Enchanted (Compilation of Lambana Stories) Chapter 38

SIGURADO ka ba sa gusto mo, Xyro?”

Hinarap ni Xyro ang nagsalitang si Dylan. Pareho silang nakaharap sa Salamin Ng Hinaharap. At pinapanood ang hindi pa rin magandang nakatakda sa kanilang mga tadhana. Nang mga sandaling iyon siya nagpasya. Sabi nga sa batas ng kalikasan, “Ang munting aksyon ng kahit na sinong nilalang ay may malaking epekto sa sanlibutan.”

At palagay niya, ang magiging pasya ng puso ni Rosette ang maaaring magligtas o magpahamak sa mga buhay nila.

“Hindi pa ako naging ganito kasigurado sa buong buhay ko, Dylan.” Puno ng determinasyon ang kanyang tinig.

“Pero hindi tamang pakialaman natin ang damdamin ni Rosette. At paano naman si Axyl? Masasaktan lang siya.”

“Hindi naman natin pakikialaman ang damdamin ni Rosette. Tutulungan lang natin siyang magdesisyon.” Mariing tanggi at mungkahi ni Xyro.

“Hindi kita maintindihan.”

Napabuntong-hininga siya. “Sa buhay ay hindi parating panalo. Kailangan iyong maunawaan ni Axyl. At si Rosette, kailangan niyang timbangin ang damdamin niya para sa dalawa. Kahit noon pa naman ay napapansin na natin silang tatlo at hindi lang tayo nakikialam. Pero dahil nakasalalay na sa kanilang tatlo ang kaligtasan ng buong lupon natin, wala akong hindi gagawin upang hindi tayo maligtas.”

“So… ibig mong sabihin ay nakasisigurado ka na maililigtas tayo ng desisyon ni Rosette?”

Bumuntong-hininga si Xyro at muling ibinalik ang mga mata sa Salamin Ng Hinaharap. “Oo. Naniniwala akong susundin niya ang kanyang damdamin. At ang malinis niyang puso ang magliligtas sa ating lahat. Maaaring maraming beses na nagkakamali si Rosette sa mga desisyon niya. Pero ang lambanang may malinis na puso ay di kailanman ipapahamak nito.”

“WHAT THE HELL?!”

Umigkas ang mga pakpak ni Rosette nang marinig ang sinabi ng kaibigang si Caiorroa. Kasunod nito ang iba pa.

“Wala tayong magagawa. Iyon ang utos ng buong konseho,” pabuntong-hininga na sagot ni Caiorroa.

“Pero… bakit naman sila ganoon? Hindi ko kayang makasama ang dalawang iyon. Bakit hindi na lang sila ang sumama kay Erastus papunta sa ikatlong daigdig?”

Sumimangot si Simone. “Huwag ka na ngang mag-inarte diyan, Rosette! Bakit hindi ka na lang matuwa samantalang alam naman namin na kung hindi ka kasama sa paglalakbay, mag-aalala ka lang dito sa Engkantasya, habang iniisip ang kalagayan ni Erastus.”

Umawang ang bibig niya upang itanggi ang sinabi ni Simone subalit mabilis itong sinegundahan ni Vymerra.

“Oo nga. Sa tuwi namang may misyon sina Erastus ay para kang tutubi na hindi mapakali. Kung minsan nga ay gusto na lang naming sabihin sa buong konseho na isama ka na lang nila kapag umaalis sina Erastus.”

“Dahil sa halip na matahimik kami at kalmado rito sa Engkantasya, nadadamay kami sa pagkatensyonada mo,” sambit din ni Zayleigh.

Hindi na makaangal pa si Rosette. Bukod sa pinagtutulungan na siya ng apat na kaibigan ay purong katotohanan ang sinabi ng mga ito. Tama naman ang mga kaibigan niya. Maski magkunwari siyang mas gusto niyang naroroon siya sa Engkantasya habang naglalakbay sina Erastus ay hindi rin naman siya matatahimik. Mag-aalala lang siya kay Erastus.

“Hindi pa ba nakakabalik si Xeen?” Sa halip ay naitanong na lang niya sa mga kaibigan.

“Hindi pa.”

“Naging isda siya.”

“Ano?!” gimbal na naibulalas ni Rosette.

“Oo, lambanang sirena na siya ngayon.”

“Teka? Paano nangyari? Bakit ang gulo?” Nahilo yata siya sa mga nalaman.

“E `di ba nga nagulo na rin nag Batas Ng Kalikasan? Kaunting kibot natin, may epekto sa kahit sino sa mga tulad natin at sa mismong daigdig natin. Lahat ng desisyon natin, parating may epekto sa mga nangyayari at mangyayari.” Mabilis na paliwanag naman ni Caiorroa.

Napabuntong-hininga si Rosette. Ibig sabihin, ang ginawa niyang pagtanggi kay Axyl ay posibleng may epekto rin sa magiging hinaharap ng buong Engkantasya?

“Pero `wag ka nang mag-alala, Rosette,” sabi naman ni Zayleigh. “Dahil mas maigi na din na naging lambanang sirena si Xeen. Sakaling malipol tayong lahat, may nag-iisa at huling lahi natin ang matitira.”

“Bakit ganyan ka magsalita, Zay? Tinatanggap mo na na matatalo tayo sa labanan?”

“Paano tayo mananalo kung parati naman kayong tumatakas sa pagsasanay?”

Sabay-sabay silang bumaling na makakaibigan sa nagsalita. Si Dylan na deretso ang tingin kay Zayleigh. At walang pakundangan naman iyong sinasalubong ng huli. Siya lang ba iyon o talagang merong something sa dalawang ito? Kapansin-pansin kasi ang pagkakainitan nina Zayleigh at Dylan. Tila parating may pinaghahatian ang mga ito. Pero nakakakita rin siya ng kakaibang kislap ng mga mata tuwing magkakaharap ang dalawa.

Kasama ni Dylan si Ryker na hawak ang mga bagong armas sa pakikipaglaban at isa-isang iniabot sa mga kaibigan niya.

“Bakit ako, wala?” angal ni Rosette matapos mamahagi ng armas si Ryker.

“Meron ka. Nasa training ground. Pero saka mo na iyon kunin kapag magsasanay ka na. Sa ngayon, puntahan mo na sina Axyl at Eratus dahil ikaw na lang ang hinihintay sa paglalakbay ninyo papunta sa Ikatlong Daigdig.”

“Oo nga,” segunda ni Dylan sa sinabi ni Ryker. “Hindi mo naman kailangan ng armas dahil dalawang engkantado ang handang makipagpatayan para protektahan ka.”

Umigkas ang kilay ni Rosette. Hindi dahil hindi niya nagustuhan ang narinig kundi dahil nagtaka siyang sinabi iyon ni Dylan. Oo. Alam niyang nababasa ng mga tagakonseho ang kanilang iniisip subalit hindi ang kanilang mga damdamin. At sa pagkakataong ito at tuwing kaharap niya ang mga miyembro ng mga tagakonseho ay pinipilit niyang huwag isipin ang damdamin niya para kay Erastus. Para naman walang makaalam. Akala niya ay epektibo.

“Ang suwerte mo talagang babae ka!” buska ni Simone kay Rosette na nagpabalik ng atensyon niya sa mga kaibigan.

“Kailangan nating manalo sa laban. Galingan n’yo sa pagsasanay,” sa huli ay naibilin na lang niya sa mga kaibigan.

“Oo, Rosette.”

“At galingan mo rin sa pagpili.”

“Mahal ko o mahal ako?”

“Mahal ko!”

“Mahal ako!”

“Ang selfish naman ng pinipili mo, Vymerra.”

“Aba. Bakit ako magpapakamartir sa nilalang na hindi naman ako kayang mahalin? Mas masarap mabuhay na masaya.”

Naiiling na iniwan na lang ni Rosette ang mga kaibigan at sapilitang inilipad ang sarili papunta kina Erastus at Axyl na naghihintay na sa kanya sa di-kalayuan. Nakabihis panlakbay ang mga ito at kompleto sa armas. Paano nga naman, hindi biro ang maglakbay patungo sa Ikatlong Daigdig. Siguradong maraming elemento ang haharang sa kanila.

Hindi rin naman niya maunawaan ang mga tagakonseho kung bakit kinailangang magkasundo ng mga iyon na pagsama-samahin silang tatlo, gayong alam naman pala ng mga ito ang lagay ng kanyang puso? Sino sa dalawa nina Erastus at Axyl ang pumayag sa set up na iyon?

Dahil kung sina Xyro, Dylan at Ryker lang ang nagdesisyon ng set up na iyon, kailangan pa rin na isa kina Axyl at Erastus ang sumang-ayon sa napagkasunduan bago iyon ipatupad.

“Ready?” tanong ni Axyl nang makalapit na siya.

“Wala naman akong choice, `di ba?” naiinis na sagot ni Rosette.

Wala naman talaga siyang magagawa maski tumanggi siya. Pero aaminin niyang gusto niyang maging bahagi ng paglalakbay na iyon para makuha uli ni Erastus ang alaala nito.

Biglang natigilan si Rosette sa tangkang pagsulong sa paglipad nila. May na-realize siyang isang mahalagang bagay. Kapag bumalik na ang alaala ni Erastus, mawawalan na talaga siya ng pag-asang mahalin nito. Dahil maaalala na nito kung sino ba talaga ang totoong minamahal ng puso nito.

“O, bakit?” Lumipad pabalik sa kanya si Erastus. “Natatakot ka ba?” Inabot nito ang isang kamay niya at magaang pinisil. “Huwag kang mag-alala. Poprotektahan kita palagi.”

It somehow touches her very soul. Damang-dama niya ang mainit na damdaming kaloob ng mga salita ni Erastus. Subalit sabihin pa rin kaya nito ang mga salitang iyon sa sandaling magbalik na ang alaala nito?

She hide her pain and smiled at him so sweetly. Siguro, hahayaan na lang muna niya ang sarili na magpaalaga at magpaprotekta kay Erastus kahit sandali lang. I-eenjoy muna niya iyon habang di pa nito naaalala kung sino ang babaeng totoong gusto nitong protektahan palagi.

“Salamat.”

Mahigpit na hinawakan siya ni Erastus at saka siya iginiya sa paglipad. At sa mga sandaling iyon, nararamdaman niyang ligtas siya. Tila naramdaman muli ng puso niya ang kaligayahang parati niyang nararamdaman kapag ganoong kasama niya si Erastus. Tuwa na parating may kahalong lungkot. Dahil tuwing magiging maligaya siya sa kaalamang nasa tabi niya si Erastus, nalulungkot at nasasaktan pa rin siya sa katotohanang hindi siya ang laman ng puso ng lalaking iniibig niya nang sobra.

MADILIM na nang marating ng grupo nina Erastus ang lagusan patungo sa Ikatlong Daigdig. Dambuhala ang mga puno at puro batuhan ang buong paligid. Malalaki at matutulis ang mga iyon. Ni isang damo ay wala siyang makita. O baka naman dahil nakalutang sila sa ere at animo walang hanggang bangin ang kapatagan. At ayon kay Axyl ay matutulis na bato pa rin ang nasa kailaliman ng kinaroroonan nila.

Si Axyl ang naging guide nila dahil ito lang naman ang mismong nakakaalam kung nasaang parte ng mundo ng mga elemento ang lagusan. Nagtaka nga siya kung bakit kinailangan pa nilang magdala ng sandata gayong maski isang kalaban ay wala naman silang nakasalubong. Siguro, parte lang ng pag-iingat iyon. Masyadong praning ang mga kapwa nila engkanto dahil nakikita ng mga ito ang mga mangyayari sa hinaharap.

Pero kung ganoon nga, kung nakita nga ng mga iyon na maraming haharang sa kanilang iba’t ibang uri ng mga engkanto, bakit ni isa ay wlaa naman silang nakasagupa?

“Malapit na pala tayo? Sabay-sabay tayong tatawid?” Naitanong niya matapos ituro ni Axyl ang kumikinang na bilohabang lagusan.

“Ikaw lang ang tatawid, Erastus.”

“Ha?” Nagulat siya sa sinabi ni Axyl. Bakit siya lang? Hindi ba kaya siya sinamahan ng mga ito ay dahil kasama rin ang mga ito sa pagtawid.

“Ikaw lang ang may kailangan kay Dakila. Ipinagbabawal sa mga elemento ang pumasok sa Ikatlong Daigdig kung wala namang matinding pangangailangan kay Dakila.”

“Pero—”

Bago pa niya maituloy ang sasabihin ay hinawakan na ni Rosette ang kanyang isang braso. Mahigpit na yakap nito iyon at hindi niya maunawaan kung ano ang ipinahihiwatig ng magkahalong lungkot at saya sa makinang nitong mga mata.

“Panahon na para maalala mo ang lahat, Erastus.”

“Gusto kong kasama kita sa pag-alala ko sa lahat.”

Mahinang napailing si Rosette. “Kung pwede lang… pero mas mabuti na din na hindi mo ako kasamang—”

Napahiyaw sa sakit si Rosette at agad itong bumulusok paibaba. Kaya pala ay naputol ang isa sa mga pakpak nito. Pero bakit?

Sino ang umaatake sa kanila? Bakit hindi nila nakikita?

Ganoon na lang ang pagkataranta ni Erastus at sinisid si Rosette na bumubulusok. Batuhan ang kababagsakan nito. Siguradong magkakalasog-lasog ang katawan nito kapag hindi niya ito masagip.

“May kapreng umaatake sa atin at gumagamit siya ng tagabulag!” malakas na sigaw ni Axyl na iwinawasiwas ang hawak nitong espada.

“Erastus!!!” malakas na tili ni Rosette na nakaangat ang kamay na tila inaabot siya.

Mas pinaghusay niya ang paglipad pabulusok upang mahagip ang kamay nito. Pigil niya ang paghinga. Gustong-gusto niyang sapakin ang sarili dahil hindi niya maabot si Rosette.

“Rosette!” sigaw niya nang kaunting-kaunti na lang at maabot niya ang dulo ng daliri nito. Sumisid pa siya nang husto hanggang sa tuluyang mahawakan ito sa kamay.

Mahigpit na niyakap niya si Rosette na nanginginig pa sa takot. Humihikbi na ito matapos ang ilang sandali.

“Ssssh… You’re safe now, Rosette. Hindi ko hahayaang may mangyaring masama sa `yo.” Masuyong pagpapakalma niya sa lambana at marahang pinispis ang likod nito.

Inilipad niya si Rosette pabalik kay Axyl na ngayon ay nakikipaglaban na sa kapre. Nakikita na rin nila ang kalaban na umatake sa pakpak ni Rosette, nawalan na siguro ng bisa ang tagabulag nito. Yakap ng isang kamay niya ang bewang ni Rosette na umatake rin siya sa kapreng pilit hinuhuli si Axyl. Maging sila ay pinutirya na rin nito.

“Pumasok ka na sa lagusan, Erastus! Bilisan mo! Kailangang maibalik na ang alala mo bago pa tayo mapatay ng kapreng ito!” malakas na sigaw ni Axyl habang umiilag at umaatake sa kapre.

“Pero paano si Rosette?”

“Ako na ang bahala sa kanya.”

Nag-aalinlangan pa rin si Erastus. Hindi niya pwedeng iwan ang mga ito sa ganoon kapanganib na sitwasyon. Mag-isa lang si Axyl na lalaban. Hindi rin naman makakatulong si Rosette dahil bukod sa wala itong armas ay putol ang isa nitong pakpak. Hindi nito maipagtatanggol ang sarili.

Nag-iisip pa si Erastus habang nakikipaglaban at iniiwas si Rosette sa kapre nang biglang hablutin ni Axyl si Rosette mula sa kanya.

“Tumawid ka na, Erastus! Tumawid ka na!” sigaw sa kanya ni Axyl habang yakap nito sa bewang si Rosette at patuloy na nakikipaglaban sa kapre.

Nang tingnan niya sa mga mata si Rosette at makitang inuudyukan na siya nitong tumawid ay napilitan siyang sundin ito. Ngunit bago iyon ay iniabot niya kay Rosette ang kanyang espada.

“Mag-iingat ka, Rosette. Hindi ko gustong bumalik na may dagdag na pinsala ka.”

Sa paiwas na paraan ay napasok niya ang lagusan patungo sa Ikatlong Daigdig.

Mabilis na nagbago ang kanyang paligid. Naging maliwanag ang madilim na kinaroroonan niya. Naging matahimik. Wala ang ungol ng kapre at ang hiyaw nina Axyl at Rosette na tanda ng pakikipaglaban ng mga ito. Pulos tunog ng kuliglig at mga kulisap. Tunog ng mga nag-aawitang mga ibon. Para siyang nasa paraiso.

May sumalubong sa kanyang tutubi na sa pagkagulat niya ay bigla siyang isinakay sa likod nito at inilipad patungo sa kung saan.

Mayayabong na mga bulaklak at mga damo ang nakikita niya sa paligid. Napakaganda! Pero ano ba talaga ang meron sa Ikatlong Daigdig?

Sandali pa at ibinaba na siya ng tutubi sa ibabaw ng isang nakabukang bulaklak. Sa harapan niya ay dambuhalang puno na parang kumikinang dahil napapalibutan iyon ng maliliwanag na alikabok.

“Maligayang Pagdating, Erastus.”

Sa pagkagulat ni Erastus ay nagliwanag ang katawan ng puno. Iniluwa noon ang isang matangkad at matikas na lalaki. Bigotilyo ito bagaman malinis tingnan. Kulay ginto ang makikinang na mga mata. May pakpak ng tila sa agila. Maberde ang pang-itaas nitong hindi mahaba ang manggas. Kulay brown naman ang pang-ibaba na parang squarepants. May hawak itong mahaba at makinang na tungkod, na may disenyong pakpak rin ng ibon sa tuktok noon.

Nang bumaba ito sa lupa ay naglaho ang mga pakpak nito.

“Lumapit ka, Erastus.”

Kahit na nag-aalinlangan ay nilapitan niya ang lalaki. Noon lang niya napansin na ang kasuotan nito ay yari sa mga dahon. Sariwa sa pang-itaas at tuyot sa pang-ibaba. Ganoon na lang ang kanyang pagtataka. May ibig sabihin ba ang mga nakikita niya?

“Kamangha-mangha, hindi ba?” nakangiting sambit nito nang tingalain niya ang lalaki.

Napakatangkad nito. Sa malayo, inakala niyang magkasingtangkad lang sila. Six footer na siya pero mas matangkad pa rin ito sa kanya ng mga dalawa hanggang tatlong talampakan. Hindi na yata iyon normal.

Ah! Lahat naman ng nangyayari ay hindi normal. Lahat ng nararanasan niya ay nababalutan ng hiwaga. Ano pa bang nakapagtataka?

“K-kilala mo ako?” hindi niya napigilang itanong.

“Oo. Dahil dito.” Itinuro nito ang kasuotan na hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa kanya kung ano ang ibig sabihin.

At bakit ba sa mga paningin niya ay patangkad ito ng patangkad? Ngayon ay hanggang bewang na lang siya nito. Bigla siyang naalarma. Hindi kaya isa rin itong kalaban? At kaya patuloy ito sa paglaki ay dahil naghahanda na itong pisain siya?!

“Hawak ko ang Nakaraan, ang Kasalukuyan at ang Hinaharap. Kung hindi ka hihintong matakot at mag-alinlangan ay patuloy akong tatangkad hanggang sa hindi mo na makita ang aking mukha.”

Naguluhan siya sa kung anong sinasabi ng lalaki. Subalit nakahanda pa rin siyang makipaglaban dito sakaling umatake ito. Mula sa kanyang tagiliran ay hinawakan niya ang maliit na punyal, na nakasuksok sa kalubang nakatali naman sa kanyang bewang.

“Ako si Dakila, Erastus. Itigil mo ang pag-aalinlangan sa kaharap mo. Ikalma mo ang sarili mo.”

Sa pagkarinig niya sa pangalan nito ay para siyang nahimasmasan. Noon din ay agad na bumalik sa dati nitong laki ang lalaki. Halos kasing tangkad lang pala niya ito.

“Ang damdamin ng kung sinong kaharap ko ang nagpapabago sa anyo ko sa paningin niya, Erastus,” sabi nitong ngumiti sa kanya. “At kung patuloy kang mag-aalinlangan, patuloy na manlalabo ang kakayahan mong makuha sa akin ang iyong alaala. Kailangang maging handa at tiyak ka sa nais mo bago ko iyon ibigay sa `yo.”

“Ikaw nga si Dakila. Ikaw nga ang nilalang na ipinunta ko rito.” Nasambit na lang niyang tuluyan nang kumalma. Alam nito ang pakay niya sa daigdig nito kaya naman walang duda na ito na nga ang nilalang na hinahanap niya.

“Handa ka ba talagang tanggapin ang iyong alaala? Maipapangako mo bang pipiliin mo na ngayon ang tama, ha, Erastus? Susundin mo na ang iyong puso?” paniniguro nito.

“Hindi kita maintindihan. Ibibigay mo sa akin ang alaala ko nang ganoon nalang? Walang pagsubok? Katulad nung sa mga pelikula?”

Naaaliw na tumawa si Dakila na lalong nagpakunot ng noo niya. “Wala ka sa mundo ng mga mortal, Erastus. At sinabi ko sa `yo na hawak ko ang nakaraan, ang kasalukuyan at ang hinaharap. Alam ko ang magiging konsekwensiya ng magiging desisyon ko sa kasalukuyan. At hindi ko na kailangang patagalin ang pagbibigay ng iyong kailangan dahil sa huli, alam kong makakapasa ka sa mga pagsubok.”

Iwinasiwas ni Dakila ang makinang na tungkod nito sa isang bahagi ng kinaroroonan nila. At katulad sa mga fantasy movie, mula sa ere ay nakikita niya ang sarili na nakikipagsagupaan sa mga nilalang na hindi niya maipaliwanag ang hitsura. May ahas na ang ulo ay sa pusa. May kabute na biglang nagmumukhang halimaw na may tatlong ulo ng dragon at pinipigilan siya sa pag-akyat papunta sa matayog na burol. May mapanlinlang na tiyanak. At sa huli, naroroon sina Rosette at Shunn. Parehong nakalahad ang kamay ng mga ito sa kanya. Tila inaanyayahan siya.

Biglang nawala ang eksenang pinapanood niya. Hindi niya tuloy nalaman kung sino ang pinili niya sa dalawa.

Pero bakit kailangan niyang pumili?

“Ang kailangan ko na lang talagang siguruhin sa `yo ay ang kahandaan mo, Erastus.” Huminga nang malalim si Dakila. “Handa ka na ba talagang tanggapin ang kailangan mo?”

Mabilis na tumango si Erastus. Hindi pa siya kailanman naging sigurado sa buong buhay. Ngayon lang. Siguradong-sigurado na siya na handa na siyang magbalik ang kanyang alaala. Handa na siyang maalala si Rosette!

“Kung ganoon…”

Itinutok ni Dakila ang dulo ng tungkod nito sa noo niya. At sa isang sandali, isang mahiwagang liwanag ang dumaloy patungo sa kanya. Patuloy rin iyong ina-absorb ng kanyang buong sistema.

Naalala na niya ang lahat.

Ang unang paglitaw ng mga lambana sa ibabaw ng buko ng mga bulaklak sa Engkantasya. Ang mabilis na paglaki ng mga iyon kasabay rin ng paglaki ng mga flower bulbs na siyang nagsisilbing tahanan ng mga ito. Ang unang araw na nahalina siya sa kagandahan ni Kroen. Ang unang araw na nakita niya ang kaakit-akit na ngiti ni Rosette. Ang araw na natuklasan niya ang natatanging katauhan ni Rosette. Kabukod tangi ito sa lahat ng mga lambana, na hindi kayang basahin ang iniisip ng kahit na sinong bahagi ng konseho.

Ang mga panahon na naging malapit sa kanya ang grupo nina Rosette. Ang mga araw na masaya at malungkot si Rosette at sa lahat ng pagkakataon ay naroroon siya sa tabi nito. At ang mga araw na hindi niya maipaliwanag ang masarap na pakiramdam niya tuwing magkakasama sila. Mga panahon na hindi mapakali ang kanyang puso dahil sa lambana.

Maging ang araw na inamin niya kay Rosette na gusto niya si Kroen at nagpapatulong siya sa una na maging malapit sa kaibigan nito. Dahil noong mga panahon na iyon, walang ibang laman ang isip ni Kroen kundi ang makatawid sa kabilang mundo.

Naaalala na rin niya ang araw na gustong manghinayang ng kanyang puso, dahil nakita niya kung ano ang totoong damdamin ni Axyl para kay Rosette. At kung paanong tila piniga ang kanyang puso kapag nakikitang masayang magkasama at magkasundo ang dalawa. Gusto niyang saktan ang sarili. Hindi niya maintindihan kung bakit salawahan ang damdamin niya. Kung bakit tila dalawa ang kanyang iniibig.

Nalilito siya noon.

Dahil noon, naalala niya na nasaktan din siya sa mga panahon na umibig si Kroen sa isang mortal. At kung paano niya sinikap na mabawi si Kroen. Maging ang ginawa niyang sakripisyo noon para kay Kroen.

At ang totoong dahilan ng kanyang sakripisyo…

Hindi napigil ni Erastus ang sarili na mapaluha habang napapaluhod sa lupa. Ang sama-sama niya! Napakamakasarili niya! At hanggang sa maging tao siya ay taglay niya ang pagiging makasarili.

Kaya pala…

Kaya pala ganoon na lang ang damdamin niya nung unang beses na makaharap niya si Rosette sa mundo ng mga mortal. At kaya pala ganoon na lang din ang pagdadalawang-isip niyang sumama kay Rosette. Kahit na nararamdaman niya ang pamilyaridad, may isang bahagi ng damdamin niya ang pumipigil sa kanya na sumama rito.

Dahil siya ang nagdesisyong lumayo kay Rosette noon.

Dahil makasarili siya. Ginamit niya ang pagkakataon at sitwasyon ni Kroen upang takasan ang kanyang kinatatakutan.

“Sigurado ka na ba, Erastus? Hindi natin alam ang magiging konsekwensya ng desisyon mo.”

“Gusto kong maging masaya si Kroen.”

“Iiwan mo ang mundo mo para sa kaligayahan ng iba? Nahihibang ka na ba?”

“Kailangan ko rin itong gawin para sa sarili ko.”

Pasimpleng binalingan ni Erastus si Axyl. At alam niyang nababasa nito ang kanyang iniisip.

“Huwag mo akong insultuhin, Erastus!’ galit na singhal ni Axyl. “Hindi ko gustong magtagumpay dahil lang nagparaya ang aking katunggali.”

“Alam mong hindi iyon ang dahilan. Kaibigan kita, Axyl! Mahalaga ka rin sa akin.”

Sarkastikong ngumisi si Axyl. “Hindi ka pa rin dapat na sumuko at magparaya. Hindi porke hindi natin kayang basahin si Rosette ay basta ka na lang magpapaubaya.”

“Mahirap umasa, Axyl,” nahihirapan na ring tugon niya.

Tila ba sinasakal ang puso ni Erastus. Gusto niya na ayaw niya. Aalis na siya ng Engkantasya at makakalimutan ang buhay niya bilang isang engkantado. Makakalimutan din niya ang lahat-lahat patungkol kay Rosette at ang nakakalito niyang damdamin. Subalit kahit alam niyang iyon ang pinakamabuti para sa kanya, malaking bahagi pa rin ng puso niya ang tumututol sa ideya na mabuhay na nakalimutan ang lahat patungkol sa lambana. Ayaw sana niyang mabuhay na parating may hinahanap.

Pero hindi ba at mas mabuti na ring wala na siyang alam? Hindi na rin siya mumultuhin ng takot niya dahil wala na siyang maaalala.

Tama. Iyon ang pinakatama.

“Kaya ba mas pipiliin mo ang madaling paraan? Ang sumuko na lang?!” gigil na sumbat ni Axyl. “Nasaan na ang tapang mo?! Hindi ikaw ang Erastus na kaibigan ko!”

Hindi na siya nagsalita. Oo, inaamin niyang pagdating kay Rosette, naglalaho ang tapang at determinasyon niya. Hindi niya kayang sumugal sa damdaming walang kasiguruhan. Bilang isa sa mga miyembro ng konseho, tungkulin nilang alagaan ang mga lambana at ang buong Engkantasya. Kontrolado nila ang lahat bukod pa sa sinusunod sila ng lahat ng mga lambana. Nasanay siya na manipulado ang lahat ng bagay. Pero hindi pala, hindi pagdating sa damdamin ng mga lambana.

Sa tinagal-tagal niya sa Engkantasya, hindi niya minsang inisip na iibig siya sa alinamn sa mga lambana. Pero nangyari ang hindi inaasahan. Minsan na siyang sumugal kay Kroen. At nabigo. Hindi niya kayang mabigo pa ulit kay Rosette kaya mas gusto niyang takasan ang damdaming binubuhay nito.

(binago ko nalang po. Isa palang beses nagmahal si Erastus. At nabigo. Kay Kroen. Pero may iba ding binubuhay na damdamin si Rosette sa kanya nang mga panahon na iyon at natakot siya sa damdamin na iyon kaya tinakasan nalang niya.)

Oo. Duwag siyang tanggapin na posibleng mabibigo rin siya kay Rosette. Ganoon siya kaduwag sumugal sa pag-ibig kaya pinili niya ang tumakbo palayo, bago pa man siya tuluyang wasakin ng sariling damdamin.

At heto siya ngayon. Bumalik sa mundong pinilit niyang tinakasan noon. Lumayo siya sa Engkantasya para isalba ang kanyang marupok na damdamin. Buong akala niya, nakatakas na siya. Pero kahit ano palang tago ang gawin niya, hindi niya kailanman matatakasan ang sinisigaw ng kanyang puso. Hindi niya iyon maibabaon sa limot kahit ilang reprogram pa sa alaala ang hilingin niya. Kahit anong sira ang gawin niya sa Batas ng Kalikasan ay hindi pa rin iyon uubra.

Pagdating talaga sa usaping damdamin ay mahina ang depensa niya. Akala lang niya ay matatag siya at malakas. Akala lang niya iyon dahil ang totoo, mahina siya!

Napakahina niya!

“Ngayon mo sabihin sa akin, Erastus. Ngayon mo sabihin na gagawin mo na ang tama. Na pipiliin mo na ang kaligtasan ng nakararami kahit maging kapalit pa noon ang isugal ang takot mo.”

Tiningala niya si Dakila. Alam nito ang lahat. Wala siyang maililihim sa mahiwagang nilalang.

Mabigat man ang damdamin ay napilitan si Erastus na tumayo. Hindi siya maaaring manghina sa ngayon. Nasa panganib ang buong lahi niya. At iyon ay dahil din sa makasarili niyang desisyon noon. Kailangan na niyang maitama ang lahat ng kanyang pagkakamali.

“Handa na ako, Dakila.” Malinaw at siguradong sagot niya. Kailangan na niyang gumising sa kanyang bangungot. At sumalubong pabalik sa kanyang kinatatakutan. “Isa na lang ang gusto kong malaman.”

“Ano iyon?”

“Sino ang nagnakaw ng aking alaala?”

Huminga si Dakila ng malalim. “Ang mga duwende. Nasa lupon ng mga duwende ang iyong mga alaala. Alam na nila ngayon ang kahinaan mo at siguradong gagamitin nila iyon laban sa `yo.”

Natigilan si Erastus. Tama si Dakila. Dahil alam ng mga duwende ang alaala niya, alam ng mga ito kung saan siya aatakihin. At kailangan niyang protektahan ang kahinaan niya.

“Hindi ko na marahil kailangang sabihin sa `yo na mag-iingat ka, Erastus.”

Bumaling siya kay Dakila at nagpasalamat. Gusto pa sana niyang humirit at magtanong sa mangyayari sa hinaharap nila subalit iwinasiwas na nito ang hawak na tungkod sa isang bahagi ng lugar. Mula roon ay lumitaw ang lagusan pabalik sa daigdig ng mga elemento.

“Humayo ka. Huwag na kayong mag-aksaya ng panahon dahil nalalapit na ang digmaan sa daigdig ninyo. Kailangan mo nang ayusin ang gulong ikaw ang nagpasimula.”

Wala na nga siyang nagawa kundi ang tumawid. Dapat niyang ipagpasalamat na naintindihan siya ng mga kasama niya sa konseho matapos ang pinakamaling desisyon na ginawa niya noon.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.