Enchanted (Compilation of Lambana Stories) Chapter 32

“SA PALAGAY mo ba, magugustuhan niya ako? Posible bang mahalin niya ang isang tulad ko?”

Nang ngumiti si Jyle ay tuluyang naubos ang mga agam-agam sa dibdib ni Rosette.

“Bakit hindi? Kung ako nga, in love na sa `yo sa unang beses kitang makita.”

Ngiti lang ang tanging naisagot ni Rosette. Hindi siya ang uri nang madaling magtiwala. Pero kanina habang papalabas siya ng building ni Erastus at punong-puno ng napakaraming alalahanin ay naging mabuway ang depensa niya. Hindi niya eksaktong alam kung paano siyang nayaya ni Calvin na kumain sa bistro roon sa kabilang kalye ng residential building.

Saka lang siya nahimasmasan nang pinipilit na siyang painumin ni Calvin ng alak. Siyang pagdating ni Jyle.

Hindi rin niya alam kung paano siyang nakilala nito pero nang banggitin nito si Erastus at sabihing nakita na siya nito sa rest house ng huli ay madali nitong nakuha ang tiwala niya. It was because he told her he was Erastus best friend. Naalala na rin niyang naging bisita nga ito ni Erastus noon. Hindi naman nga kasi siya ang uri na tinatandaan ang mga nakakasalamuhang mga tao kaya di agad niya nakilala si Jyle.

Papauwi pa lang daw ito galing sa trabaho at napadaan lang sa bistro para kumain nang makita sila at namukhaan siya.

Inilayo siya nito kay Calvin na sa totoo lang ay nagsisimula na siyang makaramdam ng takot. Masyado itong pursigido sa pagpapainom sa kanya ng alak na ini-order nito kasama ng pagkain. At hindi maganda ang pakiramdam niya roon.

“Ganoon? Baka nagagandahan ka lang sa akin pero hindi ibig sabihin ay mahal mo na ako. Hindi ganoon kasimple ang pag-ibig,” bigla niyang salungat kay Jyle. Halata namang idinadaan lang siya nito sa matamis na mga salita.

Tumawa ang lalaki. “Atta girl!” sambit nitong tila amuse sa kanya. “Anyway, totoo naman ngang napakaganda mo. Bulag na lang ang best friend ko kapag hindi ka pa niya nagustuhan.”

Pero hindi lang simpleng pagkagusto ang kailangan niyang maramdaman para sa akin, gusto sana niyang sabihin pero namatay na lang ang mga salita sa kanyang bibig.

Napagdesisyunan ni Rosette, kani-kanina lang kausap niya si Jyle, na kailangan niyang mapaibig si Erastus bago ang ikatatlumpong araw mula ngayon, kung nais pa niyang mabuhay.

Hindi siya pwedeng mamatay. Lalong hindi niya pwedeng ipaalam kay Erastus ang sitwasyon niya. Baka ma-pressure ito at sa halip na mapaibig niya ito, lalo lang itong makapagtayo ng pader sa pagitan nila.

“Paano ba magpaibig ng lalaki?” Walang ligoy na tanong ni Rosette kay Jyle habang inuubos ang kanyang Caesar salad.

Sandaling napaawaang ang bibig ni Jyle, pagkuwa’y humalakhak. “Seryoso ka talagang akitin ang kaibigan ko?”

“Kung kinakailangan, bakit hindi?”

“Maghubad ka sa harap niya.”

Nanlaki ang mga mata niya sa sinabi ni Jyle. Humagalpak naman ito matapos makita ang reaksyon niya.

“Joke lang.” Tatawa-tawa pa rin ito at parang nais niya itong sakalin. “Well, bakit hindi na lang ako? Gusto na kita. Baka bukas, mahal na kita.”

Siya naman ang natawa sa pinagsasabi ni Jyle. “Ganyan ba kawalang kuwenta mag-isip ang mga tao pagdating sa pag-ibig?”

“Ouch!” Kunway sinalo nito ang dibdib. “You’re hurting me, woman,” sabi nitong tatawa-tawa. Nahulaan niyang nagbibiro lang ito. Birong maaaring totoo.

“Sagutin mo na lang kasi ang tanong ko. Nakakainis ka na!” yamot na sambit niya. Hinagip ang baso ng iced tea at inubos ang natitirang laman noon.

Napadighay pa siya. In all fairness, ang sarap ng pagkain ng mga tao.

“Excuse me,” sambit niya pagkatapos. `Yon ang alam niyang sinasabi kapag dumidighay ang tao sa harap ng iba.

“I’m glad na inubos mo ang in-order natin. Ang mga nakaka-date ko kasi, hindi inuubos,” anitong tila naaaliw lang sa kanya habang minamasdan siya.

“Sayang naman kasi ano? Minsan lang ako makakain ng ganito.”

“Minsan lang?” Kumunot ang noo ni Jyle. “Walang ganito sa lugar niyo?”

Tumango siya. Inabot naman nito ang isa niyang kamay sa ibabaw ng mesa at marahang tinapik-tapik iyon. “Labas ulit tayo minsan. Isasama kita sa iba’t ibang restaurant na alam—”

“Keep your hand off her, Jyle!”

Ang mariing baritonong boses na iyon ang nagpalingon kay Rosette. Hindi nga siya nagkamali nang makita si Erastus sa likuran niya.

“Hey, dude! `Andito ka pala. Akala ko, umuwi ka na?”

Hindi pinansin ni Erastus ang mga sinabi ni Jyle. Sa halip ay nagmasid ang mga mata nito sa paligid. Tila may hinahanap.

“Kayo ba ang magkasama? Bakit sabi ng security—”

“Inagaw ko lang si Rosette kay Calvin. Mukhang may masamang balak, eh,” pigil ni Jyle sa mga sinasabi ni Erastus.

Nakita pa ni Rosette ang pagtatagisan ng mga bagang nito, pagkuwa’y aroganteng bumaling sa kanya.

“Ano’ng naiisip mo at basta-basta kang sumama sa hindi mo naman kilala?” Mahina bagaman pasinghal na baling nito sa kanya.

Hindi niya nagawang magsalita. Hindi niya rin alam kung paano siyang nahimok ni Calvin. Siguro dahil windang ang isip niya ay naging mababa ang depensa niya sa mga huwad na nilalang kaya ganoon siya kadaling napapayag ni Calvin. At nang mahimasmasan naman nga siya ay agad rin naman niyang naitaas ang depensa. Handa na nga siyang iwan si Calvin kung hindi lang lumapit si Jyle at sagipin siya mula sa lalaki.

“Hey, dude! Easy-han mo lang. Maupo ka muna kaya rito.” Tinapik ni Jyle ang isang silya roon sa kanilang mesa.

Hindi sumunod si Erastus. Nanatiling nakamata sa kanya. At nagiging uneasy siya sa kaalamang pinapanood siya nito.

“Hindi mo kasi siya pinapansin kaya ayan, muntik ka nang maagawan ng iba. Anyway, you owe me one, bru.” Tumayo si Jyle at tinapik ang balikat ni Erastus. “Uuwi na ako. Gusto ko nang magpahinga. Maiwan ko na kayo.”

Hindi na nito hinintay ang sagot ni Erastus at basta na lang sila iniwan matapos siyang tanguan.

Noon niya nginitian si Erastus. She gave him her warmest smile. Umaasa siyang lalambot ang matigas na anyo nito sa ganoong paraan. Wala siyang alam sa kung paano magpaibig ng lalaki maliban sa pagpapanatiling maganda sa paningin ng mga iyon. Dahil ganoon ang gawain ng mga lambana upang mapaibig ang alinman sa mga tagakonseho.

Pero tao si Erastus sa pagkakataong ito. At ano ba’ng malay niya kung paano umibig ang isang tao? Hindi naman niya nasubaybayan noon kung paano minahal ni Quinn ang kaibigan niyang si Kroen. Nalaman na lang niyang nagmamahalan na ang dalawa.

Lihim na nagbuntong-hininga siya. Kung sana ay madali lang. Pero hindi. Kung noon ngang lambana palang siya, hindi na siya nito nagawang pansinin, ngayon pa kayang tao na ito? Ang tao ay napakakomplikado ng damdamin.

“Kung tapos ka nang kumain ay uuwi na tayo. Pagod na din ako. Gusto ko nang mamahinga.”

Tinawag ni Erastus ang crew ng bistro at hiningi ang bill niya, saka binayaran.

Walang imik na tumayo siya at sumama kay Erastus paalis ng lugar. Bumalik sila sa condo unit nito.

“Isa lang ang kwarto ko. Dito na lang ako sa sala matutulog. Do’n ka na sa kwarto ko,” sabi ni Erastus.

Pumasok ito sa silid at paglabas ay may dala nang kumot at unan. Iniayos sa mahabang couch at pumuwesto ng pagtulog. Napatunganga na lang siya rito.

Paano niya paiibigin ang isang malamig pa sa yelong lalaki na tulad ni Erastus? Kailangan pa ba niyang palitan ang mukha niya, gayahin ang anyo ni Kroen o ni Shunn para maging kaakit-akit at kaibig-ibig siya sa paningin nito?

Ang sakit-sakit ng ideyang iyon. `Yong katotohanan na wala siyang pag-asang mapaibig si Erastus kung hindi rin lang siya si Kroen o hindi niya kamukha ang kaibigan.

“Rosette…”

Napaigtad si Rosette nang marinig ang tinig ni Erastus. Nakahiga na ito at nakapikit. Malamang na gusto na talagang mamahinga. Pero nakikita niyang nahihirapan ito sa pwesto roon dahil malaking tao naman kasi ito. Hindi sapat ang espasyo ng couch para ma-accomodate ang laki nito.

“Kung hinihintay mong mag-sorry ako sa ginawa kong paghalik sa `yo, well, `wag ka nang umasa.”

Nasaktan na naman si Rosette sa narinig. Noon pa man, alam na niyang hindi talaga mapagkakatiwalaan ang mga tao. Ilang beses na ba niyang napatunayang manggagamit ang mga iyon? Maraming beses na. Ilang kaibigan na niya sa iba-ibang siglo ang nalinlang ng mga mortal. Mga pasaway na lambana rin kasi ang mga iyon at tumatawid sa natural na lagusan upang makipagkaibigan sa mga tao. Pero ginagamit lang naman ang mga ito para sa sariling kapakinabangan.

At ngayon, dahil isang tao na rin si Erastus, hindi na mahirap isipin na taglay na nito ng ganoong uri ng pag-uugali. Masakit isipin na ang engkantadong minsan niyang sinamba at hinangaan ay kauri na ng mga nilalang na kinamumuhian niya.

Yes. She had admired Erastus for being the greatest fay she had ever known. The strongest, the smartest… and the kindest.

Pero dahil napansin niya ang labis na paghanga at pag-ibig nito sa kaibigang si Kroen ay pinilit niya ang sariling kalimutan ang paghanga at atraksyon na nararamdaman para dito. Akala niya, nalagpasan na niya ang bagay na iyon, maraming taon na.

Akala lang pala niya.

Dahil ngayong naririto siya sa mundo ng mga mortal, at muling makalapit dito ng mas malapit, hindi niya napigil ang sarili na muling sumibol ang damdaming akala niya ay naibaon na niya sa limot. Lalo iyong yumayabong tuwing nakakasama niya ito. At patuloy siyang nasasaktan tuwing nakikita niyang may ibang babaeng nakakalapit dito.

May palagay pa siya na tuluyan siyang nilamon ng damdamin na iyon nang halikan siya ni Erastus.

Oo. Tinatanggap na niya ngayon na kaya madali niyang pinayagang halikan siya ni Erastus ay dahil nadaig siya ng damdamin para dito na matagal din niyang itinago. And she was so stupid to let that feelings ruled over her.

So stupid!

“Okay.” Sa pigil na damdamin ay sambit niya. “Hindi ko naman talaga inaasahang magso-sorry ka.”

Papatalikod na siya nang marinig muli ang tinig nito.

“Hindi ko gustong ihingi ng sorry ang isang bagay na hindi ko pinagsisisihang ginawa ko. I want it. I want to kiss you.” Halos bahaw ang tinig nito.

She freeze right on her tracks. Pakiramdam niya ay pinaliguan siya ng sandamakmak na pag-asa. Gusto nito ang ginawang paghalik sa kanya? Ibig sabihin ba ay may ibig sabihin dito ang halik na iyon?

Agad niyang ipinilig ang ulo. Imposible. Sa huling eksena na nakita niya mula sa mundo niya, masaya itong kasa-kasama si Shunn. Baka nga may unawaan na ang dalawa. Hindi siya dapat na umaasa dahil malamang na masaktan lang siya.

Pero hindi rin siya dapat panghinaan ng loob. Kailangan niya itong mapaibig kung gusto pa niyang mabuhay at maligtas ang mga kalahi niya. Kailangan niya itong maiuwi.

“We’ll talk tomorrow.” Saad muli ni Erastus. “I just need some time to rest. Ilang araw na akong kakaunti ang tulog. Please lang, `wag kang aalis habang natutulog ako.”

Nang lingunin muli ni Rosette si Erastus ay unti-unti na itong hinihila ng antok patungo sa kawalan. Nang lumaylay ang isang braso nito, alam niyang nakatulog na ang lalaki.

He must be very exhausted. Nakikita niya iyon sa pagod na guwapong mukha nito. Nanlalalim at nangingitim ang ilalim ng mga mata marahil sa puyat.

Nilapitan ni Rosette ang natutulog na si Erastus. Marahang naupo sa gilid ng couch na kinahihigaan nito. She gentle and lovingly caressed his handsome face.

“Mahirap ba talaga para sa `yo na makita ako, Erastus?” Mahina at pigil ang sariling sambit niya habang malayang hinahaplos ang guwapong mukha nito. “Bakit ang lamig-lamig ng pakikitungo mo sa akin? Pero kapag si Kroen, maski hindi mo naaalala ang patungkol sa kanya, hindi mo pa rin siya maalis-alis sa sistema mo?”

She tried hard to hold her tears. Subalit bigo siya. Ang mga luha at damdaming ibinaon niya ng napakahabang panahon ay tila sabay-sabay na umahon ngayon. Sabay-sabay na dinudurog siya. Kahit ano palang pigil niya sa damdamin niyang nabuo para dito, sa bandang huli, hindi niya rin magagawang itago na lang. Lalabas at lalabas iyon kung kailan hindi niya inaasahan.

Pero kailangan niyang maging pursigido. Kailangan niyang mabuhay at tulungang mailigtas ang lahi niya. Dahil kung hahayaan niyang patuloy na magulo ang balanse ng mundo, mas marami ang mapapahamak.

Muli niyang pinakatitigan ang guwapong mukha na kailanman ay hindi nawalan ng pwesto sa kanyang puso. “Kailangan mo akong mahalin, Erastus. Sa ayaw at sa gusto mo, kailangan mo akong mahalin.”

Marahang tumayo si Rosette at nagpunta sa silid ni Erastus. Pagpasok pa lang doon ay muling pumasok sa isip niya ang imahe nila ni Erastus na maalab na naghahalikan sa ibabaw ng kama. It was such a beautiful memory but a frightening one also. Ngayon lang niya naramdaman ang takot na hindi mahalin ni Erastus.

Siguro dahil nga, ngayon, nakasalalay na sa damdamin nito ang kanyang buhay.

Lumapit siya sa kama. Nahiga roon at niyakap ang isa sa mga unan. The bed smells so heavenly. Just like Erastus fragrant that remains in the fabric. Napakabango. It was a blend of musk and mint.

Tuluyan niyang nakalimutan ang mga alalahanin at isipin dahil sa mabangong halimuyak ng kama. Ang unan na niyayakap niya ay para bang si Erastus na rin dahil sa nakakakapit na bango roon ng binata.

“Erastus…”

She slept just like that. Smiling with the thoughts of him.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.