Finding Carrot Man 3: Mine From the Start Chapter 14

“ANONG NANGYARI?” usal ni Beliza nang silipin ang oras sa cellphone niya.

Alas nuwebe na ng umaga nang magising siya. Ipinasundo pa siya ng mayor sa hapunan nang nagdaang gabi. Nagkaroon pa ng presentation para sa tourism ng Barlig sa pagbabaka-sakaling makatulong iyon para itaguyod ang turismo ng bayan at hindi lang si Carrot Man ang pagtuunan ng pansin ng lahat. She couldn’t resist a little rice wine. Halos alas nuwebe na siya nakabalik sa Seaworld Inn at bagsak agad sa higaan.

Tiniis niyang makiharap sa mga reporter at sagutin ang tanong ng mga ito tungkol kay Jeyrick. Nararamdaman din niya ang mga mata ni Paloma Escalante sa kanya na parang nag-oobserba kung nagsasabi siya ng totoo tungkol kay Jeyrick.

“Auntie Lourdes, nakaalis no ba ang mga naghahanap kay Jeyrick?” tanong ni Beliza sa tiyahin nang magtungo sa kusina para mag-agahan.

“Oo. Kanina pa sila nakaalis. Nakita ko bandang alas sais na sunud-sunod ang mga sasakyan nila na dumaan. Convoy sila pa-Kalinga. Talagang handa silang hanapin si Jeyrick para ma-interview. Magtitiyaga talaga sila?” namamanghang tanong ng tiyahin. “Sabagay nadikit ang pangalan niya kay Paloma Escalante. Di siya titigilan ng mga iyan.”

Nagsalin siya ng nilagang Arabica coffee sa tasa at nilagyan iyon ng stevia powder. “E di hanapin nila si Jeyrick. Kasama po ba nila si Paloma Escalante?”

“Ang alam ko mas maagang umalis ang sasakyan niya. Sabi kasi ni Lerome di na alas singko pa lang umalis na.”

“Mabuti naman po,” sabi niya at nakangiting humigop ng kape. “Maganda talaga ang umagang ito, Auntie. Presko ang hangin.” Walang buwisita. Walang panggulo. At higit sa lahat, wala nang Paloma Escalante siya na aalalahanin.

Hinala niya ay nagpapasikat lang ang babaeng iyon dahil maingay ang pangalan ni Jeyrick. Kung may pakialam sana ito sa lalaki, sana noon pa.

“May isa na lang yatang naiwang reporter na nagtatanong tungkol kay Jeyrick. In-interview pa nga ako kanina.”

“Sino po?” tanong niya.

“Yung Madison Urbano ng Star Network. Pero ang tinanong niya ay mga tourist spot na hilig puntahan ni Jeyrick.”

“Pero sabi ko po nasa Kalinga na si Jeyrick.”

Ang kulit talaga ng mga reporter na iyan. Lahat na lang maitanong. Di siya komportable na may reporter pa rin na naglipana sa paligid. Mas lalong mahihirapan si Jeyrick na bumalik sa normal na buhay kung may reporters pa rin sa paligid.

Napansin ni Manang Lourdes ang pagka-irita niya. “Dati nang kakilala iyon ni Jeyrick. Si Jeyrick ang nag-guide sa kanya nang mag-cover siya para sa travel show dati. Naikwento ba ni Jeyrick iyon sa iyo?”

Tumango ang dalaga. “Opo.”

Masayang-masaya pa nga ang binata sa accomplishment lalo na’t nangako daw dito ang reporter na kaibigan nito na babalik sa Barlig.

“Nagpunta daw siya dito para magbakasyon at nangako si Jeyrick na ipapasyal siya. Nauna pa nga siya sa mga reporter. Marami daw kasi siyang lugar na hindi napuntahan dito noong unang beses siyang nag-cover sa Barlig,” sabi ni Manang Lourdes.

“Uhmmm... Saan daw po siya papasyal ngayon?” marahang tanong ni Beliza. Ayaw niyang isipin ng tiyahin na may duda pa rin siya sa babae.

“Sa Lake Tufub. SI Lerome na ang nagprisintang mag-guide sa kanya dahil tiyak na mas marami siyang maibibigay na impormasyon kay Miss Madison. Makikisuyo ng supplies si Edward para dalhin nila sa Tufub,” sabi ni Manang Lourdes.

“Hanggang kailan po siya dito?” tanong ng dalaga. Di talaga siya mapipirmi hangga’t nasa teritoryo ng Barlig ang Madison Urbano na iyon.

“Isang linggo ata siyang nakabakasyon. Malay mo naman kung sa huli hindi na siya umalis dahil sa ganda ng lugar natin. Saka malay mo may magustuhan siyang tagadito,” sabi ng tiyahin at humagikgik.

“Tutulungan ko po kayo diyan pagkatapos kong mag-agahan,” prisinta ng dalaga.

Hindi komportable si Beliza na may reporter pa rin na nasa Barlig at mukhang may interes kay Jeyrick. Pero may tiwala naman siya kay Lerome. Ito ang may kakayahang kumontrol sa kahit sinong reporter para protektahan si Jeyrick.

Bumukas ang pinto ng dining area kung nasaan nakabukas din ang isang bahagi ng tindahan. “Manang Lourdes, good morning po.”

Napapikit na lang si Beliza nang marinig ang boses ni Cardo. “Saktong-sakto ang dating mo. Kinakain na ni Beliza ang ipinahanda mong agahan para sa kanya. Kumain ka na rin. Sabay na kayo,” yaya ni Manang Lourdes sa binata.

“Sige po. Kung okay lang kay Beliza,” sabi ni Cardo at ngumiti sa kanya.

“Siyempre naman okay sa kanya. Sandali at ipaghahain lang kita, Sir,” sabi ni Manang Lourdes at iniwan sila.

“Hi! Masarap ang tulog mo? Wala kang hangover?” tanong ni Cardo sa kanya at umupo sa tapat niya.

Nag-thumbs up lang siya sa lalaki at itinuloy ang pagkain nang di ito nililingon. Para itong sinag ng araw para sa isang gumising na may hangover. Masakit ito sa ulo.

“Mabuti naman nasarapan ka sa ipinahanda kong agahan,” sabi ng lalaki.

Natigilan sa pagsubo si Beliza at inangat ang tingin dito. May ngiti ng tagumpay sa labi nito. “Salamat pero di mo na ako kailangang asikasuhin.”

“Sabi kasi ni Jeyrick alagaan daw kita at tingnan-tingnan.”

“Kaya ko na ang sarili ko.” Si Cardo ang huling tao na gusto niyang magbantay sa kanya. Nakakaasiwa lang lalo na’t isa ito sa dahilan kung bakit gusto niyang angkinin si Jeyrick bilang boyfriend niya.

“Minsan daw kasi pasaway ka. Nagagalit ka pa kapag napagsasabihan. Parang kagabi, uminom ka pa ng rice wine kahit sabi ko na hinay-hinay lang.” Inilapag nito ang tableta ng pain reliever. “Inumin mo para walang hangover.”

“Salamat. Gusto ko na lang makabalik sa normal ang lahat at nang makabalik na rin si Jeyrick nang di siya dinudumog ng ibang tao o napag-uusapan. Naiintindihan mo ba ako?”

Biglang lumapit dito ang isang empleyado ng munisipyo. “Uy! Officer Chogsayan, ang pogi mo pala sa TV. Viral ka na rin,” sabi ni Sir Raymond.

“Ano?” bulalas ni Cardo.

“Kaninang umaga ibinalita na si Carrot Man. Aba! Nagahip ka ng camera habang press conference. Pinag-uusapan ka ng mga netizens dahil may guwapo daw palang pulis dito sa Barlig. Hulihin mo daw sila at ikulong sa puso mo,” sabi ng kasama nitong si Manong Alex. “Sumali ka daw dapat sa Guwapulis.”

“Tingnan mo. May nangharana pa sa iyo,” sabi ni Sir Raymond at ipinakita pa ang video ng isang babae na naggigitara at kumakanta ng Kailan. “Kapag nagkataon dalawa na kayo ni Carrot Man na sikat.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.