SA MULING paglinaw ng paligid na natakpan ng mahiwagang liwanag ay nakita ni Erastus kung gaano kaganda at kamangha-mangha ang kinaroroonan nila.
Ito na marahil ang Engkantasya. Ang mundo ni Rosette. At… ang mundo niya.
Lumipad si Erastus palapit sa dambuhalang kumikinang na puno sa harap at sa pagkamangha niya ay mabilis silang nahigop niyon. Ang sumunod na tanawin ay tila isang kaharian sa mga fantasy movies sa mundo ng mga tao. Nakakamangha ang bawat mahagip ng mga mata niya. Dambuhalang mga dahon na may arte at palamuti. Dambuhalang talulot ng mga bulaklak na may iba’t ibang kulay at laki. Dambuhalang mga puno na tuwing lalapitan ng iba pang nilalang na may mga pakpak ay dagling kumikinang ang katawan at nagkakaroon ng butas na tila ba iyon ang pintuan papasok sa loob.
Makinang ang lahat ng nakikita niya sa paligid. Tila sinabuyan ng alikabok na pangpakislap. At kakatwang nararamdaman niyang hindi bago ang lahat ng iyon. It felt like he just went home after his very long journey. Tila ba lahat ng nakikita niya ay alam na alam niya ang bawat bahagi at kung ano ang meron doon. Tila ba kabisado niya ang lahat ng masayaran ng kanyang paningin.
“Doon tayo sa tanggapan ng konseho. Hinihintay ka na nila.”
Nang lingunin ni Erastus ang nagsalitang si Rosette ay halos matigilan siya. Nahigit niya ang hininga habang nakatitig sa napakagandang nilalang sa kanyang harap.
Kung kaakit-akit na si Rosette sa anyong tao nito, lalong higit sa ganitong anyong lambana nito. Makinang na makinang ang mga pakpak nitong light blue. Mas naging makislap rin ang mga mata nitong nakangiti sa kanya. Tila may glitters sa mukha nito dahil maski iyon ay kumikislap rin sa kanyang mga paningin. Habang ang magkabilang braso naman ay napupuluputan ng mga bagin. Maging ang pampaa nito ay bagin ang pinakasintas na nakatali hanggang sa tuhod nito.
Ang mahabang kulay asul na buhok nito, talaga nga palang bagay na bagay rito ang kulay na iyon.
Bigla niyang naalalang suriin ang sarili. Naisip niya kasing lumulutang si Rosette at hanggang ngayon ay magkatapat pa rin sila sa ere. At ganoon na lang ang panggigilalas niya!
Nakasuot siya ng vest at bahag na yari sa abaka. Walang pansara ang vest kaya kitang-kita ang matipunong katawan niya. Tulad ni Rosette ay may nakapalamuti ring bagin sa mga braso at mga binti niya. Hinagip ng isang kamay niya ang kaliwang pisngi at napatunayan ang presensiya ng gintong dahon na nakamarka roon.
Totoo nga! Totoo ang kanyang panaginip. Ganoong-ganoon ang anyo niya sa mga napapanaginipan. Kung may kakatiting pa siyang pagdududa sa totoo niyang katauhan, nabura na ang lahat ng iyon bigla.
Subalit… bakit wala pa rin siyang maalala?
Nang abutin ni Rosette ang isang kamay niya at igiya siya papunta sa kung saan ay napatingin siya roon. Tulad ng isang mabilis at pasilip na alaala sa kanyang isip. Mga kamay na magkahawak at ang mga braso ay napupuluputan ng mga baging.
Kanya ang alaala na iyon na gumugulo sa kanya nitong nakaraan. Kung ganoon nga, ibig sabihin ay close sila ni Rosette? Kaya ba hindi ito sumukong mahikayat siyang bumalik sa Engkantasya maski pinagsusungitan niya ito?
“Ano’ng tinitingnan mo, Erastus? Walang malisya ang paghawak ko sa kamay mo. Baka maligaw ka kasi kung hindi kita hahawakan,” pagpapaliwanag ng lambana.
“Nah! Imposible na maligaw ako. I felt like I know the place.”
Totoo naman. Maski ang paglipad nila ay tila karaniwan na lang din. Tila kasing natural ng paghinga nila.
Natigilan si Erastus nang makita ang tutok ng isang puno na hugis kamay na bahagyang nakakuyom. Lima lamang ang mga sanga noon at nagkukorteng limang daliri ng kamay ng tao. Sa pinakagitna ay tila isang screen ng television na nagpe-play ang iba’t ibang uri ng eksena. Tulad na tulad rin sa nauna niyang weird na panaginip!
“Wala sila rito. Doon tayo sa ibaba,” sabi ni Rosette at hinila siya pabulusok sa katawan ng dambuhalang puno.
Sa pagtapat nila sa katawan ng puno ay may lumitaw na pintuan at kusa iyong nagbukas.
“Bakit kaya hindi nila tayo sinalubong? Alam ko namang alam nila na dadating na tayo,” narinig niyang sambit pa ni Rosette habang papasok sila sa loob ng puno. “At bakit ganyan ka pa din?”
Hindi niya maintindihan si Rosette. Pero lalo siyang nagtaka sa pagbabago ng anyo nila. Nawalang bigla ang mga pakpak nila pagkalapat na pagkalapat ng mga paa nila sa sahig.
Nang maramdaman ni Erastus na pinapakawalan na ni Rosette ang kamay niya ay bigla siyang nakaramdam ng pangungulila roon. Kaya naman agad niyang inabot ang kamay nito at hinawakan iyon ng mahigpit. Napatingala pa ito sa kanya habang naglalakad sila. Nginitian niya ito at nang gumanti ito ng ngiti sa kanya ay para bang bigla siyang pinaliguan ng sangkaterbang ligaya.
Hindi niya maunawaan kung bakit pakiramdam niya, napakatagal na nilang ginagawa na magpalitan ng ngiti sa isa’t isa. O baka nga totoo iyon? Bakit ba wala pa rin siyang maalala?
Sa dulo ng napakahabang pasilyo ay may nagbukas muling lagusan. Deretsong pumasok sila roon ni Rosette. At lalo siyang namangha nang makita ang apat na lalaking katulad na katulad ng kanyang kasuotan. Ang apat na lalaki sa kanyang panaginip na taglay ang katulad rin ng kanyang mga mata.
“Maligayang pagbabalik, Erastus,” bati ng isa. At sumunod na rin ang iba pa.
Gusto niyang mapakunot-noo dahil hindi niya naman talaga kilala ang mga ito. Maliban sa isa. Gusto niyang mayamot nang makitang lapitan ng isa si Rosette at inakbayan. Si Axyl?!
Hanggang dito ba naman ay may kaiinisan pa rin siya?!
Biglang naging malinaw sa kanya ang lahat. Si Axyl ay isa ring engkantado na nakakatawid sa mundo ng mga mortal. At kaya pala ganoon na lang ang familiarism na nararamdaman niya kapag nakakaharap ito. Dahil hindi rin ito isang ordinaryong nilalang.
“Hindi ko kayo nakikilala,” hindi niya napigilang sabihin sa mga kaharap.
“Inaasahan na namin iyan. Ako si Xyro. Itong dalawa sa kanan ko si Dylan at Ryker.” Bahagyang yumuko sa kanya ang dalawang itinuro. “At ito si Axyl.” Itinuro naman nito ang lalaking nakaakbay pa rin kay Rosette.
At nais niyang magwala sa nakikitang eksenang iyon. Ano bang ibig sabihin noon? May relasyon ba ang dalawa? Parang ayaw yatang tanggapin ng damdamin niya.
“Bakit wala siyang naaalala?” magkahalong pagtataka at pag-aalala na tanong ni Rosette kay Axyl.
Hindi niya tuloy alam kung matutuwang malaman na maski paano ay may pakialam pala ito sa kanya.
“Iyon na nga ang isang problema. Nawawala ang sisidlan ng alaala ni Erastus. Kaya nga hindi na namin kayo nasalubong dahil hinahanap pa namin iyon hanggang ngayon,” sagot ni Xyro. “Umaasa pa naman kami na sakaling maibalik ang alaala ni Erastus pati ang kapangyarihan niya ay babalik na ang balanse ng daigdig natin.”
“Paanong nawawala? Hindi ba at si Ryker ang nagtago niyon? At sa pagbalik namin dito, awtomatikong makukuha iyon ni Erastus?”
Bumuntong-hininga si Ryker. “Oo, dapat ay awtomatikong ma-absorb niya iyon… kung nasa pangangalaga pa natin.”
“Ano’ng ibig ninyong sabihin?” Tila nais mag-panic ni Rosette.
Si Erastus ay masigasig na nakikinig sa usapan. Kahit na nalilito siya ay pinilit niyang intindihin ang sinasabi ng mga ito.
“Ninakaw ang sisidlan ng kanyang alaala,” sabi ni Dylan. “At siguradong ang mga kalabang elemento ang kumuha n’on. Hindi lang naming tiyak kung alin sa lupon ng mga elemento ang kumuha.”
“Pero paano na iyan? Hindi tatanggapin ng katawan niya ang kanyang kapangyarihan kung wala sa kanya ang alaala niya sa mundong ito.”
Bumuntong-hininga si Xyro. “Dalawa lang ang paraan. Hanapin ang engkantong nagnakaw ng sisidlan ng kanyang alaala. O puntahan si Dakila. Siya lang ang pwedeng magbalik sa nawalang alaala ng isang elemento.”
“Pero mahirap pasukin ang ikatlong daigdig,” nangangamba pa ring sambit ni Rosette.
Sino ba si Dakila? At ano ang ikatlong daigdig?
“Parehong mahirap ang dalawang paraan pero wala tayong ibang magagawa kundi ang pumili roon. O kung hindi, matutupad ang nakita mo sa iyong panaginip, Rosette,” sambit naman ni Dylan.
“Hayaan na muna natin silang mag-usap patungkol sa problemang iyan, Rosette,” singit ni Axyl. “May isa ka pang mas matinding problema na dapat unahin.”
Nang makita niya ang mabilis na paglungkot ng mga mata ni Rosette ay para dinagukan ang dibdib ni Erastus. Ano ba’ng ibig sabihin ni Axyl? Gusto niyang malaman. Gusto niyang makatulong kay Rosette. Maski wala siyang naaalala, para bang may alaala naman ang damdamin niya. Dahil naroroon ang hindi niya maipaliwanag na pag-aalala para sa lambanang si Rosette.
Hahakbang na sana si Erastus palapit kay Rosette nang mapigilan siya ni Xyro.
“Hayaan na muna nating mag-usap sina Axyl at Rosette, Erastus. May mga dapat silang asikasuhin at ganoon din naman tayo para sa problema mo.”
“Pero—”
Bago pa man niya magawang sabihin ang pagtutol ay nakatalikod na si Rosette at naglakad na ang mga ito palabas ng silid na iyon. Naiwan siya sa kamay ng tatlong bagaman nararamdaman niyang malapit sa kanya ay di naman niya makilala.
What now?
Wala siyang maunawaan sa ipinapaliwanag ng tatlo. Ang isip niya ay naglaalakbay papunta sa kung nasaan si Rosette. At nakakainis na sa ganoong estado ni Rosette ay wala siyang magawa para dito.
Kitang-kita niyang sa pagbabago ng emosyon ng mga mata ni Rosette, naroroon ang matinding lungkot at sakit ng damdamin. Pero bakit? Ano ba ang nangyayari? Ano ba ang matinding problema na dinadala ni Rosette sa mga sandaling iyon?
Nakakabuwisit lang dahil wala siyang magawa!
“ILANG MINUTO na lang ba ang itatagal ko, Axyl?” Malungkot na naitanong ni Rosette matapos nilang makalabas sa puno ng mga konseho.
Tanggap na niya. Hindi na siya magtatagal at mapupunta na siya sa Gitbutay. Sakaling hindi magwagi sa labanan ang mga lambana ay maglalaho na rin ang Gitbutay. Mabubura na sila sa kasaysayan at sa mundo. At posible ring manganib ang mga tao dahil tuluyang masisira ang balanse ng dalawang mundo.
“Hindi minuto, kundi araw,” pabuntong-hiningang sagot ni Axyl. “May tatlong araw at dalawampu’t-isang oras ka na lang para mapaibig si Erastus.”
Nalilitong napabaling siya kay Erastus. Paanong nangyari gayong mas mabilis tumakbo ang oras sa daigdig ng mga mortal kumpara sa kanila. Ang isang buwan sa mga mortal ay isang oras lang sa kanila. At ang pagbilang ng araw na bisa ng halik ay nakadepende sa pagbilang ng araw sa mundo ng mga tao.
“Hindi balanse ang dalawang daigdig. Pabago-bago ang takbo ng oras. Bumilis ang takbo ng oras natin ngayon dito. Ang dating isang oras lang sa atin na katumbas ng isang buwan sa mundo ng mga mortal, ngayon, ang isang linggo sa mga tao ay katumbas na ng isang araw sa atin,” masigasig na paliwanag sa kanya ni Axyl.
“Kung ganoon ay pabor pa rin pala sa akin.”
Hindi malaman ni Rosette kung matutuwa sa bagong impromasyon. Kaya ba niyang paibigin si Erastus sa loob ng halos apat na araw? Lalo pa ngayong may mas dapat unahin si Erastus.
Nakita niya sa panaginip niya ang prediction mula sa hinaharap. Nalalapit na ang paglusob ng iba’t ibang elemento sa lahi nila. At dahil hindi pa naibabalik si Erastus, lalong naging nakakahindik ang kahahantungan ng lahi nila. Siya ay mapupunta sa Gitbutay subalit mamamatay rin sa sandaling mapaslang ang pinakahuling lahi ng mga lambana. Maglalaho silang lahat. At habambuhay na makukulong sa isang sisidlang nakabaon sa black hole ng ikaapat na daigdig. Iyon ang kulungan ng iba’t ibang uri ng mga elemental na nilalang na tulad nila.
Habang ang iba’t ibang uri ng elemento ay nagpapatayan para sa pag-angkin sa Aklat Na Tagapagpatupad.
At hindi iyon maaaring mapasakamay sa mga masasama at mga sakim na engkanto dahil mapapahamak ang mga nasa daigdig ng mga tao. Mababalutan ng malulupit at masasamang nilalang ang buong mundo!
Ipinakita iyon ng mga tagakonseho sa kanya sa panaginip at takot na takot siya sa maaari nilang kahinatnan. Kaya nga nang yayain na siya ni Erastus na bumalik sa Engkantasya ay walang pagdadalawang-isip na sumama na siya. Ibigin man siya ni Erastus ay wala rin iyong silbi kung mamamatay naman ang lahat ng mga kauri nila.
“Pero may isa pang mas mabisang paraan para matakasan mo ang kaparusahan ng bawal na halik, Rosette.”
Napabaling si Rosette sa nagsalitang si Axyl. Ngayon lang niya narinig na may alternate sa pag-ibig.
“Oo, may iba pang paraan. Kailangang mahalikan ka ng nilalang na totoong nagmamahal sa `yo at tanggapin ang pag-ibig niya.”
“Ano’ng sinasabi mo?” nalilitong naitanong ni Rosette kay Axyl. Wala talaga siyang maintindihan.
“Pag-ibig ang lunas sa sumpa ng bawal na paghalik ng mga mortal sa lambana.” Inabot ni Axyl ang isa niyang kamay at marahang pinisil-pisil. “Nadagdagan ang laman ng Aklat Na Tagapagpatupad at nitong nakaraan lang namin iyon natuklasan. Kung hahalikan ka ng nilalang na totoong umiibig sa `yo at tatanggapin din ang pag-ibig na iyon, mawawalan ng bisa ang bawal na halik na ipinataw sa `yo ni Erastus, Rosette.”
Naiintindihan na niya. Napabuntong-hininga na lang din siya. “At saan naman kaya ako kukuha ng nilalang na totoong iibig sa akin sa loob ng halos apat na araw?”
Frustrated na siya. Nawalan ng pag-asang tumalikod siya kay Axyl.
Subalit mabilis siyang nakabig nito at muling naiharap rito. Kandasinghap siya nang mabunggo ang katawan niya sa matikas at matatag na katawan ni Axyl. Ganoon na lang din ang pagbunggo ng kaba nang direktang salubungin nito ang mga mata niya.
“A-Axyl…”
“Ako, Rosette,” buo ang loob na sambit nito. “Pwede kitang iligtas gamit ang pag-ibig ko. Kung tatanggapin mo iyon at kung hahayaan mo akong halikan ka.”
Nawalan ng sasabihin si Rosette. Hindi naman mahirap intindihin ang sinabi ni Axyl. Isa iyong deretsahang pagdedeklara nito ng damdamin para sa kanya. Pwedeng-pwede na niya iyong tanggapin para sa kanyang sariling kapakinabangan.
Ngunit hindi masaya ang kanyang puso para sa ideyang iyon. Hindi niya gusto ang ideya na tanggapin ang pag-ibig ng iba para lang makawala sa parusa.
Mas gusto pa niyang tanggapin na lang ang kapalaran niya. At ubusin ang natitira niyang oras para patuloy na ibigin ang nag-iisang engkantado na mahal niya. Mas gusto niya na hanggang sa huli, mananatiling wagas ang pag-ibig niya para kay Erastus. Wagas at tapat. Walang bahid ng pagtataksil. Maski iyon pa ang maging mitsa ng buhay niya.
“No, Axyl.” Sa huli ay nagawa ring sabihin ni Rosette. “Si Erastus ang mahal ko at siya lang ang mamahalin ko hanggang sa huli. Hindi man ako mailigtas ng pag-ibig ko sa kanya, wala akong pagsisisihan.”
Nanlalaki ang mga matang pinakawalan siya ni Axyl. Tila hindi ito makapaniwala sa sinabi niya. “Nababaliw ka na ba? Mas gugustuhin mo pang mamatay kesa tanggapin ang pag-ibig ko para sa `yo?” galit na sita ni Axyl.
Siguro ay hindi siya nito mauunawaan. Pero wala na siyang pakialam. Hindi niya kailangang ubusin ang panahon para ipaunawa rito ang punto niya. Besides, kailanman ay hindi nagkaroon ng paliwanag kung ano ang pagmamahal.
“I’m sorry.”
Tinalikuran niya si Axyl at lumipad palayo roon. Gusto muna niyang mapag-isa maski sandali lang. Pakiramdam kasi niya, binagsakan siya ng sangkaterbang problema. At hindi na talaga siya makahinga.
Naramdaman niya ang pagsunod ni Axyl.
“Please… bigyan mo naman ako ng panahon na huminga, Axyl!” galit na sigaw niya rito nang hindi ito tinitingnan.
“Hindi ako si Axyl.”
Nahinto sa paglipad si Rosette at malakas na napasinghap. Nagkagulo na naman ang puso niya pagkarinig sa napakagandang timbre ng buong-buong boses nito. Sa boses palang ni Erastus, damang-dama na niya ang pamilyar na init na bumabalot sa puso niya.
“Erastus…” mahinang nasambit niya ang pangalan ng engkantadong noon, ngayon, at sa hinaharap ay mag-isang nakapaloob sa kanyang puso.
Nang bumuka ang maiinit na mga bisig ni Erastus ay di na niya napigilang itapon ang sarili papunta rito. At parang isang natural na bagay na mabilis na bumalot sa kanya ang mga iyon. Napahikbi na siya. At di inaasahang mapapangiti rin bigla si Rosette habang lumuluha. Dahil sa mga sandali ding iyon, bigla niyang naramdaman na wala siyang dapat ikatakot. Lalo at higit na wala siyang dapat na pagsisihang minahal niya si Erastus.
Ang mahalin ito, ang pinakamaganda na yatang bagay na ginawa niya sa buong buhay niya.
At pwede pala ang ganitong pakiramdam. Iisa lang ang nilalang na kailangan niya. Si Erastus. Ito man ang dahilan ng kanyang pagluha, ito rin ang dahilan kung bakit nakukuha niyang ngumiti sa kabila ng lahat ng pinagdadaanan niya ngayon.
NAIS yatang balikan ni Erastus si Axyl at bigwasan iyon ng isa. Bakit nito pinaiyak si Rosette? Hindi niya talaga gustong makakita ng umiiyak na babae. Lalo na kung si Rosette iyon. Mabigat sa dibdib ang tunog ng mga hikbi ng lambana. Para siyang pinupunit na hindi niya mawari.
At sa mga sandaling iyon, gusto niyang itaga sa pinakamatigas na bato na hindi na muling iiyak ang lambana. Wala nang kahit na sino ang pwedeng magpaiyak rito.
“Tama na `yan, Rosette. Kakausapin ko ang gagong Axyl na iyon.”
Nahinto sa paghikbi si Rosette at kumawala sa pagkakayakap sa kanya.
“Bakit ka nagagalit kay Axyl?” Nagtatakang tanong nito na pinahid pa ang mga luha.
“At bakit hindi? Pinaiyak ka niya!”
Kung ikinaiinis niya noon ang Rosette na nakilala niyang walang ibang gustong gawin kundi ang magbasa at matulog, well, ngayon ay mas gusto niyang bumalik na ito sa pagiging ganoon kesa naman nakikita niya itong malungkot at umiiyak.
“Hindi niya ako pinaiyak,” mahinang sambit nito.
Nag-init ang ulo niya. Ipinagtatanggol pa talaga nito ang lalaking iyon! Ano bang pinakain ni Axyl dito para magkaganito ito roon? Kung pinaluluha rin lang ito ng lalaki, maigi pang makipaghiwalay na lang ito roon.
“Sige lang. Itanggi mo hanggang gusto mo,” pakutyang sabi naman niya. Naiinis na rin naman siya rito.
“Bakit ba ayaw mong maniwala?”
“Tingnan mo nga ang sarili mo? Paano ako maniniwala sa `yo kung ganyan ang nakikita ko?”
“Kasalanan sa atin ang magsinungaling, Erastus.”
“Ah. Kaya pala nagsinungaling ka sa akin noong nasa kabilang mundo tayo.”
“Ano ba, Erastus! Ibang bagay naman iyon!” angil na nito sa kanya na tila napupuno na.
Hindi niya maintindihan si Rosette. Naisip niya na baka nagugustuhan na nito si Jyle kaya nagawang magsinungaling para mag-extend pa sila sa mundo ng mga tao. Pero ngayong nakita niya ang intimate na eksena nito at ni Axyl, ano ba ang dapat niyang isipin? May relasyon sina Axyl pero dahil nagkagusto na sa mortal si Rosette ay tinatalikuran na nito ang una? At kaya ito umiiyak ay dahil hindi na ito makakabalik sa mundo ng mga tao? Iyon siguro ang tinutukoy nina Xyro na problema nitong dapat harapin?
Ah! Hindi niya alam. Napakaraming konklusyon ang bumabagyo sa kanyang utak at hindi siya matatahimik hangga’t hindi naririnig kay Rosette kung ano ba ang totoo.
“So, ano pala ang dahilan ng lahat ng mga luhang iyan?”
Hindi nagsalita si Rosette. Nanatili lang itong nakatitig sa kanya. Matagal. At kitang-kita niya kung paanong mabilis na naghahali-halili ang iba’t ibang damdamin sa magagandang asul na mga mata nito. Gusto niya itong basahin. Gustong-gusto niya. Pero nahihirapan siyang unawain ang lahat ng mga damdamin na iyon.
“Why would I told you?” Sa halip na sagutin ay narinig niyang balik tanong ni Rosette, saka nag-iwas ng mga mata.
“Bakit hindi? Malapit din naman tayo noon maski paano, hindi ba?”
Tila nagulat na tiningala siya ng lambana. “Naaalala mo na?”
That confirmed all of it.
“Hindi pa. Pero nararamdaman ko. Alam ko na malapit tayo noon.”
Nadismayang lumayo si Rosette sa kanya. “Saka ka na manghimasok sa sitwasyon ko kapag naaalala mo na ang nakaraan mo. Kapag dumating ang araw na iyon, baka maisipan ko ring mag-open sa `yo.”
Agad na lumipad palayo sa kanya si Rosette. Kung saan ito pupunta ay hindi niya alam. Hindi na rin siya nagtangkang sundan ito maski gustong-gusto niya. May bahagi kasi niya ang biglang nanabik na maalala ang totoong siya.
Pero paano?
Paano niya mahahanap ang nawawala niyang alaala?