Finding Carrot Man 4: Forever Means By Your Side Chapter 16

Nagulat si Paloma sa pagtaas ng boses ni Beliza. Di niya inaasahan na mao-offend ito sa pag-aalok nila ng tulong. “Please. I am sorry. Di naman ibig sabihin iniinsulto ng pinsan ko si Jeyrick. Gusto ko lang makatulong,” paliwanag ni Paloma sa malumanay na boses. “Jeyrick was supposed to have a greater life than this. He could be so much more.” Kung hindi umurong si Jeyrick sa You’re A Star ay baka ito na ang nasa showbiz at baka mas sikat pa sa kanya. Di niya matanggap na malaking oportunidad ang nawala sa binata. “At bilang girlfriend niya, sigurado ako na gusto mong mas gumanda ang buhay niya.”

“Siyempre naman. Pero nasa kay Jeyrick na kung gusto niyang tanggapin ang tulong ninyo,” aniro at bahagyang tumaas ang kilay.

“May pagkakataon na siya ngayon na gumanda ang buhay niya. Sumisikat na siya. Kung mailalagay sana sa ayos ang pagpasok niya sa showbiz, mas tatagal pa ang career niya. Hindi siya ‘yung viral ngayon pero laos na bukas. At malaki ang maitutulong ni Paloma para mai-showcase ang talent niya,” paliwanag ni Hepburn.

“Masyado naman yata kayong nagmamadali. Di pa ninyo nakakausap si Jeyrick,” sabi ni Beliza sa malamig na boses at humalukipkip.

“Strike while the iron is hot. Dati pa dapat sikat si Jeyrick,” sabi ni Hepburn.

“Simpleng tao lang si Jeyrick. Wala sa plano niya ang sumikat,” kontra ng babae.

“Oh, really? Baka naman ayaw mo siyang sumikat at ayaw mong umunlad ang buhay niya kasi baka mawala siya sa iyo. Masyado ka naman yatang makasarili kapag ganoon,” pambabara sa kanya ni Hepburn.

Biglang tumayo si Paloma. “Hindi ako makasarili. Mahal ko si Jeyrick at gusto ko na umunlad ang buhay niya. Pero kilala ko rin siya. Mas matagal ko siyang nakasama kaysa sa inyo. Di ko lang siya boyfriend. I am also his bestfriend. Di ninyo ako kilala para husgahan ako,” angil niya sa dalawa.

“Bernardo, dahan-dahan ka naman sa pagsasalita mo,” saway dito ni Paloma. “Baka nakakasakit ka na ng damdamin ng iba. Di naman tayo nagpunta dito para makipag-away. Nandito tayo para makatulong kay Jeyrick.”

Kailangan nila na hingin ang tulong ni Beliza. Ayaw nila ito na maging kaaway. Kailangan nila na makumbinsi ang lahat ng malalapit kay Jeyrick para suportahan ang career nito. He deserved so much better.

“Hypothetical question lang iyon. Ganyan siya maka-react. Boyfriend na nga niya ang gusto nating tulungan. Marami diyan ang may tsansa nang umahon sa kahirapan at sumikat pero hinihila pababa ng mga tao sa paligid nila,” nakaismid na argumento ni Hepburn.

“H-Hindi ako ganoon,” tutol ni Beliza at lalong tumindi ang tensiyon.

“Beliza, pare-pareho nating gustong tulungan si Jeyrick,” sabi ni Paloma at gumitna na sa dalawa. “Alam ko rin kung gaano kataas ang pride niya. Sana bilang girlfriend niya, makumbinsi mo siyang tanggapin ang tulong namin.”

“Maraming salamat sa tulong ninyo sa pinsan ko, Miss Paloma,” singit ng pulis na si Cardo. “Mas kailangan ni Jeyrick at ng pamilya ang tulong, Marami siyang pangarap para sa mga magulang at kapatid niya. Kaya maraming salamat sa inyo. Nagpahanda ng dinner si Mayor sa Eagle’s Point. Nakahanda na rin ang kuwarto na tutuluyan ninyo doon.”

Nakahinga nang maluwag si Paloma. Gusto na talaga niyang matapos ang pag-uusap na iyon. She already did her part. “Salamat sa pag-accommodate sa amin, Beliza,” sabi ni Paloma. Inabot niya ang peach and black calling card. “Tawagan mo ako dito kung sakaling magkakausap kayo ni Jeyrick. Sabihin lang niya sa akin kung paano ako makakatulong. Hindi naman kailangan na pumasok siya sa showbiz. Marami namang ibang paraan para makatulong kami.”

Tumango na lang ito at tinanggap ang card. “Thank you.”

Di pa rin mapakali si Paloma kahit nang nasa Eagle’s Point na sila. Sumama siya sa dinner kung saan itinampok ang magagandang tourist spot sa Barlig sa isang presentation. Pero wala doon ang isip niya. Binabalik-balikan niya ang panahon na nakasama niya si Jeyrick sa kasalan isang linggo na ang nakakaraan.

“Pwede bang dalawin sa Kadaclan ang pamilya ni Jeyrick?” naitanong ni Paloma kay Beliza habang umiinom ito ng tapuy o rice wine matapos ang hapunan.

Tumalim ang mata nito. “Wala doon si Jeyrick at huwag mo nang guluhin ang pamilya niya.”

“Kapag ba mangungumusta at magbibigay ng tulong, panggugulo na?”

Namumungay ang mga mata nitong tiningnan siya at dinuro. “Miss Paloma Escalante, six years kang walang pakialam kay Jeyrick. Six years mo siyang kinalimutan. Ako ang nandoon para sa kanya. Kaya wala kang karapatan na bumalik sa buhay niya at magkunwari na may pakialam sa kanya. Hindi ka niya kailangan. At bawal kang pumunta sa Kadaclan. Naiintindihan mo?”

Kumunot ang noo niya. “At bakit bawal akong pumunta sa Kadaclan?”

Ngumisi ito. “Siyempre kasi…”

Nandoon ba si Jeyrick? Doon ba nagtatago ang binata?

Inagaw ni Cardo ang bote ng tapuy sa babae. “O! Tama na iyan. Magagalit si Jeyrick kapag nalaman niyang uminom ka.”

“Wala kang pakialam sa amin ni Jeyrick,” pakli ng babae na mukhang lasing na.

“Miss Paloma, inacessible ang kalsada papuntang Kadaclan ngayon dahil sa landslide,” sabi ni Lerome. “Hindi namin nire-recommend na puntahan ng mga tao ngayon dahil di nakakatuloy ang mga sasakyan.”

“Paano nakakabiyahe ang mga tao?”

“Itina-transfer sila. Kailangan nilang tawirin ang mismong landslide para makapunta sa kabila. Baka ilang linggo pa ang gugulin para ma-clear ang kalsada,” paliwanag sa kanya ng tourism head. “Komportable ka ba sa kuwarto mo?”

Tumango siya. “Oo. Gusto ko na ngang magpahinga. I hope you don’t mind.”

“Not at all,” sabi nito.

Hindi na siya nahirapan na magpaalam sa mayor at sa mga reporter na nag-e-enjoy sa ihinandang piging para sa mga ito. Gusto pa sana niyang makisaya sa mga ito pero wala siya sa mood.

Isa pa ay maraming gumugulo sa isip niya. Parang may itinatago ang mga tao sa kanya lalo na kapag napag-uusapan ang Kadaclan.

Wala pang alas otso ay handa na siyang matulog pero di siya mapakali. Patuloy pa rin sa pag-ikot ang mga pangyayari sa isipan niya. Marami siyang gustong itanong kay Jeyrick. Gusto niyang malaman kung nakalimutan na talaga siya nito. Kung wala na itong nararamdaman sa kanya.

Kinatok siya ni Hepburn na may dalang mainit na tsaa. “Ramdam ko na di ka basta makatulog, cuz. Iniisip mo ba ang authenticity ng Beliza na iyon?”

Kumunot ang noo niya. “Authenticity saan?”

“Kung talagang girlfriend siya ni Carrot Man. Iba ang tinginan nila ni Cardo, my love. Parang may spark.”

“Sa palagay mo ba posibleng hindi talaga girlfriend ni Jeyrick si Beliza?” tanong niya.

“Oo. Parang kayo lang ni Thirdy. Di mo naman talaga siya boyfriend.”

“Shhhhh!” saway niya sa lalaki at tinakpan ang bibig. “Baka may makarinig sa iyo.” Napapalibutan pa rin sila ng mga reporter. Delikado ang kahi anong impormasyon na masasagap ng mga ito. They couldn’t commit unnecessary error.

“Oo na. Hihinaan na nga.”

“Pero bakit naman siya magpapanggap na girlfriend ni Jeyrick?”

“Baka may gusto siya kay Jeyrick noon pa. Tapos pinapadistansiya ka at ang mga fans. Feeling ko kasi may gusto pa sa iyo si Jeyrick at lalo siyang mawawalan ng chance ngayong bumabalik ka na sa buhay ni Jeyrick. May mga desperado talaga para sa pag-ibig,” anang pinsan niya.

Nagkaroon siya ng pag-asa. Mas lalo niyang kailangang makausap nang sarilinan si Jeyrick ngayon. “Hindi ako sasama sa Kalinga bukas.”

“Uuwi na ba tayo?”

“Pupuntahan ko si Jeyrick sa Kadaclan. Malakas ang pakiramdam ko na wala siya sa Kalinga. Inililigaw lang nila tayo para di natin mahanap si Jeyrick.”

Ngumiwi ito. “Di ba ‘yung Kadaclan two hours pa mula dito at sabi mo two hours pang lalakarin mula dito ‘yung mismong bahay nila Jeyrick? Di ata kaya ng ganda ko, ate.”

Umiling siya. “No. Kailangan kong gawin ito nang mag-isa. Walang pwedeng makaalam na pupuntahan ko si Jeyrick. Kaya bukas mauuna tayo na umalis dito sa lodge. Kokontak ako ng maghahatid sa akin sa Kadaclan.”

“At ako, anong gagawin ko?”

“Palalabasin natin na may emergency sa Manila kaya aalis tayo nang mas maaga. Pero huwag kang aalis ng Bontoc. Kakailanganin kita. Ikaw na ang kumausap kay Tita Bevz na gumagawa ako ng paraan para kumbinsihin si Jeyrick sa plano niya. Ayoko… ayoko lang na may mga reporter sa paligid.”

Gusto niyang makausap nang sarilinan si Jeyrick. Gusto niyang malaman kung ano ang totoong nararamdaman nito para sa kanya. Gusto niyang malaman kung may pag-asa pa sila. Hindi naman niya guguluhin ang relasyon nito kay Beliza kung ang babae talaga ang mahal nito.

Umiling si Hepburn. “Ewan ko kung tama itong plano mo. Paano kung hindi mo na kami balikan at magtanan na kayo?”

“Give me week. Ten days max. Kapag wala pa ring balita tungkol sa akin o kay Jeyrick, e di sunduin na ninyo ako sa Kadaclan. I just need to be alone with Jeyrick. Kailangan mo lang kontrolin si Tita Bevz.”

“Sige. Pero kailangan pagbalik mo sa sibilisasyon, kasama mo na si Carrot Man at tiyakin na pipirma siya ng kontrata sa atin. Okay?”

Tumango na lang siya dahil di talaga siya tatantanan ng pinsan hangga’t di niya nagagawa ang tunay na misyon niya sa pagpunta doon. Pero bago iyon, kailangan muna niyang pagbigyan ang puso niya kahit minsan lang.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.