Finding Carrot Man 3: Mine From the Start Chapter 16

“ANG ganda-ganda mo sa TV, apo ko. Manang-mana ka sa akin.”

Isang tipid at nahihiyang ngiti na lang ang ibinigay ni Beliza kay Lola Flora. Parang celebrity na rin ang galawan niya dahil sa paglabas niya sa TV nang nagdaang gabi. Dumagsa ang friend request niya sa Facebook. Nagtatanong ang nanay niya kung may offer na daw sa kanya na pumasok sa showbiz katulad kay Jeyrick. May nagpapa-picture na rin sa kanya kapag bumababa siya sa dining area ng inn para kumain. Kinailangan na rin niyang i-off ang cellphone niya dahil sumasabog sa tawag at text sa mga gustong makipagkwentuhan tungkol kay Carrot Man. Parang sasabog ang utak niya.

“Haba ng hair ni Ate. Boyfriend si Carrot Man. Sabagay matagal mo namang tiniyaga ang pagmamahal mo sa kanya,” sabi ng pinsan niyang si Florie Jane. "Pag may tiyaga, may boyfriend na guwapo at sikat."

Boyfriend na di alam na boyfriend niya ito. At kapag nalaman iyon ni Jeyrick, malamang ay break na sila. Ginawa lang naman niya iyon para itaboy ang mga babaeng naghahabol kay Jeyrick. Para mawala sa landas si Paloma.

She was successful but for a price. Parang di na niya pag-aari ang sarili niya o kahit ang pamilya niya. Gusto na lang usisain ng mga tao ang lahat tungkol sa kanila. Wala siyang problema sa mga taga-Barlig o sa mga taga-Bauko kung saan siya galing. Very supportive ang mga ito. Hindi lang siya komportable sa mga nababasa sa social media.

May mga tao na negatibo ang sinasabi tungkol kay Jeyrick. Na kesyo di naman daw guwapo o kaya ay walang karapatan na sumikat. Akala mo nama hiniling ni Jeyrick na maging viral ang picture nito. Habang ang iba ay hinuhusgahan ang trabaho nito, ang pagiging Igorot nito at ang pagiging mahirap. Gustong kalkalin ng mga tao ang personal nitong buhay at may iba rin na ginagawan ito ng kwento kahit di naman ito personal na kakilala. Ngayon lang nalaman ng mga ito ang existence ni Jeyrick pero kung umasta ang mga ito ay parang may karapatan ang mga ito sa dapat gawin ni Jeyrick. May sariling fans club na rin ito at si Paloma. Na kesyo mas bagay daw ang mga ito kaysa sa kanila ni Jeyrick. Mga walang respeto sa “relasyon” nila ng lalaki. Alam na nga na may girlfriend si Jeyrick, gumagawa pa ng love team sa iba.

Kaya lumabas na rin siya ng bahay para naman may ibang pumuri sa kanya at maging supportive sa “pagmamahalan” nila ni Jeyrick. Kahit pa sabihing kamag-anak niya ang mga ito, ang mahalaga ay gumagaan ang loob niya.

“Guwapo din ‘yung pulis na kasa-kasama mo habang nagsasalita ka, apo. Lagi siyang nahahagip ng camera. Pwede siyang mag-artista. ‘Yung pulis na makikipagbarilan sa masasamang loob katulad ni Coco Martin. Ano ulit ang pangalan ng pulis na iyon?” tanong ni Lola Flora.

Namilipit ang labi ni Beliza nang mabanggit ang lalaki. “Si Officer Ricardo Chogsayan po.”

“Chogsayan? Taga-Lias siya,” sabi ng matandang babae.

“Pero lumaki po sa Maynila. Padalaw-dalaw lang po sila dito. Dito na po siya nagpa-destino sa Barlig ngayon,” paliwanag ng dalaga.

“Parang marami kang alam sa kanya, Ate,” sabi ng pinsan niyang si Florie Jane. “Close ba kayong dalawa.”

“Hindi,” tanggi niya at kuntodo iling. Mabuti at natakasan niya ang isang iyon.

“May girlfriend na ba siya? Mukha namang single. Pwedeng akin na lang si Guwapulis?” tanong ng at humagikgik. “

“Tse! Mag-aral ka muna,” pakli niya sa pinsan.

“E bakit ikaw, noong seventeen pa lang nagka-boyfriend sabi ni Ate Eva,” nanghahaba ang ngusong sabi nito.

“Uy! Kahit na nagka-boyfriend ako, scholar naman ako at mataas ang grades. Saka nag-break din kami. Graduate na rin ako ngayon. Ikaw hindi pa. Wag mo nang gayahin.”

“For inspiration lang naman,” sabi nito.

“Gawin mong inspirasyon si Tito Edgar na nasa abroad at sinisikap kang pag-aralin. Guwapulis-guwapulis ka pang nalalaman.”

Hindi naman siya papayag na si Florie Jane ang next conquest ni Cardo o makasama ang pinsan niya sa kulto nito.

Tinik sa lalamunan niya si Cardo. Parang anino ito na nakabuntot sa kanya. Laging tsine-check kung okay lang daw ba siya, kumain na siya o kaya ay kung natulog na siya. Paano naman niya gagawin ang lahat ng iyon kung maya’t maya nitong kinakatok ang kuwarto niya? Nakakasakal na.

Mabuti na lang at natakasan niya ang lalaki. Tiniyempuhan niya na umuwi ang lalaki matapos ang duty nito at natutulog nang tumalilis siya pababa sa baranggay ng Latang. Mabuti na lang at hindi siya sinusundan ng lalaki. Hindi niya alam kung ano ang mas nakakainis- ang maka-engkwentro ng fan girls ni Jeyrick o ang fan girls ni Cardo.

“Kailan ang kasal ninyo ng boyfriend mong sikat?” excited na tanong ni Lola Flora.

Nanginig ang kamay ni Beliza na may hawak na tasa ng salabat. “Lola, di pa po namin napag-uusapan iyan.”

Di pa nga alam ni Jeyrick na boyfriend ko siya. Baka kapag nalaman niya, mag-break na kami. Huwag naman sana.

“Lola, babalik na po ako sa taas. Magre-review pa po ako. Baka po mapagalitan ako ni Jeyrick kapag nalaman na nagpapabaya ako sa review. Goal po namin talaga na makapasa ako at maging CPA,” sabi niya at humalik sa pisngi ng matandang babae.

“Mag-iingat ka, apo. Madilim na at nagkalat na ang mga masasamang loob.”

“Salamat po, Lola.” At niyakap niya si Apo Flora. Hanggang ngayon ay naniniwala pa rin ang mga tagadoon sa mga nilalang na di nakikita.

She was breathing better now. Malamig ang hangin at unti-unting bumababa ang fog habang tinatakpan ang papalubog na araw. Tahimik ang paligid at ang naririnig lang niya ay ang huni ng mga ibon. This was the Barlig she loved. Payapa ang isip niya dito.

Siguro nga ay magbabalik na ang lahat sa normal. Mawawalan na ng interes ang mga tao kay Jeyrick at makakabalik na siya sa akin.

Kailangan niyang maglakad paakyat ng matatarik na hagdan pabalik sa Seaworld Inn. Di pa siya nakakalayo sa bahay ng lola niya nang isang batang lalaki na may dalang pumpon ng bulaklak ang nakangiting lumapit sa kanya. “Ate, may nagpapabigay po sa inyo.”

“Para sa akin? Salamat.” Excited niyang tinanggap ang bulaklak. Medyo nawirduhan lang siya dahil bulaklak ng cosmos iyon. Parang pampatay. Napangiwi siya pero pilit na bumawi ngiti dahil ayaw naman niyang maka-offend. Baka sabihan siyang choosy at sulpada kahit di naman siya sikat.“Sino ang nagpapabigay nito?”

“Iyon pong si Ate na nandoon.” Kinamot nito ang ilong. “Tagahanga daw po ninyo siya pero nahihiya po siyang lumapit para kausapin kayo. Pwede daw po ba siyang magpa-picture sa inyo?”

“Sige. Samahan mo ako sa kanya,” sabi niya at sinundan ang bata.

Nilakad nila ng bata ang pilapil hanggang makarating sa bungad ng kakahuyan. “Dito lang daw po siya. Puntahan na lang po ninyo.”

“Saan?” naguguluhang tanong ni Beliza.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.