“Wala nga siya sa Kadaclan,” giit ni Paloma. “Nasa bungad lang ng Barlig ang lokasyon ni Jeyrick kung pagbabasehan ang huling usapan namin.”
Diskumpiyado siyang tiningnan ng pinsan. “Sigurado ka? Baka mamaya itinatago mo siya. I know you want to shield him from the world.”
“Ikaw na. Ikaw na mismo ang magtanong sa police station tungkol kay Jeyrick at kung nasaan siya. Siguro naman mas marami silang koneksyon kaysa sa akin.” Ibinigay niya ang cellphone dito. “Ayan! Para sure na wala akong gagawing sabotahe.”
“Uyyyy! Tampo na iyan,” tukso nito.
“Let’s just get this over with.” Hindi niya alam kung sa paanong paraan pa niya mapoprotektahan si Jeyrick. Kung paano ihahanda sa mundong papasukin nito. Ang mundo na hindi niya matakasan.
Kalahating oras mula nang makapasok sila sa Barlig ay humimpil sila sa harap ng police station ng Barlig. Pasado alas tres na noon ng hapon pero tahimik pa rin ang paligid. Katabi lang ng police station ang munisipyo.
“Maiwan ka na lang dito,” sabi ni Hepburn. “Ako na ang magtatanong.”
“Magre-restroom muna ako doon,” sabi niya at itinuro ang Seaworld Inn. “Ang tanda ko may kainan din diyan dati. Gutom na talaga ako at gusto kong magpahinga.”
Halos buong araw na silang nasa kalsada. Gusto niyang kumain, maligo at umidlip bago sila magpatuloy ng biyahe. Ang mahalaga ay nasa Barlig na sila. Madali na lang ang paghahanap kay Jeyrick kung sakali.
Inayos niya ang shades at ang cap niya para itago ang mukha niya. “Huwag mo nang itago ang mukha mo. Kapag nalaman nilang ikaw si Paloma Escalante, I’m sure mas dudumugin ka ng mga tao para tulungan.”
“Gusto ko lang hanapin si Jeyrick bilang kaibigan at di bilang si Paloma Escalante. Gusto ko lang maramdaman na normal ako at di ipinangangalandakan na celebrity ako.” Hindi man ugali ng mga tao sa Cordillera na mandumog ng mga artista, gusto pa rin niya ng konting oras para sa sarili niya. Kahit sandali lang.
“Fine. Magtatanong na rin ako kung saan pa ang matutuluyan dito. Ikaw na ang bahalang umorder ng pagkain natin. Gourmet please.”
“Tumirik ang mata mo sa gourmet diyan.” Pero mukhang hindi ang lugar na iyon ang nagse-serve ng gourment na pagkain. Parang di nagbago halos ang Barlig mula nang manggaling siya doon anim na taon na ang nakakaraan. Di gaya ng Sagada o ng Bontoc na mas sikat na tourist destination ay nagsulputan na parang kabute ang mga inn at restaurant. Pero sa Barlig ay gaya pa rin ng dati. It was untouched.
“Good afternoon po,” bati niya sa matandang babaeng may kalong na sanggol. ”May lutong ulam po ba kayo or pwedeng umorder ng pagkain?”
"Noodles at de lata ang meron. Doon pa sa baba ang lutong ulam. Pero maraming kumakain doon ngayon dahil stopover doon ng mga sasakyan,” anang matandang babae at tumuro sa direksyon ng kalsada. Nalukot ang mukha niya. Pagod na siya at mas gusto niyang kumain sa Seaworld Inn dahil walang tao sa dining area. “Di po ba talaga kayo nagse-serve ng kahit ano?”
“Pwede naman magpaluto ng pancit canton at noodles na instant. Saka may mga de lata din dito na pwedeng magpainit. Nasa iyo kung ayos lang iyon.”
"Tatlong pancit canton na may itlog at kanin na lang po saka coffee,” sagot naman niya. “May dadating po akong kasamahan dito. Sasabihin na lang po nila ang order nila. Pwede po bang makigamit ng restroom?”
“S-Sige. Pero may gumagamit pa,” sabi nito.
“Maghihintay na lang po ako,” aniya at inalis ang sumbrero at shades.
Natigagal ang babae sa kanya. “Sandali. Hindi ba ikaw si…”
Narinig niyang nag-flush ang restroom. “Sige po, Manang. Kayo na po ang bahala sa order ko ha?” sabi niya at dali-daling pumunta sa verandah kung saan naroon ang restroom. Saka na siya makikipagtuos tungkol sa tunay niyang pagkatao kapag maayos-ayos na ang itsura at pakiramdam niya.
Eksaktong pagbukas ng restroom ay isang babae ang lumabas. Kulay red ang buhok nito, nakasuot ng furcoat at boots. Natigilan ito nang mapagmasdan siya. “Paloma? Ikaw si Paloma Escalante. Gosh! You are really here!” bulalas nito at natutop ang bibig.
“E-Excuse me,” sabi niya at dali-daling pumasok sa restroom.
“W-Wait! Kausapin mo muna ako,” anang babae at di pa man niya naila-lock ay kinakatok na ang pinto niya. “Miss, di mo ako pwedeng takasan. I’m Reda Belle Montelibano from Star Network Baguio. Anong ginagawa mo dito sa Barlig, Miss?”
“Can you just leave me in peace?” angil niya dito habang nakaupo sa bowl. “Kahit makapag-restroom man lang ako? Just give me ten minutes.”
“Pero baka takasan mo ako. Totoo ba ang lumabas na balita na may “something special” sa inyo ni Carrot Man? Siya ba ang dahilan kung bakit kayo nag-break ni Thirdy Concepcion? Ano ang relasyon ninyong dalawa?”
“No comment!” sigaw niya at itinakip ang palad sa dalawang tainga. Have mercy!
“Miss Paloma! Please give me an exclusive interview. Kahit dito na lang ako sa labas habang nasa restroom ka. That is fine with me. Habang kumakain pa ang mga kasama ko. They don’t have to know that you are here. Ako lang.”
“Pwede bang mamaya na lang.”
“Malay ko kung takasan mo ako.”
Unbelievable! Saan naman kaya siya tatakas? Sa maliit na butas sa bintana ng banyo? Tatalon ba siya sa bubong at ta-tumbling sa rice terraces sa baba?
Mas malala pa ito kaysa sa inaasahan niya. May mga reporter nang nauna sa Barlig at hinahanap si Jeyrick. Alam niyang naghahanap ang mga reporter sa pagkatao ni Jeyrick pero di niya alam na ganito kaaga sila magtatagpo.
Inilabas niya ang cellphone at napilitang tawagan si Hepburn. “Cuz, I need help. Ginugulo ako ng isang reporter habang nandito sa restroom.”
“Nalaman ko nga sa pulis dito na may reporter nang dumating pero ang sabi sa isa pang eatery sa baba sila kumakain. So I thought you are safe.”
“May naiwan dito sa Sea World. The woman won’t stop banging the door. Ano bang gagawin ko dito? Gusto ko lang naman makapag-restroom nang maayos at makakain bago magpapapak sa mga piranha.”
Piranha. Iyon ang tingin niya sa karamihan ng mga reporter. They were always out for blood. Walang respeto ang iba sa privacy ng gaya niya. Alam naman niyang trabaho lang ang lahat sa mga ito. Pero minsan ay wala nang gustong itira sa kanya kahit na konti. Sinasaid siya. Gaya ngayon.
“Kumalma ka lang diyan. Makikipag-coordinate ako sa guwapong pulis dito para kontrolin muna ang mga reporter. Mag-set na lang tayo ng interview para sa iyo kapag tapos na tayong kumain. Nahihilo na rin ako sa gutom.”
“Yes. At huwag mong gagalawin ang pancit canton na may itlog. Lagot ka sa akin.”
“Rawr! Fierce!”