“MARGA?”
Walang pakundangang pumasok ang babae sa loob ng bahay ni Quinn na para bang pagmamay-ari nito iyon.
“Anong ginagawa mo rito?” singhal niya.
“I heard, second cousin raw ni Matthew ang muchacha mo? Totoo ba?” matalas na hayag nito sa halip na sagutin siya.
Nag-init ang ulo niya. Kung dati ay napapagtiisan pa niya ang ugali nito dahil wala naman siyang pakialam sa existence nito maski pa kulang nalang ay maghubad ito sa harapan niya, pansinin niya lang. Ngayon ay parang nais niyang pagsisihan na pinakiharapan pa niya ito ng maayos noon.
“Magdahan-dahan ka sa pananalita mo, Marga. Hindi ko gusto ang inilalabas ng bibig mo.” Banta niya.
Mayaman ito, fashionista at nabibilang sa alta-sosyedad na tulad niya. Pero ang pag-uugali nito ay mala-burak—nakakasuka!
Saglit na tila umamo ang mukha ni Marga nang bumaling sa kanya. “I’m sorry. Nagtataka lang talaga ako kung paanong naging katulong mo ang pinsan ni Matthew na taga England pala. At fluent managalog, ha?”
“May Filipina blood siya.” Puno ng kasiguraduhang saad niya. After all, anak ito ni Lolo Tim. Siguro ay ganoon lang talaga kagaganda ang mga lambana.
“Fine!” Marga rolled her eyes. Saglit pa at nagmasid na naman ito sa buong paligid. Nairita na naman siya. Kung hindi lang kabastusan ay gusto na niya itong paalisin.
“So, nagpunta ka lang ba rito para itanong iyon?”
“What is this?” balik tanong nito na dinampot ang isa sa mga printed research papers niya.
Habang wala si Kroen ay inabala niya ang sarili sa pagpipinta at pagre-research patungkol sa mga lambana. Umaasa siyang baka may paraan pa para maantala ang pag-alis nito. Ibibigay niya ang lahat, kapalit ng pananatili ni Kroen sa mundo niya.
Isang larawan ng kauri ni Kroen at may caption pa ang hawak ni Marga at binabasa. Dagling hinablot niya iyon mula rito.
“Do you believe in that crap?” nang-uuyam na tanong ni Marga.
Animo nag-flash back naman sa alaala niya ang sinabi ni Lolo Tim sa kanya noon.
‘Ilayo mo si Kroen sa mga taong hindi naniniwala sa mga tulad niya.’
“Don’t ever say it again, Marga!” He snapped on hers.
“But why?” natatawang tanong nito. “Don’t tell me naniniwala ka talaga sa mga ganyan kaya nag-research ka pa talaga? Come on, Quinn?”
“Sinabi ko nang tumigil ka na!” sigaw na ni Quinn kay Marga.
“And so I thought, I was immature and impossible.” Patuloy pa nito. Waring tinutulak siyang magalit ng tuluyan.
“Believe me, hindi mo magugustuhan kapag nagalit ako, Marga.”
“At nagagalit ka dahil nilalait ko ang pinaniniwalaan mong fairies?” Tumawa ito na tila nanlilibak. “You knew that they weren’t real, Quinn. Mga bata lang ang naniniwala sa kanila.”
Napatingin siya sa may hagdanan. Pababa na pala si Kroen. Nakatutop ang isang kamay nito sa may sintido habang namumutla ng sobra na para bang nanghihina!
Nataranta ng husto si Quinn! Baka mahulog si Kroen!
“I don’t believe in—”
Maagap na tinakpan ni Quinn ang bibig ni Marga bago pa man nito sambitin ang bagay na ikapapahamak ni Kroen. Pagkuway isinalya niya ito sa couch at animo ipu-ipong tinakbo ang tuktok ng hagdanan na kinaroroonan ni Kroen. Kamuntik na niyang hindi inabot ang lambana nang tuluyan itong manlambot sa kinatatayuan. Kandakumahog na ipinasok niya si Kroen sa silid nito at inihiga sa kama.
“Kroen! Kroen! Please, open your eyes… Say anything… I wanna know if you’re okay. Do you hear me? Come on, please, open your eyes, sweetheart… Say something…”
Nataranta na siya ng tuluyan nang hindi gumagalaw o nagbibigay maski anumang senyales na naririnig siya nito.
“Kroen!”
Napaiyak na siya at niyakap ng mahigpit ang katawan ng lambana, mahigpit. Mas gugustuhin pa niyang malamang hinigop ito ng lagusan kesa malaman na napahamak na ito ng tuluyan.
“Quinn…” paanas na sambit ni Kroen sa pangalan niya.
Nabuhayan siya ng loob. Inihiga niya itong muli at hinawakan ng mahigpit ang isang kamay nito na para bang doon nakasalalay ang buhay ni Kroen.
“Anong nararamdaman mo? May masakit ba?” Natutulirong tanong niya.
Idinilat ng lambana ang mga mata ngunit saglit lang iyon. Muli itong pumikit.
“Nanghihina ako… kailangan ko ng… pahinga.” At nawalan ng pwersa ang kamay nitong hawak niya. Muli siyang nataranta. Subalit pinilit niyang huminahon. Kinumbinsi niya ang sarili na magiging maayos lang si Kroen at totoo ang sinabi nitong kailangan lang nito ng pahinga.
Inayos niya ang pwesto nito sa kama at kinumutan. Ayaw pa sana niya itong iwan pero naalala niya si Marga. Kailangang mapalayas na niya ang babaeng iyon.
Mabilis na bumaba si Quinn at natagpuan si Marga na hinihimas ang balakang nitong marahil ay nasaktan dahil sa pagkakasalya niya.
Nagdilim ang mga paningin niya.
“Lumayas ka sa pamamahay ko!”
Dumadagundong sa buong kabahayan sa lakas ang tinig ni Quinn. This time ay galit na galit na talaga siya sa babaeng ito. Napatayo naman si Marga.
“At ikaw pa ang may ganang magalit sa akin matapos ang ginawa mo? You are really, really impossible, bastard!”
Hinaklit niya ang braso ni Marga. Napakadumi ng bunganga nito. Hindi niya gawaing manakit ng babae pero sa ginagawa ni Marga ay pinipilit siya nitong maging marahas. Hindi niya ito mapapatawad kung may mangyaring masama kay Kroen. Sa kabilang banda ay inosente naman nga ito dahil hindi nito alam kung ano ang kalagayan ni Kroen. Pero sigurado rin siya na kung malalaman nito ang ikapapahamak ng lambana ay tiyak na lalo nitong gagawin.
“Lumayas ka!” nanlilisik ang mga matang asik niya rito. “And don’t dare come back again! Ayoko nang makita ka! Wala akong kainte-interes sayo at akala ko ay alam mo na iyon!”
“No! Hindi ako naniniwala!” sunod-sunod n ailing nito. “Sinasabi mo lang iyan para saktan ako at para layuan na kita. But I won’t give up on you. Alam kong gusto mo rin ako. You are nice to me, back then. Kung hindi lang dumating ang—”
“Dala lang ng magandang asal ang pagiging mabuti ko sayo. Pero ngayon ay pinipilit mo akong maging bastos. And so, you heard it right. Gumising ka na mula sa kahibangan mo! Hindi kita gusto at hindi kita magugustuhan!”
Tila nasampal ito sa reaksyon nito.
“At gusto ko ring malaman mo na pakakasalan ko na si Kroen, anytime soon… so,” Lumingon siya sa pinto. “OUT!”
Nagmamartsang lumabas na si Marga. Siya naman ay nahahapong sumalampak sa couch. Kung nagtagal pa iyon ng kaunti ay baka makita nalang niya ang sarili na sinasakal ito.
Muli ay ipinasya ni Quinn na balikan si Kroen sa silid. Ngunit ganoon nalang ang pagkagimbal niya matapos mapagbuksan ang hindi inaasahang eksena:
Isang lalaki ang nasa akmang bubuhatin si Kroen.
Sino ito? Paano itong nakapasok roon ng di niya namamalayan? At bakit nito kikidnapin si Kroen?
“Sino ka?!” gimbal na sigaw ni Quinn sa estranghero.
Nagulat na napabaling ito sa kanya. At ganoon nalang ang pagkatulala niya dahil noon lang niya na-analisa ang hitsura nito.
Anyong tao rin ang estranghero, walang kakaiba maliban sa sense of fashion nito. Hindi niya iyon napansin kanina dahil nakayukod ito. Pero ngayo’y kitang-kita na niya kung alin ang kakaiba.
Yari sa abaka ang pang itaas nito na gula-gulanit at nagmistulang vest na lamang dahil walang kahit na anong panara. Kitang-kita kung gaano katikas ang pangangatawan. Parang gusto niyang muling mag-work out at baka matalbugan nito ang kakisigan niya.
Tila bahag ang pang-ibaba nito na yari din sa abaka. Ang katawan nito, braso at binti ay napupuluputan ng bagin. Sa kaliwang pisngi ay may marka ng kumikinang na kulay gintong dahon. At ang mga mata nito, noon lang niya napansin na kulay violet ang mga iyon.
Sino ba ito?
Napabaling siya sa nagliliwanag na lagusan. Hindi kaya…?
Pero hindi naman full moon, paano ito nakatawid?
“Kailangan ko nang iuwi si Kroen, kung hindi ay mapapahamak siya rito sa mundo ninyo.” Maawtoridad na saad nito. “Ako si Erastus, miyembro ng konseho. Ang mga tulad ko ay nakakatawid sa lagusan, anumang sandali na naisin namin. Isa pa, kusang nagbubukas ang lagusan anumang sandali na lapitan ni Kroen dahil sa kanyang taning na panahon rito.” Paliwanag ng estranghero marahil ay napansin na nagigimbal siya. “Dapat ay mas maaga akong nakatawid pero nakipag-komperensiya pa ako sa mga kasamahan ko. Kung napaaga sana akong tumawid ay hindi sana naganap ang ganito kay Kroen.”
Napatanga nalang siya.
“Teka, kung miyembro ka man ng kung anuman, sa palagay ko, dapat pa rin na aware si Kroen sa gagawin mong pagkidnap sa kanya. May karapatan pa din siyang magdesisyon para sa kanyang sarili kung kailan niya gustong umalis.”
“Malapit kami ni Kroen sa isa’t-isa at ginagawa ko ito para sa kabutihan niya.”
“Pero isandaang—”
“At kailan pa ba siya magdedesisyon? Kapag napahamak na siya?”
“Pangako, hindi na mangyayari ang ganito.” Paggigiit niya. Hindi yata siya makakapayag na basta nalang kukunin ng nilalang na ito ang walang malay na katawan ni Kroen. “Poprotektahan ko siya. Hindi ko na hahayaang mapahamak si Kroen. Ilalayo ko siya sa mga taong hindi naniniwala sa mga tulad ninyo.”
“Hindi ganoon kasimple ang lahat, tagalupa.” Seryosong saad ni Erastus. “Ang pag-antala mo sa pag-uwi niya sa mundo namin ay isang hakbang na para maitulak mo siya sa kanyang kamatayan.”
Nagimbal si Quinn. “Ano bang ibig mong sabihin? Di ba’t isandaang araw ang palugit niya rito sa mundo namin?”
Malungkot na umiling si Erastus. “Nabawasan ang palugit niyang panahon rito dahil sa nilabag niyang sagradong batas.”
‘Batas? Alin? Ang paghalik o ang pagsisinungaling?’
Gusto niya tuloy pagalitan si Kroen kapag nagkamalay na ito. Bakit pa kasi ito lumabag sa mga batas ng mundo nito? Tuloy ay mapapahamak ito.
“Kamatayan ang kaparusahan.”
Nanlaki ang mga mata niya sa mga narinig.
“Pero may paraan pa para mailigtas mo siya, tagalupa. Pabalikin mo siya sa mundo namin bago o sa ika-siyamnapu’t limang araw niya rito.”
Kung ganoon, dalawang araw nalang mula ngayon?
“P-Pero…”
“Alam kong hindi uuwi si Kroen dahil sayo. Gustong-gusto ka niyang makasama. Kaya’t nakikiusap ako. Pauwiin mo na siya bago pa man siya mapahamak. Ipaubaya mo na siya sa akin, tagalupa.”
‘Ipaubaya?’
Napabaling siya kay Erastus. Tama ba ang narinig niya?
“May damdamin ka ba para kay Kroen?” nagdududang tanong niya.
Nang tumango ito ay bumangon ang galit at selos mula sa dibdib niya. Hindi kaya nililinlang lang siya nito para mapasakamay nito ang lambana?
“Hindi kita nililinlang. At nauunawaan ko kung nagdududa at may puot ka sa akin.”
Napamulagat si Quinn. Nababasa ba nito ang kanyang iniisip?
“At tama ka, nababasa ko ang iniisip mo. Isa iyon sa mga espesyal na kakayahan ng tulad ko. Derekta ko ring sinasabi sayo na iniibig ko ang lambanang ito. At hindi ako makakapayag na mapahamak siya. Poprotektahan ko siya sa abot ng aking makakaya.”
Tinunghayan nito si Kroen, payapa at walang kamalay-malay sa malapit ng magsiklab na digmaan sa loob ng kanyang dibdib.
“Hindi ako makakapayag na ibuwis niya ang kanyang buhay dahil sa kahibangan niya sayo.”
Tumalikod si Erastus at humarap sa lagusan. “Sa iyo ko iiwan ang pagpapasya. Sayo magmumula ang desisyon ni Kroen kung babalik siya sa mundo namin bago ang nakatakdang panahon. Alam kong uuwi siya kung ikaw ang magtataboy sa kanya. Alam ko rin na ikaw ang dahilan kung bakit nais pa niyang manatili rito. Tapos na ang kanyang misyon subalit ang pag-ibig niya sayo ay hindi matatapos. Maliban nalang kung ikaw na mismo ang magtutuldok noon.”
Bumaling muli si Erastus sa kanya. Namangha na naman siya. Sa pagkakataong iyon ay maayos na ang pananamit nito. Cargo shorts at T-shirt. Walang panama ang mga beach model sa kalibre ng estranghero maski ganitong nakadamit pa ito. At nais na naman niyang magngitngit. Paano kung maisip ni Kroen na mas gwapo ito kesa sa kanya?
Biglang naglaho si Erastus. Nagpalinga-linga siya para hanapin ito.
“Nasa paligid lang ako tagalupa. Hindi ako aalis na hindi ko kasama si Kroen.
“QUINN!”
Nagising si Kroen na katabi sa kama si Quinn. Nakayakap pa ito sa kanya. Saglit lang ang pagkagimbal niya dahil nang magmulat ito ng mga mata ay agad na ngumiti sa kanya. Napangiti rin siya. Napakasarap palang gumising na ang gwapong ngiti nito ang mabubungaran sa umaga.
“Mabuti naman at gising ka na. Akala ko ay matutulog ka nalang hanggang sa huling araw mo rito.”
Napakunot-noo siya. “Ilang araw na ba akong natutulog?”
“Pangalawang araw nasana ngayon. Maigi at nagising ka na. Maghapon at magdamag kang tulog kahapon.” Tumayo si Quinn. “May gusto ka bang kainin?”
Parang may kakaiba kay Quinn. Bakit kahit nakangiti ito ay tila ba kulang ito sa sigla? Siguro dahil malapit na ang pag-alis niya. Maigi nang ang alam nito ay aalis siya kesa pinatawan ng kamatayan.
“Hindi ako nagugutom.” Umiling pa siya.
“Ganun?” nagkibit-balikat ito. “Ano ang gusto mong gawin na kasama ako? Gawin na natin?”
Bumangon siya at bumaba sa kama saka niyakap ang binata.
“Isa lang ang gusto ko, ang makasama ka.”
Gumanti ng yakap si Quinn sa kanya. Mahigpit, na para bang iyon na ang huling pagkakataon na mayayakap siya nito.