Enchanted (Compilation of Lambana Stories) Chapter 16

MALUNGKOT na yumakap si Kroen kay Quinn ng hapong iyon. Nagkasundo pala ang kanyang ama at si Quinn na paghatian ang labinlimang araw na pananatili niya sa mundo ng mga tao.

Nagsinungaling siya sa kanyang ama. Hindi totoong makakabalik pa siya sa Engkantasya sa ika-isandaang araw. Dahil may nilabag siyang batas ay naging magulo na ang palugit sa kanya ng lagusan. Ang totoo, magiging abo siya, mamamatay. Pero hindi niya kayang sabihin ang tungkol doon dahil malamang na itaboy siya nito pauwi sa mundo niya. Gusto pa niyang makasama ang mga ito. Ayaw niya ring makalimutan ang patungkol sa napakagandang karanasan niya sa mundo ng mga tao.

Kung mangyayari iyon, mas pipiliin niyang mamatay nalang baon ang masasaya at magagandang alaala kasama ang mga ito. At magagawa lang niya iyon kung magsisinungaling siya. Maski paglabag ang pagsisinungaling ay ginawa niya. Ano pa bang mawawala sa kanya kung lumabag siyang muli? Naiwala na nga niya ang kanyang buhay.

“I’ll see you after eight days, promise.” Masuyong bulong sa kanya ni Quinn habang yakap siya ng mahigpit.

“Ngayon pa lang, nasasabik na ako sayo, Quinn.” Naiiyak na sabi niya.

“Gusto ko na yatang magtampo, Kroen.” Narinig niyang untag sa kanila ng kanyang ama.

Nasa likod niya ito at matiyagang naghihintay na matapos sa pagpapaalam kay Quinn. Si Matthew ay nauna na sa sasakyan. Kapag kaharap nila ang pamangkin ay di niya tinatawag na daddy ang kanyang ama, sa halip ay Lolo Tim. Iniingatan lang daw siya ng kanyang ama dahil, bilang doctor, hindi naniniwala sa kababalaghan si Matthew. Baka sa sandaling mabuksan ang tungkol sa katauhan niya ay maibulalas ni Matthew ang bagay na magpapahamak sa kanya. Kung maaari ay ayaw nga nito na masyado siyang malapit kay Matthew at baka biglang mapag-usapan ang tungkol sa mga fairytales at mapahamak pa siya.

Magandang bagay na rin na nabiyudo na ito dahil baka makadama pa siya ng galit dahil nag-asawa pala ang kanyang ama habang sila ay nangungulila rito.

“Daddy naman.” Kumalas siya kay Quinn at binalingan ang ama, mahigpit na niyakap.

“Kung yakapin mo si Quinn, para bang buong buhay mo siyang hindi makakasama samantalang walong araw lang naman kitang nanakawin sa kanya.”

“Masasabik ako sa kanya, Daddy. Alam mo po kasi, nasanay ako na siya ang palagi kong kasama. Dumepende na ako sa kanya.” Matapat na pahayag niya.

“Pwede ka nang dumepende sa akin. Daddy mo ako.”

Napakamot siya sa kilay.

“O siya. Tayo na umalis at baka mamaya, magbago pa ang isip mo at di ka na sumama.”

Tumango siya at muling yumakap ng mahigpit kay Quinn bago tuluyang sumama sa ama. May kung ilang beses pa siyang lumingon sa binata habang papaalis. Kumaway ito sa kanya na may pilit na ngiti. Ayaw niya sana itong makasama pero nais rin naman niyang makasama ang ama sa mga huling sandali ng buhay niya. Kung possible, sana, pati ang kanyang ina. Pero imposible naman iyon. Nasa magkaibang mundo ang dalawa.

PILIT ngumingiti si Quinn habang kumakaway sa papalayong si Kroen.

Walong araw.

Ngayon pa lamang ay pinag-iisipan na niya kung paano gugugulin ang walong araw na wala si Kroen. Gusto rin niyang pagplanuhan kung anong magandang gawin sa huling pitong araw na magkakasama sila.

Wala nab a talagang pag-asa na mag-extend pa iyon? Isipin pa lamang na aalis na ito at hindi na babalik ay talagang nagpapasikip sa dibdib niya. Paano siyang ngingiti na hindi ito kaharap? Paano siya mabubuhay na hindi ito kasama?

Nang tuluyang maglaho sa kanyang mga paningin ang sasakyan ni Matthew ay dagli siyang pumasok sa bahay, deretso sa work room. Doon nagkalat ang mga canvas na puro larawan ni Kroen ang nakapinta. Iba’t-ibang anggulo at lahat ay napakagaganda. Mula nang iguhit niya si Kroen ay parati nang nakakandado iyon. Hindi na niya pinapayagan si Kroen na makapasok roon.

Nilapitan ni Quinn ang isa sa mga nakasabit na painting sa dingding. Larawan ni Kroen na bahagyang naka-side view habang nakasalampak sa buhanginan at naghuhulma. Naka-net blouse ito at maigsing short.

Habang naglalaro sa buhanginan si Kroen ay wala na siyang ginawa kundi pagmasdan ito. Kaya naman, hindi na kataka-taka kung nang kinagabihan ay naipinta niya ang perpektong imahe ng lambana.

Hinaplos ni Quinn ang mukha ni Kroen sa larawan. Napaluha siya. Siguro, sa sandaling umalis si Kroen, sa mga larawang iyon nalang niya ito makikita. Hindi na niya ito mahahawakan. Hindi na niya ito mayayakap. At higit sa lahat, hindi na niya ito makakasama.

Hindi nagawang ampatin ni Quinn ang mga luhang dumadaloy mula sa kanyang mga mata pababa ng kanyang pisngi dahil sa bugso ng matinding kalungkutan. Nalaman nalang niyang yumuyugyog ang kanyang mga balikat at ang tahimik na pag-iyak ay nauwi sa paghagulhol.

“Ang sama mo, Kroen! Ang daya mo!” sumbat niya sa nakangiting larawan nito. “Bakit hindi mo sinabi sa akin na isandaang araw ka lamang rito? Bakit mo pa ako tinuruang ibigin ka kung sa huli, iiwan mo rin pala ako? Ang sama mo!”

At kahit ganoon na gusto niyang magalit sa ginawa ni Kroen na paglilihim sa kanya ng bilang ng araw ng pananatili nito sa mundo niya at maging ang pagbabago ng kanyang damdamin patungkol rito ay hindi niya tuluyang nagawang mamuhi sa lambana. Mahal na niya si Kroen. At hindi matatabunan ng sama ng loob ang pag-ibig niya rito. Isa pa, hindi rin naman siya nito inutusang mahalin ito. Kusa niya iyong naramdaman. Ginusto rin niyang mahalin ito. Dahil kahit na utusan pa siya nito, kung hindi naman niya gusto ay hindi magaganap.

Siguro rin, hindi lang nila napapag-usapan kaya’t hindi na rin nito nabanggit ang palugit na araw ng lagusan para rito. Hindi nga ba’t nung una ay sinabi niya ritong nais na niyang bumalik na ito sa mundo nito?

Tumunog ang cellphone ni Quinn na nasa bulsa. Naiinis man ay napilitan din siyang dukutin iyon.

Sino ba kasing…

Si Lolo Tim ang caller?

“Hello?”

“Quinn! Marunong na akong gumamit ng cellphone.”

Tumalon yatang bigla palabas ng kanyang dibdib ang kanyang puso pagkarinig sa excited at tuwang-tuwang boses ni Kroen.

‘Oh my God! I’m missing you like hell, already, Kroen!’

“Oo nga, ano? Sabagay, nasa nature mo ang mabilis matuto.” Natatawang sabi niya. “O, huwag mo akong masyadong mamimiss at may cellphone naman.”

Napatawa siya sa sariling biro. Parang nakikini-kinita pa nga niya si Kroen na ngumunguso.

“Ako din. Huwag mo akong masyadong kasasabikan. Ah, hindi ka nga pala masyadong masasabik dahil palagi kitang tatawagan.”

Tumawa at umiling nalang si Quinn. Alam niya, kapag sinabi ni Kroen ay gagawin nito. Pero kahit maya’t-maya pa siya nitong tawagan, hindi pa rin sapat. Mami-miss pa rin niya ito dahil iba kapag kasama niya ang lambana. Hindi na niya ibinili ng cellphone si Kroen dahil nagdesisyon siyang hindi ito hahayaang malayo sa kanyang tabi. Kaya ngayong kinailangan nitong umalis ay nais niyang magsisi na hindi pa niya ito ipinag-provide ng isang cellphone.

“Baka magtampo si Lolo Tim kapag lagi mo akong tinawagan. Dapat nag-eenjoy kang kasama niya.” aniya nalang.

Naalala ni Quinn na gusto ring bumawi ng matandang ginoo sa anak nito.

“Siya nga ang may ideya na tawagan kita para raw hindi ako gaanong masabik sayo.”

At kung saan-saan pa nauwi ang usapan nila hanggang sa mag-low battery na siya. Agad na nag-charge ng aparato si Quinn. Mamaya nga ay bibili na rin siya ng maraming extra batteries.

HALOS hindi namalayan ni Quinn na ikawalong araw na palang nasa malayo si Kroen at nagbabakasyon kasama ang ama nito. Pakiwari niya ay hindi rin umalis ang lambana dahil palagi iyong tumatawag. Kinakamusta siya at nagkukwento si Kroen ng mga bagay na ginagawa nito sa bakasyon kasama ang ama.

Animo bata si Kroen na sabik na sabik na may mapagkwentuhan ng mga kakaibang experience nito. At natutuwa na rin siya sa halip na mayamot kapag may biglang tatawag sa kalagitnaan ng pagco-concentrate niya sa pagpipinta.

Kung dati ay ayaw niya na naaabala kapag nagtatrabaho, ngayo’y tuwang-tuwa pa siya na ginagawa iyon ni Kroen.

Mula sa front porch ay sabik na sabik na naghihintay si Quinn sa pagdating nina Lolo Tim. Ngayon na uuwi si Kroen! Makakasama at mayayakap na niya itong muli. At sa bawat araw na magkakasama sila, puro masasayang alaala ang bubuuin nila. Ayaw niyang mag-isip ng tungkol sa pag-alis ng lambana dahil makakasira lang iyon sa positive vibes.

“Quinn!!!”

Malayo pa ang sasakyan ay naririnig na niya ang malakas na tili ni Kroen. Napapangiti nalang siya nang makitang nakalabas ang kalahating katawan ni Kroen sa bintana ng kotse ni Matthew at hindi magkamayaw sa pagkaway sa kanya.

At nang tuluyang huminto ang sasakyan sa tapat niya, kulang nalang ay tumalon mula sa sasakyan si Kroen, malapitan lamang siya. Namalayan nalang niyang itinapon nito ang sarili payakap sa kanya. Mahigpit rin ang naging pagyakap niya kay Kroen. Sabik na sabik siya rito.

“Alam mo bang gusto ko pang magtampo kay Kroen dahil wala na iyang bukambibig kundi ikaw habang kami naman ang magkasama?” narinig niyang reklamo ni Lolo Tim. Nakababa na din ito ng sasakyan.

Nakangiti ang matanda at hindi naman nagbabadya ng pagtatampo na tulad ng sinabi nito. Kumalas sa kanya si Kroen.

“Kayo naman… huwag na po kayong magtampo. Walong araw din tayong magkasama, hindi ba?”

Tumawa ang matanda.

“Malaki ang isinigla ni Lolo Tim dahil sa pagbabakasyon natin, Kroen. Salamat.” Sabi ni Matthew.

“Hindi mo kailangang magpasalamat, Matthew. Gusto ko rin naman siyang makasama.”

“Bakit kaya hindi muna tayo pumasok sa loob?” sabad naman niya.

“Naku, hindi na.” tanggi ni Lolo Tim. “Kailangan na din naming umuwi ni Matthew. Palagay ko ay kailangan niyo ding magkasarilinan. Inihatid lang talaga namin si Kroen. At… Quinn?”

“Po?”

“Alagaan mo ang an… si Kroen. Sayo ko siya inihahabilin hanggang sa pag-alis niya.”

Sunod-sunod na tumango si Quinn. “Kahit hindi niyo pa po sabihin ay gagawin ko.”

Matapos ang mahabang paalaman ay umalis na rin sina Lolo Tim at Matthew. Binitbit naman niya ang mga bagahe paakyat sa silid ni Kroen, kasama ito. Habang ginagawa iyon ay hindi magkamayaw sa pagkukwento si Kroen…

“At alam mo ba? Sumakay kami ni Matthew sa… cable car ba iyon? Basta! Tapos kumain kami dun sa restaurant sa tuktok ng tower. Yung restaurant na umiikot. Ipinasyal ako ni Matthew sa mga magagandang pasyalan sa Korea habang tulog si Ama. Ang saya! Parati nalang tulog si Ama. Napapalagpas niya tuloy ang mga magagandang bagay. O baka kaya ganun ay dahil malulain siya kaya tumutulog nalang siya kapag nagyayaya si Matthew. Nasabik din ako sa mga matataas na lugar. Dati ay nakakalipad ako pero hindi na ngayon dahil nasa anyong tao ako.”

Hindi na siya magtataka kung nagawang makalabas ng bansa ni Kroen. Napakayaman at napakamaimpluwensyang tao ni Lolo Tim. Malamang na pinagawan nito ng paraan ang mga dokumento ni Kroen sa mabilisang panahon.

“Kung ganon, si Matthew pala ang kasama mong mag-enjoy?”

Humigpit ang kapit ni Kroen sa braso niya at nakangusong tiningala siya habang umaakyat sila ng hagdanan.

“Huwag mong sabihing naninibugho ka pa din sa kanya?”

Nakangiting tumango siya. Ang totoo, dati talaga ay nagseselos siya sa kanyang bestfriend. Pero ngayon ay hindi na. Panatag na ang loob niyang mapalapit itokay Matthew.

“Quinn naman! Pamangkin ko si Matthew! Bakit ka nagseselos?”

Tumawa siya ng malakas at pinisil ang ilong ni Kroen. Ang cute nito!

“Sabi ko nga, hindi talaga ako dapat na magselos dahil ako naman talaga ang gusto mo.” Nanunuksong hayag niya rito. Nasa tapat na sila ng silid nito.

Pinamulahan si Kroen. Para itong nasukol na daga. Ah hindi, napakaganda naman nito para maikumpara sa isang daga lamang.

“Hindi lang kita gusto, Quinn. Iniibig kita.”

Kung sa ibang pagkakataon ay baka na-corny-han siya sa ginamit na salita ni Kroen. Pero sa mga sandaling iyon, kilig ang naramdaman niya. Para pa ngang lumulutang sa alapaap ang puso niya. Napakasarap sa pandinig ang sinabing iyon ni Kroen.

Sasagot nalang sana siya nang may mag-door bell. Napatingin siya sa nakasaradong main door. Wala naman siyang inaasahang bisita. Matagal na rin niyang sinabihan ang caretaker niya na huwag nang pupunta roon kung hindi niya sinasabi.

“Magbihis ka muna, Kroen. Tapos, bumaba ka para sabay tayong kumain, okay?”

Saglit na dumaan ang lungkot sa mga mata nito. Alam niya kung bakit. Hindi niya nasagot ang huling sinabi nito.

Kinabig ni Quinn si Kroen sa bewang. “And I love you. I love you more than you know.” Mabilis na kinintalan niya ito ng halik sa noo habang sunod-sunod ang pagtunog ng door bell sa ibaba.

Bumaba na siya para pagbuksan ang kung sinong unexpected na bwisita.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.