“THIS is life! Whooah!”
Pasuray-suray na naglalakad si Ezio papuntang upper deck ng private yacht ni Matthew. Bitbit niya ang isang bote ng mamahaling alak galing sa collection ng ama. Matapos i-reject ng mga kaibigan niya ang invitation na mag-happy-happy, mag-isa na lang siyang naglasing sa yate ng ama.
Ah! Saan ba puwedeng pumunta? Hindi naman nagagamit ni Matthew si Cromwell--ang yate nito--kaya siya na lang ang gagamit.
Pagkaakyat, agad na sinalubong ng hanging dagat ang lasing na si Ezio. Napangiti siya sa sarili. Kailan ba sila huling lumaot na mag-anak?
Ewan.
Napakatagal na.
Sa sobrang tagal, hindi na niya maalala.
Dumeretso siya sa may railings at sumampa para mas i-enjoy ang view. Kaya lang, hindi niya ma-enjoy. Nagbu-blur ang kanyang tingin sa tubig-dagat. Ibinato niya nga ang bote. Balak pang sigawan ni Ezio ang dagat para patigilin sa pag-alon. Pero bigla siyang natigilan nang may marinig.
“Bakit mo itinapon? Sayang naman! Ibinigay mo na lang sana sa akin.”
Nagulat na napabaling siya sa direksyon ng nagsalita. Tama ba ang nakikita niya? A sexy woman with red hair!
Ang ganda nito!
Agad na ipinilig ni Ezio ang ulo. Sobrang lasing na yata siya. Bakit nakakakita siya ng diyosa sa loob ng yate ng ama? Siya at ang mga crew lang sa ibaba ang tao doon. Wala naman siyang inimbitahan na high-class entertainer.
Ilang beses pa niyang pinilig ulit ang ulo pero mas nahilo yata siya sa ginawa. Naramdaman din niya ang paglapit ng babae at mas lalo siyang nagulat sa pakiramdam na binubuhay nito sa kanya. He felt excited to grab her yet, he felt drowsy.
Sa magkahalong pagkahilo at pagkalito, hindi na niya napanghawakan ang composure. Naramdaman na lang din niyang nahuhulog siya.
Pero bakit ganoon? Alam niyang mahuhulog siya sa dagat, pero masyadong payapa ang pakiramdam niya. Lalo pa nang makita niyang nakadungaw mula sa itaas ang babae. He even smiled to himself while looking to the beauty up above. At bago siya lamunin ng tubig, nakita ni Ezio ang pagtalon ng babae sa dagat para siguro sundan siya.
“Dear Lord... Nasa langit na ba ako?”
“WHAT now?” naitanong ni Xeen sa sarili matapos maiahon pabalik sa yate ang lalaki.
Sa labis na pagkamangha niya, bumalik sa pagiging paa ang kanina ay naging buntot na. Gulantang si Xeen. Ano ba ang nangyayari? Bakit siya biglang naging sirena? `Tapos ngayon, bumalik siya sa pagiging tao.
Epekto pa rin ba ito ng disequilibrium mula sa mundo nilang mga lambana?
At... At...
Pinakiramdaman niya ang sarili. Wala siyang underwear!
Shit! Napunit yata kaninang maging isda ang kalahati ng katawan niya. Ang igsi pa naman ng dress niya. Paano na ito?
Hinila niya paibaba ang laylayan ng dress para maitago ang dapat itago. Mas lumamig ang kanyang pakiramdam. Luminga siya sa paligid at baka may makakita sa kanya. Pero bigla niyang naalala ang lalaki sa kanyang tabi.
Ah! Hindi ang sariling kasuotan ang dapat niyang unahin kundi ang guwapong lalaki na walang malay!
Nakikita niya sa telescreen ang ginagawa ng mga tao sa mga nalulunod. Mouth to mouth resuscitation.
Nanlaki ang mga mata ni Xeen habang aligaga sa pagkapa sa lalaking walang malay. Sa pagkakaalam niya, kailangan iyong gawin kaagad, kung hindi ay mamamatay ang tao.
Pero paano? Kapag nagdikit ang mga labi nila, para na rin silang naghalikan. At hindi niya ito puwedeng halikan dahil kapag nangyari iyon ay magkakataning ang buhay niya.
Tatlumpong araw at mamamatay si Xeen kung hindi siya magawang mahalin ng lalaki.
“Ano'ng gagawin ko?”
Gusto niyang mawalan ng ulirat. Hindi siya makapagdesisyon. At bakit ba naman siya napasok sa ganitong sitwasyon?
Mahabaging Bathala!
Naipikit nang mariin ni Xeen ang mga mata at isang madaliang desisyon ang ginawa.
“Bahala na nga!”
Inabot niya ang walang malay na lalaki, saka kinabig ang ulo. Pinisil ang ilong, inabot ang bibig at saka walang sabi-sabing binugahan ng hangin. Sunod naman ay ang pagbomba sa dibdib nito. Paulit-ulit niya iyong ginawa hanggang magkamalay ang lalaki at maglabas ng tubig-dagat ang bibig.
Uubo-ubo ito. Naamoy niya ang mabangong hininga ng lalaki na nahaluan ng alak. He smelled wild and intoxicating. At gusto niyang malasing sa bagong tuklas na samyo.
Sa pagkakaalam niya, hindi maganda ang amoy ng alak kapag nahalo sa katawan ng tao. Pero bakit iba ang lalaking ito? His smell was so addictive na parang gusto niyang ibote ang amoy at singhutin habang-buhay.
Argh! Ano ba itong naiisip niya? Oo at mahilig siya sa lalaki. At ang lalaking ito ay hindi lang basta lalaki kundi ubod ng guwapong lalaki. Lalo na ngayon na nakikita niya ang pagkagagandang pares ng mga mata nito. Mas napipigurahan na niya ito ngayon nang mas maayos dahil napakalapit na nga nito sa kanya.
“What are you doing?! Find someone for help!” pasinghal na sita sa kanya ng lalaki.
Kung kanina ay baliw na baliw siya sa kagwapuhan nito, ngayon ay parang mas gusto niyang suntukin na lang ito para makatulog ulit. He looked like an angel lying there unconscious.
Kabaligtaran kapag ganitong may malay ito. His bossiness just filled the air.
Walang utang-na-loob!
“Opo, kamahalan! Sandali lang!” sarkastikong saad niya, saka nagmartsa palayo.
Tumutulo pa ang laylayan ng dress niya habang naglalakad. Bahagya na lang iyong basa. Natuyo na sa katawan niya. Ipinagpapasalamat niya na kahit maigsi ang dress ay makapal naman ang tela. Hindi babakat ang hati sa kanyang pwetan. Pero hila-hila pa din niya ang laylayan noon.
“Walanghiyang `yon, hindi man lang nagpasalamat! Isinalba ko kaya ang buhay niya, `tapos aangilan lang niya ako?” Nagbubunganga pa siya sa sarili nang may mahagip ang mga mata. “Psst!” sutsot niya sa nakitang lalaki.
Gulat na gulat ito nang lumingon sa kanya. “Sino ka--?”
“`Yong hari ninyong walang utang-na-loob, nagpapahanap ng tulong. Ando'n, puntahan mo na. Kapag malinaw na isip niya, sabihin mong magpasalamat naman siya sa `kin, ha... Hoy, sandali!”
Dumadaldal pa si Xeen nang lagpasan siya ng lalaki at pumatikad papunta sa itinuturo niyang direksyon.
Naiiling na lang sa sarili na bumalik si Xeen sa pinanggalingan.
“Ganito ba talaga ang mga tao? Bukod sa arogante, dominante at nakakainis, mga walang utang-na-loob? Ah! Ayokong ma-in love sa mga katulad nila.”
Ma-in love...
Biglang may kumalembang na babala sa isip ni Xeen.
“Hala! Paano na ito? Ano na'ng gagawin ko? Hinalikan ko nga pala `yong lalaki!”
Napatakbo nang mabilis si Xeen. Hindi dapat na mawala sa mga mata niya ang supladong damuho na iyon. Paiibigin pa niya ito!
MASAMA ang tingin ni Xeen sa lalaking tinawag na 'Sir Ezio.' Naroroon na sila sa isa sa mga silid ng yate. Mukhang humulas na ang tama ng alak at maayos na rin ang katawan. Hindi naman yata ito nalunod, eh. Bakit ang bilis ng recovery?
At ang walanghiya, pinagbibintangan siya nitong magnanakaw.
Hayup na `to! Dapat pala hinayaan na lang niya itong malunod kanina. Gusto na din niyang pagsisihan na binigyan niya ito ng mouth-to-mouth resuscitation. Nakakagigil, eh!
Dapat inuna nalang niyang maghanap ng underwear. Speaking of underwear. Madaming cabinet doon. Baka may mga damit oboxers na pwedeng mahiram. Kahit iyon nalang ang kunin niya bilang bayad nito sa utang na loob sa kanya. 'Yon ay kung marunong itong tumanaw ng utang na loob.
"So? Ano na? Nag-iisip ka pa din ng isasagot?" Nakakunot ang noo na tanong nito. Ang mga mata ay deretso sa mga kamay niyang hindi magkaintindihan sa paghila sa laylayan ng dress.
“Hindi ko nga kasi alam kung bakit dito ako inilabas ng lagusan! Malay kong sa lugar na may aroganteng lalaki pala ako mapupunta?” paangil na sabi niya.
Bigla na lang napunit ang isang maliit na ngiti sa mga labi ni Ezio. Natigilan naman si Xeen. Naalala niya kasi kung gaano kalambot ang mga labing iyon kaninang mapalapat sa kanya. Hindi niya lang masyadong binigyan ng atensyon dahil sa pagkataranta.
Pero totoo nga. Malambot ang mga labi ni Ezio. Gusto niya tuloy maramdaman ulit iyon at i-enjoy. At kapag naramdaman niya ulit, dapat iyong hindi na siya aligaga at natataranta. Para naman ma-discover niya kung ano pa iyong ibang damdamin kapag nahahalikan. Katulad ng sinabi ni Kroen. Iyong nanlalamig, na parang may nagkakarerang mga aliptaptap sa tiyan. At may mga kabayo sa loob ng dibdib. Pero masarap daw sa pakiramdam. Gusto niyang malaman kung totoo nga. Paano naging masarap kung magulong-magulo ang internal system?
Ah, ewan!
“So, you mean, iniregalo ka sa `kin ng isa sa mga kaibigan ko kaya bigla ka na lang lumitaw dito?” Titig na titig sa kanya si Ezio. Kung makatitig ito, para siyang gustong tunawin.
Gusto niya tuloy maasiwa pero sinaway niya ang sarili.
At ano ba iyong sinasabi nitong kaibigan? Teka! May kaibigan ba itong nakakaalam na may lagusan papunta sa Engkantasya?
Baka nga!
Ibig sabihin, kaya siya dito iniluwa ng lagusan kasi may kaugnayan ang bruhildong ito sa taong may alam tungkol sa mundo nila.
Hinahanapan ng mga mata niya ang katawan ni Ezio ng bagay na puwedeng makapagpatunay na may alam nga ito tungkol sa mundo nila. Huminto ang mga mata niya sa singsing sa hinliliit nito. Korteng dahon iyon, bubot na dahon na palamuti nila sa katawan kapag nasa anyong lambana sila. Bubot na dahon na galing sa Puno Ng Buhay.
Tama! Iyon nga siguro ang nagsilbing susi ng lagusan kaya muling nagbukas. At kaya siya nakatawid.
“O-oo. Oo! Ako nga ang regalo ng kaibigan mo,” excited at tuwang-tuwang sagot niya.
Nakita niyang sinenyasan ni Ezio ang crew kanina na nag-aasikaso ng kailangan nito. Mabilis naman iyong umalis sa silid. Kukuha siguro ng pagkain.
Ang lapad na ng ngiti ni Xeen sa sarili. Kung nalaman niya lang kaagad na iyon pala ang paraan para maging maganda ang pakikitungo nito sa kanya, sana kanina pa niya sinabi.
Nakangiting tinapik ni Ezio ang space sa tabi nito sa kama habang nakatitig sa kanya. Para bang sinasabi na maupo siya sa tabi nito. Sumunod naman nga siya. Naupo siya roon at nakangiting hinarap ito.
Pinasadahan naman siya ulit ng tingin ni Ezio.
Bumaba ang kamay nito sa hita niya at gumapang paitaas. Nanlaki ang mga mata niya! Wala siyang underwear! Ano bang ginagawa nito?
Pero isa ring napakalaking katanungan ang kagagahan niya. Bakit hindi niya tampalin ang kamay nitong humahaplos sa kanyang hita? Bakit nagugustuhan niya ang mainit na palad nito? Na para bang may maliliit na boltahe ng sensasyong dumadaloy sa kanyang mga himaymay. Paakyat sa kanyangpuson at doon lahat naipon.
“So, what is your theme?”
“Ha?” nalilitong tanong niya.Pilit na nilalabanan ang masarap na damdamin.
“Fairy tale?” Umangat ang kamay nito at ang likod ng palad ay mainit na humaplos sa kanyang napakakinis na balat. Maputi rin siya. Para tuloy itong humahaplos sa sutla. “You're such a beauty. But why... did you do this to yourself?” mahina at mariin na tanong nito.
Hindi niya talaga maintindihan ang mga sinasabi ni Ezio. Ano ba ang ginawa niya sa sarili? Nag-transform siya sa pagiging tao? Aba! Para namang hiniling niya iyon? Bigla na nga lang siyang hinigop ng lagusan. Pagmulat niya ng mga mata, tao na siya.
Umangat ang mga daliri nito sa kanyang baba at itinaas iyon para magpantay ang kanilang mga mata. Napakalapit lang ng guwapo nitong mukha. Amoy na amoy niya rin ang mabangong hininga nito at gusto na lang niyang mawalan ng ulirat. Gusto niyang pigilan ang sariling puso sa napakabilis na pagtibok niyon. Pero gusto niya din ang pakiramdam. Hindi katulad kapag ninenerbiyos siya at natatakot kundi katulad kapag nae-excite. Nasasabik siya. He looked like he wanted to kiss her, devour her.
Ang kislap sa mga mata nito ay katulad sa isang mabangis na hayop na gustong lumapa. And she was a willing victim. Gusto niyang magpalapa. Gusto niyang maramdaman ang mga labi nitong ilang sentimetro na lang ang layo sa kanya.
Kung hindi niya lang napipigilan ang sarili ay baka nahaltak na niya ang batok nito at hinalikan ito nang mariin.
What was that?
What was that feeling? An animalistic desire Xeen had never felt in her unlimited life. Ano ba'ng nangyayari sa kanya? Ano'ng ginagawa sa kanya ng lalaking ito? Bakit ganoon na lang ang pananabik niya sa mga labi ni Ezio? She was sure it wasn't about her curiosity anymore. It was her need. A lustful need.
“Ano pa ang mga masasamang gawain na ginagawa ng magandang mukhang ito, ha? Tell me...”
His fresh mint breath was fanning her face that she couldn't help but close her eyes. The warmth of his breath brings butterflies down her stomach. Kahit alin sa mga nagkikisigang miyembro ng konseho sa Enkantasya ay hindi naghatid ng ganoong pakiramdam sa kanya. Ano bang salamangka mayroon ang lalaking ito?
“Strip.”
Ano daw?
Kasabay ng pag-alis ng mga daliri nito ang pagmulat ng mga mata ni Xeen. Tumayo naman ang lalaki at naka-cross arms na tinitigan siya.
“I said, strip off your dress,” parang walang anumang sabi nito na nakatitig sa kanya.
“Teka? Bakit ako maghuhubad?”
Bigla niyang naipagkrus ang mga braso sa kanyang unahan. Bumaba ang isa niyang palad sa pang-ibaba. Na hindi niya maintindihan kung bakit tumitibok.
Nag-iinit din ang mukha niya. Nahulaan ba nito na plano niyang akitin si Ezio? Ibig sabihin, may kakayahan ito katulad ng sa mga miyembro ng konseho? Nababasa nito ang iniisip niya?
“Come on. Stop blushing like an innocent virgin.” Puno ng panunuya ang pagngisi ni Ezio.
Virgin? Alam niya ang ibig sabihin n'on. At ang panunuya nito...
Parang binuhusan ng sandamakmak na inis si Xeen. Paano ba siya naakit sa ganitong klase ng lalaki? Masyado itong arogante at sigurado sa sarili!
But that made him more manly and more desirable.
But he is an asshole!
“V-virgin pa naman talaga ako!” she stupidly said.
It was so embarrassing to talk about her virginity. Pero ano ba'ng magagawa niya? Pinagbibintangan siya nito ng kung ano-ano. Oo, aminado naman siya na mahilig siya sa lalaki. Pero sa buong panahon na namatay at nabuhay siya, hindi pa siya nahawakan ng kahit na sinong lalaki.
Ngayon lang...
At ang aroganteng ito pa ang napakapag-enjoy ng privilege na iyon.
Nakakainis!
“Really?” Tumaas ang sulok ng mga labi nito. “How come? Hindi ba't iyan ang trabaho mo? Ang ipagamit ang iyong sarili?You were ready. Wala ka ngang suot na underwear 'di ba? Don't try to deny it. Bakat na bakat kaninang umalis ka sa harapan ko at maghanap ng mahihingian ng tulong.”
Hindi maintindihan ni Xeen kung ano ang unang mararamdaman. Ang pagkapahiya o ang galit? Pero alam niyang mas nakalalamang ang huli.
Pinagsasakluban ng matinding galit si Xeen. Iyong tayo niya mula sa kama, dumeretso ang palad niya sa pisngi nito. Sigurado siyang nasaktan ito dahil maski palad niya ay nasaktan din. Sandaling nakaramdam ng guilt si Xeen pagkakita sa pulang marka ng kamay niya sa mukha nito. Hindi naman niya intensyon na pakalakasan ang sampal na parang halos maalis ang mukha nito sa ibabaw ng leeg. Gusto niya lang iparamdam dito ang pagkairita niya.
Pero bigla ding napawi ang guilt nang makitang ngumisi ito. May tunog pa iyon, ha?
Lalo lang nitong pinag-apoy ang galit na nararamdaman ni Xeen. At sa pag-aalalang may magawa pa siyang mas malala dito, nagmamartsang lumapit siya sa pinto at iniwan si Ezio. Hindi naman talaga siya bayolenteng nilalang, sadyang binubuhay lang ni Ezio ang homicidal tendencies niya. Na para bang ipinanganak ito sa mundo para buwisitin siya.
Naglakad siya papunta sa kung saan. Walang tiyak na pupuntahan ang mga paa niya. Pero gusto niyang maglakad. Na para bang sa ganoong paraan, mababawasan ang pagpupuyos ng galit niya. How could that bastard say something so nasty about her? Ni hindi siya nito kilala para pagbintangan ng mga ganoong kahindik-hindik na bagay!
Hah!
“Ang gunggong na `yon! Ni hindi pa niya ako napapasalamatan sa pagliligtas sa kanya! Napakawalanghiya talaga!”
Sa inis ni Xeen, hindi niya napansin na nakarating na siya sa upperdeck. Mas mabuti pa sigurong kasama ang mga nilalang sa tubig. Baka doon siya makahanap ng sagot kung bakit siya naging sirena kanina.At hindi na din niya aalalahanin ang underwear kung maging sirena siya ulit.
Dala ng frustration, tinalon niya ang dagat. Instant na nagdikit ang mga paa ni Xeen at naging matingkad na kulay striped gold and silver. Tuwang-tuwang ipinagaypay ni Xeen ang buntot sa ilalim ng tubig, saka sumisid pa pailalim at in-enjoy ang dagat.
Tuwang-tuwa siya sa sarili. Nakakahinga siya sa ilalim ng tubig. Tiyak magugulat ang mga kaibigan niya kapag nalaman ang nangyari sa kanya.
Teka. Ang mga kaibigan niya sa Engkantasya. Paano na pala sila? Hindi ba at may disequilibrium sa mundo niya? Ibig sabihin ba ng pagtawid niya, may masama din iyong epekto?
Baka nga! Kailangan niyang makabalik. Kailangan niyang makuha ang susi ng lagusan sa bruhong si Ezio. At bahala na kung ano ang magiging consequences ng lahat. Basta kailangan niyang makabalik!
Dali-daling lumangoy paitaas si Xeen pero hindi pa siya nakakaahon nang may maramdaman siyang masakit sa dulo ng kanyang buntot. May nilalang ng dagat na kumagat sa kanya. Nararamdaman din niya ang pagbabago ng anyo ng kanyang buntot.
Dali-dali sa paglangoy si Xeen. Masuwerte pa rin siya na bago tuluyang maging paa ang buntot niya, nakahawak siya sa tubo sa gilid ng yate ni Ezio.
“Miss! Miss, dito!” sigaw n'ong crew kanina.
Tarantang iniaabot nito ang kamay sa kanya. Sa una ay nag-alinlangan siya. Pero naisip niya na wala naman siyang ibang masasampahan kundi ang yate. Mabilis nga siyang kumapit sa kamay nito. Tinulungan siya ng lalaki na makaahon. Nang lumingon siya sa ibaba sa dagat, ganoon na lang ang panginginig niya.
May pating!
Pating ang kumagat sa buntot niya. At bakit kahit nasa tubig, naging paa ang buntot niya? Dahil ba sa nasugatan siya?
“Dumudugo ang gilid ng paa mo. Naabot ka ba ng pating?”
Tango na lang ang nagawa niyang isagot. Nanginginig siya sa matinding takot. At siguro, naramdaman iyon ng lalaki, naramdaman na lang niyang kinarga siya nito at dinala sa kung saan.Mas naging conscious si Xeen. Baka humulas ang laylayan ng maigsi niyang dress. Makikita ang hindi dapat makita.
Kinapa niya ang may pwetang bahagi at sinapo ang tela sa bahaging iyon. Mabuti na ang sigurado.