Finding Carrot Man 3: Mine From the Start Chapter 6

“Ayos na iyan. Kaya ko na,” anang ama niya. “Paalisin mo na si Jeyrick.”

“Huwag kang mag-alala. Parating naman na ang kapalit ko,” sabi naman ng binata. “Di naman ako papayag na magbubuhat pa si Tatang.”

“Naku! Wala naman akong pambayad doon.”

Umiling si Jeyrick. “Huwag po kayong mag-alala. Ako po ang bahala. Ayun na po yata!” anang lalaki at tumanaw sa pick up na papababa sa daan mula sa highway.

May papalit na kay Jeyrick? Sandali. Wala ito sa usapan nila. Naplano na niya ito kung paano maiipit ang lalaki at di agad makaalis. Paanong di niya napaghandaan na posibleng kumuha ito ng tao na tutulong sa kanila?

Napasunod siya kay Jeyrick nang salubungin ang sasakyan. Nanlaki ang mga mata niya nang makita kung sino ang kapalit nito. Si Cardo.

TINAPIK ni Jeyrick sa balikat si Cardo bilang pagbati. “Bakit ngayon ka lang dumating? Kanina pang alad diyes ang usapan natin.”

“Ako kasi ang sumamang maghatid sa Bontoc sa anak ni Manong Alex. Napaaga kasi sa panganganak,” paliwanag ng lalaki. “Mabuti at ligtas naman.”

“Sino ba ‘yan, Jeyrick? Ipakilala mo naman sa amin si Pogi,” pakiusap ng Ate Rakel ni Beliza.

“Pinsan ko po, si Cardo. Pulis po sa Barlig itong pinsan ko. Kauna-unahang pulis sa lahi namin.” At ipinakilala ni Jeyric ang mga magulang at kapatid niya pati na rin. “Siya po muna ang tutulong sa inyo sa pag-aani ng carrots.”

“JEYRICK, bakit ginagawa mo sa akin ito?” hinagpis ni Beliza. It was a nightmare. Di lang matutuloy na magkita sina Jeyrick at Paloma. At ang maiiwan sa kanya ay ang dati niyang nobyo - ang dati niyang nobyo na di alam ng pamilya niya na nag-e-exist. Isa itong banta sa maganda niyang reputasyon.

Kinakarma ba ako dahil minamanipula ko para hindi magkita sina Jeyrick at Paloma? Ito ba ang ganti sa pagmamahal ko sa kay Jeyrick? Ipinilig ng dalaga ang ulo. Hindi masama ang intensyon ko. Pinoprotektahan ko lang ang lalaking mahal ko. At kailangan niyang makaisip ng paraan para ma-delay pa si Jeyrick.

“Nagpahatid na po ako sa kasamahan ko na pa-Baguio na ngayon. Isasabay po nila si Jeyrick,” paliwanag ni Cardo.

“Pakainin din muna ninyo sila,” sabi ni Beliza.

“Nagmamadali na sila. Si Jeyrick lang talaga ang hinintay nila,” anang si Cardo sa kanya at binalingan si Jeyrick. “Nandoon na rin ang hinihiram mong long sleeve, slacks at leather shoes. Sigurado ako na walang masasabi ang Paloma na iyon kapag nakita ka. Itayo mo ang bandera ng lahi natin.”

“Sino si Paloma?” tanong ni Tatang Omar.

“Yung first love ni Jeyrick? Yung singer na maganda? Magkikita kayo?” nanlalaki ang matang tanong ni Rakel.

“Kaya ba di ka pa rin nagkaka-girlfriend hanggang ngayon dahil ang Paloma na iyon pa rin ang gusto mo? Maganda nga naman kasi at mahirap makahanap ng ganoon,” sabi ni Tata Oman. “Kaya naman pala ganado kang magbuhat ng carrots kanina. Inspirado.”

Napakamot sa ulo ang binata. “Hindi naman po. Kailangan ko na pong umalis. Salamat po.” Pinisil ni Jeyrick ang balikat niya. “Ikaw na ang bahala sa pinsan ko, Beliza. Mabait naman si Kuya Cardo at hindi maselan.”

“Oo nga. Wala lang sa akin ang trabahong bukid dahil tumutulong din ako kapag nag-aani ng sweet ponkan sa farm namin sa Lias,” segundo naman ni Cardo.

Wala akong pakialam. Kay Jeyrick lang ako may paki. Doble parusa kay Beliza ang presensiya ni Cardo.

Itinutok ng dalaga ang atensiyon kay Jeyrick. “Kailan ka babalik?”

Magaang tumawa ang lalaki. “Bukas din. Sabay-sabay naman tayong uuwi.”

Pinigilan niya ang braso nito. Gusto na niyang maiyak. She felt helpless. Ayaw niyang pakawalan ang lalaki. Oras na talikuran siya nito, pakiramdam niya ay tuluyan na itong mawawala sa kanya at muli na namang aangkinin ni Paloma ang puso nito.

“Jeyrick, mamaya ka na umalis. Mag-usap muna tayo,” pakiusap niya. “Nag-aalala talaga ako sa iyo. Paano kung si Paloma...”

“Huwag mong alalahanin si Paloma. Kaya ko na siyang harapin,” puno ng kompiyansang sabi ni Jeyrick at ngumiti.

“Di ka na ulit mai-in love sa kanya?” paniniyak niya.

Nagkibit-balikat ang lalaki. “Ewan ko lang. Bumalik ka na sa kubo. Umaambon na.” At naglakad na ito palayo.

“Mangako ka, Jeyrick.” Pero kinawayan lang siya nito at sumakay sa pick up. “Jeyrick, di ka pwedeng umalis hangga’t di mo ipinapangako sa akin na di ka na mai-in love sa kanya. Jeyrick!”

Umandar na palayo ang pick up na sinasakyan nito. Di na siya binalikan pa ni Jeyrick o nilingon man lang. Ni hindi man lang niya nasabi dito na mahal niya ito.

Hinni natinag sa kinatatayuan niya si Beliza hanggang pumaloob sa makapal na fog ang sasakyang sinasakyan ni Jeyrick. Nagluluksa ang puso niya.

Nagulat na lang siya nang biglang tumigil ang pagpatak ng ambon. Nang tumingala siya ay may payong sa ulunan niya at hawak ni Cardo. “Sa kubo ka na. Mahamog na dito. Baka magkasakit ka pa.”

Sumamingot siya sa magandang ngiti nito. Ang lalaking ito pa talaga ang naiwan sa kanya. “Nandito ka para mag-ani ng carrots, hindi para payungan ako.” Saka nagdadabog siyang naglakad pabalik sa kubo.

“Huwag kang masyadong magsungit. Lalo kang gumaganda.”

“Tse!” angil niya at inirapan ito.

“Uyyy! Gusto niyang lalong maging maganda sa paningin ko,” tukso ni Cardo. “Gusto mong ma-in love ulit ako sa iyo ‘no?”

Pinanlakihan niya ito ng mata. “Huwag ka ngang maingay,” saway niya dito. Nag-aalala siyang luminga sa mga magulang at sa kapatid na nagkukwentuhan pa sa kubo. Ang mga trabahador naman ay malayo sa kanila pero malay niya kung may makarinig. “Sabi ko naman sa iyo na walang nakakaalam ng tungkol sa atin dati. Huwag mo nang babanggitin. Sasapakin kita.”

Banta niya at tinalikuran ito. Dapat siguro ay kausapin na niya si Jeyrick tungkol sa nakaraan nila ni Cardo. Iyon lang ang paraan para makaiwas siya sa dating nobyo. Para naman kasing nananadya na inilalapit siya ni Jeyrick dito.

Pero bago iyon, kailangan muna niyang tiyakin na kaya ngang pangatawanan ni Jeyrick na tanggihan si Paloma. At ang magagawa lang niya ngayon ay magdasal na sana ay may pag-asa pa siya kay Jeyrick.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.