“ATE, nasaan ka na? Sumagot ka!”
Tumirik ang mga mata ni Paloma sa histerikal na drama ng pinsan sa kabilang linya. Mahigit isang oras pa lang silang naghihiwalay mula nang lumipat siya ng sasakyan papunta ng Kadaclan.
“Papasok na kami ng area ng Kadaclan. Kumalma ka lang,” angil niya dito. “Ang sakit mo sa eardrums. Alam mo namang wala akong tulog.”
Madaling-araw na nilang natapos ang pagplano. Kinapalan ng mukha niyang tawagan ang dating professor nila ni Jeyrick sa University of Cordilleras na si Ma’am Fe.
Hindi ito nakarating sa kasal nina Jimarah at Rjan. Retired na ito sa pagtuturo sa university sa Baguio at bumalik na sa Kadaclan. Ito ang naging guide nila nang pumunta sa Kadaclan para sa immersion anim na taon na ang nakakaraan.
Natuwa ito nang malaman na dadalawin niya ito. Nakiusap lang siya dito na sana ay maging sekreto ang pagpunta niya sa Kadaclan dahil ayaw niyang magulo ng mga reporter ang pagdalaw niya dito kung sakali.
“Sana tinanong mo muna kung nandoon si Jeyrick bago ka sumugod diyan. Kapag naunahan tayo ng ibang talent agency kay Carrot Man, paano na? Pareho tayong kakalbuhin ni Mother. Gosh!”
Huminga siya ng malalim. “Pagkakataon ko na ito para makausap ang pamilya ni Jeyrick. Baka may maitulong tayo sa kanila.”
“Okay. May contact naman ako kung sakaling makikita na si Carrot Man. Basta I-inform mo agad ako kapag nakita mo na siya at nakumbinsi mo nang sumali sa talent agency natin. Kahit subukan man lang niya. Huwag mo siyang itatago kung hindi ako mismo ang sasabunot sa iyo,” babala nito.
Kinagat niya ang labi. “Yes. I got the message.”
Kahit naman itago niya si Jeyrick, alam niyang di titigil ang mga tao na hanapin ito, na hanapin siya. Kailangan niyang maging maingat sa kilos. Di hilig ni Ma'am Fe na manood ng TV kaya mukhang di pa nakakarating dito ang pagsikat ni Jeyrick sa internet. Ngayong araw pa lang daw ipapalabas ang interview niya sa mga TV station. Umaasa ang mga reporter na mahahanap na ng mga ito si Carrot Man.
Sinamantala nila na tulog pa si Lerome na may-ari din ng lodging house para di ito makatunog sa plano nila. Tiyak na bibigyan sila nito ng VIP treatment at mahihirapan silang tumakas. Nag-iwan na lang sila ng mensahe sa reception at sinabing may emergency sa Maynila kaya kailangan nilang umalis. Nag-iwan din sila ng calling card para ma-contact sila ni Jeyrick. Pero di na siya aasa pa na tutulungan sila ni Lerome. Gaya ni Beliza ay itinatago din nito si Jeyrick.
“Ma’am, nandito na po tayo sa may landslide. Hindi na po makakatuloy ang sasakyan natin,” sabi ng guide-driver niya na si Rexan. Malayong pamangkin ito ni Ma'am Fe kaya nabigyan na ito ng instruction na maging sekreto ang pagdalaw niya.
Nanlumo si Paloma nang makita kung gaano kalaki ang guho ng lupa at bato na humarang sa daan. Hindi niya alam kung paano pa may nakakatawid doon. Kapag namali-mali ng tapak ay bangin na ang gugulungan sa kabilang gilid ng kalsada.
“Paano ko tatawirin iyan?” tanong niya. Hindi stable ang lupa at walang hahawakan para makatulong sa pagtawid. “Gagapang ako?”
“Tutulungan naman kayo ng guide ninyo, Ma’am. Mahigpit tiyak ang bilin doon na bawal kayong magalusan. First time ninyo sa Kadaclan, Ma’am? Ibang klase dahil dinadalaw na kami ng artista dito idagdag pa si Carrot Man.”
“Dati na akong galing dito,” usal niy attumingin sa labas ng bintana.
Alas sais pa lang ng umaga noon at nagsisimula pa lang sumabog ang liwanag. Katatapos pa lang ng ulan at manaka-naka pang umaambon. Unti-unting nahahawi ang fog, animo’y kurtina ng bulak na nagsasayaw sa bangin at nakikita niya ang berdeng rainforest ng Barlig. Parang walang nagbago sa lugar na iyon maliban sa sinesementong kalsada. Hanggang ngayon ay nape-preserve ng mga taga-Barlig ang magandang kalikasan sa lugar ng mga ito.
“Nandito na po ba ang sundo ninyo papuntang Kadaclan?” tanong ni Rexan.
“Hindi ko pa alam,” sabi niya at inilabas ang cellphone. Wala pa siyang natatanggap na text at wala ring signal sa area na iyon. “Pwede bang maghintay na muna tayo dito?”
“Wala pong problema, Ma’am. Di ko rin naman kayo maiiwan basta dito nang walang kasama at puro construction worker lang ang nandiyan.” At ngumuso ito sa grupo ng kalalakihan na nagtitibag sa landslide. “Hindi po sila tagadito. Zero crime rate dito sa Barlig pero mabuti nang mag-ingat.”
Kinakabahan na si Paloma sa paglipas ng oras. Habang tumatagal sila doon, mas dadami ang tao na pwedeng makakita sa kanya at makakilala. Deserted ang kalsada. Nakasuot din siya ng cap at naka-ponytail. May suot din siyang salamin. Pero may mga tao na sadyang matatalas ang mata. Kahit pa di mahilig sa artista ang mga tao doon, di ibig sabihin ay walang makakakilala sa kanya at magre-report sa media o magpo-post sa social media.
“Ma’am, baka iyon na po ang sundo ninyo.”
Isang lalaki na nakasuot ng cap ang nakita niyang bumababa mula sa landslide. Naka-long sleeve maong jacket ito at maong na pants. Malakas ang tahip ng dibdib niya dahil kahit nakayuko ito ay pamilyar sa kanya ang lakad nito at kilos.
Parang si Jeyrick. Bigla niyang hinawakan ang handle ng pinto. Muntik na siyang bumaba ng sasakyan para salubungin ito. Kalma lang, Paloma. Hindi niya alam na ikaw ang susunduin niya. Hindi mo din dapat malaman na si Jeyrick siya. Huwag kang masyadong excited. Di ka naman sigurado kung si Jeyrick talaga iyan. Baka mapahiya ka lang kapag umeksena ka at sinalubong mo siya.
Maya maya pa ay lumapit ang lalaki sa sasakyan at kinatok ang windshield. Ibinaba ni Rexan ang bintana. “Manong, nandito po ba si Adelaida Assil?” tanong ng lalaki. “Pinasusundo siya sa akin ni Ma’am Fe.”
Sumikdo ang didbib niya. Si Jeyrick nga. May ideya ba ito na siya ang susunduin nito? Hindi niya sigurado pero tama ang hinala niya. Sa Kadaclan nga ito magtatago.
“Ma’am, sundo daw po ninyo.”
“Salamat, Manong Rexan,” sabi niya at tinapik ang balikat ng lalaki.
Inabutan din niya ito ng ekstrang tip. Kung anuman ang makita nito doon ay di nito sasabihin sa kahit na sino. May tiwala naman siya dito.
Dali-daling bumaba si Paloma sa kabilang pinto ng sasakyan bago pa siya makilala ni Jeyrick. Bitbit niya ang backpack niya na may lamang ilang damit. Naglakad siya palayo sa kotse at doon siya sinundan ng lalaki.
“Ma’am, ako ang magiging guide ninyo. Tawagin na lang ninyo akong Baloy.” Baloy ang tawag dito ng mga tao doon. Parang version ng “totoy” o “boy” sa mga Igorot.
Inabot nito ang kamay sa kanya. Nakapusod ang mahaba nitong buhok at nakapaloob sa cap. Nakabagsak ang bangs sa mga mata nito para di ito makilala agad.
“Hi!” sabi niya at inabot ng kamay dito. “Ako ‘yung estudyante ni Ma’am Fe.”
“Hi, Adelaida…” Kinamayan nito ang nanlalamig niyang kamay. Nanlaki ang mata nito nang mapagmasdan siyang mabuti. “Paloma?!”
Ngumiti ang dalaga. “Hello, Jeyrick!”