Finding Carrot Man 3: Mine From the Start Chapter 12

TAAS-NOONG pumasok sa kainan ng Seaworld Inn si Beliza. Basa pa ang buhok niya na hinayaan niyang nakalugay at nilagyan ng headband. Nakasuot siya ng cashmere blouse at maong na pants. Light make up lang din ang inilagay niya sa mukha para di siya magmukhang maputla sa pagharap ng camera.

Maraming tao sa loob. Naka-set up na ang camera ng mga reporter. May nakatayo pa at nagkukwentuhan. May mga babae na walang press ID na hula niya ay fans ni Jeyrick. Pero isang partikular na babae ang hinanap ng mga mata niya - si Paloma Escalante. Nakaupo ito sa bandang likurang upuan sa tabi ng bintana. May katabi bading na may suot pang press ID. May kasama pa yata itong sariling reporter.

Nagsalubong ang mga mata nila. Nayanig si Beliza na makita nang personal si Paloma Escalante sa unang pagkakataon.

Starstruck. Iyon ang unang salita na pumasok sa utak niya. Di siya mahilig sa mga guwapong artista at celebrities. Masaya na siyang mapanood ang mga ito sa TV. Katwiran niya ay maganda rin naman siya at may kilala siyang mga guwapo. Ang iba naman ay nadadaan lang sa make up at sa editing o sa ilaw at anggulo. Pero iba si Paloma Escalante. May kinang ang mga mata nito na parang laging nakangiti. Ni hindi ito naka-make up pero halatang makinis ang balat nito. At may dimples ito sa magkabilang pisngi. Tulad kay Jeyrick. At ang hawig daw nagkakatuluyan.

Sino ba kasi nagpauso ng hawig-hawig na iyan? Sasapakin ko. Di naman sa hawig-hawig nakukuha ang tunay na pag-ibig. Ako ang nandito para kay Jeyrick. Di nakukuha sa ganda iyan. Di naman beauty pageant ito.

Kumunot ang noo ni Paloma dahil siguro natagalan ang titig niya dito. Parang may tanong sa mga mata nito kung sino siya.

Ngumisi lang siya. Nakilala niya si Jeyrick nang panahon na nagsisimula na ang pagsikat ni Paloma bilang finalist sa isang singing contest. Iyon ang panahon na tumigil sa pag-aaral si Jeyrick para mag-focus sa pamilya nito. Wala ang babae sa panahong kailangan ito ng kaibigan niya.

“Beliza, anong sasabihin mo sa kanila?” pabulong na tanong ni Lerome.

“Huwag kang mag-alala dahil hindi ako lalabag sa napag-usapan natin. Hindi ko sasabihin ang di ko dapat sabihin,” tukoy niya sa kinaroroonan ni Jeyrick.

“Ano ngang sasabihin mo?” giit ni Lerome na parang walang tiwala sa akin.

“Basta! Magtiwala ka lang sa akin. Hindi ko ipapahamak si Jeyrick. Pwede ko na bang simulan ang press conference?”

Parang nag-aalangan pa rin si Lerome na hayaan siya. Habang nakaabang naman si Cardo sa likuran ng upuan niya.

Inalalayan siya ni Cardo na umupo sa upuan sa bungad. Naka-set up na rin ang camera ng mga reporter. Kinabahan siya. Matagal na panahon nang sumalang siya sa mga camera at nagsalita sa harap ng maraming tao. Noon pang lumaban siya sa Miss Lang-ay iyon. Pero gagawin niya ito para kay Jeyrick.

“Magandang hapon. I am Beliza Mendez, Jeyrick’s bestfriend. Salamat sa pagdayo sa Barlig para lang makita at makausap siya. Pasensiya na po kayo dahil wala dito si Jeyrick. Nasabi na po siguro sa inyo ng kaibigan at pinsan niya na wala siya dito sa Barlig. May trabaho siya sa isang farm ng pinsan niya sa Kalinga,” paliwanag niya sa lahat gaya ng napag-usapan nila ni Lerome.

“Kailan ang balik niya, Miss?” tanong ng isang lalaki na nagsusulat sa Baguio Midland, isang broadsheet. “Gusto talaga naming makilala si Carrot Man dahil malaki ang impact niya lalo na sa mga Igorot di lang dito sa Pilipinas kundi sa ibang bansa.”

“Sa kasamaang palad, di namin alam kung kailan siya babalik. Palipat-lipat siya ng taniman. Kung saan may patanim, doon siya pumupunta,” paliwanag niya. Sana lang ay tanggapin ng mga ito ang paliwanag niya.

“Miss, sabihin mo na lang sa amin kung nasaan siya. Alam mo ba na malaking tulong kung mahahanap siya?” tanong ng reporter na katabi ni Paloma. “Nandito rin si Paloma Escalante na handang tumulong sa kanya. Hindi na niya kailangang magbuhat lang ng carrots. Pwede siyang mabigyan ng maayos na trabaho at matutulungan na niya ang pamilya niya.”

Naggiyagis ang ngipin ni Beliza. “Wala po tayong magagawa kung hindi natin ma-contact si Jeyrick ngayon. Wala pong signal kung saan siya nandoon.”

At wala siyang pakialam sa tulong na ibibigay ni Paloma Escalante. Huli na. Nakilala niya si Jeyrick nang panahon na nagsisimula na ang pagsikat ni Paloma bilang finalist sa isang singing contest. Iyon ang panahon na tumigil sa pag-aaral si Jeyrick para mag-focus sa pamilya nito. Wala ang babae sa panahong kailangan ito ng kaibigan niya. Lalong hindi ito kailangan ni Jeyrick ngayon.

“Ang sabihin mo ayaw mo lang i-share sa amin si Jeyrick. Alam mo talaga kung nasaan siya,” anang isang babae na di niya kilala. Wala rin itong press ID. Baka isa ito sa mga fans ni Jeyrick na dinayo pa ito.

“Pinapalabas mo ba na sinungaling ako, Miss? Sino ka ba?” aniyang nakalimutan ang hinahon dahil di talaga niya gusto ang tabas ng babae.

Namaywang ang babae. “Ako lang naman ang destiny niya. Ako si Charisse, ang babaeng naka-discover kay Carrot Man. Ako ang nagpasikat sa kanya. Kaya ilabas mo na siya para magkita na kami ng destiny ko.”

Nagpanting ang tainga ni Beliza. “Ikaw ang destiny niya?”

“Oo. Sino ka ba sa buhay ni Jeyrick para ipagkait siya?”

Matapang ang bruhang ito. Ito pala ang may kagagawan kung bakit naging viral ang picture ni Jeyrick. Di naman siya pwedeng magpasindak dito.

Tumayo si Beliza. “Ako lang naman ang bestfriend niya. Ako ang nandito sa tabi niya kahit na ano pa ang pagdaanan niya. At ako ang babaeng mahal niya. Ako ang girlfriend niya.” Sinadya niyang idiin ang huling pangungusap.

Naramdaman niya ang pagkagimbal ng lahat. Parang sinabugan ng bomba ang lahat. Narinig niya ang paghigit ng hininga ni Cardo sa likuran niya. “Kayo na ni Jeyrick? Parang di naman niya sinabi...”

Matalim niya itong tiningnan. Huwag talaga itong kokontra dahil masusungalngal niya ito. Huwag itong kontrabida sa mga plano niya. Kaya siya nagpa-press conference para malaman ng lahat na wala nang pag-asa ang mga ito kay Jeyrick. Dahil siya ang future ng lalaki.

“M-May girlfriend na siya?” mangiyak-ngiyak na sabi ng babae. “Hindi ko matanggap.” At umiyak ito sa babaeng katabi.

“Lalo naman ako. Akala ko ako ang Kalabasa Girl ni Carrot Man. Hindi ko pa nga siya nakikilala, may girlfriend na siya agad,” anang babaeng naka-orange yellow na dress. “Bakit hindi niya ako nahintay?”

Nakadama siya ng tagumpay nang makita ang pamumutla ni Paloma sa likuran kasunod niyon ay nalambungan ng sakit ang maganda nitong mukha. Isang talunan. Masyado na itong huli para bawiin pa si Jeyrick ngayon.

“Ikaw talaga ang girlfriend niya, Miss?” paniniyak ng reporter na si Reda Belle galing sa Star Network Baguio.

“Of course. We have a wonderful love story,” aniya at pinagsalikop ang palad. “Kaya pasensiya na sa mga babaeng naghahabol sa kanya. Mahal namin ni Jeyrick ang isa’t isa. At ‘yung pagbubuhat niya ng carrots, sa bukid namin iyon. Parang paninilbihan niya sa magulang ko. Old fashioned kasi siya.”

Nakita niya ang paniningkit ng mga mata ni Lerome. Habang si Cardo sa likuran niya ay tensiyonado. Ano ngayon kung nagsisinungaling siya? Magkakatotoo din naman iyon balang-araw. Baka nga ipagpasalamat pa ni Jeyrick sa kanya dahil maitataboy niya ang mga nanggugulo dito.

“Looks like this new will break the hearts of many,” usal ng isa sa mga reporter doon.

“Hindi ko ito matatanggap. Walang forever! Magbe-break din kayo ni Carrot Man!” palahaw ng isang babae na nakasuot din ng gray jacket na katulad ng kay Jeyrick at nakataklob ng hoodie. Kanina pa ito tahimik at di sumasali sa drama. “Akin siya! Hindi ako papayag na sa iyo siya mapunta. Hahanapin ko siya. Matatagpuan ko siya. Ako ang pipiliin niya sa huli.” At saka patakbong lumabas ang babae.

“Eksena naman iyon. Inunahan pa ako,” sabi ni Chacha.

“Miss Beliza, pwede ba kayong ma-interview tungkol kay Carrot Man?” tanong ng reporter ng Star Network. “Ikwento mo naman kung ano ang love story ninyo.”

“Sure. Walang problema,” nakangiti niyang sabi.

Tahimik na lumabas si Paloma. Sa palagay siguro nito ay di na siya kailangan doon. Sana naman ay iyon na ang huling beses niya itong makikita. Bumalik na lang ito sa Maynila, malayo sa kanila ni Jeyrick.

NANGANGAWIT na si Beliza sa kangingiti sa mga reporter nang ihatid ang mga ito sa labas ng Seaworld Inn. Tagumpay ang interview nila. They gobbled up every stories she threw at them. May mga gusto na makilala ang pamilya ni Jeyrick pero sinabi niya na nasa Paracelis ang mga ito, mas malayong bayan sa Mountain Province. Mahigpit din ang bilin ni Jeyrick sa kanila na iiwas ang pamilya nito sa media. At dahil si Jeyrick ang priority ng mga ito, ang binata ang dudumugin ng reporters at fans nito sa Kalinga.

Para na rin sa katahimikan niya at nang di na siya ligaligin pa ng mga ito para sa follow up interview ay sa Eagle’s Point pinatuloy ni Lerome ang mga bisita. Isang camping ground at guesthouse iyon na ang lalaki ang may-ari.

“Pwede ba namin kayong ma-interview nang magkasama ni Carrot Man kapag nahanap na namin siya. Who knows? Baka gawin pang drama anthology ang buhay niya,” sabi ng reporter na si Reda Belle.

“Oo naman.” Kung mahahanap ninyo siya.

Niyakap siya ng babae. “Hope to meet you again next time.”

“Sir Cardo, may girlfriend ka na ba?” narinig niyang tanong ng Calabasa Girl na si Verna. “Kasi baka pwede akong mag-apply.”

Nakangiting umiling si Cardo. “Wala akong girlfriend.”

Tumili si Verna at yumakap sa braso ng lalaki. “Mabait pa rin sa akin ang Diyos. Wala man akong Carrot Man, may policemen naman na magtatanggol sa akin.”

“Sir Cardo, salamat sa pagbibigay mo ng number sa akin, ha?” sabi ni Chacha. “Nag-text na ako. I-save mo na lang ang number ko.”

“Sir Cardo, gusto rin kitang mai-text. You know, kapag emergency and I need a hero,” sabi ni Verna.

“Huwag kang ano. Nauna na ako,” kontra naman ni Chacha at binalya pa ng balakang nito ang babae.

“Kailan ka pa nagkaroon ng exclusive rights sa cellphone number niya? Ni hindi ka nga niya girlfriend. Ambisyosa!” singhal ni Verna dito. “Hanggang dito ba naman nakikikaribal ka sa akin?”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.