Finding Carrot Man 3: Mine From the Start Chapter 13

“Hala!” usal ni Beliza nang makita kung paano pag-agawan ng dalawang babae si Cardo. Kumunot ang noo niya at nakuyom ang palad. Humakbang ang mga paa niya palapit sa mga ito nang matigilan.

Anong nangyayari sa kanya? Bakit gusto niyang kaladkarin ang dalawang babae palayo kay Cardo? Di ba dapat ay matuwa siya dahil di na guguluhin ng mga ito si Jeyrick? Bawas na ang karibal niya.

Nagseselos ba ako kay Cardo? Hindi ko naman siya gusto. Mas okay nga kung ipinamimigay ko na lang siya.

Huminga siya ng malalim at tumalikod. Pwede na siguro siyang bumalik sa pagre-review. Papasok na siya nang may tumawag sa pangalan niya. “Beliza... Miss Mendez.”

Nanigas ang buong katawan niya nang makita kung sino ang tumawag sa kanya. Si Paloma Escalante. Nakatayo sa likuran nito ang pinsan nitong bading na mas makapal pa ang eyeliner at mas mataray pa ang kilay sa dalaga.

Inilahad ng babae ang kamay sa kanya. “Hi! I am Paloma Escalante.”

“Kilala na kita,” aniya sa malamig na boses at napilitang kamayan ito. “Wala namang di nakakakilala sa iyo.”

“Not really. Ang pinsan ko, si Bernardo,” pagpapakilala ng dalaga sa kasama.

Kinamayan siya niyo. “Call me Hepburn. Like Audrey Hepburn.”

“H-Hi,” napilitan niyang bati dito kahit di niya gusto ang aura nito. “Pumasok na tayo sa loob. Malamig dito sa labas.” Nauna na siyang pumasok sa loob. “Gusto ba ninyong kumain o kaya kape?” Hindi niya alam kung anong ise-serve sa isang sikat na personalidad. Baka mapili si Paloma.

“Meron pa ba ng turon kanina?” tanong ng dalaga.

“Ang diet mo,” paalala ni Hepburn.

“Turon at arabic coffee,” nakangiti pa ring sabi ng babae. “Kung okay lang. Pati ‘yung para sa pinsan ko, sa akin na rin.”

Unwanted visitor si Paloma pero kailangan niya itong pakitaan ng maganda. Bilin sa kanya ni Jeyrick na gamitin ang pagkakataon na iyon para mas maipakita ang turismo at hospitality ng mga taga-Barlig. Mas magandaw daw kung doon mai-focus ang atensiyon. Kaya ie-entertain niya si Paloma para kay Jeyrick.

“Thank you,” sabi ng babae at kumain agad ng turon. Parang gutom na gutom ito. “Sorry. Wala kasi kaming oras na kumain kanina. Hindi tayo personal na nagkakilala pero kaibigan ako ni Jeyrick noong college pa kami.”

“Oo. Naikwento ka niya dati. Marami siyang naikwento tungkol sa iyo. Ayoko pa ngang maniwala dati dahil hindi ka naman nagpaparamdam sa kanya. Kaya akala ko gawa-gawa lang niya ang lahat,” aniyang may bahagyang himig ng sarkasmo.

“Not for my cousin’s lack of trying,” singit ng bading. “Si Jeyrick lang kasi...”

Siniko ni Paloma ang pinsan. “Bernardo...”

“Ito kasing pinsan ko gustong tulungan ang old friend niya. Noon kasing nagkita sila sa Baguio, di niya nasabi na nagbubuhat lang siya ng carrots at nagpapakahirap sa bukid,” sabi ni Hepburn.

“Anong masama kung nagtatrabaho si Jeyrick sa bukid? Marangal na trabaho kahit na mahirap. Tourist guide din si Jeyrick,” pagtatanggol niya sa lalaki. Nagpunta ba ang mga ito sa Barlig para insultuhin si Jeyrick?

“Please. I am sorry. Di naman ibig sabihin iniinsulto ng pinsan ko si Jeyrick. Gusto ko lang makatulong,” paliwanag ni Paloma sa malumanay na boses. “Jeyrick was supposed to have a greater life than this. He could be so much more. At bilang girlfriend niya, sigurado ako na pwedeng mas gumanda ang buhay niya.”

“Siyempre naman. Pero nasa kay Jeyrick na kung gusto niyang tanggapin ang tulong ninyo,” aniyang bahagyang tumaas ang kilay.

“May pagkakataon na siya ngayon na uMendez ang buhay niya. Sumisikat na siya. Kung mailalagay sana sa ayos ang pagpasok niya sa showbiz, mas tatagal pa ang career niya. Hindi siya ‘yung viral ngayon pero laos na bukas. At malaki ang maitutulong ni Paloma para mai-showcase ang talent niya.”

“Masyado naman yata kayong nagmamadali. Di pa ninyo nakakausap si Jeyrick,” sabi ni Beliza sa malamig na boses.

“Strike while the iron is hot. Dati pa dapat sikat si Jeyrick,” sabi ni Hepburn.

Ito mismo ang iniiwasan ni Jeyrick. Ayaw nito na isipin ng mga tao na ginagamit nito si Beliza para sumikat.

“Simpleng tao lang si Jeyrick. Wala sa plano niya ang sumikat,” sawata naman niya.

“Oh, really? Baka naman ayaw mo siyang sumikat at ayaw mong umunlad ang buhay niya kasi baka mawala siya sa iyo. Masyado ka naman yatang makasarili kapag ganoon,” pambabara sa kanya ni Hepburn.

Bigla siyang tumayo. “Hindi ako makasarili. Mahal ko si Jeyrick at gusto ko na umunlad ang buhay niya. Pero kilala ko rin siya. Mas matagal ko siyang nakasama kaysa sa inyo. Di ko lang siya boyfriend. I am also his bestfriend. Di ninyo ako kilala para husgahan ako,” angil niya sa dalawa.

“Bernardo, dahan-dahan ka naman sa pagsasalita mo,” saway dito ni Paloma. “Baka nakakasakit ka na ng damdamin ng iba. Di naman tayo nagpunta dito para makipag-away. Nandito tayo para makatulong kay Jeyrick.”

“Hypothetical question lang iyon. Ganyan siya maka-react. Boyfriend na nga niya ang gusto nating tulungan. Marami diyan ang may tsansa nang umahon sa kahirapan at sumikat pero hinihila pababa ng mga tao sa paligid nila.”

“H-Hindi ako ganoon.” Pero nakadama siya ng guilt. Alam niya sa puso niya na ayaw niyang mapunta si Jeyrick sa iba. Masama ba siyang tao kung pipigilan niya ang pag-unlad ng kaibigan dahil ayaw niyang lumayo ito sa kanya?

Si Jeyrick mismo ang ayaw sumikat. Di ko kasalanan iyon.

Pero paano kung sa huli ay magdesisyon ang lalaki na gusto na nitong tanggapin ang offer ni Paloma? Susuportahan ba niya ito? Paano na siya? Sayang lang ba ang effort niya na itaboy ang mga karibal para masolo si Jeyrick?

“Beliza, pare-pareho nating gustong tulungan si Jeyrick,” sabi ni Paloma. “Alam ko rin kung gaano kataas ang pride niya. Sana bilang girlfriend niya, makumbinsi mo siyang tanggapin ang tulong namin.”

“Maraming salamat sa tulong ninyo sa pinsan ko, Miss Paloma,” singit ni Cardo.

“Naku! Magpinsan pala kayo ni Carrot Man, Officer Pogi. No wonder, pareho kayong guwapo,” anang si Hepburn at kinagat ang labi. “Baka kailangan mo rin ng tulong. Nandito lang ako para sa iyo.”

“Mas kailangan ni Jeyrick at ng pamilya ang tulong, Marami siyang pangarap para sa mga magulang at kapatid niya,” sabi ni Cardo at tumawa. “Kaya maraming salamat sa inyo. Nagpahanda ng dinner si Mayor sa Eagle’s Point. Nakahanda na rin ang kuwarto na tutuluyan ninyo doon.”

“Ang sweet naman ng mga tagadito. Sana lahat ganya ka-accommodating sa mga bisita at ka-appreciative sa mga gustong tumulong,” pasaring ni Hepburn sa kanya. “Let’s go, cuz. We need to shower and rest.”

“Salamat sa pag-accommodate sa amin, Beliza,” sabi ni Paloma na mukha namag sinsero at di mang-aagaw ng boyfriend. Inabot nito ang peach and black calling card sa kanya. “Tawagan mo ako dito kung sakaling magkakausap kayo ni Jeyrick. Sabihin lang niya sa akin kung paano ako makakatulong. Hindi naman kailangan na pumasok siya sa showbiz. Marami namang ibang paraan para makatulong kami.”

Tumango na lang siya at tinanggap ang card. “Thank you.”

Ihinatid niya ang mga ito hanggang pinto at pinanood nang ihatid ni Cardo ang mga ito sa sasakyan. “See you later, pogi,” sabi pa ni Hepburn dito at nag-flying kiss.

Nang makaalis ang mga ito ay nilapitan niya ang lalaki. “Bakit mo sila kinampihan? Pinagmukha mo akong masama sa kanila.”

“Anong ibig mong sabihin? May kompetisyon ba kayo na di ko alam?” maang-maangnang tanong ni Cardo.

Lalong nanggigil si Beliza at ipinadyak ang paa. “Alam mo kung anong ibig kong sabihin. Alam mo naman na ayaw tumanggap ng tulong ni Jeyrick mula kay Paloma Escalante. Ayaw niya ng showbiz.”

“Oo. Alam ko iyon. Pero di ibig sabihin hindi na natin pahahalagahan ang mga magagandang bagay na dumadating kay Jeyrick. Na hindi natin sila pakikitaan ng maganda. Dumayo pa sila mula sa malayong lugar. Gasino ba na magpasalamat tayo?”

“Ayokong magkaroon sila ng impresyon na porke’t sikat si Paloma Escalante, sunud-sunuran na lang tayo sa kanila. Mabuti nang malinaw na wala silang mapapala. Wala na siyang maaasahan kay Jeyrick. Wala na siyang babalikan.”

“Kaya mo ba sinabing girlfriend ka ni Jeyrick para itaboy sila?”

“Girlfriend talaga ako ni Jeyrick.”

Humalukipkip ang lalaki. “Kailan pa?”

“Matagal na kaming M.U. Nang puntahan ko siya sa Lingoy, doon naging kami. Bago pa lang ang relasyon namin nang bigla namang naging viral ang video namin.”

“Hindi ako naniniwala.”

“Sinasabi mo ba na sinungaling ako?”

“Nakita ko kung paano mo ako titigan habang nagsasampay ako ng damit. May gusto ka pa sa akin.”

“Wow! Nakahitit ka ba ng helium kaya nililipad ka ang ego mo ngayon?” Napansin pa nito ang pagkakatulala niya dito? At big deal na iyon? “Mahal ko si Jeyrick. Walang pwedeng kumontra sa pagmamahalan namin. Hindi ikaw, hindi si Paloma o ang prinsesa ng kalabasa. Kaya kalimutan mo na ang ilusyon mo na may gusto pa ako sa iyo. Tapos na iyon.”

“Sana nga hindi ka nagsisinungaling. Sana nga hindi mo niloloko ang sarili mo at ang mga tao. Dahil sa huli, ikaw lang din ang masasaktan.”

Naging totoo naman siya dito. Minahal niya ito. Pero iniwan lang siya nito sa huli. At titiyakin niya na di na iyon mauulit pa kay Jeyrick.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.