Finding Carrot Man 4: Forever Means By Your Side Chapter 14

“JEYRICK is a college friend of mine. May ilang subjects din kami naging magkaklase. Di na kami nagkaroon ng communication nang bumalik siya ng Barlig at di nagpatuloy ng pag-aaral habang sumali naman ako sa competition sa You’re A Star,” nakangiting kwento ni Paloma sa mga reporter nang makaharap ang mga ito.

Sampung minuto din siyang na-stuck sa restroom dahil ayaw talagang umalis ng reporter na si Reda Belle hangga’t di pa mismo isa sa mga pulis at ang pinsang si Hepburn ang nakiusap dito na pabayaan muna siya.

Mas maayos na ang disposisyon niya matapos makakain at makapag-retouch. She was back on the game. Kailangan niyang ipakita ang magagandang katangian ni Jeyrick nang walang ibinibigay na insinuation na mas higit pa sa pagkakaibigan ang relasyon na mayroon sila.

“Paano ‘yung video na nagsasayaw kayo? Kakaiba kasi ang tinginan ninyo,” tanong ng isang reporter na galing pa daw sa Manila. “Iba. May kilig.”

Ganoon ba siya kahalata o hinuhuli lang siya ng mga ito. Pinanatili lang niya ang ngiti. “Matagal kaming di nagkita ng kaibigan ko. I was just happy to see him.”

“Wag na nating lagyan ng malisya. Nandoon din si Thirdy sa kasalan,” singit naman ni Hepburn. “Na-meet niya ang friends ni Paloma sa Baguio.”

“Pero hindi mo na binalikan si Thirdy Concepcion. Nakangiti ka sa picture ninyo pero hindi naman umaabot sa mga mata mo. There’s no spark,” obserbasyon ni Reda Belle. “Hindi namin iyan mapapansin kundi namin nakita ang video mo kasama si Carrot Man. Hindi mo ba siya naging crush man lang?”

How observant. Ayaw man ni Paloma kay Reda Belle dahil sa kawalan ng konsiderasyon nito sa kanya kanina pero committed talaga ito sa trabaho. Napapansin nito ang mga bagay na kahit sa sarili niya ay di niya alam. Kaya kailangan niyang mag-ingat sa kilos niya mula ngayon.

Magaling siyang umarte noong nobya pa siya ni Thirdy. She was the devoted and satisfied girlfriend. Pero mukhang mas madaling mameke na gusto niya ang isang tao kaysa ayaw niya dito. Her eyes could easily betray her.

Umiling siya. “Walang kinalaman kay Jeyrick ang di namin pagbabalikan ni Thirdy. Sa palagay ko nandito kayo gaya ko para alamin ang buong kwento tungkol kay Jeyrick at matulungan siya at ang pamilya niya. Kaya sana mag-focus na lang tayo sa pagtulong sa kanya.” Pinagsalikop niya ang nanginginig na palad. “Ang ganda dito sa Barlig, hindi ba? Alam ba ninyo na tourist guide din si Jeyrick dito?”

“Nabanggit na sa amin kanina ni Sir Lerome. Pero marami pa kaming gustong malaman tungkol sa inyo ni Carrot Man,” giit ni Reda Belle.

“Marami pa kayong malalaman tungkol kay Jeyrick. We prepared a press conference at Sea World Inn,” sabi ng head ng Barlig Tourism na si Lerome. Para sa isang tourism officer, matipid ito kung ngumiti. Pero mukhang hindi ito masaya nang makita siya kanina at nalamang hinahanap niya si Jeyrick.

“Lalabas na ba si Carrot Man?”

“Makakausap na ba namin siya?”

“Plano ba niyang mag-showbiz?”

“Bakit naging tagabuhat lang siya ng carrots kung may kaibigan naman pala siya na katulad ni Paloma Escalante?”

Sunud-sunod ang mga tanong kay Lerome kaya hinayaan ni Paloma na sagutin iyon ng binata. “Pasensiya na pero wala dito si Jeyrick sa Barlig ngayon. Nasa Kalinga siya para tumulong sa pag-aani sa coffee farm ng pinsan niya.”

Nag-angalan ang mga reporter. Pasado alas kuwatro na noon. Masyado nang gagabihin kung hahabulin pa na puntahan si Jeyrick sa Kalinga ngayon.

Habang nagkakagulo ang iba ay tahimik lang si Paloma habang inoobserbahan si Lerome. Tinatantiya niya kung totoo ang sinabi nito na wala si Jeyrick sa Barlig. Pero ngumiti lang sa kanya ang lalaki bago bumaling sa reporter na nagtatanong. “Pwede bang makausap ang family ni Carrot Man o kahit na sino na malapit sa kanya?”

“Kami! Gusto rin namin ng interview! Close kami ni Carrot Man,” singit ng isang babae na maigsi ang buhok na headband na may antenna na hearts ang dulo.

“At di kami magpapakabog sa mga artista diyan. Maganda rin kami. Excuse me!” sabi ng babaeng kulot na di mangiming mag-dress na hanggang tuhod lang kahit na malamig ang panahon.

“Da who ang mga itey?” nakataas ang kilay na tanong ni Hepburn.

“Ako! Ako si Chacha! Ako ang naka-discover sa kanya. Akin siya!” anang babae at pinanlakihan ng mata si Paloma.

“Kaya mo bang magbuhat ng isang kaing na carrot para sa kanya? Kaya ko iyon para kay Carrot Man,” pagmamalaki ng babaeng kulot. “Ako si Verna. Ako ang presidente ng fans club niya. May ten thousand members na ang love team namin. E ikaw ba may kakampi ka? May fans ka na ba?”

“Hindi ko kailangan ng fans. Si Carrot Man lang sapat na,” matapang na sabi ni Chacha at dinuro si Verna. “Walang Carrot Man kung di dahil sa akin. Akin siya.”

“Doon na tayo sa loob, Miss Paloma,” anang pulis na si Cardo. “Mukhang nagkakainitan na dito.”

“Baka magsabunutan ang fans ni Jeyrick at madamay ka pa,” anang si Hepburn at inakay siya palayo. “Nakakalokah!”

Nagpasalamat siya sa mga reporter at nang umalis siya ay saka lang hinarap ang dalawang fans ni Jeyrick. “Sikat na talaga siya,” usal ni Paloma. Dalawang fans pa lang iyon pero handa nang sumunod sa Cordillera para makita si Jeyrick. Paano pa sa mga dadating na araw?

“At lalo pa siyang sisikat kapag ipinalabas na siya sa TV,” dagdag ng pinsan niya. “Naisip mo na ba ang make over na gagawin natin sa kanya? Gosh! Tiyak na bongga ang career ninyo at kung kasama ka…”

Matalim niyang tiningnan ang pinsan. “Zip your mouth.”

“E doon din naman mauuwi iyon.”

“Miss Paloma,” untag sa kanya ni Lerome. “Do you need anything?”

“No. Okay na ako,” sabi niya at tumango. “Nakakalungkot lang na wala si Jeyrick dito ngayon. Marami siyang hindi naikwento sa akin nang huli kaming magkita. I would have helped him if he told me.”

“Kung gusto mong tulungan si Jeyrick, sa palagay ko mas gugustuhin niya na malayo sa ganitong klaseng circus. At nakakadagdag ka sa ingay na hindi niya kailangan sa ngayon.”

Nagkita na sila sa Maynila dati. Ito ang pumunta sa finals ng You’re A Star sa halip na si Jeyrick. May gusto daw itong sabihin sa kanya tungkol kay Jeyrick pero hindi na ito nagpakita sa kanya matapos ang programa. Iyon ang huling attempt ni Jeyrick na makipag-ugnayan sa kanya anim na taon na ang nakakaraan. Mukhang hindi maganda ang impression ni Lerome sa kanya.

“Look, gusto ko lang makatulong,” sabi niya sa lalaki.

“Hanggang saan ang kaya mong ibigay na tulong sa kanya? Anong klaseng tulong?”

“Mas maganda siguro kung makakapag-usap kami ni Jeyrick tungkol dito bago ang interview niya sa reporters.”

“Depende kay Jeyrick kung magkakaharap na kayo. Huwag kayong mag-alala. Ibibigay ko sa inyo ang address niya sa Kalinga,” anang binata. “Excuse me. Magse-set up lang kami para sa press conference.”

“Ang dami pala talagang yummy dito sa Cordillera. Hindi ako makapag-decide kung si Mr. Tourism o si Mr. Guwapulis ang bet ko. Sana pala dito muna ako nag-soul searching para mahanap ko ang soulmate ko,” sabi ni Hepburn habang nakasunod ng tingin kay Lerome at sa pinsan ni Jeyrick na si Cardo.

Hinila niya sa upuan sa bandang likod ang pinsan. “Behave!”

Di nagtagal ay nagsimula na ang press conference. Hindi komportable ang pakiramdam ni Paloma habang nagbibigay ng speech ang isa pang bestfriend ni Jeyrick na si Beliza Mendez. Ilang metro ang layo nila sa mesa ng babae. Nakahalukipkip niyang pinagmasdan ang babae. She was beautiful. Mahaba ang wavy nitong buhok, makinis ang mala-labanos na balat at mapula ang labi.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.