Finding Carrot Man 3: Mine From the Start Chapter 17

“Doon po.” At itinuro nito ang mga pine trees. Madilim na sa bahaging iyon. Di niya maaninag kung may tao o may bahayan. Di pa siya nakakapunta sa bahaging iyon.

“Nasaan...”

Biglang tumakbo palayo ang bata. “Sige po, ading! Baka hinahanap na po ako ng nanay ko.”

Naiwang naguguluhan si Beliza. Humakbang siya papasok ng gubat nang humangin nang malakas. Nagpalaspasan ang mga sanga at dahon ng mga puno. Animo’y may babala sa paparating na panganib.

Nanigid lamig hangin hanggang buto niya. Niyakap niya ang sarili. Nagsimula na rin kumabog ang dibdib niya. Baka dapat na siyang umalis doon. Tinitingnan niya ang hawak na bulaklak. Pero bibiguin ba niya ang tagahanga niya. Nag-effort pa ito na ipitas siya ng bulaklak. Ayaw niyang may masabing masama sa kanya ang mga tagadoon. Magre-reflect iyon sa pamilya niya at kay Jeyrick.

Lumunok si Beliza at nagpatuloy sa paghakbang papasok. Madilim na sa bahaging iyon at tanging liwanag mula sa papalubog na araw na lang ang tumatagos sa siit ng mga puno. Wala siyang maaninag kahit na kubo man lang.

“Magandang hapon. May tao po ba diyan?” tawag niya. “Ako po si Beliza, ‘yung girlfriend po ni Carrot Man na napanood ninyo sa TV.” Napansin niya na parang may ulong sumilip mula sa isa sa mga puno. Makikipagtaguan pa yata sa kanya ang fan niya. Masyado namang shy type. Naglakad pa siya palapit kung saan sa palagay niya ay may tao. “Sabi po nung bata gusto ninyong magpa-picture sa akin. Gusto ko lang pong magpasalamat sa bulaklak na bigay ninyo. Huwag na po kayong mahiya sa akin. Okay lang po sa akin na magpa-picture tayo.”

Isang pigura na nakasuot ng gray hood ang lumabas mula sa likod ng puno. Nakahinga siya ng maluwag dahil sa wakas ay makakapagpa-picture na ito at makakabalik na siya sa Poblacion. Di niya maaninag ang mukha nito. Di rin niya alam kung babae ito o lalaki kundi pa sinabi ng bata kanina. Natatakpan kasi ng hood ang mukha nito kaya di niya mamukhaan. Pero normal lang naman ang pagsusuot ng jacket na may hoodie lalo na sa malamig na lugar. Pero bakit pakiramdam niya ay may iba pa itong itinatago sa kanya? At bakit di niya gusto ang aura na lumalabas mula dito? It was dark. It was sinister.

“Hello!” bati niya dito. Inilahad niya ang kamay. “Ako pala si Beliza. Anong pangalan mo?”

“Ako si Carrot Girl. Ako ang Carrot Girl ni Carrot Man,” anang babae sa mababang boses.

“Huh?!” usal niya. Parang fangirl pa ata ito ni Jeyrick at gustong maging ka-love team ng lalaki. Baka gusto rin nitong magbuhat ng carrots. “Okay. Hello, Carrot Girl.”

Ngumisi ito. Inangat nito ang kamay at nakita niya ang makinang na bagay na hawak nito. Kutsilyo. Tumigil sa pagtibok ang puso ni Belliza nang sumugod sa kanya ang babae at nakaamba ang kusilyo.

“Akin si Carrot Man! Akin lang siya,” mariing sabi ng babae.

Kinilabutan si Beliza. Nang makabawi sa pagkakaparalisa ay tumakbo siya palabas ng kakahuyan. Sumisigid ang takot sa buong katawan niya. Di napansin ng dalaga ang nakausling ugat ng puno dahil sa dilim ng paligid. Natumba siya. Bumiling siya para bumangon nang umulos ng saksak sa kanya si Carrot Girl. Tinangka niyang umiwas ngunit naramdaman niya ang pagbaon ng kutsilyo sa braso niya.

Napaigik ang dalaga sa sakit. Nang muli itong umulos ay malapit na sa mukha niya. Pinigilan niya ang kamay nito. “Isa lang ang pwedeng maging Carrot Girl sa atin.”

Napasinghap si Beliza. Kitang-kita niya ang panlilisik ng mata ng di kilalang babae. Papatayin talaga siya nito dahil kay Jeyrick? Katapusan na ba talaga niya?

Nag-flash sa mga mata niya ang buong buhay niya. Mula pagkabata niya - ang masaya niyang pamilya, ang mga kaibigan niya, ang pagkakapanalo niya sa Miss Lang-ay, ang pag-graduate niya ng college, ang huling pagsasama nila ni Jeyrick bago nila malaman ang pagiging Carrot Man nito...

Mawawala siya sa mundo nang di man lang nasasabi dito na mahal niya ito. Ni hindi nito alam na mamamatay siya dahil sa pagmamahal niya dito. Tiyak na malulungkot ito. Di rin nito malalaman na may baliw na babae na may gusto dito. Paano kung si Jeyrick naman ang sunod nitong saktan? Hindi na niya ito mapoprotektahan.

Nag-flash sa isipan niya si Cardo. His playful smile, his teasing eyes. Tinakasan niya ito sa sobrang inis niya dito samantalang gusto lang siya nitong protektahan. Ngayon ay mamamatay siya nang wala sa pingin nito. Kasalanan niya. At kapag nalaman ni Cardo na patay siya, sisisihin nito ang sarili. Sisisihin din ito ni Jeyrick at posibleng magkasira pa ang magpinsan dahil sa kanya.

Nanghihina siya dahil sa sugat sa braso niya. Nanlalabo na rin ang paningin niya habang nakatutok sa mukha niya ang talim ng kutsilyo. Kaya ba talaga niyang iwan ang pamilya niya nang di lumalaban? Hahayaan ba niyang iwan na lang ang mga mahal niya sa buhay?

Hindi sa ganitong paraan. Gusto niyang mabuhay. Gusto pa niyang pumasa sa board exam at maging CPA. Gusto pa niyang magmahal. Kailangan niyang lumaban.

Hindi niya alam kung saan siya kumuha ng lakas. Pinalis niya ang kutsilyong nakatutok sa mukha niya. Inangat niya ang paa at sinipa ang babae sa sikmura. Naalis ito sa pagkakakubabaw sa kanya. Bumangon siya. Sumugod ulit ang babae sa kanya na hawak ang kutsilyo. Wala siyang laban dito kung makikipagpambuno siya. Dumakot siya ng lupa at isinaboy sa mukha nito nang susugurin siya.

Sumigaw ang babae at nasapo ang mukha. Sinamantala niya ang pagkakataon para tumakbo palayo. “Saklolo! Saklolo!” sigaw niya. Nagbabaka-sakali siya na may makarinig sa kanya. “Tulong! Tulungan n’yo ako! May papatay sa akin!”

Tumakbo siya nang tumakbo. Narinig niya ang yabag ng babae sa likuran niya subalit mas mabagal na ito dahil na rin sa pagkakasaboy niya ng lupa dito. Pero ang distansiyang iyon ang magtatakda sa buhay at kamatayan niya. Parang pinipiga ang hangin sa dibdib niya. Dama niya ang kilabot na lumalamon sa lakas niya.

Malayo pa ang bahayan. Kahit anong sigaw niya, walang nakakarinig sa kanya. Kinakapos na siya ng hininga. “Tulong!” sigaw uli niya. “Tulong!”

Nakarinig siya ng paparating na yabag. Tatlong lalaki ang nakita niyang papalapit sa kanya. Nakadama siya ng pag-asa nang lumapit ang mga ito.

“Ano ang nangyari?”

“Bakit may sugat ka?” tanong ng isa sa mga ito.

“May gusto pong pumatay sa akin.” Lumingon sia sa pinanggalingang direksyon. “Nandoon po siya. May dala po siyang kutsilyo.”

Inayos ng isa ang pagkakasukbit ng rifle sa balikat. “Titingnan ko at dadalhin ka ng mga kasamahan ko sa health center. Kaya mo pa ba?”

Tumango siya. Sikmat pa rin siya ng takot. Kakayanin niya lahat basta makalayo lang siya sa lugar na iyon.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.