nagkaganyan sa isang babae.”
Natigilan si Quinn.
‘In love?’
Ah, hindi. Ganito lang siya kay Kroen dahil alam niyang iba ito. Iniatang na niya sa sariling balikat ang responsibilidad dahil sa painting niya ito nagmula.
“Ano bang sinasabi mo diyan?” Pumalatak siya.
“You’re still in denial. Malalagpasan mo rin iyan.” Anito.
“Magandang umaga.” Nakangiting bati sa kanila ni Kroen.
Tuluyan nang nawala ang atensyon niya sa pag-uusap nila ni Matthew. Nakangiting lumapit siya kay Kroen.
“Good morning. Anong gusto mo for breakfast?” masuyong tanong niya.
“Gusto ko, ako ang magluluto ng agahan. At di ba, ako ang dapat na nagtatanong sayo kung anong gusto mo?”
Umiling siya. “Ako muna ang magluluto. Para naman makatikim ka ng luto ko.”
‘Gusto ko ring magpa-good shot para hindi laging si Matthew ang magaling sa paningin mo.’
“O sige, ikaw na ang bahala kung ano ang sa palagay mo’y masarap.”
“Tara sa kusina.”
“Teka, Quinn!” singit ni Matthew. “Hindi mo ba ako tatanungin kung anong gusto ko? Ipagluto mo rin ako.”
‘Tss!’
“Alam ko naman na kung anong gusto mo.”
Nagtuloy-tuloy sila ni Kroen sa kusina. Walang maid si Matthew dahil ayaw nito na mayibang tao na gumagala sa bahay nito. Pero hayun sila ni Kroen, malayang nag-iinterlope sa pamamahay nito nang hindi ito nagrereklamo.
Siguro ay dahil gusto rn nito na parating nakikita si Kroen.
Knowing Matthew, mahilig ito sa mga magagandang babae.
“Then I was totally rejected. Knowing that this is my house, huh? Tsk!” narinig niyang bubulng-buln na anito.
“Nagtampo yata si Matthew. Bakit hindi mo din siya tinanong?” baling sa kanya ni Kroen.
Hindi sumunod sa kanila si Matthew. Malamang ay maghihintay nalang ito na tawagin nila kapag handa na ang agahan.
“Huwag mo na nga siyang alalahanin. Nagpapa-importante lang iyon.”
“Pero bahay niya ito. Nakakahiya naman sa kanya kung naiitsapwera siya. Malaya tayong kumikilos dito sa bahay niya at ginagawa ang gusto pero hindi man lang natin matanong sa kanya kung anong gusto niyang kainin.”
“At marunong ka na ngayong mahiya? Bakit sa akin? Hindi ka naman nahiya noong unang beses kang sumulpot sa bahay ko. Ginagawa mo ang gusto mo. Sinisira mo ang gusto mong sirain nang hindi nahihiya sa akin.”
Gusto na naman niyang mainis dahil parang masyadong mahalaga si Matthew para kay Kroen. Pero hinawakan niyang muli ang kanyang pagtitimpi. Ayaw niyang masira ang umaga ni Kroen maski ang kapalit ay sinusugatan nito ang kanyang damdamin.
‘Nahihiya ka kay Matthew pero sa akin ay hindi? Ganon siya kahalaga sayo?’
“Halika na nga sa kusina. Kahit naman ano, kinakain ni Matt kaya huwag ka nang mag-alala sa kanya.” May inis pa ring sabi niya.
Sa kusina, nagluto lang si Quinn ng corned beef, hotdog, scrambled egg at fried rice. Hindi pa nakakain ng ganoon si Kroen. Wala naman kasing processed foods sa rest house niya. Ang plano kasi niya, puro sariwa lamang ang kakainin sa San Juan. Lalo pa’t malapit siya sa dagat.
“Ang ganda naman ng kulay ng kanin. At mukhang masarap!” naaaliw na sabi ni Kroen.
Nagkulay dilaw ang fried rice dahil sa butter. Naglagay din siya ng green peas at carrots kaya’t naging makulay. Lalong natuwa si Kroen.
“Ganyan talaga. Magaling ako eh.”
“Oo nga. Ang galing mo! Kapag umuwi tayo sa bahay mo, ipagluluto din kita ng ganyan.”
Ngiti ang isinagot niya sa lambana.
“Sandali, ako na ang mag-aayos ng mesa.” Presinta ni Kroen.
Habang pinapanood niya si Kroen na abala sa pag-aayos ng mesa ay napapangiti si Quinn. Para pa ngang nakikita niya ang sarili na yumayakap sa bewang nito at ginugulo ito sa ginagawa habang ito naman ay panay ang hagikhik.
Sa rest house niya, para na silang mag-asawa. Ito ang gumagawa ng gawaing bahay at nag-aasikaso ng pagkain niya habang abala siya sa pagtatrabaho sa work room.
Siguro, magiging mabuting may bahay si Kroen sa hinaharap…
Naipilig ni Quinn ang sariling ulo. Ano ba ang iniisip niya? Lambana ito at hindi tao. Sooner or later ay aalis din ito. Kapag nakita na nito ang ama ay aalis na din ito.
He made a mental list. Papahintuin na niya ang detective sa paghahanap sa ama nito tutal ay imposible naman talagang mahanap iyon. Sa ganoon, mapipigilan ang pag-alis ni Kroen sa mundo niya.
At kung bakit niya iyon ginagawa, simple lang. Gusto pa niyang makasama ang lambana–nang matagal na matagal.
Kinuha ni Quinn ang mga niluto sa counter top at dinala sa mesa.
“Tatawagin ko lang si Matthew.” At mabilis siyang dumeretso sa sala kung nasaan ang kanyang bestfriend.
“KROEN! Hindi ka pa din ba tapos?”
Malakas na katok mula sa silid ang narinig ni Kroen. At base sa timbre ng boses na nagsalita, alam na niyang si Quinn ang kumakatok.
“Sandali nalang.”
Mabilis na inilagay ni Kroen ang hair clip sa kanang bahagi ng kanyang buhok at napangiti sa sariling repleksyon sa salamin ng walk in closet.
Naka-mini dress siya na hapit sa katawan. Moss green ang kulay na lalong nagpalitaw sa makinis at maputi niyang kutis. Isang pares ng flat sandals ang gamit niya sa paa. Lahat ng iyon ay binili ni Quinn sa tradefair sa San Juan.
Walang topak nang mga panahong iyon si Quinn at natutuwang ipamili siya. Ini-enjoy din naman niya ang pagpapabili dito ng kung anu-ano tutal ay malaki ang kinita nito sa exhibit nito.
At kung bakit suot niya ang mga iyon ngayon ay dahil nais niyang maging maganda sa mga paningin ni Quinn.
Kahapong magkasama sila, natuklasan niyang hindi ganoon kadali na idistansya ang sarili kay Quinn dahil ang sarili rin naman niya ang kanyang kinakalaban. Mas madali pa na pagbigyan nalang niya ang sariling mapalapit rito. Magiging Masaya pa siya sa bagay na iyon. Hahayaan nalang nga niya ang sarili total ay dalawampu’t limang araw nalang naman ang nalalabi sa kanya sa mundng iyon. Hindi man niya Makita ang hinahanap niya sa mundo ng mga tao, may maganda pa ring nangyari dahil nakilala at nakasama niya si Quinn.
At…
Natutunan niya ring umibig.
Oo, umiibig siya kay Quinn at napakahirap pakitunguhan ng damdamin na iyon. Hindi niya alam kung paano nangyari o kung kailan nagsimula pero alam niya sa sariling iniibig na niya ito. Hindi naman niya magawang sabihin kay Quinn dahil baka magbago ito sa kanya. Baka tuluyan na itong magsungit sa kanya at ang kakaunting sandali na nagkakasundo sila ay tuluyan nang maglaho.
Lumabas na si Kroen ng silid. At ganoon nalang ang ginawa ni Quinn na paghagod sa kanyang kabuuan. Mukhang nagustuhan talaga nito ang hitsura niya dahil nag-uumapaw sa paghanga ang mga mata nito.
“Tayo na?” untag niya.
Parang nabiglang napatango si Quinn.
Niyaya siya nitong sumama na dalawin ang kagagaling lang sa ospital na lolo ni Matthew. Malapit raw ito roon at parang tunay na lolo na rin ang turing.
Pumayag siya, tutal ay ayaw niyang iwan siya ni Quinn sa bahay ni Matthew.
Nauna nang umalis si Matthew sa kanila dahil may lalakadin pa daw ito bago dumeretso sa bahay ng lolo nito.
“You look great!” Puno ng paghangang sambit ni Quinn pagkasakay nila sa kotse nito.
Natuwa siya sa sarili na dinala niya ang mga magaganda niyang gamit. Napakinabangang niya iyon. O marahil, sa likod ng kanyang isip ay plano talaga niyang magpaganda lalo’t nasa paligid si Quinn. Gusto niyang magpaganda, hindi para sa miyembro ng konseho kundi para kay Quinn.
Ilang sandali pa at binabaybay na nila ang mahabang kalsada patungo sa kung saan. Hindi naman raw kalayuan mula sa bahay ni Matthew ang bahay ng lolo nito. Nakadalawang kanto lamang sila at iniliko na ni Quinn ang sasakyan. Huminto sila sa tapat ng napakataas at napakalaking gate. Sa loob noon, limampung metro mula sa gate ang isang napakalaki at animo sa tayog na mansion.
“Dito ba nakatira ang lolo ni Matthew?” tanong niya.
“Oo.” Tipid na tugon nito at bumusina sa tapat ng gate.
Lumabas ang isang unipormadong lalaki at kumatok sa bintana sa tapat ni Quinn.
“Sino po sila?” magalang na tanong nito.
“Quinn, bestfriend ng Sir Matthew mo. Bago ka lang ba?”
Napakamot sa ulo ang lalaki. “Opo. Sandali lang po at i-iinform ko po ang amo ko.”
Nawala ang lalaki at pumasok sa tila isang maliit na bahay-bahayan sa tabi ng gate. Ilang sandal pa at bumalik na ito sa kanila.
“Maari na po kayong pumasok. Pasensiya na po, trabaho lang.” Hinging paumanhin nito at binuksan ang gate.
Abo’t-abot naman ang tambol sa kanyang dibdib habang lumilibot sa malawaka na bakuran ang kanilang sasakyan bago iyon huminto sa tapat ng maklaking bahay.
Napabaling siyang muli sa malawak na hardin. Partikular sa isang bahagi. Hindi siya maaaring magkamali! Ganoon ang landscape o kung may pagkakaiba man ay kaunti lamang, landscape kung saan nakatayo ang espesyal na lagusan sa kanyang mundo.
Malawak na damuhan na may iba’t-ibang uri at laki ng mga halaman. Sa gitna ay isang malaki at matandang puno ng balete na napapaligiran ng mga batong napipintahan ng puti.
Kung nagkataong ang iba’t-ibang uri at laki ng mga halaman ay naging iba’t-ibang punong kahoy, at kung ang malaking puno ng balete ay napapaligiran ng mga bagin sa halip na mga batong napipinturahan ng puti, baka isipin na nga niyang iyon ang katumbas sa mundong ito ng lugar kung san nakatayo ang lagusan sa mundo niya.
Bumukas ang pinto sa tapat niya ngunit hindi niya iyon pinansin. “Halika na, Kroen. Ano bang tinitingnan mo diyan?”
Hindi makapaniwalang napabaling siya kay Quinn. Wala ba itong napapansin sa hardin?
Kunsabagay, ang ipininta nito ay ang malaking puno at kaunting dawag sa background. Isa pa ay iba ang hubog ng puno sa ipininta ni Quinn. Wala din iyong malaking butas sa gitna. Malabo ngang mapansin nito ang napansin niya.
Pero ang malaking tanong sa kanyang isip ay kung bakit may ganoong lugar sa hardin ng Lolo ni Matthew? Tila iyon isang bigong creation upang gayahin ang espesyal na lugar sa mundo niya.
“W-Wala. Sige, tara na.” Pihinamad ni Kroen at sumama kay Quinn papasok sa mansion.
Habang naglalakad sa malawak na tanggapan ng kabahayan ay pabilis ng pabilis ang pagtambol sa kanyang dibdib. Ang tema ng bahay!
Para iyong may haplos ng kagubatan. Ang mga paintings na nagsabit ay kadalasang nature ang tema. Ang mga banga, kung hindi man mahogany brown ay kulay berde. Nagkalat sa paligid ang mga plorerang may mga sariwang bulaklak. At ang mga upuan, korteng dahon. Mapa-single sitter o couch ay korteng dahon o di kaya ay petals ng bulaklak. Meron pa roong tila tulips bulb na upuan.
“Kung masdan mo ang kabuuan ng bahay, para kang namamanghang nakabalik sa sarili mong mundo.” Komento ni Quinn sa reaksyon niya.
“Para kasing kakaiba ang lugar na ito.”
Isang kasambahay ang biglang sumulpot mula sa kung saan at dinulutan sila ng maiinom. Mabilis din iyong nawala.
“Kakaiba?” Napaigkas ang klay ni Quinn habang inaabutan siya ng inumin. “At sayo ko pa talaga naririnig iyan, ha? Ano bang alam mo sa ordinary at sa kakaiba?”
Pinukol niya ito ng masamang tingin.
“Okay-okay.” Pagsuko nito at inabot ang sarili nitong baso. “Mahilig talaga kasi sa nature si Lolo Tim kaya ganito ang bahay niya. And guess what.” Lumagok ito ng inumin. “Siya ang may ideya ng painting na ginagamit mong portal pabalik sa mundo mo.”
“Hello there, Quinn!”
“Lolo Tim!”
Ni hindi niya nagawang lingunin ang kung sinong bumati at maging ang ginawa ni Quinn na pagsalubong roon. Abala ang utak niya sa huling sinabi ni Quinn.
‘Siya ang may ideya ng painting na ginagamit mong portal pabalik sa mundo mo.’
Bakit nga ba hindi niya naisipang itanong kay Quinn kung saan galing ang ideya nito nang iguhit ang portal? Siguro, dahil magaling na pintor ito at inakala niyang malawak ang imahinasyon nito kaya’t pati ang mundo niya ay naiguhit nito. Isa pa ay masyado siyang masaya na nakatawid siya sa mundo ng mga tao para makapagtanong pa. Hindi niya naisip na pwedeng hiram lamang ang ideya.
“And who is this beautiful lady?”
“Ah, Lolo…”
Bigla siyang nilapitan ni Quinn. Mukhang noon lang siya nito naalala. At hindi niya rin maunawaan ang sarili kung bakit ganoon nalang ang pagwawala ng mga nerves niya habang kaharap ang matandang lalaki na nakaupo sa de-gulong na upuan nito. Yayat ang katawan bagaman mahahalata pa rin ang kakisigan noong kabataan nito.
“This is Kroen, a friend of mine, lolo.”
Iginiya siya ni Quinn palapit sa matanda.
“A friend? Hindi girlfriend?” tanong pa nito.
Tawa lang ang isinagot ni Quinn.
“Marunong ba siyang managalog? She looks like a foreigner.”
Tumango si Quinn.
“Hello, hija. You are so beautiful. Para kang diosa!”
Gusto niyang ngumiti sa papuri ng matanda. Pero mas lumalamang ang pagkasabik niyang mahawakan ang maski kamay man lamang nito. Gusto niyang makasigurado habang tuluyang nataranta ang dibdib niya. Kilala ito ng puso niya, ng mga ugat niya, ng buong pagkatao niya.
Sa nanginginig na kamay ay inabot niya nag kamay ng matanda na nakapatong sa arm rest. Nang tuluyan na niya itong mahawakan ay napapikit siyang bigla dahil sa pagdagsa ng nakalimutan na nitong alaala sa mundo niya. Kaunti lang iyon pero sapat na impormasyon na ang lahat para matukoy niya kung sino ang kanyang kaharap.
Ang katotohanang may nabasa siya sa alaala nito ay patunay na nakarating ito sa mundo niya. Isa iyon sa mga kakayahan niya. Kung ang isang gamit na mahawakan niya ay nalalaman niya kung paano gamitin, ang isa namang tao na nahawakan niya at nabasa niya ang alaala ay nangangahulugan na nagmula sa mundo niya. At ang alaalang mababasa lang naman niya ay ang alaalang nalimutan ng taong iyon.
Lumaglag ang masaganang luha mula sa kanyang mga mata ng idilat niya iyon. Tila nagtataka naman ang matanda sa reaksyon niya.