Finding Carrot Man 3: Mine From the Start Chapter 21

Tumikhim si Officer Garuda. “Kape at tubig ninyo.”

Nabitawan ni Beliza ang kamay ni Cardo. Di siya makatingin nang diretso kay Officer Gurada nang magpasalamat siya. Baka iniisip nito na may ginagawa silang kababalaghan ni Cardo. Bakit kasi may pahawak-hawak pa ito ng kamay?

“Sa labas lang ako, bok. Maiwan ko muna kayo ni Ma’am dito,” pagpapaalam ni Officer Garuda. “Sa labas na ako magkakape.” At lumabas ito sa pinto. Isinara din nito ang pinto ng clinic paglabas nito.

“Okay lang ba siya sa labas?” tanong ni Beliza.

“Oo. Mas gusto niya sa labas magkape. Magmamasid-masid din siguro siya sa labas.”

Bumuntong-hininga siya. “Abala pa ako sa inyo.”

“Trabaho namin na proteksiyunan ang mga tao. Mahalagang matiyak ko na ligtas ka,” paliwanag nito.

Hinipan niya ang maligamgam na tubig sa mug bago hinigop. “Sana nandito na si Jeyrick. Siguro mag-iiba ang sitwasyon. Siguro hindi ganito kagulo.”

“Mabuti rin na wala dito si Jeyrick.”

“Ano?” bulalas niya at masamang tiningnan si Cardo.

“Mas mahihirapan kaming magbantay dahil posible rin na maging target siya ng stalker. Pati pamilya niya posibleng mapahamak. Mas mabuti na tahimik ang buhay niya ngayon at walang nakakaalam kung nasaan siya.”

“Pero paano kung masundan siya doon? Sabi mo posibleng tagarito din ang gustong pumatay sa akin,” nakakunot ang noong sabi ni Beliza.

“Malayo ang Ogo-og. Walang ibang daan doon kundi maglakad nang mahigit dalawang oras sa rice terraces. Magkakakilala din ang mga tao at kung saan sila galing. Kung may maghahanap man kay Jeyrick na kahina-hinala, ititimbre agad nila sa akin. Pasasabihan ko na lang sila Tita Ronalee na maging maingat lalo na sa mga naghahanap kay Jeyrick.”

Naging kumplikado ang lahat nang sabihin niyang nobya siya ni Jeyrick. Naging makasarili siya at dahil sa pa-amin niya ay nabulabog ang baliw na may gusto sa lalaki. At di niya alam kung matutuwa di Jeyrick sa pag-angkin niya dito bilang nobyo niya.

“Kasalanan ko talaga ito,” usal ni Beliza at ipinadyak ang isang paa. “Sana talaga nag-isip muna ako bago nagsalita.”

“Paano mo naman naging kasalanan?” naguguluhang tanong ni Cardo at sumubo ng tinapay.

“Sana hindi ko sinabi na girlfriend ako ni Jeyrick. Ni hindi ko kayo kinonsulta sa pwedeng maging epekto nito. Gumawa ako ng desisyon nang hindi nag-iisip.”

Sarili lang niya ang inisip niya. Gusto niyang sa kanya lang si Jeyrick kaya nagsinungaling siya sa lahat. Baka karma ito sa pagsisinungaling niya. Ibang klase namang gumanti ang karma sa akin.

Hinawakan ni Cardo ang ulo niya. Parang bata siya na inuutusan nitong mag-focus. “Hindi mo kailangang sisihin ang sarili mo dito. Ikaw mismo ang nagsabi kanina na hindi mo kontrolado ang mga fans ni Jeyrick o ang killer na iyon. May problema sa sarili ang babaeng iyon.”

Umiling ang dalaga. “Kung hindi ko siguro sinabi na boyfriend ko si Jeyrick, hindi maaalarma ang obssessed fan na iyon. Kaya siguro may mga artista na di ipinakikilala ang mga girlfriend o boyfriend nila dahil sasaktan ng ibang mga fans. Pakiramdam nila pag-aari ng fans ang puso ng mga idol nila.”

“Huli na para magsisihan pa tayo. Nandiyan na iyan. Di mo naman gusto na may masaktan ka dahil sa pagbubunyag mo sa relasyon ninyo ng pinsan ko. It was your call as his girlfriend,” anang binata at nagkibit-balikat.

“Naiintindihan mo na ako?” gulat niyang usal. Pakiramdam niya ay sinisisi pa siya ng lalaki kanina.

Tumango si Cardo. “Mahal mo si Jeyrick at gusto mong ipagmalaki siya sa lahat. Kung nandito si Jeyrick, sigurado ako na siya mismo ang magpapakilala sa iyo bilang girlfriend niya. Ganoon naman kahit sinong nagmamahal. Kung ako ang boyfriend mo, ipagmamalaki rin kita sa lahat.”

Hindi lang sila nagkaroon ng pagkakataon dati dahil pinili ni Beliza na itago ang relasyon nila. Bata pa sila noon. Di pa niya alam kung paano ito ipaglalaban.

Marahan siyang tumango. “Salamat.”

“Magpahinga ka na. Alam ko pagod ka na. Kailangan mong mag-ipon ng lakas.”

Hinawakan niya ang braso nito at pinisil. “Salamat, Cardo.”

Pumikit si Beliza nang nakahiga na siya sa kama. Mukha pa rin ni Cardo ang nasa isipan niya. Kung nalaman nito na nagsinungaling siya bilang nobya ni Jeyrick, pihadong babawiin nito ang magagandang sinabi nito sa kanya. Dahil hindi maipagmamalaki kahit kanino ang ginawa niya.

Siguro nga ay makasarili talaga siya. Hindi niya sinuportahan ang pangarap ni Cardo na maging pulis dahil ayaw niyang maiwan. Ngayon naman ay sinamantala niya ang pagkawala ni Jeyrick para magpakilalang nobya nito.

Kapag lumabas na ang totoo, huwag mo sana akong kamuhian Jeyrick... At Cardo.

NAALIMPUNGATAN si Beliza nang may yumugyog sa balikat niya. "Gising ka na. Uuwi ka na ngayon."

Si Nurse Jodie Mae. Wrong timing naman ito. Noon pa lang lumalalim ang tulog niya. Nang lumingon siya sa bintana ay wala pang liwanag sa labas. Kahit nga yata ang mga manok ay mahimbing pa ang tulog.

"Uhmmm.. pero madilim pa sa labas,” angal niya.

"Sabi ni Manang Lourdes para doon ka na daw mag-agahan. Para maituloy mo rin ang tulog mo sa maayos na kama. Naghihintay na ang sasakyan sa labas."

"Okay," bulong niya at bumangon.

Makakabalik na siya sa Seaworld Inn. Magbabalik na siya sa normal na buhay. Nami-miss na niya ang kama niya doon at ang magandang view ng rice terraces na pinagmamasdan niya paggising agad niya sa umaga. Hindi lang niya alam kung paano siya makakapag-review na mabuti kung kaliwang kamay lang ang gumagana sa kanya pero mas gagaan na ang pakiramdam niya ngayon.

Hindi talaga niya gusto na manatili sa mga ospital at health center. Pakiramdam niya ay lumalala ang sakit na nararamdaman niya at lalo siyang nanghihina.

"Mainit ba ang pakiramdam mo? Sa palagay mo ba lalagnatin ka?" tanong ni Nurse Jodie Mae.

Umiling si Beliza. "Normal lang. Medyo masakit lang ang sugat at balakang ko pero hanggang doon lang ang iniinda ko."

"Hindi bale. Alam naman ni Officer Cardo kung ano ang gagawin."

Nagtatakang sinuklay ni Beliza ng daliri ang buhok. Bakit si Cardo? Di naman ito nurse. Ibig bang sabihin ay si Cardo lang ang pwedeng mag-alaga sa kanya?

Hindi na niya iyon inintindi dahil mahirap mag-isip kapag inaantok. Ala una na siya nakatulog at alas singko pa lang nang umaga. Mahilo-hilo pa siya nang maglakad palabas ng health center. Nakaabang na doon ang pick up truck at nakatayo sa tabi si Cardo. Habang sa manibela naman ay si Officer Garuda.

“Good morning,” bati niya sa lalaki.

Ipinagbukas siya ng pinto ng lalaki. “Sumakay ka na.”

At napansin niya na lumilinga-linga ito. Parang nag-aalala ito na may ibang makakita sa pag-alis nila. Nag-aalala siguro ito na baka may makasunod sa kanila. Parang may mali. Di lang niya alam kung ano dahil tamad pa ang utak niyang mag-isip. Kapag siguro nakatulog na siya nang tama, malalaman din niya kung ano iyon.

Humikab si Beliza nang alalayan siya ni Cardo na sumakay ng sasakyan. “Masyado naman yata tayong maagang umalis.”

“Mas magiging komportable ka kung sa maayos na kama ka matutulog. Maya-maya lang magbubukas na ang health center at marami nang tao.” Umupo ito sa tabi niya at kinabig ang ulo niya sa balikat nito. “Matulog ka muna. Gigisingin kita kapag nandoon na tayo.”

Malapit lang naman ang Seaworld Inn sa health center. Mga limang minuto lang ay nandoon na sila pero gusto niyang sulitin ang pagtulog. Isa pa, komportable siya habang nakahilig sa matatag na balikat ni Cardo. Ang parehong balikat na sinandigan niya nang ipagtanggol siya nito sa nambastos sa kanya sa festival. He still had that dewy morning scent. Di iyon nawawala sa kahit anong oras yata kapag kasama niya ito.

Bahagya siyang naalarma sa inaasal niya. Di kaya pagtataksil kay Jeyrick ang ginagawa niya dahil enjoy siya sa pagsinghot sa ex-boyfriend niya?

Di ako nagtataksil sa kanya. Walang malisya kahit singhutin ko pa si Cardo. Tutal makakabalik na ako sa normal kong buhay bilang girlfriend ni Jeyrick.

Mabilis siyang nakabalik sa pagtulog.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.