NAKANGITING lumapit si Kroen sa nagtatakang gwapong lalaki.
“Anong pangalan mo?” malambing na tanong niya at nag-alay ng matamis na ngiti sa kaharap.
Umigkas naman ang kilay ng lalaki. “Quinn.” Matipid na tugon nito.
“Ah! Ikinagagalak kitang makilala. Siyanga pala, nasaang lugar ba ako?” Nagpalinga-linga sa paligid si Kroen.
Malamlam ang liwanag sa loob ng silid na iyon. Makalat, puro lata ng pintura, bras na pampinta, mga papel, lapis, pluma at mga malalaking canvas (hindi ko alam ang tagalog sa canvas, ginawa ko na ang lahat para isipin pero hindi ko talaga maisip) na karamihan ay may nakaguhit na larawan. Sa isang bahagi ay may nagtambak na blankong canvas. At maliit na eleganteng mesa. Nakaamoy si Kroen ng masarap. Mabilis na lumapit siya sa mesa at inabot ang bote ng mamahaling inumin, binuksan niya iyon at inamoy. Napakasarap ng amoy!
“Maaari bang tikman ko ito? Amoy masarap!” humihingi ng pahintulot na tanong ni Kroen kay Quinn.
“Sandali lang Miss!”awat ni Quinn sa kanya. “Saan—”
“Hindi ako si Miss. Ang pangalan ko ay Kroen.” Putol niya sa sinasabi ni Quinn.
“Okay, okay!” tila sumusukong saad ng binata. “Saan ka ba nanggaling? Paano ka nakapasok sa work room ko? Dito sa bahay ko?”
“Bahay mo pala ito.” sabi niyang nagmasid-masid muli sa paligid hawak pa din ang bote ng inumin. “Masyadong maliit at ang dilim.” Komento niya.
Tila hindi nagustuhan ni Quinn ang sinabi niya base sa pagdilim ng mukha nito. “Wait until you see the whole house. Work room ko lang ito.”
Hindi niya gaanong naintindihan ang sinabi ni Quinn dahil sa banyagang salita nito. May ilan din naman siyang nalalamang banyagang salita dahil dumadaan sila ng mga kaibigan sa natural na lagusan at nakikisalamuha sa mga tao pero limitado ang abot ng kanyang kaalaman.
Palagay niya, base sa ekspresyon ni Quinn ay idinedepensa nito ang bahay laban sa komento niya.
“Ang ibig kong sabihin, maaari na ba akong makatikim nito?” Inilahad niya ang boteng hawak. Ganoon ang iniaalay ng matandang babaeng nakatira sa malaking bahay na malapit sa malaking umbok ng lupa na siyang natural na lagusan ng mga tulad niyang lambana. Madalas din silang pumasok sa malaking bahay at mang-umit ng mga inumin na naiiwan sa mga dambuhalang baso. “Alam mo kasi, paborito kong inumin ito. Minsan lang ako makainom ng ganito, kapag may nag-aalay…” Nahinto sa pagsasalita si Kroen. Nakatawid na siya sa mundo ng mga tao. Bakit may naaalala pa din siya mula sa daigdig nila?
Hindi kaya, dahil kalahating tao at kalahating lambana lamang siya?
“Paborito mo ang red wine?” narinig niyang tanong ni Quinn. Tumango siya. “At ang ibig mong sabihin ng nag-aalay ay nagbibigay?” Tumango siyang muli. “Saan ka ba nanggaling? Paano ka nakapasok rito? Bakit ganyan ka manalita?” Hinagod nitong maigi ang hitsura niya. Napahawak naman siya sa mukha at sa tenga. Sigurado siyang normal na anyo ng isang mortal na ang hitsura niya kaya’t bakit ganoon nalang ang pagtataka nito habang hinahagod siya ng tingin. “Pupunta ka ba sa party?”
Napatingin din si Kroen sa kanyang sarili. Ganoon ang kasuotan niya sa araw-araw. Pupunta man siya sa pagdiriwang o hindi.
“Oo. Mamaya pa naman, kapag kabilugan na ng buwan sa kalagitnaan ng gabi. May sarilinang pagdiriwang kami ng mga kaibigan ko.”
“Ah, intimate party.” Anito. “Pero palagay ko ay nagkamali ka ng lugar na pinasok. Hindi ito ang party place ninyo ng mga kaibigan mo at tapos na ang twelve midnight.” Umakto itong lalapitan siya at hahawakan. “Paano ka bang nakapasok rito? Taga saan ka ba?” naiinis at nagtatakang tanong nito.
“Taga ‘Engkantasya’ ako. At dito ako dinala ng lagusan. Diyan sa lagusan ako dumaan.” Itinuro niya ang larawan ng malaking puno na dinaanan niya.
Salimuot naman ang mukha na lumapit si Quinn sa may pinto na pinanggalingan nito na para bang naaasar sa sagot niya. Tumayo ito roon at binalingan siya. “Pwes! Dito ka din dadaan palabas ng work room ko! At sa malaking pintuan ka naman dadaan palabas ng bahay ko! Now! Leave!” Mataas ang boses na saad nito sa kanya.
Nagulat si Kroen sa karahasan ng boses ni Quinn. “Sandali lang Quinn. Hindi ako diyan dumaan. Dito sa lagusan.” Pilit niyang itinuturo ang larawan ng malaking puno. “Taga Engkantasya ako at dito ang daan pabalik sa mundo namin. Pero hindi pa ako pwedeng umuwi dahil—”
“Miss? Pwede ba—”
“Inuulit ko! Hindi Miss ang pangalan ko. Kroen! Kroen ang pangalan ko!”
“O sige! Kroen na kung Kroen.” Naihilamos ni Quinn ang kamay nitong may natuyong pintura. “Kroen, pwede bang umalis ka na dito sa bahay ko? Inaabala mo ako sa trabaho ko. Ala-una na ng madaling-araw at kailangan ko na ding matulog. Kakatapos ko lang sa isa kong master piece at kailangan ko nang pahinga para makapagtrabaho bukas.”
“Ala-una na?” nagtatakang tanong niya. Ah, magkaiba nga pala ang oras sa daigdig nila kumpara sa oras sa daigdig ng mga mortal.
“Oo, ala-una na. Ibigsabihin, dapat na kanina pa akong natutulog. At ikaw, dapat na kanina ka pang nandoon sa intimate party na sinasabi mo.
“Ano ba ‘yung master piece? At ano ‘yung trabaho?” nagtatakang tanong niya matapos maalala ang mga pinagsasasabi nito.
Pinandilatan siya ng mga mata ni Quinn. Tila hindi makapaniwala sa tanong niya. “Nagpipinta. Iyon ang trabaho ko.” Anito.
Hindi naman niya itinatanong kung ano ang gawain nito. Ang gusto niya ay ipaliwanag nito ang ibigsabihin ng sinasabi nitong master piece at trabaho.
Lumapit ito sa kanya, hinawakan ang isang braso niya at iginiya siya palabas ng pinto, bitbit pa din niya ang bote ng masarap na inumin. Sa pagkamangha ni Kroen ay marami pang pinto sa pasilyong dinaraanan nila. Nagmamasid-masid siya sa paligid habang iginigiya paalis ni Quinn. Bumaba sila sa napakalaking hagdanan at natambad sa kanya ang napakagagandang upuan, mesa at mga gamit sa bahay. Dumeretso sila sa malaking pintuan at binuksan iyon ni Quinn pagkuway iginiya siya palabas. Isasarado na nito ang pinto nang makabawi siya. Pinalalayas siya ni Quinn!
“Sandali!” Bago pa man siya makapagsalita ay sumarado na ang pinto. “Huwag mo akong paalisin! Kailangan ko ang lagusan! Utang na loob! Ibigay mo sa akin ang lagusan!” Kinalampag ni Kroen ang malaking pintuan. “Quinn! Buksan mo ito! Papasukin mo ako! Quinn!!!”
“Pupunta ka sa party hindi ba? Pumunta ka na sa party na pupuntahan mo.” Narinig niya ang paasik na tinig ni Quinn sa likod ng pinto.
“Pero paano ako pupunta? Nasayo ang lagusan pabalik sa Engkantasya?” Kinalampag na naman niya ang pinto. “Nasayo ang larawan ng lagusan. Doon ako nagmula.”
“Pwede ba, kung nababaliw ka na, huwag ako ang idamay mo sa kabaliwan mo! Paano kang manggagaling sa painting?”
“Pero iyon ang totoo!” giit niya habang kinakalampag ang pinto. Napatingin siya sa hawak na bote, pagkuway sa salaming bintana ng bahay. Ah, uubusin muna niya ang laman ng bote at iyon ang gagamitin niyang pambasag sa bintana.
NABUBUWISIT na lumayo si Quinn sa malaking pintuan. Napagod na siguro ang baliw na babaeng iyon at biglang tumahimik. Siguro ay umalis na iyon. Pero saan naman kaya iyon pupunta? Sa pagkakaalam niya, kalahating kilometro pa ang lalakarin nito bago makarating sa susunod na bahay.
Naroroon siya sa rest house niya sa San Juan, Batangas. Nabili niya ang malaking property na iyon sa isang pamilya na nag-migrate na sa New York. Malawak-lawak ang property na may mga tanim na niyog at mangga. Sa di kalayuan ay dagat na. At siyempre, ang mga kilalang resort sa lugar. Nagpasya siyang sa rest house gawin ang mga trabaho niya para sa susunod na exhibit. Hindi niya magawa iyon sa kanyang condo sa Quezon City dahil nadi-distruct lang siya kapag biglaang dadating si Marga at ang iba pang babae na parating nangungulit sa kanya.
Napailing si Quinn. Paanong may nakapasok sa loob ng bahay niya sa ganoong alanganing oras? Naka-lock ang lahat ng pinto at bintana, saan ito dumaan?
Naalala niya ang sinabi nitong nanggaling daw ito sa painting niya.
Napapalatak na naman si Quinn, sayang ang babae. Napakaganda noon pero mukhang may sayad. Nakatakas kaya iyon sa mental? Pero bakit maganda ang damit noon? Mukhang elegante.
At kaninang tinititigan niya ito mula ulo hanggang paa at pabalik ay natuon sa mga mata noon ang kanyang atensyon. Paanong hindi? Malamlam na asul ang mga mata ng magandang babae. Maganda ang hubog ng katawan noon, maganda ang pananamit, maputi at napakakinis ng balat. Sobra ang pagpipigil niya sa sariling haplusin ang likuran nito nang tumalikod sa kanya si Kroen—kung iyon man nga ang pangalan nito. Nakahantad kasi ang maputi at makinis nitong likod.
Kung contact lenses lamang ang mga asul na mata ng babae, magagawa bang magsuot ng isang baliw ng ganoon? Baka nga nagmula pa ito sa de-klaseng pamilya. Mukha iyong may lahi. Kahit sino ay ganoon ang iisipin kung hindi lamang ito magsasalita.
Dahil kapag ganoong nagsalita na si Kroen, walang duda na may deperensiya ito sa pag-iisip. Sinong nasa matinong kaisipan ang magsasabi na nanggaling siya sa loob ng painting? At Engkantasya? Saan ba may lugar na ganoon ang pangalan?
Sa England? Ah, Enchanted Mazed Garden ang naiisip niya kapag naaalala ang England. Doon siya kumuha ng motivation na magpinta muli na nature ang theme.
Nagsimulang umakyat si Quinn sa malaking hagdanan pabalik sa kanyang silid. Kailangan na niya ng pahinga. Uubusin sana niya ang red wine para may tumulong sa kanyang makatulog ng maayos pero naalala niyang bitbit nga pala iyon ng baliw na babae. Siguro, sapat na ang kanyang pagod para makatulog ng maayos.
Ilang araw na siyang hindi makapag-concentrate sa ibang larawan na iguguhit dahil parati niyang iniisip ang larawang ibinigay sa kanya ng grandfather ng kanyang bestfriend na si Matthew—si Lolo Tim. Bago daw ito mamatay ay hinihiling nito na iguhit niya ang larawan na ini-sketch nito sa isang bond paper. Idiniscribe din noon ang bawat shade ng kulay ng larawan. Kaya lang, nang magkaroon siya ng exhibit sa ibang bansa at makabalik sa Pilipinas ay hindi niya matandaan kung saan ba niya nailagay ang sketch na iyon. Hindi naman niya magawang hilingin sa matanda na mag-sketch itong muli dahil pahina na ng pahina ang katawan noon. Halos doon na nga ito sa ospital tumira para lang madugsungan ang buhay nito. Kung hindi lang iyon multi-billionaire businessman na nahihiga sa salapi, baka matagal na iyong sumakabilang buhay.
At dahil nakapangako siya sa matandang ginoo, araw-araw niyang pilit iniisip kung ano ang eksaktong larawan na gusto noong ipinta niya. Kahit nabuo na niya ang larawan, nalapatan ng mga tamang kulay, sa tuwing tititigan niya ang painting ay tila may malaki pa din iyong kulang. Hanggang ngayong gabi, naalala niyang may malaking butas nga pala ang katawan ng puno. Kaya nga muli niyang binalikan ang painting at nilagyan ng nawawalang detalye.
Hindi niya maipaliwanag ang kakaibang ligaya ng matapos niya ang kanyang master piece. Sa wakas ay maibibigay na niya sa matandang ginoo ang kaisa-isang regalo na hiniling nito sa kanya. Babalik na sana siya sa silid niya nang maalala ang wine na nilalantakan niya kaninang bago magpinta nang mabuglawan naman ang magandang babae. Ganoon nalang ang pagkagulat niya sa biglaang paglitaw ni Kroen sa work room niya.
Naudlot sa pag-iisip si Quinn nang marinig ang malakas na kalabog mula sa ibaba ng living room. At nasundan iyon ng isa pa. Ganoon nalang ang galit niya pagkakita sa nabasag na panel window at ang malaking bato na nakapasok sa loob. Iyon marahil ang ginamit nang salarin para basagin ang bintana niya. Isang malakas na kalabog muli ang narinig niya kasabay ng pag-itsa ng isa pang malaking bato.
At natuluyan nang naalis ang bintana niya.
Lalo siyang nagulantang nang makitang pumapasok si Kroen sa nabasag na panel window. Ito malamang ang may kagagawan noon. Dali-daling bumaba siya sa hagdanan at sinalubong ang baliw na babae.
“How dare you!” angil niya sa baliw na babae.
Ngumiti ito. “Hindi pala kayang wasakin ng bote ang bintana mo kaya kumuha nalang ako ng bato. Masarap pala talagang maging tao. Nagagawa ko nang buhatin ang malalaking bagay na dati, hindi ko nabubuhat.” Parang walang anumang saad nito matapos makapasok.
Hindi makapaniwalang tinunghayan niya si Kroen pagkatapos ay ang mga bagay na binasag nito. Ang gusto talaga niyang ipagwala ay ang pambabalewala nito sa reaksyon niya sa mga ginawa nito, makapasok lamang muli sa bahay niya.
“Idedemanda kita! Trespassing and distruction of property!” nabubwisit na bulalas niya at dinuro ang noo nito.
Hanggang dibdib niya lang si Kroen, maliit lang ito at kayang-kaya niya itong isalya palabas ng bahay niya. Pero hindi siya ganoon kabayolenteng tao maski pa naninira na ito ng ari-arian niya. She was still a woman. Hindi niya ugaling pumatol sa babae gaano man ito nakakabwisit sa kanyang paningin.
“Ahm? Maganda ba iyon?” kunot-noong tanong nito.
Lalo niyang ninais na maghurumentado. Kaunting sandali pa na makasama niya ang babaeng ito ay baka masiraan na siya ng bait! Anong klaseng tao ba ito? Hindi naman ito mukhang nasisiraan ng ulo. Sa totoo lamang ay natural na natural ang kainosentehan ng mukha nito. Kahit sinong magaling na artista ay hindi magagawa ang ganito ka-natural na kainosentehan. Nararamdaman naman niyang totoo ang pagka-clueless nito sa mga sinasabi niya, pero paanong nangyari? Hindi naman siguro ito ngayon lang ipinanganak sa mundo para mawalan ng muwang sa paligid.
“Kroen.”pilit nagtitimping usal niya. “Ano ba talaga ang kailangan mo?”
Nagbabakasakali si Quinn na kung ibibigay niya ang gusto nito ay lulubayan na siya nito.
Gusto na niyang matulog!
“Ang lagusan!” bulalas nito. “Ibigay mo sa akin ang lagusan!”
Napamaang siya. “Ano bang lagusan? Ito na nga o?” Nasasagad na lumapit siya sa main door. “Ito lang ang lagusan palabas ng bahay ko!”
“Hindi iyan!” giit nito.
Nagmamadaling umakyat ito ng hagdanan at bumalik sa pinanggalingan nila. Namangha siya. Kung baliw ito, paanong matatandaan nito kung saan sila nanggaling kanina? Binuksan ni Kroen ang work room niya at nagmasid. Tila may hinahanap. Napadako ang paningin nito sa painting na ireregalo niya kay Lolo Tim at nilapitan iyon. Saka bumaling sa kanya.
“Ito! Ito ang lagusan.” Anito.
Pinandilatan niya si Kroen. “You’re crazy!”
“Crazy?” tanong nito.
“Baliw! Luka-luka! Nasisiraan ng ulo!” naaasar na paliwanag niya kay Kroen.
Noon lamang nagkaroon ng reaksyon ang napakagandang mukha nito. Nagusot iyon at dumaan ang pagkayamot.
“Hindi ako baliw! Totoo ang sinasabi ko! Diyan talaga ako dumaan! Gusto mong patunayan ko?”
“Do it.” hamon niya.
“Anong sinabi mo?”
“Gawin mo.” Pagtatagalog niya sa sinabi kanina.
Inirapan siya ni Kroen. Pagkuway humarap sa painting at umaktong hahawakan iyon. Doon sa detalyeng babago lamang niyang inilagay, ang butas sa puno. Pipigilan niya sana ito dahil malamang na basa pa iyon pero ito na mismo ang huminto sa ginagawa.
“Bakit?” nagtataka at mahinang tanong nito na tila ang sarili lamang ang tinatanong. Lumapit ito sa bintana at hinawi ang blinds. Nakita niya kung paano itong nanlumo at parang nais niya itong lapitan upang aluin.
Pero bakit niya gagawin iyon sa isang estranghera na may atraso pa sa kanya?
Maski nagdadalawang-isip ay mas nanaig ang pagnanais niyang lapitan ang magandang dalaga. Halos pigilan niya ang paghinga habang nalalanghap ang napakabangong pinaghalong amoy ng red wine at mabining amoy ni Kroen. Gusto niyang malasing sa bango ng dalaga…
“Maniwala ka! Diyan talaga ako dumaan. Ika-dalawa na ng umaga kaya hindi na ako makakatawid. Kailangan ko munang hintayin muli ang kabilugan ng buwan bago ako makatawid.” Pursigidong saad ni Kroen.
Noon muling bumalik sa sariling katinuan si Quinn. Kinaiinis niyang nadi-distruct siya ng bango at ganda ng babaeng ito na may malaking atraso sa kanya. Nakakainis din na mukhang alam na alam nito kung paano gagamitin ang charm sa harap ng isang lalaki. At higit na nakakainis ay hindi siya immune sa charm na iyon!
“Please stop fooling around, okay? Kailangan ko ng pahinga!” naiinis na bulyaw niya sa dalaga. “Ganito nalang, ihahatid kita sa inyo para makapagpahinga na tayo pareho. Saan ka ba nakatira?”
“Nakakainis ka na!” sa pagkabigla niya’y angil din ni Kroen. “Sinabi ko na sayo, sa Engkantasya ako nakatira! At hindi ako makakabalik ngayon dahil nagsarado na ang lagusan. Sa kabilugan ng buwan iyon muling magbubukas. At depende pa iyon kung hindi masisira ang larawang iyon!” Itinuro na naman nito ang painting.
Naaasar na din si Quinn sa dalaga sa pagpipilit nito ng napakaimposibleng bagay. Pero wala rin namang mangyayari kung makikipagtalo pa siya rito dahil mukhang kumbinsido na nito ang sarili na totoo ang iniisip nito. Kaya wala na din siyang ibang choice kundi ayunan nalang ang sinasabi nito nang matapos na ang lahat.
“Okay. So, dahil next month na ulit ang full moon, paano na? Ano nang dapat gawin?” naitanong niya.
“Moon? Ibig mong sabihin ay buwan, tama?” pagkumpirma nito sa sinabi niya.
“Full moon, kabilugan ng buwan.” Nabubwisit na pagta-translate niya. Ang hirap namang kausap ng taong hindi naiintindihan ang mga pinagsasasabi niya!
“Ibigay mo nalang sa akin iyon!” saad nito na itinuro ang painting niya.
“Ano?!” gimbal na tanong ni Quinn kay Kroen.
Alam ba nito kung ano ang sinasabi nito? At aware din ba ito kung magkano ang halaga ng mga master piece niya? Ang lakas ng loob nitong manghingi ng painting gayong hindi naman sila magkaibigan! Isa pa, maski alukin siya nito nang malaking halaga ay hindi niya ipagbibili ang painting. It’s for Lolo Tim.
“Ibigay mo sa akin ang lagusan. Baka aksidenteng masira pa dito. Ang daming nagkalat na pintura. Baka malagyan—”
“Excuse me? Do you here yourself?” pigil ang damdamin na angal niya kay Kroen.
“Ano iyon?” umangat na naman ang kilay nito sa pagtataka at parang gusto na niyang masiraan ng bait sa iniaakto nito.
“Hindi ko ibibigay sayo ang painting!”
“Pero—”
“Ganyan na ba ang bagong modos ng mga kawatan ngayon? Maggagawa ng mga kung anu-anong kwento? Mangungulit para sa huli ay mapa-oo nalang ang biktima?” pumalatak si Quinn.
“Sayang ka. Ang ganda mo pa naman.”
Ngumiti ito sa labis niyang pagtataka.
“Bakit ka ngumingiti ng ganyan?”
Hibang talaga!
“Sinabi mo kasing…” tila nahiya itong ituloy ang sasabihin. Hinaplos ang makintab na buhok at saka tumungo. “Sabi mo, maganda ako.”
“Tsk!”
Wala bang ibang nagsasabi ditong maganda ito at ganoon nalang ang tuwa nito nang purihin niya? Maganda naman itong talaga. Kaya nga bigla nalang lumabas sa mga bibig niya ang papuri ng hindi niya namamalayan.
Hayst!
Kakaiba talaga ito. Kung sa ibang tao niya sinabi ang mga naunang pinakawalan niyang mga salita, nagalit na sana iyon o napahiya. Pero ito ay mukhang tuwang-tuwa pa.
“Pero maniwala ka sa akin, Quinn.”
Bigla ang paghablot nito sa kamay niya. Napatingin tuloy siya sa mga kamay nitong nakahawak sa kanya. Napakalambot noon at kay sarap hawakan. Hindi siya maitim pero kitang-kita niya ang pagkakaiba ng shade ng kulay ng mga balat nila. Napakakinis nito, mala-sutla ang kaputian. Kahit sino ay mag-iisip na galing ito sa mayamang pamilya.
“Totoo ang sinasabi ko. Diyan talaga ako nanggaling.”
Napangisi siya. Nababaliw na ba talaga ito o sadyang kakaiba lamang si Kroen?
“Maniniwala lamang ako, kapag napatunayan mo na.”
“Sige. Pero ipangako mo na hindi masisira ang larawan o madadagdagan ng kahit na anong detalye, maaari ba?” Seryoso at pursigidong saad-tanong nito. Napatango siya. “Sa susunod na kabilugan ng buwan. Maghanda ka, makikita mo at mapapatunayan ko sayo na nagsasabi ako ng totoo. At sa sandaling mapatunayan ko sayo, tutulungan mo ako sa pakay ko rito sa mundo at ibibigay mo sa akin ang lagusan.”
Nakadama siya ng kakaiba sa mga titig ni Kroen sa kanya. Puno iyon ng determinasyon, nang kaseryosohan at nang pagnanais mapatunayan ang isang bagay.
“Ano? Pumapayag ka ba?” untag nito sa kanya.
“Sige.” Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay bigla nalang iyong lumabas sa kanyang mga labi.
Ni hindi niya ito kilala pero hindi siya makaramdam ng panganib sa pakikipagkasundo rito. At ano lang ba ang kayang gawin sa kanya ng isang babae? Isang mahina at…
magandang babae…
Napangiti si Quinn sa sarili. Nasa loob ba siya ng kanyang panaginip? Bakit parang isang panaginip lamang ang nangyayari ng mga sandaling iyon? Totoo ba talagang ipinagkasundo niya ang painting na para kay Lolo Tim?
Isa siyang pintor at lahat ng ipasok niya sa isip ay magagawa niyang iguhit. Pero lahat ng iginuguhit niya ay hindi na niya nagagawan ng duplicate. Kahit kasi anong gawin niya, ang isang painting na binabalak niyang iguhit muli ay hindi na nagiging katulad ng nauna.
Ibigsabihin, ang painting na hinihiling ni Kroen ay hindi na niya magagawang iguhit muli para kay Lolo Tim. Naka-oo na siya sa dalawang tao at mayroon siyang palabra de honor!
Paano na?
“Pwede ka nang magpahinga, Quinn.”
Ah! Wala siyang dapat ipag-alala. Kaya marahil naging madali sa kanya na makipagkasundo kay Kroen ay nasisigurado niyang hindi totoo ang sinasabi nito. Kabaliwang makakapasok ito sa loob ng painting. Hindi na niya dapat na isipin ang bagay na iyon. Magpapahinga na muna siya, matutulog at bukas ay itutuloy ang kanyang trabaho.