Enchanted (Compilation of Lambana Stories) Chapter 45

“HANAPIN n'yo! Paano siya mawawala ng ganoon na lang?”

Dumadagundong ang boses ni Ezio sa loob ng cabin niya. Nakahilera ang mga crew sa kanyang harapan at sinesermunan.

Saan puwedeng magsuot ang babaeng iyon? Hindi siya puwedeng mawala sa yate maliban na tumalon sa dagat.

At kung nasa matinong pag-iisip ang babae, hindi nito gagawin iyon.

Pero nasa matino nga bang pag-iisip ang babae? Sa paraan ng pananalita nito kanina, alam ni Ezio na may mali. Hindi niya lang gaanong pinansin at inisip at baka ganoon ang taktika ng babaeng entertainer. Naisip kasi niya na baka regalo ito sa kanya ng isa sa mga kaibigan niyang tumanggi sa kanyang mag-happy-happy. Ah, mga matitinong doktor nga pala ang mga kaibigan niya. Bakit niya naisip na reregaluhan siya ng mga ito ng babae?

Pero hindi ba at alam ng mga iyon na ganoon na lang ang pagrerebelde niya sa ama? Baka iyon ang dahilan. At ang ibinigay sa kanya ay isang napakagandang babae na may mukhang kasing-inosente ng isang birhen.

Hah, sinong lady entertainer ang inosente? Imposible.Wala na nga kaagad itong pang-ibaba. Hindi man lang nag-panty.

Pero ang nakita niyang galit at pagkabigla sa babae ay hindi magagawa ng isang umaarte lamang. Kita rin naman niya na hindi ito magkaintindihan sa pagtatago sa sarili. Idagdag pa na sinabi ng crew members niya na ang babae ang malamang na sumagip sa kanya nang mahulog sa dagat.

Gusto na niyang malito sa nangyayari. At ang pinakanakakalito ay kung paanong lumitaw ang babae sa yate niya gayong wala naman palang kahit sino sa mga kaibigan niya ang nagpadala rito. Tinawagan na niya lahat ang mga kaibigan niya at lahat iyon ay abala. Wala ring alam ang mga crew niya sa existence ng babae, maging ang captain ng yacht.

At ngayon, nawawala ang babae. Kung paanong misteryo ang paglitaw nito ay ganoon din ang pagkawala.

“Check the CCTVs,” pabuntong-hiningang pagdi-dismiss niya sa lahat.

Nagsilabasan na ang mga ito. Lalabas na din sana siya para tumulong sa paghahanap nang biglang bumalik ang isa.

“Nakita na po siya ni Devon, Doc. Naabot daw ng pating ang paa. Nandoon na po sila sa kabilang cabin,” humahangos na sabi nito.

Pagkarinig sa sinabi ng crew ay pahangos na hinablot niya angnaka-packaging pang boxer at lumabas siya ng cabin. Saka tinakbo ang kasunod.

Lintik! Talagang naisip pa niyang bigyan ito ng maisusuot? Pero kasi, puro lalaki ang mga kasama nila roon at napakaigsi ng suot nito. Baka mabosohan pa ito.

At paanong naabot ng pating? Huwag sabihing tumalon nga ang babae sa dagat? Ano bang klaseng pag-iisip mayroon ang babaeng iyon?

Ah! `Di nga ba at wala rin itong pagdadalawang-isip nang tumalon at sagipin siya? Bakit pa siya nagugulat ngayon?

Tama. Naalala na niyang may papalapit sa kanya na magandang babae habang nasa ilalim siya ng dagat.

Pagkarating sa kasunod na cabin, naabutan niyang ginagamot na ni Devon ang paa ng estranghera.Halata niyang ilang na ilang ang babae habang madiing magkadikit ang mga hita. Takot din mabosohan kahit parang wala sa sariling nakatulala sa kung saan.

Gusto niyang magalit ng sobra sa kung sinong nagtapon sa babae sa yate. Halata ang kainosentehan nito na gusto na niyang maawa rito.

At mabuti nalang na maaasahan talaga si Devon. Isa ito sa mga scholars ng SVMC. Siguro, bilang pagtanaw ng utang-na-loob sa kanyang ama, sa tuwing lalaot ang Cromwell, inio-offer nito ang serbisyo bilang isa sa mga crew members.

Well, natutuwa siya sa isang ito dahil hindi ito kagaya ng ibang scholars na hindi marunong tumanaw ng utang-na-loob.

Nakita siya ni Devon. Bigla itong tumayo at iniwan ang ginagawa para lapitan siya.

“Sir... Doc...” Nilingon nito ang babae. “Na-shock po yata ang babae sa nangyari. Kanina pa siya hindi nagsasalita matapos kong maiakyat dito.”

“Saan mo siya nakita?” tanong niya, saka nilingon din ang babae.

Nakatulala ito sa kawalan. Hindi niya alam kung may malalim lang ba itong iniisip o ano.

“Nakasampa na po siya kanina sa may gilid nitong yate. Nahulog yata sa dagat.”

“Nahulog?” Nagliparan ang mga kilay ni Ezio.

Tumango naman si Devon. “Takot na takot nga po siya. Kahit ako, natakot no'ng makita ko na may pating na nag-aabang sa kanya sa ibaba.”

Well, iyon ang pinaka-logical na dahilan kung bakit ito nakasampa sa gilid ng yate. Pero bakit ito nahulog? At masuwerte itong mukhang hindi naman naputol ang paa.

“Sige na,” pagdi-dismiss niya kay Devon. Lumayas naman na nga ito sa harapan niya.

Iniisip niya tuloy kung tama ba ang desisyon niyang ilaot ang yate at dumeretso sa rest house nila sa Batangas. Tuloy, napasok siya sa ganitong aberya. Kailangan tuloy niyang balikatin ang babaeng intruder sa yate ni Matthew.

Ah!

Hindi lang ito basta babae. Isa itong napakagandang babae. Mukhang alam na niya kung ano ang dahilan ng existence nito roon. Malamang na dahil kay Matthew. Napailing na lang siya sa sarili. Mukhang hindi na magbabago ang kanyang ama sa bisyo nito. Wala na nga si Dahly sa bahay nila--at napakatagal na raw, ayon sa maid--at wala na rin siyang nakikitang babaeng umaaligid sa ama, pero ano ba'ng malay niya kung sa ibang lugar pala nito dinadala? Katulad sa ganitong pagkakataon.

Gusto rin niyang magalit sa babae. Hindi niya matanggap na ang ganito kaganda at kainosenteng mukha ay gagawa ng maruruming gawain.

Pabuntong-hininga na tinitigan niya ang estranghera. Para itong may malalim na iniisip. Mula sa side view, nakikita ni Ezio kung paanong nagbabago ang ekspresyon ng maganda nitong mukha habang ang mahaba at pulang buhok ay pinababayaan na nitong lipadin ng hangin. Naaliw siyang panoorin muna ang babae. Nakakaaliw kasing titigan ang biglang pagkunot ng noo nito. Kapagkuwan ay ngingiti, pero bigla ring mangungulimlim ang mga mata sa biglaang pagtutubig ng mga iyon.

Napaisip tuloy si Ezio. May malaki ba itong problema? Karaniwan sa mga disenteng babae na pumapasok sa ganitong gawain ay desperada at may malaking pangangailangan.

Hindi kaya...?

Ah! Para sa kanya, kahit gaano pa kalaking problema ang dumating sa buhay ng tao, mas mahalaga pa rin ang dignidad.

Isa na namang buntong-hininga. Tumikhim siya para ma-inform ang babae na nandoon siya. Pero sa malas, mukhang naglalakbay pa rin ang diwa nito.

Nilapitan na niya ang estranghera at ibinaba sa tabi nito ang bitbit na boxer. Agad na napansin ni Ezio ang sugat nito sa paa na kanina ay nililinis ni Devon.

Inabot niya ang bulak at antiseptic, saka ang paa nito. Napapitlig ang babae at agad na hinila ang paa palayo sa kanya.

Kitang-kita ni Ezio ang biglaang paglatay ng takot at kaba sa mga mata at maganda nitong mukha. For a moment, para siyang sinalakay ng kagustuhang haplusin ang magandang mukha na iyon. Gusto niya itong kabigin at aluin. Gusto niyang sabihin na, It's okay. You're safe here, with me.

Pero kinuwestyon niya ang sarili. Bakit niya gagawin iyon sa taong wala namang kinalaman sa buhay niya?

Sa dami na ng naging pasyente niya sa mga volunteer projects, hindi kailanman nakaramdam si Ezio ng ganito katinding simpatya at concern sa pasyente. O baka naman ganito lang siya dahil alam niyang shocked pa rin ang estranghera. Ikaw ba naman ang maabot ng pating ang paa?

Or maybe because he was a sucker for damsels in distress.

Ewan.

“Doktor ako. Gusto ko lang tingnan ang sugat mo,” malamig na sabi niya at iniiwas ang mga mata sa mukha ng babae.

Ayaw niya sa pakiramdam na binubuhay ng nangungusap na brownish red na mga mata nito.

Brownish red. Yes. Iyon ang kulay ng pares ng mga mata nito. Favorite color siguro ng babae ang pula. Pati naman kasi contact lens ay mamula-mula ang kulay.

But hey! Maigi at hindi nalaglag ang contact lenses nito matapos ang nangyari.

Pero contact lenses nga ba iyon? Bakit parang nagbabago ang kulay ng mga mata nito nang magbago rin ang mood?

“D-doktor?” mahina at parang nagtatakang tanong nito. Kapagkuwan ay lumiwanag ang mala-diyosang mukha na animo may biglang nalinawan sa mga sinabi niya. Inilapit pa ng babae ang paa na may sugat sa kanya. “Sige, tignan mo na. Baka maimpeksyon iyan at maputulan ako ng paa kapag hindi naagapan. Ayokong mawalan ng paa sa lifetime na ito!”

Parang mas naging makinang ang mga mata ng babae. Mas tumingkad ang pagkapula ng mga iyon nang maging masaya ang mood nito.

Hindi niya alam kung matatawa ba siya sa eksaherasyon ng babae. O mapa-fascinate na lang sa kagandahang nasa kanyang harapan. Gusto niya ang mga mata nito na parang palaging kumikinang sa nagbabantang luha. Pero siguro, mas maganda kung ngingiti pa ang mga iyon.

Ah! Ano ba?!

Itinuon na lang ni Ezio ang atensyon sa sugat ng babae. Hindi naman pala ganoon kasama ang naging pinsala nito sa paa. Nakakapagtaka man dahil malaki ang bunganga ng pating, nagpapasalamat na rin siya na ganoon lang ang inabot nito.

Tumayo na si Ezio pagkatapos bendahan ang paa ng babae. Ini-offer niya ang kamay rito.

“Ezio,” sabi niya.

“Ha?”

Bumuntong-hininga ang binata. “I am Doctor Ezio. Ikaw? Ano'ng pangalan mo?”

“A-ako... Ahm, Xeen. Xeen ang pangalan ko,” anito, sabay abot sa kamay niya.

Napakalambot ng kamay nito. Napakakinis. Parang kamay ng prinsesang ni minsan ay hindi nakaranas gumawa ng gawaing-bahay. Kaya ano'ng matinding dahilan at naisipan nitong pumasok sa ganoon karuming trabaho?

Gusto pa sana niyang magtanong, pero mas mabuting tapusin na niya ang babago pa lang nabubuhay na curiosity sa babaeng ito.

“As you can see, wala si Matthew dito. Ako ang gumamit ng yate. Kaya kung anuman ang usapan ninyo ni Matthew, labas ako doon."Inginuso niya ang boxer sa tabi nito na hindi napansin ng babae."Isuot mo na muna iyan para hindi naman masyadong malamig." Bigla ang pamumula ng magandang mukha ng babae. Halatang ilang na ilang.Pinigilan naman niya ang sarili na mapangiti dahil sa amusement."Pagdating natin sa coast, `wag ka nang bumaba. Kasabay ka ng mga crew na babalik sa yacht club. At mula doon, umuwi ka na sa kung saan ka umuuwi.”

Hali-haliling nagtataasan ang mga kilay ni Xeen na para bang hindi naiintindihan ang mga pinagsasasabi niya.

“Sino si Matthew?” inosenteng tanong nito.

Hindi niya alam kung umaarte ba ito o talagang clueless ito tungkol sa kanyang ama. Pero kung hindi dahil kay Matthew kaya ito nasa yate, then, bakit ito naroroon?

Naihimas niya ang isang kamay sa batok. Maybe this woman was playing with him. Ano ba ang trip nito sa buhay?

“Siya ba ang may-ari sa susi ng lagusan?” dagdag na tanong ni Xeen.

“Ha?” Si Ezio naman ang biglang nalito.

Inabot ni Xeen ang isa niyang kamay at pinakatitigan ang kanyang little finger.

Hindi.

Ang singsing ang tinititigan ni Xeen.

“Ito ang susi ng lagusan, hindi ba? Si Matthew ba ang may-ari nito? Nasaan siya? Puwede ko ba siyang makita? Gusto ko siyang makausap.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.