Enchanted (Compilation of Lambana Stories) Chapter 3

MASIGLANG bumaba si Quinn sa living area ng kanyang rest house para lamang matigilan sa eksenang bumungad sa kanya. Maganda nasana ang gising niya dahil nakatulog siya ng mahaba-haba. Alas-diyes na ng umaga. Nakakompleto na siya ng walong oras na tulog na magmula ng dumating siya sa lugar na iyon ay hindi pa nangyari. Akala niya, magsisimula ng maging smooth ang takbo ng bawat araw magmula ngayon. Pero mukhang mali siya.

Mabilis na pumanaog siya sa malaking hagdanan at nilapitan ang maliit na mesa sa tapat ng couch. Nakabungkos ang comforter na ipinahiram niya kay Kroen kagabi—kaninang madaling araw. Wala siyang nagawa kundi hayaang matulog roon ang dalaga. Naisip niya, baka paggising niya ay wala na ito at umuwi na. At wala naman na nga roon si Kroen, kaya lang ay parang binagyo ang living area niya.

Nagkalat sa paligid ang kung anu-anong uri ng libro tulad ng cook book, encyclopedia, iba’t-ibang klase ng dictionary, at iba pa na sa pagkakatanda niya ay maayos na nakasalansan sa mga shelves ng kanyang library. Pati ang kanyang tablet na nasa study table ay nakakalat rin roon at mukhang napakialaman dahil lo-bat na. Paanong napunta ang lahat ng iyon roon? At posible bang nabuksan ni Kroen ang kanyang tablet? Paano? Mahirap ang password noon?

Malamang na kinalikot ng baliw na babaeng…

May narinig siyang ingay mula sa kanyang kitchen. Mabilis na dumeretso siya roon at…

“Good morning, Philippines!” masigla at malakas na bati ng nakangiting si Kroen.

Napanganga siya sa pagbabago ng kanyang dark kitchen. Napakalinis na noon at kulang nalang ay kuminang sa sobrang kalinisan ang lababo at tile floor. Wala na din ang nagtambak na plato at mga gamit sa kusina na hindi niya naharap dahil abala siya sa pagtatrabaho sa work room. Higit roon ay may naamoy siyang kung ano…

Nilapitan niya ang kalan at ganoon nalang ang pagkamangha niya.

“Ano ang mga iyan?” Itinuro niya ang laman ng kaserola. Masarap ang amoy, siguro ay dahil sa mga pampalasa, pero hindi niya mapaniwalaan ang iba pang sangkap na nakalaman sa kaserola.

Nagkibit-balikat si Kroen. “Wala kasing laman ang ref mo kaya naghanap nalang ako ng mga dahon at bulaklak sa hardin mo. Sabi kasi ng telebisyon mo, pwede daw makapagluto kung maghahanap lang sa mga pananim sa bakuran. So, I did. At hayan! Paluto na ang adobong gumamela at dahon! Limang minuto nalang at ready to serve na.”

Namangha na naman siya. Kagabi, ibang-iba itong manalita at ni hindi nauunawaan kapag nag-e-english siya. Pero bakit ngayon, nag-e-english na ito? At mukhang fluent na rin na para bang napakatagal na nitong ginagamit ang ganoong lenggwahe!

Pinaglalaruan ba siya nito?

Kung ganoon nga? Ano naman ang gusto nitong ipaglaban sa niluto nitong gumamela at dahon? Kung normal ang takbo ng pag-iisip nito, hindi ito gagawa ng ganoon.

At wala rin naman sa hitsura nito kagabi ang nagsisinungaling lamang. Napakanatural ng lahat. Maski pa isa itong napakagaling na aktres, imposibleng hindi niya makita ang pagkukunwari. Artist siya! He put life into his creation.

May kakayahan rin siyang makita ang reyalidad sa lahat, makita ang natural at di natural sa mga bagay-bagay. Because he is an artist! Kaya nga nakilalang weird ang mga artist dahil may kakaiba silang kakayahan na wala sa iba. Walang sinuman ang dapat na mag-underestimate sa kanya dahil mas magaling at mas matalino siya sa iba…

Even than this little cheat!

“Marunong ka pa lang magluto.” Aniya habang kumukuha ng isang baso at lumalapit sa fridge. Gusto niyang sigawan ito pero pinigilan niya ang sarili. Tingnan lang niya kung makakain nito ang niluto nitong adobong gumamela at dahon.

Hinuli niya ang mga mata ni Kroen para makita ang magiging reaksyon nito. Ngunit sa malas ay nabigo siyang makita ang inaasahan niyang pagkabigla at pagkataranta. Sa halip ay ngumiti pa ito na tila proud sa kung anong achievement na meron ito ngayon.

“Nagbasa ako ng mga aklat mo sa loob ng library. Palagay ko kasi, mahihirapan tayong mag-usap kung wala akong masyadong alam sa mundo mo. Mabuti nalang at kompleto ka sa lahat ng kakailanganin ng isang dayuhan na tulad ko.”

Napakalinis ng baso! Masarap inuman. At hindi iyon lilinis kung hindi dahil kay Kroen. Instant ay nakakuha siya ng katulong… mestiza at napakagandang katulong. Mukhang hindi bagay rito ang naging definition niya. Mas bagay ritong maging maganda at kaakit-akit na maybahay…

‘Wat de ef!’

“Teka… Ibig mong sabihin, nagbasa ka lamang buong magdamag?”

Nang bumaling ito sa kanya ay nakangiting tumango ito. Wala sa hitsura nito ang nagsisinungaling pero mas lalong wala ang trace ng puyat sa magandang mukha at mga mata nito. Sa halip ay napakasigla pa nga nitong tingnan!

“At hanggang saan ang nabasa mo? Aling libro? Ang cook book?”

Pumitik sa hangin si Kroen habang ang isang kamay ay nakahawak sa sandok.

“Lahat ng nasa sala mo. Tapos ko na iyong basahin.” Napangiti itong bigla. “It helps me a lot.” Humagikhik si Kroen. “Tama ba ang English ko?”

Napatunganga siya. Niloloko ba siya ng babaeng ito? Bigla niyang napansin ang suot nito. “Ang ganda ng damit mo, saan mo nakuha iyan?”

“Ginawa ko.” Maikling tugon nito na humarap muli sa niluluto. “Si ina ang gumagawa ng mga kasuotan ko pero naturuan naman niya ako kung paano gumawa kaya sinubukan ko. Maganda ba?”

“Oo, maganda. Pwede ka nang fashion designer.” Tanging nasabi niya.

Isang simple pero mukhang eleganteng yari ng bestida ang suot nito na halos hindi nalalayo sa itsura ng suot nito kagabi. Parang pamilyar sa kanya ang kulay ng tela na ginamit nito. Saan nga ba niya iyon nakita? Siguro ay sa isang boutique na malapit sa lugar. Hindi niya ito dapat na paniwalaan sa mga pinagsasasabi nito. Paano ito makakapagbasa ng ganoon karaming libro sa loob ng walong oras at makakayari ng ganoon kagandang damit samantalang wala naman siyang sewing machine roon. Wala rin siyang tela na pwede nitong…

Napabuga siyang bigla sa iniinom na tubig nang makilala ang uri ng tela ng damit na suot nito. Mabilis na tinakbo niya ang library at hindi nga siya nagkamali…

“KROEN!!!!!!!!!!” malakas na sigaw ni Quinn.

Hindi siya makapaniwala. Nung isang araw lamang ikinabit ng care taker niya ang mga kurtina sa loob ng rest house tapos ngayon ay makikita niyang gulagulanit ang bawat kurtina niya. Maski sa living room na kanina ay una niyang binungaran ay di niya napansin ang mga punit sa bawat kurtina.

“Anong nangyari?” nagtatakang bungad ni Kroen sa kanya. Bitbit pa rin nito ang sandok na gamit sa niluluto.

Pahurumentadong nilingon ni Quinn si Kroen. “Is that really a question? Hindi mo ba nakikita kung ano ang mali sa loob ng library ko at sa buong bahay?”

Magkasalikop ang kamay habang hawak pa rin ang sandok na nilapitan siya ni Kroen. Tila nagmamakaawa ang mukha nito. “Alam kong medyo magulo ang library mo pati na rin sa ibaba. Pero huwag kang mag-alala. Matapos nating kumain ng agahan ay lilinisin ko ang lahat ng kalat—”

“Damn!” Kung anu-anong hindi magagandang salita ang lumabas sa bibig niya.

“Huwag ka nang magalit Quinn. Lilinisin ko naman—”

“Hindi ang mga kalat ang tinutukoy ko kundi ang mga kurtina!” pahurumentadong sigaw niya. “Pinunit mo ang mga kurtina ko para makagawa ka ng bestida?” hindi makapaniwalang tanong niya rito.

Kiming napatango ito.

“Shit!” mura na naman niya.

“Wala kasi akong susuotin at hindi ako sanay na hindi nagpapalit ng damit kaya—”

“You should ask me first! Kaya kitang ipagdelihensya ng damit na hindi sinisira ang mga kurtina ko.”

“Kung ganoon ay kaya mo din naman sigurong mag-delihensya ng mga kurtina hindi ba?” tugon tanong ni Kroen.

Bumagsak ang panga niya sa sudden outburst nito. Hindi niya inaasahan ang makatwirang tugon ng dalaga. At higit sa lahat at hindi niya mapaniwalaan ay ang ebidensya na may katotohanan ang mga pinagsasasabi nito sa kanya kanina.

Bigla ang naging paglapit niya kay Kroen at nahihiwagaang inabot ang braso nito. “Sino ka ba talaga? Saan ka galing? At ano bang kailangan mo sa akin? Bakit ako ang ginugulo mo?”

Nagpumiglas si Kroen mula sa pagkakahawak niya. “Pwede bang isa-isa lang? Napakadami mong tanong!” Sabi naman nito. Pero hindi pa rin niya ito pinakawalan. “Sinabi ko na sayo, ako si Kroen. Galing ako sa Engkantasya at ang lagusan lamang ang kailangan ko sayo. Dito ako dinala ng lagusan kaya naririto ako ngayon. Kung ibibigay mo sa akin ang lagusan, maaari ka nang manahimik at hindi na kita maaabala pa.”

Binitiwan niya si Kroen at mariing naisabunot ang dalawang kamay sa sariling buhok. Babalik na naman ba sila sa mga kalokohan nitong kagabi pa nito ipinagpipilitan sa kanya?

“Siguro nahihirapan ka nga talagang paniwalaan ako at wala akong magagawa roon. Kayong mga tao ay kinatatakutan o kinagagalitan ang mga bagay na hindi ninyo maipaliwanag. Pero kung susubukan mong maniwala, malalaman mo ang katotohanan.” Narinig niya ang nakakainis na litanya ni Kroen.

Ano bang tingin nito sa kanya? Mang-mang? Ignorante? Walang alam? How dare Kroen to think that she was wiser than him?!

“Ang kailangan ko ay proof or evidence na totoo ang mga pinagsasasabi mo?” giit naman niya.

“Maghintay ka lang, Quinn. Pagkatapos ng tatlumpong araw, sa kabilugan ng buwan ay makikita mo na ang ebidensiya na hinahanap mo.” Pagtitiyak ni Kroen. “At huwag mong kalimutan ang kasunduan natin.” Pagkawika noon ay tumalikod na ito sa kanya at naglakad palayo. “Sumunod ka na sa ibaba. Baka lumamig ang niluto ko. Ang sabi sa cook book, serve while it’s hot.”

Napailing na lamang siya. Ano ba ang dapat niyang gawin sa babaeng ito? Paano niya ito mapapalayas na hindi nanganganib ang master piece niya?

“ANO ang ginagawa ng lalaking sumisigaw?”

Pangalawang araw. Naroroon sina Kroen sa teresa ng bahay ni Quinn at nagpapahangin. Kahapon ay naging matahimik naman ang buong araw at maski magdamag dahil hindi na siya sinisigawan ni Quinn. Siguro, dahil hindi siya nagpapakalat-kalat sa harapan nito. Nagkikita lamang sila sa oras ng pagkain at pagkatapos ay nagkukulong na ito sa work room nito. Siya naman ay naglinis ng mga kalat niya at nang mga datihan pang kalat.

Hindi nito kinain ang niluto niyang mga bulaklak at dahon kahapon, sa halip ay lumabas ito at sa pagbabalik ay may dala ng isda at karne. Pinanood niya ito sa pagluluto at maski ayaw nito ay nakialam siya. Napilitan din itong ipakilala sa kanya ang mga sangkap sa pagluluto kaya’t nang sumunod na oras ng pagkain ay siya na ang nagluto, kaharap ang cook book na nabungkal niya sa library nito.

Kaya’t sa huli, ang una niyang recipe ay natikman lang ng basurahan.

Hindi man nito aminin, alam niyang natutuwa itong makita na maayos at malinis na ang buong bahay nito. Madali lamang naman sa kanya na gawin iyon. Nabawasan man ang kakayahan niya bilang lambana ay hindi naman iyon lubusang naubos. Nararamdaman niya sa kanyang sarili na kakayanin pa rin niyang manatiling gising sa loob ng isang linggo katulad noong isa pa siyang lambana. Maligsi pa rin siyang kumilos at taglay pa rin niya ang ibang kaalaman niya bilang lambana. Na kung tutuusin, dapat ay wala na sa kanya ngayon. Siguro, dahil kalahating lambana lamang siya kaya’t halos hindi tumatalab sa kanya ang regulasyon ng lagusan ng kabilang mundo.

Matapos nilang mag-almusal ni Quinn kanina ay nagpasya siyang mamahinga sa may terrace. Nagulat nga siya na naroroon rin ito at nagbabasa ng diyaryo na siguro ay regular na idinidiliver rito dahil kahapon ng umaga ay may naabutan din siyang diyaryo sa tapat ng pinto ng bahay.

Umangat ang mukha ni Quinn mula sa binabasa at saglit siyang tiningnan. “Nagtitinda siya. Kailangan niyang sumigaw para makabenta siya.”

“Ah!” napatango-tango siya. Muling nagbasa ng diyaryo si Quinn.

“Ano ba ang itinitinda niya?”

Muli siyang tiningnan ni Quinn. “Taho. At ang tawag sa kanya ay magtataho.” Pahayag nito. Tila nagsisimula na naman itong mairita sa pag-uurirat niya.

“Taho?” Mahinang tanong niya na para lamang sa sarili.

Saglit na naghalungkay siya sa isip. Parang nabasa na niya ang tungkol sa bagay na iyon subalit hindi naman niya maalala. Natabunan na ng iba pang mga mahahalagang detalye sa isip niya.

“Taho. Pinaghalong soya at sago na may sweet syrup.” Narinig niyang paliwanag ni Quinn. Hindi rin ito nakatiis at sinagot ang tanong niya sa sarili.

“Marami pa pala akong dapat na malaman. Siguro ay kailangan kong magbasa at mag-research ulit mamaya. Pahiram naman ng tablet mo.” Walang pakundangang saad niya.

Bigla ang pagbaba ng binabasa ni Quinn at lukot ang mukhang hinarap siya. “Paano mo nga palang nabuksan ang tablet ko? Mahirap ang password noon.”

Nagkibit-balikat siya. Ang simple naman ng tanong nito. “Sinabi sa akin ng tablet.”

“Sinabi sayo ng…” nagdilim lalo ang mukha nito. “Can we talk in a more sensible way? Huwag mong sabihin sa akin na nagagawa mo ding makipag-usap sa mga bagay?”

Heto na naman ito. Napakamainitin ng ulo nito. Ridiculous ang tingin nito sa kanya at hindi naman niya ito masisisi dahil isa lang itong mortal.

“Hindi ko sila nakakausap pero kapag nahawakan ko ang isang bagay, nakikita ko ang mahahalagang detalye patungkol roon at kung paano iyon gamitin.” Paliwanag niya. Laking pasalamat niya na hindi nawala ang kakayahan niyang iyon maski nakatawid na siya sa lagusan.

Kaya lamang, may mga pagkakataon na hindi niya sinusunod ang mga nakikita niya. Katulad na lamang sa kurtina. Alam niyang panangga lamang ang mga iyon sa bintana pero nakaisip siya ng mas magandang paraan kung paano iyon mapapakinabangan—in her own advances.

“Really huh?” Pinaikot nito ang mga eyeballs. Mukhang hindi naniniwala ngunit hindi na rin naman kumontra.

“Nakita ko ang password pattern ng tablet mo sa gilid sa ilalim ng library table nung kunin ko ang tablet sa drawer. Makakalimutin ka siguro kaya idinrawing mo roon, ano?”

Hindi siya nakakuha ng sagot. Nahihiya ba itong aminin ang totoo? Aksidente lang naman ang pagkakita niya sa password. Nang kunin niya sa drawer ang tablet ay napansin niya ang nakaguhit na mga linya na nakaugnay sa mga tuldok roon sa gilid na bahagi sa ilalim ng mesa. Hindi niya iyon pinagkaabalahang pagtuunan ng pansin ngunit ng ma-i-power on niya ang tablet at makita ang mga tuldok ay sinubukan niyang gayahin ang mga linya sa ilalim ng mesa. At ayun nga, nabulatlat niya ang tablet.

“Di ba pintor ka?”

“Oo.” Sagot nito.

“Ang mga pintor raw ay malaking pera ang kinikita sa ganoong trabaho.” Sabi pa niya. “Kung ganoon ay marami kang pera.”

Tuluyan ng itinupi ni Quinn ang binabasa at nakaigkas ang kilay na hinarap siya.

“And what was that supposed to mean? Plano mo bang huthutan ako?”

Pinagtaasan niya ito ng kilay. Ang sama naman nitong mag-isip. “Masamang gawain ang manghuthot di ba? At hindi ako masamang nilalang. Gusto lang kitang turuan kung paano gamitin ng tama ang mga pera mo.” Paliwanag niya. “At dahil pera ang nagpapaikot sa mundo ninyong mga tao, lahat kayo ay nangangailangan niyan.”

“At ikaw? Hindi mo ba kailangan ng pera para mabuhay?”

“Hindi.” Mabilis na tugon niya.

“What?!” nandidilat ang mga matang tanong nito. “At paano ka pala kakain? Paano ang mga damit mo? Ang pambili mo ng sabon at—”

“Marami namang bunga ang mga puno. Pwede rin akong gumawa ng damit yari sa dahon. At hindi ko din kailangan ng sabon kapag maliligo. Kapag naglangoy ako sa dagat o maligo sa mga bukal na tubig ay lilinis at babango na ako.” Pasubali niya sa mga sinabi nito.

“Tao ka ba sa una? Bakit ganyan ka mag-isip?” namamanghang tanong nito.

“Sabihin mo sa akin kung mali ako.”

“Ewan ko sayo!” Muli nitong hinarap ang diyaryo.

“Tingnan mo ‘yung lalaking nagtitinda ng taho.” Utos niya rito pero maging siya man ay bumaling rin sa papalayo ng lalaki. “Masyadong mahirap ang trabaho niya. Pero kikita ba siya ng kasinlaki ng kinikita mo?”

“You’re asking me a question with an obvious answer. Paano namang kikita ng milyones ang isang magtataho samantalang mura lang naman nila pinagbibili ang taho nila.” Mayabang na saad ni Quinn.

“Kung ganoon pala, kaya mong bumili ng taho? Nang maraming-maraming taho?” namamanghang tanong niya.

“Of course!” naiinsultong tugon nito. “Kahit ang isang buwang supply niya ng taho ay kaya kong bilhin!”

Napangiti siya at mabilis na tumayo sa kinauupuan.

“Lalaking nagtitinda ng taho, halika rito!” malakas na tawag niya sa magtataho.

Lumingon naman ang tinatawag na medyo malayo na rin ang narating. Siguro ay papunta iyon sa mga karatig lugar ni Quinn. Naglakad iyon pabalik sa kanya.

“Bibili ka ba, Miss?” tanong ng magtataho.

“Kroen ang pangalan ko at oo. Bibili siya ng taho. Bibilhin niya ang lahat ng paninda mo para makauwi ka na.” Itinuro niya ang nagugulat na si Quinn. Ano pa bang aasahan niyang reaksyon nito samantalang wala nga itong ideya sa naisip niyang iyon? “At bibilhin na din niya ang isang buwan mong supply ng taho. Dalhin mo nalang rito araw-araw.” Malapad ang ngiting dagdag pa niya.

“What?!” gulantang na baling ni Quinn sa kanya.

Bakit ba ganito nalang ito umasta? Hindi ba’t sinabi naman nito na kaya raw nitong bilhin ang isang buwan na supply na taho ng magtitinda?

“This is crazy, Kroen!”

“Sige na, bayadan mo na siya para makauwi na siya.”

Masama ang mukha na dumukot ng pera sa bulsa si Quinn. Pero binalewala niya iyon. Wala siyang planong makipag-argumento rito ganitong nakikita naman niyang panalo na siya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.