Seryoso ito sa paghihimay ng etag o inasinan at pinausukang baboy saka iniluto kasama ang red beans. “Naabala ka pa sa review mo.”
Inunat ng dalaga ang dalawang kamay. “Gusto ko naman mag-relax ng konti. Nakakabaliw na mag-review. Parang sasabog ang utak ko. Saka di pa ako nakakadalaw dito.”
Mas gusto naman niyang makasama si Jeyrick kahit tumawid pa siya ng sampung bundok kaysa naman makita na pakalat-kalat sa paligid si Cardo. Tuwing nakikita niya ito ay parang nang-aasar ito kapag ngumiti sa kanya. Na may sekreto si Jeyrick na hindi niya alam. At ang nakakainis pa ay iniisip ng mga kasamahan nitong pulis na kahilera siya ng mga babae na nagpakita ng interes dito. Pinagsisisihan niya na ipinagluto niya ng maruya ang lalaki. Wala naman siyang napala.
Kaya mas mabuting dalawin na lang niya si Jeyrick at dito mismo malaman kung ano ang bumabagabag sa kanya nitong nagdaang mga araw.
Pinagsalikop ni Beliza ang palad. “May kasama bang boyfriend si Paloma noong kasalan?”
“Bakit ka interesado kay Paloma?” nakakunot ang noong tanong ni Jeyrick.
“Wala lang. Parang walang gaanong balita kasi sa kanya. Di ba sila pa nu’ng boyfriend niyang si Thirdy?”
“Bakit ka naman makikibalita sa kanya? Hindi mo naman siya gusto. Ni ayaw mo ngang maririnig ang pangalan niya. Kapag nakikita mo siyang palabas sa TV, inililipat mo ng istasyon o kaya pinapatay mo.”
“Naitanong ko lang. Ito naman. Nakikibalita lang. Kahit ayaw ko naman sa kanya, artista pa rin siya. Saka ikaw lang kakilala ko na may kilalang artista.”
Magaan nitong kinudlitan ng daliri ang noo niya. “Ikaw na ang nagsabi na walang mapapala sa tsismis. Di natin ikayayaman.”
“Sasagutin lang naman kung may kasama siyang boyfriend o wala.”
“Kumain ka na lang. Huwag na nating pag-usapan si Paloma. Mas interesado ako sa review mo. Nahihirapan ka ba?”
Masaya dapat si Beliza dahil mas gusto ni Jeyrick na pag-usapan ang tungkol sa kanya kaysa kay Paloma. Pero di niya gusto ang ganitong pakiramdam na parang may inililihim ang kaibigan sa kanya.
Ihinatid siya ni Jeyrick sa main highway ng Barlig dahil doon siya susunduin ni Uncle George para ibalik sa Seaworld Inn. Isang jeep ang dumaan na papuntang Barlig ang dumaan. “Uy! Carrot Man!” narinig niyang sabi ng isagn babae na nakasakay sa tuktok ng jeep. “Siya nga nga!”
“Hi, Carrot Man!” sabi ng isa pang babae sa topload ng jeep at kumaway sa direksyon nila.
Gumanti naman ng kaway si Jeyrick. “Hi!”
Siniko niya ang kaibigan. “Bakit ka kumaway? Kilala mo ba ang mga iyon?”
“Hindi. Kinawayan din kasi ako. Baka naman kilala nila ako pero di ko lang sila kilala.”
“Sabi si Carrot Man ka daw. E sino ‘yung Carrot Man?”
Nagkibit-balikat si Jeyrick. “Hindi ko alam.”
Maya maya pa ay tumawag sa kanya ang Ate Rakel niya. Di pa man siya nakakapag-hello ay isang matinis na tili na ang narinig niya. “Belizaaaa, sikat na sikat na si Jeyrick. Viral na siya ngayon sa internet.”
“Sinong Jeyrick? Itong si Jeyrick mismo?” tanong niya at itinuro ang binata na nakikipaglaro sa kambing na nakatali sa gilid ng daan.
“Yes na yes!”
“Paano naman siya sisikat? Dito lang naman siya naglalagi sa Barlig. Buksan-dili nga niya ang internet niya dahil numerical keypad pa ang cellphone niya.”
“May kumuha ng pictures habang nagbubuhat ng carrots. Ang guwapo naman kasi niya doon. Akala mo Adonis.”
“Ano? Paano siya nakuhanan habang nagbubuhat ng carrots?” tanong niya.
“May naligaw yata na photographer dito sa atin. Nasiraan daw ng sasakyan. Sakto naman nagbubuhat ng carrots sa sasakyan si Jeyrick. Kinuhanan ng picture, pinost sa Facebook at kumalat na. Ang guwapo naman kasi niya.”
Sinapo ni Beliza ang noo. Kung sinuman ang naka-discover dito, parang gusto niyang sabunutan. Si Paloma Escalante lang noon ang pinoproblema niya na karibal kay Jeyrick pero ngayon ay sandamakmak na. Pahamak sa buhay!
Nagpatuloy lang si Rakel sa pagkukwento. “Carrot Man na ang tawag sa kanya ng naka-discover sa kanya. Nagkakagulo nga sila kung sino daw siya. Napadaan lang sa wall ko kaya sinabi ko na kilala ko si Jeyrick. Bestfriend kako ng kapatid ko. Tapos ibinigay ko ang Facebook niya. Pihadong marami na siyang friend request ngayon. May bestfriend ka nang artistahin.”
Naipadyak ni Beliza ang mga paa. Gusto niyang maiyak sa inis. “Ate naman! Hindi mo dapat basta-basta sinasabi iyan.”
“Ayaw mo ba na sumikat ang bestfriend mo? Aba! Mahirap ang buhay. Guwapo naman ‘yang si Jeyrick. Maano bang makilala siya para dumagsa naman ang mga oportunidad sa kanya. Makakatulong iyon sa pamilya niya.”
“Ate, may privacy na tinatawag si Jeyrick. Wala tayong karapatan na basta-basta mamigay ng impormasyon nang hindi naman niya alam o wala siyang permiso. Paano kung ikapahamak niya iyan?”
“Huwag ka nang magalit. Gusto ko lang namang makatulong.”
“Kapag may naghanap diyan kay Jeyrick, wala kang ibang sasabihin sa kanila? Wala kang ilalabas na impormasyon na walang permiso ni Jeyrick. Maliwanag ba?”
Dali-daling binuksan ni Beliza ang internet niya sa cellphone matapos makausap ang kapatid. Nataranta siya sa sunud-sunod na messages sa cellphone niya at mga notification. Nakita rin niya sa wall ng Facebook account niya ang picture ni Jeyrick habang nagbubuhat ng carrots. May pagka-dramatic ang shot na nagpakita sa magandang features ng binata. Dahil rin sa fog kaya nagmukha itong misteryoso. Marami itong tagahanga, lahat ay gusto itong makilala.
“Bakit ganyan ang itsura mo?” tanong ni Jeyrick nang lapitan siya. “Huwag mong sabihin na tsismis sa artista iyan.” Natawa pa ito.
“Jeyrick, kailangan mong makita ito.”
Inabot ni Beliza ang cellphone sa lalaki. Namilog ang mga mata nito nang makita ang picture. “Hala! Carrot Man? Ako ba talaga ito? Bakit ang guwapo? Ginamitan bang magic ang picture ko para magmukhang artista?” namamanghang tanong nito.
“Nakuha lang siguro ang magandang anggulo mo.”
Napaka-unassuming ni Jeyrick. Ni hindi nito alam na guwapo ito. Di rin naman kasi niya sinasabi. Mapagpakumbaba ito. Di gaya ng ibang nakikita niya na nakaplastada sa internet na guwapong-guwapo sa sarili.
“Sino ang kumuha ng picture ko?”
“Sundrea Angekles. Hindi ko nga iyan kilala.”
“Jeyrick, hindi simple itong pagsikat mo. Baka ma-pick up na ito ng mga reporter. May mga fans ka na rin na gusto kang makilala. Gusto mo bang ibigay ang impormasyon mo sa kanila? Gusto mo ba ng interview?”
Umiling ang binata. “Ayoko. Ayoko ng magulong buhay. Simple lang akong tao.”
“Baka magdagsaan sila dito sa Barlig. At di rin malabo na may magkonekta sa iyo kay Paloma. Handa ka bang harapin sila?”
Bumuga ito ng hangin. “Kailangan ko nang umuwi sa Kadaclan.”