Enchanted (Compilation of Lambana Stories) Chapter 39

LUPAYPAY ang katawan ni Rosette at wala na rito ang espada niya. Yakap naman ni Axyl ang bewang nito habang patuloy na umaatake sa nagwawalang kapre. Iyon ang eksenang naabutan ni Erastus, pagkatawid na pagkatawid niya sa lagusan.

Mabagal lang ba talaga ang oras sa Ikatlong Daigdig o kanina pa nakikipagbuno ang dalawa? Sa palagay niya ay pagod na ang kanyang kaibigan sa pakikipaglaban. Nagpipilit lang itong maging matatag upang maisalba ang kani-kanilang mga buhay.

Sa nakikitang determinasyon ni Axyl ay mabilis na naghagilap ng kahit anong matulis na bagay si Erastus. Sapat na ang nagawa ni Axyl para sa kanila, lalo na para kay Rosette. At panahon na para siya naman ang kumilos.

Di-kalayuan ay nakakita siya ng malaking sanga. At bago pa niya nalapitan iyon ay narinig niya ang sigaw ni Axyl.

Nabitiwan nito ang hawak na espada na mabilis niyang sinisid at kinuha. Iyong lipad niya paakyat ay dumeretso siya sa ulo ng kapre. Sa likod nito siya dumaan at pabiglang nagpakita rito. At dahil abala ito sa paghuli kina Axyl ay hindi nito naiwasan ang atake niya. Deretso siya sa isang mata ng kapre at walang awang pinagsasaksak iyon. Nakabibingi ang pag-atungal nito at dalawang kamay na nagpilit itong mahuli siya.

Subalit dahil mas mabilis siya kesa rito at may iniinda na ito ay mas naging madali sa kanya ang umatake at umiwas sa kapre. Isa pang atake sa kabilang mata nito at tuluyan na silang nilubayan ng umaatungal na kapre.

“Makinang na ang mga pakpak mo, Erastus. Ibig sabihin ba ay—”

“Oo.” Agad na salo niya sa sinasabi ng kaibigan. “Bumalik na ang mga alaala ko.”

Nang ngumiti sa kanya si Axyl ay agad niyang kinuha rito ang walang malay na si Rosette. Ganoon na lang ang takot at pagkataranta niya pagkakitang unti-unting naglalaho ang liwanag na nakabalot sa buong katawan ni Rosette. Isang senyales na nanghihina ang lambana.

At sa palagay niya ay hindi rin iyon napansin ni Axyl dahil ngayon pa lang ito nagsimulang mag-alala sa kalagayan ni Rosette.

“Kailangan na nating makabalik. Kailangang magamot si Rosette!”

MATAPOS pahiran ng dagta mula sa Puno ng Buhay ay mabilis na naghilom ang mga pinsala ni Rosette sa katawan. Nabuo ulit ang mga pakpak nitong naputol ang isang bahagi kanina. Pero ganoon pa rin kahina ang liwanag na nakabalot dito.

Pigil ni Erastus ang paghinga habang hinihintay na magkamalay si Rosette. Nagbabakasakali siya na mahina palang ang katawan nito pero magkakamalay na ito. Subalit ilang minuto na ang lumipas ay hindi pa rin ito nagigising.

“Ano’ng nangyayari?” histerikal na sita niya sa manggagamot na lambana. “Dapat ay segundo lang at magigising na siya. Bakit hindi pa rin siya nagkakamalay?”

Tumayo si Erastus at hinaklit ang pobreng manggagamot. Hindi nito nagawang magsalita sa takot sa naging reaksyon niya.

“Ano’ng ginawa mo kay Rosette!?” Gusto na niyang maghurumentado. Ano na ang nangyayari sa lambana? Bakit tila walang epekto ang dagta mula sa Puno ng Buhay? Iyon lang ang panggamot nila sa lahat ng pinsala ng kahit na sino sa kanila at napakabilis ng bisa noon.

“Kumalma ka, Erastus,” awat sa kanya ni Xyro.

Ang mga kaibigan ni Rosette ay naroroon din sa loob ng tahanan ng lambana at nakaabang dito. Ang tatlo naman nina Axyl, Dylan at Ryker ay nasa labas at kinokonsula ang una. Panay kasi ang paninisi ni Axyl sa sarili kung bakit napahamak ang lambana.

Alam niyang ginawa ni Axyl ang lahat upang maprotektahan si Rosette. At kung merong mas dapat na sisihin, walang iba kundi siya!

Siya lang naman ang puno’t dulo ng lahat ng kaguluhang ito sa mundo niya. Ang karuwagan at pagiging makasarili niya!

“Tama na. Hindi mo dapat na sinisisi ang sarili mo,” ani Xyro na alam niyang nabasa ang iniisip niya. “Hindi natin alam ang kahihinatnan ng bawat desisyon natin. Masuwerte nga tayo na sa pagkawala ng balanse ng dalawang mundo ay may kalamangan pa rin tayo. Nakikita na natin ngayon ang mga posibleng mangyari sa bawat desisyon na piliin natin. Kaya mas magiging maingat na tayo sa bawat desisyon natin, hindi ba, Erastus?”

Sa kawalan ng masasabi ay pinakawalan niya ang lambanang manggagamot na tila nahihintakutan pa rin sa kanyang reaksyon.

“Mahina na rin ang kapangyarihan mula sa Puno ng Buhay, kaya…” Nahinto sa pagsasalita ang manggagamot nang balingan niya ito.

“Kaya ano?” tanong niya.

Nagsisimula na namang dumaloy ang takot sa kanyang puso. Kailangang magamot ni Rosette! Marami pa siyang gustong sabihin dito. Marami pa siyang dapat na itama.

At gusto pa niya itong makasama… nang matagal. Matagal na matagal.

Gusto niyang maramdaman uli ang hindi niya maipaliwanag na pakiramdam tuwing magkasama sila. Gusto niyang maulit ang dati.

Gustong-gusto niya!

At hindi na siya makapaghintay na maipadama rito ang pagkasabik niyang ulitin ang mga panahong iyon.

“Kaya hindi ganoon kabilis ang epekto ng dagta,” nag-aalala namang dugtong ng manggagamot sa sinabi nito.

Napatango na lang siya at humingi ng paumanhin matapos mahimasmasan at maisip ang kanyang naging reaksyon. Naupo siya sa gilid ng higaan ni Rosette at inabot ang kamay ng lambana. Saka iyon magaang pinisil habang tinitingala ang manggagamot.

“Pasensiya na, Kenon. Nabigla lang ako,” sabi niya.

“At nag-alala.” Hindi napigilang dugtong naman ni Caiorroa sa isang tabi.

“Nauunawaaan ko po, Mahal na Konseho. Hintayin n’yo na lang siyang magising. Magkakamalay rin siya.”

Nagpaalam na ang manggagamot. Sumama na rin si Xyro roon at iniwan siya kasama ng mga kaibigan ni Rosette.

“Hindi kaya, baka kaya mabagal ang recovery ni Rosette ay dahil nagsisimula nang umepekto ang parusa?”

“Simone, ano ba?!” saway ni Caiorroa sa kaibigan.

Napabaling tuloy siya sa grupo ng mga ito.

“Anong parusa? May nagawa ba siyang kasalanan?”

“Hindi siya, kundi ikaw!” Pairap na singhal sa kanya ni Zayleigh.

Akala niya ay kay Dylan lang nito kayang gawin ang pagsinghal na ganoon pero maging siya pala ay walang takot rin nitong sisinghalan kung gugustuhin nito.

Ganoon pa man ay gusto pa rin niya ang mga kaibigan ni Rosette. Gusto niya ang mga ito dahil may kanya-kanyang karakter na talagang naiiba at angat mula sa nakakarami. Higit doon, alam niya kung gaano kamahal ng mga ito ang bawat isa.

“Ano’ng ginawa ko?” nagtatakang naitanong niya.

Hindi niya maunawaan ang naninising tingin sa kanya ng grupo.

“Nakalimutan mo na ba?”

“Hinalikan mo lang naman si Rosette habang tao ka pa!”

Nanigas sa kinauupuan si Erastus. Noon lang niya iyon naalala. Hinalikan niya si Rosette. Tama, hinalikan niya ito dahil hindi na niya kayang kontrolin ang sarili sa labis na pananabik. That was one thing that he was aching to do even before. At dahil hindi naman niya alam noon na may kapalit ang lahat, hindi niya napigil ang sarili na halikan si Rosette.

“At patuloy na bumibilang ang araw mula sa kabilang mundo habang naririto kayo,”sambit ni Vymerra na nagpakunot ng noo ni Erastus.

“Alam mo naman siguro ang kapalit na parusa sa halik ng isang mortal sa mga lambana.”

Galit sa kanya ang grupo ng mga kaibigan ni Rosette. At alam niyang dahil iyon sa isang bagay. Dahil sa maling akala ng mga ito.

“Hindi mo lang alam, pero gusto pa niyang manatili sa kabilang mundo para ibigin mo rin siya. Dahil gusto niyang isalba ang buhay niya.”

Tila may itinarak na punyal sa puso ni Erastus. Kung masakit na sa damdamin na malamang si Jyle ang dahilan kung bakit nais pang mag-extend ni Rosette sa mundo ng mga tao, mas masakit palang malaman na nais siya nitong paibigin dahil gusto pa nitong mabuhay.

And who was he to question her decision? Everybody was entitled to fight for their life. Hindi niya masabing makasarili ang dahilan ni Rosette. Subalit nasasaktan siya sa ideyang iyon. Gusto siya nitong paibigin hindi dahil para maging pareho sila ng mga damdamin kundi gusto lang nitong ilaban ang buhay nito.

“Huwag mo ngang pag-isipan nang ganyan ang kaibigan namin!” naiinis na singhal sa kanya ni Zayleigh na ipinagtaka niya. “Hindi mo lang alam na no’ng malaman niya na mas nanganib kami rito dahil hindi pa kayo bumabalik, ora-orada siyang nagdesisyon na umuwi kahit alam niyang iigsi na ang buhay niya. Kaya wala kang karapatang isipin na makasarili si Rosette—”

Biglang natigilan si Zayleigh. Maging sila ay natigilan din.

“Naririnig mo ang iniisip ko? Paano?” Hindi makapaniwalang tanong ni Erastus kay Zayleigh.

Imposible iyon dahil silang mga tagakonseho lang ang may ganoong kakayahan. Pero iyon lang din ang naiisip niyang dahilan kung bakit nakapagsalita ng ganoon si Zayleigh sa kanya.

“Aba… ewan ko. Hindi ko rin alam. Bigla ko na lang narinig ang iniisip mo,” nalilito na ring sambit ni Zayleigh.

“Baka dahil sa disequilibration ng mundo natin. `Wag nang magtaka kung bukas, magkakapalit-palit na rin tayo ng mga damdamin,” pabalewala namang saambit ni Caaiorroa na tila hindi na nagtaka sa mga kaganapan.

“Bah! `wag naman. `Di pa ako nakakaganti kay Dylan,” bigla ay awat ni Zayleigh sa sinabi ni Caiorroa. “Teka, come to think of it! May panlaban na ako sa kanya.”

“Oy, Zay, unahin muna natin ang kalagayan ni Rosette bago ang masamang balak mo kay Dylan,” sita naman ni Simone.

“Huwag na kayong mag-alala mga kapatid. Solve na ang problema ni Rosette.”

“Ha?” nalilitong tanong nina Simone, Caiorroa at Vymerra.

Siya naman ay hindi na nagtaka. Sa palagay niya, maski ang damdamin niya ay narinig na rin ni Zayleigh.

“Magigising ang kaibigan natin. `Wag nga kayong mga praning! Halika na kayo! Iwan na natin ang dalawa. Kailangang si Erastus lang ang nandito kapag nagising si Rosette.”

At pilyang kinindatan siya ni Zayleigh saka ito nagpatiunang lumabas sa tahanan ng kaibigan. Napilitan na ring lumabas ang tatlo ngunit nag-iwan ng kung anu-anong banta sa kanya.

“Alagaan mo ang kaibigan namin.”

“Pasayahin mo siya hanggang sa huli. Tutal, ikaw naman ang puputol sa mahabang buhay niya.”

“Tama na nga iyan, Vymerra. `Wag na nating konsensiyahin si Erastus.”

“Mabuti ngang makonsensiya siya. Baka ma-realize niyang mas mahal niya si Rosette kesa kay Kroen. Eh, di solve ang problema ng kaibigan natin.”

“Tama na nga sabi…”

Tuluyang nawala sa kanyang pandinig ang pag-uusap ng tatlo matapos makalabas ng mga ito sa loob ng bulaklak na kinaroroonan nila.

Ipinokus na niya ang atensyon sa wala pa ding malay na lambana.

“Iyon pala ang problemang tinutukoy ni Axyl, pagkarating na pagkarating natin dito mula sa mundo ng mga tao,” pabuntong-hiningang sambit ni Erastus habang magaang pinipisil ang napakalambot na kamay ni Rosette.

Dinala niya ang likod ng palad nito sa kanyang labi at magaan iyong hinagkan. Napakabango ng amoy ng balat nito. Nakakabaliw, nakakalasing!

At tulad ng dati, naramdaman niya ang hindi maipaliwanag na pag-iingay ng kanyang puso sa loob ng kanyang dibdib. Doon palang, nakumpirma na niya. Isa lang talaga siyang malaking tanga at duwag.

“Hindi mo naman na kailangang mamoroblema, Rosette.”

Maski hindi naririnig ni Rosette, gusto pa rin niyang sabihin dito ang bagong tuklas at siguradong damdamin. Hindi naman mahalagang malaman nito. Ang batas na ng kalikasan ang bahalang magpasya.

Dinala ni Erastus ang kamay ni Rosette sa kanyang pisngi at malayang dinama ang palad nito. Gusto niyang maramdaman ang init ng palad nito. Isa iyon sa mga bagay na matagal niyang pinanabikang gawin. Hindi lang siya nagkaroon ng pagkakataon. Masaya at kontento na siya sa kung anong meron sila ni Rosette noon. Magkaibigan sila. Close ito sa kanya at kung ipapahiwatig niya ang nararamdaman niya para dito pero di naman niya alam ang posibleng maging reaksyon nito, posibleng magbago ang lahat. Ayaw niyang may mabago.

Hindi nga ba at ang pag-amin niya rito na interesado siya kay Kroen ang naging dahilan kung bakit mas naging malapit sila sa isa’t isa? Nag-aalala siya na kung malaman nitong nagbago ang ritmo ng kanyang puso, na naging mas matimbang at mas mabilis ang tibok noon para kay Rosette, baka…

Baka mawala ito sa kanya.

“Mahal na kita nang sobra, Rosette. Hindi mo na kailangang problemahin ang kaligtasan mo… so please… Wake up. Come back to me, Rosette… I need you. Kailangan mo pang maramdaman ang damdaming pinigilan kong iparamdam sa `yo noon. Kailangan mo pang malaman na mahal kita.”

He gentle breathed in her hand. Feel her warm skin to make sure she was still alive. Hindi siya makakapayag na mawala ito sa kanya. Kung kinakailangang isuko niya muli ang buhay niya kapalit ng kaligatasan ni Rosette ay gagawin niya. Maski wala nang ibang kapalit na katauhan. Maski habampanahon siyang nasa Gitbutay, matiyak lang na mabubuhay si Rosette ay papayag siya. Iaalay niya ang buhay niya para dito.

Para sa lambanag minamahal niya.

Hindi na napigilan ni Erastus ang sarili at niyakap ang nahihimbing pa rin na si Rosette. Gusto niyang maramdaman siya nito. Nais niyang maramdaman nito na hinihintay niya ang pagbabalik nito.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.