Enchanted (Compilation of Lambana Stories) Chapter 43

“I AM taking my indefinite vacation,” walang anumang deklara ni Ezio, sabay hablot sa kanyang coat.

Biglang napatayo ang kanyang ama. “Ezio San Victorio!” Dumadagundong ang boses nito at hinampas pa ang mahogany office table.

Wala siyang pakialam. Dumeretso pa rin siya sa paglayas ng opisina ng ama. Wala naman talaga siyang pakialam sa business ng ama.

Si Matthew Zane San Victorio, isa sa mga pinakakilala at tinitingala sa mundo ng mga manggagamot, ang kanyang ama. Isa ito sa mga nagmamay-ari ng San Victorio Medical Center sa Makati City. May share of stocks din ito sa isa mga pinakamalaking medical laboratory sa bansa.

At lahat ng iyon ay sa kanya iiwan ng ama kapag daw nawala na ito.

Ah! Ezio didn't want any of those. Wala siyang interes sa kayamanan ng ama. Ang gusto lang niya, ibalik nito ang kanyang mama. Iyon lang.

Six years old siya nang biglang mawala ang kanyang ina. Alam niyang ipinahanap ito ng ama sa mahabang panahon. Pero nagising na lang din siya isang araw na may iba-ibang babae na siyang nakikita sa loob ng bahay nila. Sa edad na labing-lima, nakaramdam siya ng paghihimagsik sa mga nakikita.

“I don't want any of your concubine inside this house!” galit na sita niya sa ama na kakalabas pa lang ng silid nito at pupungas-pungas pa.

“Shut that dirty mouth of yours, Ezio!” Parang nagising si Matthew sa pag-angil ng anak. “This is my house. I can do anything I want. And for the record, I am your father. I didn't raise you to be disrespectful to me.”

Ayaw niyang paniwalaan na naririnig niya iyon sa ama. Ezio once thought it was out of his father's depression. Maraming taon na ang dumaan pero hindi pa rin nila nakikita ang kanyang ina. Walang tumatawag na kidnappers for ransom, kung sakaling na-kidnap nga ito.

And he was very depressed, too. Dapat silang mag-ama ang nagdadamayan sa ganitong estado ng buhay nila. Pero paano siya magre-reach out sa ama kung ganitong nagsasarili ito ng mundo?

“Kung hindi ko pa alam, malamang na nagsawa na ang mama mo sa atin kaya siya umalis. Hindi naman puwedeng huminto na lang ang buhay natin dahil umalis siya. Paano kung masaya naman siya sa kung nasaan man siya ngayon? `Tapos tayo ay nananatiling miserable?” dagdag pa ni Matthew na ipinag-init ng ulo ni Ezio.

Nagtagisan ang mga bagang niya at naikuyom ang mga kamao. How could this man think of his mother that way? Paano kung kabaligtaran pala? Paano kung naghihirap ang sitwasyon ng mama niya ngayon?

Alam niya kung gaano nito kamahal ang kanyang ina at ganoon din ang huli sa kanyang ama. Bakit ito nag-iisip ng ganoong bagay tungkol sa kanyang ina?

“Bawiin mo `yan. Imposibleng nagsawa na si Mama sa `tin. Mahal niya tayo,” mahina pero mariing sabi niya sa ama.

Pero walang ginawa si Matthew kundi talikuran at lagpasan siya. Humabol si Ezio sa ginoo na dumeretso sa pagpasok sa komedor.

“I said take it back!”

“Good morning...” bati ng kung sinong babae, sabay abrisete kay Matthew.

Lalong naghimagsik ang loob ni Ezio pagkakita sa eksena.

“This is Dahly, Ezio. She'll stay here with us starting today. May mga... Ezio! Come back here!”

Hindi niya pinansin ang pagsigaw ng ama. Tinalikuran niya ang dalawa at dumeretso sa kuwarto niya. Noon din, nag-empake siya at umalis ng bahay. Hindi na niya kaya ang ginagawa ng ama.

Tumira si Ezio sa bahay ng isa sa mga half siblings ng kanyang ina. Oo, may magkaibang pamilya na ang kanyang lolo at lola. Nag-migrate ang kanyang lola sa Canada kasama ang pamilya nito. Ang kanyang lolo naman ay nagpakita sa kanila noong five years old siya, humihingi ng tulong dahil may sakit ang kanyang tito. Pero nauna pang namatay ang matanda sa isang vehicular accident.

Kapos sa yaman ang kanyang Tito Conrad at iniwan na din ng pamilya nito. Pero mas pinili niya ang buhay kasama ito kaysa naman mag-stay siya sa bahay ng ama na araw-araw makikita ang pagtataksil nito sa kanyang ina.

Sa edad na labing-anim, pinag-aral niya ang sarili kasabay ng pagtatrabaho at pagsuporta sa pamumuhay nilang magtiyo. Hindi siya humingi o tumanggap ng tulong mula sa ama na mukhang nawalan na din ng pakialam sa kanya. Hindi din siya nawalan ng pag-asa na isang araw, magkikita sila ng kanyang ina.

But worse things came to worst. Kaka-graduate niya lang ng Medical Technology nang madiskubre niyang sangkot sa bawal na gamot ang tiyuhin. Wala siyang ganoon kalaking pera para masuportahan ang bawat hearing sa kaso nito, bukod pa nga sa iginagapang lang niya ang gastos sa pag-aaral.

Noon umeksena ang kanyang ama. Tutulungan sila nito sa kaso ng tiyuhin, sa kondisyong babalik siya sa bahay nito at sa San Victorio Medical Center magtatrabaho. Ite-train din siya nito sa pagpapatakbo ng ospital.

He didn't have a choice then. Hindi niya gustong mabulok sa bilangguan ang kapatid ng kanyang ina. Na kung tutuusin, mas naging ama pa sa kanya kaysa kay Matthew.

At ngayon, pagkalipas ng marami-rami ding taon, abswelto na si Tito Conrad sa kaso nito. Habang siya ay nagtuloy sa pag-aaral ng Medicine dahil iyon ang kondisyon ni Matthew kapalit ng pagtulong nito sa kaso ni Tito Conrad.

Kapapasa pa lang niya sa medical board exam at gusto na niyang makalaya sa manipulation ni Matthew. Hanggang ngayon ay hindi pa rin sila magkasundong mag-ama.

Ezio was taking his indefinite leave, sa ayaw at sa gusto nito.

Dumeretso siya sa kanyang itim na Toyota four-wheel drive. Basta lang niya ibinalya ang overcoat sa loob at pinatakbo ang sasakyan.

“Now, where to?”

Sa kabilang mundo...

PALIPAD-LIPAD si Xeen sa tapat ng espesyal na lagusan. Taranta na ang mga kaibigan niyang sina Caiorroa, Simone, Vymerra at Zayleigh sa pagkawala ni Rosette, ang isa pang kaibigan na nautusang tumawid sa mundo ng mga tao para sunduin si Erastus, pero siya... hayun at patuloy lang sa pananalamin sa lagusan.

Oo, hindi siya masyadong nag-aalala. Alam naman kasi niyang kung hinigop na nga si Rosette ng lagusan, siguradong sa mismong malapit kay Erastus ito mapupunta. At nagtitiwala siya sa kakayahan ni Rosette. Hindi din ito pababayaan ng kanilang Bathalang Tagagabay.

Pito silang magkakaibigan. Si Kroen ang isa pa, na umibig sa isang mortal at na-convert sa pagiging tao, dahil sa sakripisyo ni Erastus. Pero sa panahong ito ay patay na si Kroen. Ganoon kaigsi ang buhay ng tao. May hangganan. Hindi katulad nilang mga lambana na kahit mamatay ay may paraan pa para mabuhay muli. Kaya hindi talaga siya nag-aalala kay Rosette kasi alam niya at naniniwala siya na hindi ito mapapahamak. Matalino si Rosette.

At oo din, si Xeen ang tipo ng lambana na kahit ano pa ang mga masasamang nangyayari, palagi siyang may reservation para maging positive ang pananaw sa buhay.

Katulad ngayon. Dahil sa pagsasakripisyo ni Erastus para kay Kroen, malaki ang nabago sa batas ng kalikasan tungkol sa mundo nila. Naging makabago ang pananalita nila. Nagawa rin nilang ma-identify ang iba’t ibang bagay tungkol sa kabilang mundo dahil sa panibagong kaalaman na bigay ng bagong batas sa Engkantasya. Ayon iyon sa bagong batas ng kalikasan.

Isang dambuhalang aklat na parating nakalutang sa kalagitnaan ng trono ng mga miyembro ng konseho, doon nakasulat ang batas ng kalikasan para sa mga taga-Engkantasya. Tinatawag din nila iyong Aklat Na Tagapagpatupad. Awtomatikong naipatutupad ang batas sa sandaling magbago ang nilalaman ng aklat. Napakahalaga sa kanilang mga lambana ng aklat dahil doon nakasentro ang takbo ng pamumuhay nila at maging ang mga kapangyarihan nila. Kung mawawala iyon sa kanila, mawawalan sila ng direksyon. Kaya nga may mga tagapangalaga niyon--ang bumubuo ng konseho. Ang mga ito rin ang namumuno sa buong Engkantasya.

Dahil sa pagbabago, ang iba’t ibang engkanto mula sa iba’t ibang kaharian ay nagkagulo. Hindi matanggap ng mga ito na naging moderno ang kaalaman nila at nakakasabay sila sa makabagong takbo ng mundo dahil maging ang mga pasilidad sa buong Engkantasya ay naging moderno na rin. Habang ang mga ito ay nakakulong sa makalumang kaalaman at pamumuhay. Iyon ang nagtulak sa mga ito para pag-agaw-agawan sila at pagtangkaang sakupin ng ibang kaharian mula sa elemental na mundo. At maambunan ang mga ito ng modernisasyon. Gusto ng mga itong agawin ang Aklat Na Tagapagpatupad. Sa sandaling malipat sa mga ito ang pagmamay-ari sa aklat, malilipat sa mga ito ang kakayahan nila, ang uri ng kanilang pamumuhay at ang mas nakakatakot ay masasakop sila ng mga ito. Magiging alipin at tagasunod sila ng mga ito o kaya ay baka ubusin pang tuluyan ang lahi nila.

Masisira rin ang balanse ng mundo. Posibleng makatawid ang mga ito sa kabilang daigdig at doon makapanggulo. Sa paglakas ng kakayahan at kapangyarihan ng mananakop na lupon ng mga engkanto, mas lalaki rin ang posibilidad na maangkin ng mga ito ang kanilang sagradong lagusan. At hindi dapat na mangyari iyon.

Paano sila lalaban kung ang isa sa pinakamagaling na mandirigma at pinuno ng hukbong pangkaligtasan na si Erastus ay napatapon na sa kabilang mundo? Nasa mundo na ito ng mga mortal. Wala silang ibang pagpipilian kundi ang sunduin si Erastus pabalik sa mundo ng mga engkantado maski nasa katawang tao ito. Naiwan naman sa Engkantasya ang sisidlan ng kapangyarihan nito at walang ibang puwedeng magmay-ari niyon kundi ang orihinal na may-ari.

Madali sanang iuwi si Erastus para sa mga miyembro ng konseho dahil alam ng mga ito ang top secret tungkol sa mundo ng mga mortal. Para bang may hidden camera ang mga ito na napapanood ang ginagawa ng mga mortal. Pero hindi na maaaring tumawid ulit ang isa sa mga miyembro ng konseho at magtagal nang higit sa dalawang oras dahil makakaapekto na naman iyon sa batas ng kalikasan. Baka sa halip na masolusyunan ang problema ng kanilang kaharian ay lalo lamang gumulo.

Kaya naman isang lambana na malapit kay Kroen ang nautusang tumawid. At si Rosette iyon.

Kaya ngayong nakatawid na si Rosette, naniniwala si Xeen na hindi sila pinababayaan ng Bathala. Magiging maayos ang lahat.

“Ano ba naman kayo, girls? Hayaan n'yo na si Rosette, kayang-kaya niya ang task niya,” sabi ni Xeen na sinipat ang sarili sa parang salamin sa gitna ng dambuhala at matanda nang puno.

Ang espesyal na lagusan.

Gandang-ganda siya sa sariling repleksyon. Ang damit niya ay hindi na rin nalalayo sa kulay ng buhok at pakpak. Kulay pula. Revealing ang outfit. Manipis ang terante ng bestida at bukas ang likuran hanggang baywang. Gula-gulanit pa ang laylayan na halos makita na ang hindi dapat makita. Naging konsolasyon na lang ng kasuotan niya ang mahaba niyang buhok na hanggang balakang. Kahit paano ay nakatutulong iyon para itago ang mga dapat itago.

Eh, kasi naman mabubulok na lang siya sa Engkantasya ay hindi pa siya nagkaka-love life. Kaya todo-effort talaga siya na makapang-akit ng isa sa mga engkantado--isa sa mga miyembro ng konseho. Tanging ang mga iyon lang naman ang lalaki sa mundo nila.

Ilang siglo na din magmula nang mabuhay siyang muli matapos mapatay ng isang batang maldita mula sa mundo ng mga mortal. Sobrang tagal na at hindi pa siya nagkaka-love life.

Gusto rin naman niyang maranasan iyong damdamin ng umiibig. Masarap daw kasi. Gusto din niyang matikman.

Bahagya siyang napahagikgik sa itinatakbo ng isip. Bakit parang ang halay ng dating?

“Ano na nama'ng ingini-ngiti mo diyan, Xeen? Nawawala na nga si Rosette, nagagawa mo pang tumawa!” nakasimangot na sita ni Zayleigh sa kanya.

“May nakita ka na namang lalaki diyan sa lagusan, ano?” Tumuro si Caiorroa sa parang telescreen na pintuan ng lagusan.

“Wala nga, eh. Puro puno ang nasa kabilang mundo. Bakit ba hindi man lang ito magpakita ng magandang lalaki?” nakasimangot naman niyang sagot, saka muling sinipat ang sarili. “`Ganda ko talaga!”

“Ewan ko sa `yo, Xeen!”

“Tara na, girls. Magiging okay si Rosette. Tiwala lang,” sabi naman ni Vymerra.

“Inaantok ako. Makatulog na lang.”

“Palagi ka na lang inaantok, Simone.”

“Mas masarap namang matulog kaysa makipag-debate sa inyo.”

“Talaga, ha? Matulog ka na lang. `Wag ka nang lalabas mamaya.”

Papalayo na ang apat pero hindi pa rin umaalis si Xeen sa tapat ng lagusan. Napatunganga siya doon habang nakikitang nagbabago ang lagusan. Nagbu-blur. Katulad ng television na nawalan ng signal. O naghahanap ng signal?

Pero sandali pa nga at may image at eksena nang lumabas sa telescreen ng lagusan. Isang guwapong lalaki na walang awang tinutungga ang laman ng bote ng alak.

Ah! Hindi sapat ang salitang guwapo para dito. Napakaguwapo!

Makinis na mukha. Perpekto ang tangos ng ilong. Mapupungay ang mga mata na siguro ay dala ng kalasingan. Aroganteng panga na tila nagsasabi kung gaano ito kadominante. Mapupula ang mga labi na parang nangangako ng isang masarap at nakakabaliw na halik!

Hala! Halik?

Saan nanggaling ang pantasya niya tungkol sa masarap na halik? Ni hindi pa nga niya nararanasang mahalikan.

Pero kasi, bakit ganoon? Nakita niya lang ang mga labi ng lalaki, para siyang namagneto, nangangarap, at umaasam na maramdaman ang mga labi nitong dumikit sa kanya.

Marahas na ipinilig niya ang ulo. Ano ba'ng iniisip niya? Hindi naman niya gugustuhing mabawian ng buhay pagkatapos ng maraming siglo. `Di bale sana kung katulad ni Quinn na nagawa ding mahalin si Kroen matapos mahalikan.

“Ah! Naloloka na ako!”

Tatalikod na sana si Xeen pero hindi niya napigilan ang sarili. Muli niyang nilingon ang lagusan. Ganoon pa rin ang eksena. At habang tinititigan niya ang lalaki mula sa lagusan, mas lalo itong nagigiging kaakit-akit sa kanyang paningin.

Hindi niya napigilan ang sarili at tinangkang abutin at haplusin ang guwapo nitong mukha. Pero hindi pa man lumalapat ang palad niya sa telescreen, sumabog na ang nakasisilaw na liwanag papunta sa kanyang direksyon. Para siyang nilalamon ng makapangyarihang liwanag. Hinihila. Hinihigop.

Naitakip ni Xeen ang isang braso sa mga mata para hindi masilaw sa matinding liwanag.

Kaya lang, parang may malakas na enerhiya mula sa lagusan ang humihigop sa kanya papasok sa loob. Napatili si Xeen nang malakas sa labis na pagkataranta. Ni hindi niya magawang lumayo mula sa lagusan dahil napakalakas ng enerhiya na humihigop sa kanya.

Naipikit na lang niya ang mga mata. Sa muling pagmulat ni Xeen, ganoon na lang ang gulat ng lambana. Iba na ang lugar na kinaroroonan niya!

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.