Naalimpungatan na lang siya nang may marinig siyang tumatawag sa pangalan niya. “Beliza, gising na. Nandito na tayo,” untag sa kanya ni Cardo.
Umungol ang dalaga at sumiksik sa katawan nito. “Uhmmm... Dito lang muna ako. Inaantok pa ako.”
Wala naman sigurong mangyayari sa kanya kung nasa sasakyan lang sila sa labas ng Seaworld Inn. Nasa tapat naman sila ng presinto. Nakahilig siya sa isang guwapong pulis. Di siya makakanti ng stalker niya o kung may kasabwat man ito.
“Beliza, hindi tayo pwedeng abutan ng liwanag dito. Delikado.”
Abutan ng liwanag? Paanong delikado iyon? Bampira ba ito na matutunaw kapag nasikatan ng araw?
“Bok, buhatin mo na iyan. Hayaan mo siyang matulog. Malamang masama pa ang pakiramdam niyan dahil sa sugat niya,” sabi ng isa pang pulis na si Edward.
“Malayo pa ang lalakarin natin. Mas mapapadali tayo kung gigising siya,” katwiran naman ni Cardo.
Kumunot ang noo ng dalaga pero nanatiling nakapikit. Saan ba sila pupunta at malayo ang lalakarin? Ilang hakbang lang naman ang Seaworld Inn.
“Beliza,” untag ulit ni Cardo at magaang tinapik ang pisngi niya. “Gising na. Kailangan mo nang bumaba. Kailangan na nating makarating sa pupuntahan natin habang di pa gising ang mga tao.”
Lalong naguluhan ang dalaga kaya napilitan siyang dumilat. Susukot-sukot siyang bumaba ng sasakyan at medyo naliliyo pa nang tumapak sa lupa. Nagtaka siya nang mapansin ang mga puno sa magkabilang gilid ng daan. Medyo madilim pa pero tanaw na niya ang isang pamilyar na rice terraces pero natitiyak niyang hindi iyon ang Barlig Rice Terraces na nasa bayan. Kumurap siya. Wala sila sa Seaworld Inn.
“N-Nasaan tayo?” naguguluhan niyang tanong.
“Nasa Lias po tayo, Ma’am,” sagot ni Edward.
Lias ang isa sa tatlong tribal community ng bayan ng Barlig. Doon nakatira ang angkan ni Cardo.Doon sila naging malapit sa isa’t isa at doon din niya ito sinagot.
“Lias? Anong ginagawa natin dito?” naguguluhan niyang tanong at nilingon si Cardo. “Dapat uuwi ako sa Seaworld. Iyon ang usapan natin.’
“Wala na tayong oras, Ma’am,” sabi ni Edward. “Mamaya na lang po magpapaliwanag si Bok sa inyo. Mas konti ang makakakita sa inyo, mas mabuti.”
Itinaklob ni Cardo ang sarong sa ulo niya. “Isuot mo muna ito para hindi ka nila makilala kung may makakakita man sa iyo. Basta sumunod ka lang sa lahat ng sasabihin ko.”
“Saan nga tayo pupunta?” giit ni Beliza.
“Sa kung saan hindi ka makikita ng stalker mo,” sagot ng binata at inilahad ang kamay sa kanya. “Halika na.”
Tinitigan niya ang nakalahad nitong palad. Handa na ba siyang sumama dito at ipagkatiwala dito ang buhay niya?
Nang di agad siya kumilos ay hinablot nito ang kamay niya. Saka siya hinila sa paglalakad para sumunod dito. “Hinahanap pa rin hanggang ngayon ang nanakit sa iyo kaya gusto naming matiyak na protektado ka. Sa ngayon, wala ka munang sasabihin na kahit na ano. Mamaya ka na magsalita.”
“Wala akong freedom of speech? Ganoon?” angil niya sa lalaki habang pilit na sumasabay sa malalaking hakbang nito.
“This is a matter of survival, Ma’am,” katwiran naman ni Edward na nakasunod sa kanila at may dalang bag.
“Huwag kang mag-alala. Pwede kang mag-speech nang malaya mamaya kapag nasa secured area na tayo,” sabi ni Cardo at ibinaba ang suot nitong cap.
Tahimik na sumunod ang dalaga dito. Hawak nito ang kamay niya. Kapag pumalag siya dito, saan naman siya tatakbo? Inikot niya ang mata sa paligid habang tinatalunton nila ang sentro ng Lias kung saan puro bahayan. Nasa gitna sila ng parang isang maliit na lambak, isang mababa at patag na lugar na napapaligiran ng kabundukan.
Nilingon niya ang daan na pinanggalingan nila, ang nag-iisang daan palabas ng Lias. “Alam ko ang iniisip mo,” sabi ni Cardo at pinisil ng kamay niya.
“Ano?” tanong niya at nilingon ito.
“Iniisip mo na takasan kami. Gusto ko lang malaman mo na isa lang ang daan paakyat ng highway. Wala kang masasakyan palabas ng Lias at isang oras mong lalakarin iyan bago ka makarating sa taas. Lalo mo lang sasaktan ang sarili mo. Hindi mo kami kalaban dito.”
“Wala akong planong tumakas,” mahina niyang tanggi at yumuko.
Nafu-frustrate na si Beliza. Siya ang biktima pero siya ang kailangang magtago at umiwas sa mga tao. Siya ang di nakakapamuhay nang normal. Habang ang gustong pumatay sa kanya ay malayang nakakapamuhay.
Lalo lang siyang nakadama ng takot. Sa halip na papasikat na araw, parang lalong nagdidilim ang paligid niya. Hindi siya makahinga. Parang siya ang gumawa ng kasalanan. Hindi ito patas. Di ito makatarungan. At wala siyang kalaban-laban.
“O! Cardo, sino ba ‘yang kasama mo?” tanong ng isang matandang lalaki na kasalubong nila.
“Magandang umaga po, Apo Lakay. Girlfriend ko po,” sagot naman ng lalaki.
Umangat ang ulo niya para matalim itong tingnan pero pinigilan nito ang ulo niya para manatili siyang nakayuko. Girlfiend? Girlfriend daw siya nito. Ang kapal! Lakas ng loob nitong angkinin siyang girlfriend. Break na sila. Matagal na.
“O! Nobya mo pala. Bakit parang ayaw ipakita ang mukha? Mahiyain ba?” tanong ng matandang lalaki at pilit sinipat ang mukha niya.
“Naku! May bulutong po kasi siya ngayon. Wala pong mag-aalaga sa kanya kaya ako po muna ang bahala,” sabi naman ng binata.
Napaurong bigla ang matandang lalaki. “Ganoon ba? Di kaya makahawa iyan...”
“Malayo naman po kami sa mga bahayan,” katwiran ng lalaki.
“Pati ikaw mahahawa,” nag-aalalang sabi ng lalaki.
“Hayaan na po ninyo. Mahal ko naman,” anang si Cardo na may kasamang pagmamalaki sa boses.
“Maswerte ka kay Cardo. P-Pagaling ka, ineng. Magpapaligo ka ng dahon ng sambong para mabilis na matuyo,” anang matandang lalaki at tumalilis palayo. Ayaw sigurong mahawa sa “bulutong” niya.
“Naks! True love,” tukso pa ni Edward at tinapik si Cardo sa balikat.
“Ganoon talaga kapag totoong nagmamahal.” At masuyo pa siyang tiningnan ng malamlam na mga mata ni Cardo na parang in love na in love ito sa kanya. “Kahit bulutong o ketong pa iyan, basta maalagaan ko lang ang mahal ko.”
Kakaibang enerhiya ang naramdaman niya mula dito. Parang kinikilig siya na kinikilabutan. Kung makapagsalita tungkol sa pagmamahal, akala mo naman tunay. Nakakainis! Parang kinikilig din ako. Parang totoo kasi.
“Parang plano mo pa yata akong bigyan ng ketong sa susunod,” nakaismid niyang sabi.
“Kung kinakailangan para protektahan ka at mapatunayan ang pagmamahal ko para sa iyo,” madamdaming sabi ni Cardo.