Hindi makakaing mabuti si Beliza habang ganado naman sa kwentuhan at tawanan sina Cardo at Jeyrick. Karamihan ng napag-uusapan ng mga ito ay ang tungkol sa pulitika ng lalawigan o kaya ay ang buhay bilang tourist guide at magsasaka ni Jeyrick. Marami ding kwento si Cardo tungkol sa ninuno ng mga ito at noong panahon ng giyera. Interesante na may malamang bago tungkol sa angkan ng taong mahal niya pero wala talaga sa isip niya iyon. Sana talaga ay mapag-usapan na nila ni Jeyrick anbg tungkol sa future nila.
“Beliza, parang di ka naman nakikinig sa amin,” untag ni Jeyrick sa kanya.
“Iniisip ko lang ang board exam,” sabi niya at huminga ng malalim. “Ano pala ang importanteng sasabihin mo sa akin?”
Tumayo si Cardo. “Dapat yata iwan ko na kayo.”
“Hindi. Dito ka lang,” sabi niya kay Cardo. “Maganda nang marinig mo ang sasabihin ni Jeyrick.” Ito ang dapat na makarinig na manliligaw na si Jeyrick sa kaya. Para naman malaman ng dating nobyo na may tao nang nagpapasaya sa kanya. Na sana ay matapos na ang ilusyon nito na mahal pa rin niya ito.
“Ikakasal sina Jimarah at Rjan dalawang linggo mula ngayon. Kahapon ko lang nakuha ang imbitasyon,” tukoy ni Jeyrick sa mga kaibigan nito noong kolehiyo. Isang taon din itong nag-college sa University of the Cordilleras bago tumigil sa pag-aaral upang makatulong sa mga magulang na pag-aralin ang mga kapatid.
“Anong maitutulong ko sa iyo? Kailangan mo ba ng tulong sa isusuot o sa bibilhin mong regalo?” suhestiyon niya. Baka naman dadalhin siya nito sa kasal bilang girlfriend nito. At sasabihin nito na balang-araw ay ikakasal din sila gaya ng mga kaibigan nito.
“Dadating doon si Paloma.”
Parang binagsakan ng palakol ang leeg ni Beliza nang marinig ang pangalan ng babaeng iyon.
“Sinong Paloma?” tanong ni Cardo.
“Yung first love niya na... Never mind,” anang dalaga at umingos.
“Si Paloma Escalante. Siya ang kinuhang singer para kumanta sa kasal.”
Halos lumuwa ang mata ni Cardo. “Yung sexy singer? Magkikita na kayo sa wakas? Isama mo naman ako. Fan na fan ako ni Paloma kundi mo naitatanong. Sabihin mo sa mga kaibigan mo bodyguard mo ako. Gusto ko lang ng picture.”
“Ayaw nga niyang makita,” giit ni Beliza.
Naging kaklase ni Jeyrick si Paloma noong di pa ito sikat at pasali-sali pa lang sa mga singing contest. Halos alipinin nito si Jeyrick noon. Asang-asa si Jeyrick na ang mga ito ang magkakatuluyan balang-araw.
Pero nang maging finalist sa isang singing competition sa telebisyon ang babae ay di na ito bumalik pa kay Jeyrick. At alam niyang sa loob ng ilang buwan ay dinibdib ni Jeyrick ang paglayo ng babae dito.
“Ibig sabihin di ka na pupunta,” mariing sabi ni Beliza nang umiwas ng tingin si Jeyrick sa kanya.
“Pero nangako ako na pupunta ako. Kinakabahan lang ako dahil...”
“Natatakot ka na baka ma-in love ka na naman sa babaeng nang-iwan sa iyo?” salo ni Cardo.
Malungkot itong tiningnan ni Jeyrick. Mai-in love pa ba ito sa babaeng nang-iwan dito at isinantabi na lang ito na parang basura nang di na kailangan? Hindi siya papayag na mahulog ulit si Jeyrick sa kay Paloma. Di niya napigilan nang unang beses pero may magagawa na siya ngayon.
“Sasamahan na lang kita,” prisinta ni Beliza.
“Kailangang kayanin ko itong mag-isa. Kailangan kong patunayan na balewala na siya sa akin,” anang binata sa matatag na boses.
“Ako ang bahala sa iyo. Bibigyan kita ng tips kapag nakaharap mo ulit ang Paloma na iyan. Dapat cool ka lang,” sabi ni Cardo at inakbayan ang pinsan.
“Cool lang ako,” sabi ni Jeyrick.
“Titigan mo siya sa mga mata,” sabi ni Cardo at tinitigan siya sa mga mata. “Titigan mo siya hanggang halos matunaw siya. Tapos ngitian mo lang siya. Ipakita mo sa kanya na chill ka lang. Parang normal lang ang pagkikita ninyo.”
Nanginig ang mga kamay ni Beliza na may hawak na kape. Lintik naman itong si Cardo. Habang nagpapakahirap siya na gumawa ng paraan para pigilan ang muling pagkikita nina Jeyrick at Paloma, kuntodo advice pa kay Jeyrick.
“Paano kung sungitan ako?” tanong ni Jeyrick.
Umangat ang gilid ng labi ni Cardo. “Sabihin mo, there was never an us.”
Nananadya talaga ang kumag na ito. Di naman talaga nito binibigyan ng tip si Jeyrick. Gusto lang siya nitong asarin. At ginugulo nito ang mundo niya.
“Huwag ka ngang pumunta,” payo ni Beliza kay Jeyrick.
“Pumunta ka. Itayo mo ang bandera ng lahi natin. Palaban tayo. Babae lang iyan. Wala sa lahi natin ang duwag. Lolo nga natin survivor ng World War II at Death March. Tapos dadagain ka lang pala sa ex mo? Ano ngayon kung si Paloma Escalante iyan? Huwag kang papatalo,” pagpapalakas ni Cardo sa loob nito.
Iyon ba ang tingin ni Cardo sa kanya? Na babae lang siya basta? Parang pareho sila ng sitwasyon ni Jeyrick. Wala siyang magagawa sa pagkikita nila ni Cardo pero kailangan niyang gumawa ng paraan para di magkita sna Jeyrick at Paloma.
Hinawakan niya ang braso ng kaibigan. “Jeyrick, di ka pwedeng pumunta sa kasalan. Anihan namin ng carrots.”
“Ha? Anihan na ba ninyo?” tanong ng binata at napakamot ng ulo.
“Oo. At nangako ka sa akin na makikiani ka rin. Tutulong ka sa amin. Inaasahan ka na nila Tatang,” paalala niya.
“Pero kasal din iyon ni Rjan. Ako ang tulay kaya napasagot niya si Jimarah. Nangako din ako sa kanila. Minsan lang ikakasal ang mga kaibigan ko.”
Parang pinipiga ang dibdib niya. “Nauna ka namang nangako sa akin. Ganoon na lang ba iyon? Nangako ka kina Tatang at Nanang na pupunta ka. Inaasahan ka na nila. Nagtatanong pa sila sa akin kung ano ang ihahandang pagkain para sa iyo. Malaking bagay sa amin ang anihan at minsan ka lang madadalaw sa amin,” pangongonsensiya niya. Kababawan marahil iyon pero wala na siyang ibang maisip na isangkalan.
“Oo na. Pupunta din ako. Uunahin ko ang anihan ninyo bago ako tumuloy sa kasalan. Okay na ba tayo?”
“Okay na okay.”
Saka na siya iisip ng paraan para mapigilan itong makipagkita kay Paloma. Di na siya papayag na may humadlang sa kanila ni Jeyrick - si Paloma man o si Cardo.
HANGGANG tainga ang ngiti ni Beliza habang nakatayo sa kubo sa gilid ng bukid nila sa Bauko, Mountain Province. Pinagmamasdan niya si Jeyrick na tumutulong sa pag-aani ng carrots at pagbubuhat ng mga kaing papunta sa naghihintay na delivery truck. Kasama nito ang ilan sa mga dumayong nag-aani na kinuha ng ama niya mula sa ibang lugar ng Cordillera. Kaya naman ganado na maghanda ng maghanda ng pagkain ang dalaga para sa mga trabahador.
“Anak, bakit naman pinaagahan mo pa ang pag-aani natin?” tanong ng nanay niya na si Manang Clarizza. “Aba! Nataranta ang tatay mo pati na rin ang magde-deliver sa outpost.”
“Naku! Dahil kay Jeyrick iyan, Nay. Ngayon niya siguro gustong pikutin,” pananalakab ng kapatid niyang si Rakel na kalong ang tatlong taong gulang nitong anak. Kasama nila ito sa pagpapakain sa mga mag-aani habang ang asawa nito ay nag-aani.
“Oo nga, anak. Nagtataka ako kung bakit mo ipinilit ngayon na magpaani. Sa isang araw pa talaga ang anihan natin. Saka mas dapat yata na ganoong araw na lang tayo nagpaani dahil may kasalan pala na pupuntahan si Jeyrick mamaya. Baka mamaya di pa siya makarating sa oras,” sang-ayon ng ina niyang si Clarizza.
“Mas okay na ngayon, Nay. Di na siya pabalik-balik saka may review na po ako no’n,” mariin niyang sabi. Iyon naman mismo ang plano niya. Ang mapilitan si Jeyrick na huwag nang dumalo sa kasalan at di nito makita si Paloma. O kahit ma-late man lang ang lalaki dahil tiyak niyang matapos kumanta ay nagmamadali na si Paloma na umalis ng reception dahil may mga showbiz engagement pa ito at shows.
Maaring makasarili ang dating niya dahil sinisira niya ang pagkakataon ni Jeyrick para makita ang mahalagang sandali sa buhay ng mga kaibigan nito pero pinoprotektahan lang naman niya ang lalaki. Alam niya ang pakiramdam na makita ulit ang dating taong minahal.
Nang makita ulit niya si Cardo, parang bumalik ang lahat ng alaala -ang masasaya, malulungkot at masasakit na pinagsamahan nila. Pati ang pagmamahal niya ay parang bumalik din. Kahit nang kasama na nila si Jeyrick, pakiramdam niya ay lumilingon kay Cardo ang puso niya. Natataranta ang puso niya dito. Kaya hihigpitan niya ang kapit kay Jeyrick. Di sila maaring mawala sa isa’t isa.
“Kain muna kayo,” yaya niya sa mga trabahador.
Lumapit si Jeyrick sa kanya. “Aalis na ako matapos ang tanghalian, ha?”
Bahagyang umasim ang mukha niya. “Mamaya na natin pag-usapan iyan. Kumain ka muna diyan. Wag kang magpapakagutom.”
Pinatabi ni Beliza ang lalaki sa Tatang Oman niya para mapakwento nang mapakwento. Gumagana na ang plano niya. Mare-realize ng lalaki na mas masaya na dito na lang siya sa piling nito kaysa sa piling ng Paloma na iyon.
Tinapik ng tatay niya ang balikat ni Jeyrick. “O! Baka kailangan mo nang umalis. Pasado ala una na. Alas kuwatro ang kasal.”
“Opo. Aalis na po ako, Nanang, Tatang,” paalam ni Jeyrick sa mga magulang niya. “Baka di na po ako makahabol sa simbahan nito.”
“Pasensiya na at napakwento ako,” sabi ni Mang Oman.
“Jeyrick, huwag ka munang umalis. Ano... Naghahanda pa kasi ako ng miryenda. Saka sabi mo sa akin mamaya ka pa aalis. Mga alas dos dahil kulang ang trabahador ni Tatang...”