Muntik nang mabitawan ng dalaga ang hawak na basket. Anong nangyari? Kailan pa naging ganyan kaganda ang katawan niya?
Siguro dahil sa pagte-training nito bilang pulis. Kailangan ay fit ang mga ito lalo na’t sumasagupa sa masasamang-loob. Malaki na nga ang ipinag-iba ni Cardo. Hindi na ito ang binatilyong medyo may kapayatan pa dati. Lean muscles na ang nakikita niya. At sa lahat ng nakita niyang naglaba, ito ang pinaka-sexy. Yummy!
Aanhin mo naman ang yummy kung sa piling niya ikaw ay sawi?
“O! Himala na naisipan mo ako ng dalawin,” sabi ni Cardo.
“Hi! Ipinagdala kita ng miryenda. Maruya iyan. Ako ang nagluto.”
“Paborito ko pa talaga ang ihinanda mo.Sandali. Magbibihis lang ako,” sabi ng binata. “Nakakahiya naman sa iyo.”
“Hindi na. Okay na iyan. Ganyan ka na lang.” Sayang ang view.
Parang nagtaka pa ito sa sinabi niya. “Hindi. Magbibihis pa rin ako. Dito na lang siguro tayo sa may garden. Malamig naman dito.” Kinuha nito ang basket niya at inilapag sa mesa doon saka ito nagpaalam na magbibihis muna.
Tinapik-tapik ni Beliza ang pisngi. Ano ba? Di na bago ang ganyang mga katawan. Di na ako dapat affected. Si Jeyrick di rin naman nagpapahuli para kay Cardo. Pero bakit ganito ako ka-affected?
Medyo kumalma na ang tibok ng puso ng dalaga nang bumalik si Cardo at may suot na white T-shirt. “Kain ka na. Masarap ang maruya na iyan. Galing pa sa bukid ni Uncle ang saging.”
“Bakit nga pala naisipan mong ipagluto ako?” nagsususpetsang tanong nito at hindi agad ginalaw ang alay niyang pagkain.
“Gusto kong magpasalamat sa pagtulong sa amin sa pag-aani ng carrots. Hindi kasi tayo gaanong nagkausap noong nasa Bauko tayo,” marahan niyang paliwanag.
Bad mood siya hanggang kinabukasan na dumating si Jeyrick. Pamilya niya ang kumausap kay Cardo dahil mukhang magkasundo ang mga ito. Civil lang siya kapag kausap ang binata.
“Wala iyon. Gusto ko din makatulong. Saka minsan lang din naman humingi ng pabor sa akin si Jeyrick.”
“At pasensiya na kung sinungitan kita nang nakaraan. Malapit sa akin si Jeyrick. Ayokong alalahanin pa niya kapag nag-aaway tayo. Bati na tayo?” tanong ni Beliza.
“Wala naman sa akin iyon. Ikaw lang naman itong mahilig mang-away sa akin.” Kumagat ito ng maruya. “Okay. Mukhang masarap nga ito. Hindi ko alam na masarap ka palang magluto. Di mo kasi ako ipinagluluto dati.”
“Wala kasing pagkakataon. Kain ka pa.” Tumango ito at nag-thumbs up. “Ano... May nabanggit ba si Jeyrick tungkol sa pagkikita nila ni Paloma?”
Tumaas ang isang kilay ni Cardo na parang alam nitong may iba siyang pakay sa pagdayo doon nang may dalang alay. “Bakit naman di na lang siya ang tanungin mo? Para namang di kayo best of friends.”
“Tinanong ko na siya pero sabi niya nagkumustahan lang sila. Baka naman may alam ka sa ibang napag-usapan nila,” sabi niya at nilaro ang mga daliri.
“Meron nga,” sagot ng lalaki at uminom ng tubig.
“Ano?” tanong ni Beliza at inilapit pa ang mukha dito. Animo’y may sekreto itong ibabahagi sa kanila at sila lang ang makakaalam.
Ngumisi si Cardo. “Kiss muna.” At tinapik nito ang sariling pisngi.
Itinulak niya ang mukha nito palayo sa kanya. “Impakto ka talaga kahit na kailan. Gusto mo talaga na halikan kita?”
“Kung gusto mo lang naman. Di naman ako namimilit.”
Hinampas niya ang braso nito at sinipa ang binti. “Manyak ka! Mapagsamantala!”
“Ang init agad ng ulo mo. Di mo pa nga ako hinahalikan, binubrutal mo na ako. Masaya pa mandin si Jeyrick sa mga kwento niya tungkol kay Paloma,” tatawa-tawang sabi nito at balewala lang ang pananakit niya dito. Patuloy na lang ito sa pagkain ng maruya habang siya ay parang bulkan na sasabog sa galit.
Nakaka-frustrate dahil gusto niyang malaman kung ano ang sinabi ni Jeyrick tungkol kay Paloma. Pero paano kung pinapaikot lang siya ng lalaki?
Unggoy na Cardo ‘to. Akala niya mauutakan niya ako.
Tumayo si Beliza. “Ewan ko sa iyo. Kahit anong gawin mo, hindi kita hahalikan. Buti na lang talaga break na tayo.”
“Ano naman ang kinalaman ng nakaraan natin sa kay Jeyrick at Paloma? Ikaw itong nagpunta sa akin na may lihim na balak. May dala ka pang maruya. Kunyari ka pag nagso-sorry. Salamat dito sa miryenda. Alam ko naman excuse mo lang si Jeyrick para makita ako. Hindi naman ako gaanong pakipot.”
Hindi alam ng dalaga kung hahambalusin ito ng kawayan na nasa gilid ng hardin o lalayas na lang. “Diyan ka na!!” asik ni Beliza at binitbit ang basket ng maruya saka naglakad palayo. Mas mabuting umalis na lang siya dahil masasaktan niya si Cardo.
“Oy! Ibalik mo iyan! Akin na iyan. Naibigay mo na.”
“Wala naman akong pakinabang sa iyo. Ipapamigay ko na lang sa iba.”
“Malas iyan. Di ka magkaka-forever. Di mo ako matitikman!”
Pumikit na lang siya nang mariin at di na pinansin ang pang-aasar nito. Sinipa ni Beliza ang maliit na batong nadaanan niya. Palpak na naman. Kapag talaga kasama si Cardo sa usapan, wala siyang napapalang matino.
Kahit pa si Cardo ang may susi para magka-forever sila ni Jeyrick, di na siya hihingi ng tulong dito kahit na kailan.
“KAIN PA ng kain. Marami pa iyan.”
Inilapit ni Beliza kay Jeyrick ang mangkok ng pagkaing dala niya. Nasa ilalim sila ng puno sa gilid ng bukid na nirerentahan nito at ng ama sa Lingoy.
“Ano bang okasyon at ipinagdala mo pa ako ng pinikpikan at etag?” tanong ng lalaki.
“Wala lang. Gusto lang kitang dalawin at kumustahin. Ang layo-layo naman dito. Wala pang signal.”
Napasubo ang dalaga sa paglalakad sa bukid. Nagpasama siya sa pinsan ni Jeyrick na si Jensen. Nasa dulo pa iyon ng Lingoy, isa sa baranggay ng Barlig. Bagamat may sariling bukid sa baranggay ng Ogo-og ang pamilya ng binata ay sapat lang iyon para sa pagkain ng pamilya. Kailangang makitanim sa ibang lugar para may maipantustos sa iba pang panganailangan. Di pa sasapat ang kita nito bilang guide dahil di pa naman ganoon kadami ang nagtu-tour sa area nito sa Kadaclan. Mararamdaman pa lang daw ang ganda ng promotion ng turismo makalipas ang ilang buwan. Di pa daw kasi vacation season ng Pebrero.
Walang oras na lakaran din bago niya narating ang bukid na binabantayan nito at ng ama. Nagtatanim ang mga ito ng iba’t ibang gulay. Tanghali na pero di niya dama ang init dahil sa lamig ng lugar.