Finding Carrot Man 4: Forever Means By Your Side Chapter 28

"Habang buhay tayo, may pag-asa. At dapat ipagpasalamat natin sa Diyos ang mga simpleng biyaya na nakukuha natin. Tulad ngayon, di ko inaasahan na makakasama pa kita at makakausap. Nandito ka sa Kadaclan. Parang himala nga iyon.”

Parang isang anghel ang kausap ni Paloma nang mga oras na iyon. Sa dami ng magagandang bagay na dumating sa kanya, mas nakikita pa rin niya kung ano ang kulang at ang mali. Parang hindi siya kuntento. Laging may kulang.

Habang si Jeyrick ay masaya na humihinga ito at may nakakain ang pamilya nito. Masaya na itong kasama siya. Hindi ito mapaghanap. Ni wala itong hinihinging kahit ano sa kanya samantalang isang sabi lang nito sa kanya ay gagawin niya ang lahat para dito. Sikat na ito kung tutuusin pero mas gusto nitong ang pribado at simpleng buhay.

"Jeyrick, sana hayaan mo akong tulungan ka.”

Umiling ito at binitiwan siya. "Ayokong isipin ng mga tao na ginagamit lang kita. Kaya ko namang mag-sikap para sa sarili ko.”

Pumalatak si Paloma. "Huwag mong isipin ang iniisip ng ibang tao. Di naman sila ang bubuhay sa pamilya mo. Tama na 'yang pride mo. Kung ibang tao na di ko kilala natutulungan ko, ikaw pa kaya na malapit sa puso ko? Please.”

Mataman siya nitong tiningnan. Maaaninag ang pag-aalinlangan sa mga mata nito. "Pag-iisipan ko. Pero maligo ka na. Amoy maasim ka na."

"Baliw!” Hinatak niya ang kamay nito papunta sa tubig. “Sumama ka sa akin. Damay-damay tayo.”

“Magluluto pa ako,” paalala nito at itinuro ang pinaparingas nito.

“Mamaya na iyan. Di naman tayo magugutom agad. Malungkot lumangoy mag-isa.”

“Sandali!”

Pero wala nang nagawa ang binata nang hilahin niya hanggang sa malalim na parte ng falls. “Unahan tayong umakyat sa taas ng falls,” hamon ni Paloma. Dati na siyang nakaakyat sa Amfitayoc. She wanted to do it again.

“Hindi pwede. Magagasgasan ka,” tutol ni Jeyrick.

“Hindi na ako mahina, Jeyrick. Naka-survive ako sa pagtawid sa landslide. Maiwan ka diyan kung ayaw mo,” sabi niya at lumangoy pappunta sa falls.

“Paloma, tatanda agad ako sa iyo,” anang si Jeyrick at pilit siyang inunahan sa paglangoy sa gilid ng falls.

Tumawa lang si Paloma at di alintana kung parang nagyeyelo ang lamig ng tubig. Pakiramdam niya ay bata siya ulit. Bumalik siya sa pagiging seventeen noong wala pa silang pakialam sa sasabihin ng iba. It felt so good to be a teenager again. Na walang ibang mahalaga kundi ang makasama mo ang taong gusto niya. It was enough to complete her day.

Kung pwede lang ay ganito na lang sila ni Jeyrick palagi. Masaya. Walang iniintinding problema. Kung pwede lang kalimutan na niya ang mga reporter na naghihintay sa kanila ni Jeyrick, ang career niya na kailangan niyang isalba.

Nauna si Jeyrick na makarating sa gilid ng falls at humawak sa lubid. Wala itong kahirap-hirap na nakaakyat sa tuktok ng falls. Sumunod siya dito. Pinagmamasdan lang siya nito habang umaakyat. Naggiyagis ang ngipin niya nang sasampa na siya sa taas ng cliff. Paano kung hindi siya paakyatin ni Jeyrick?

Nakangiti nitong inabot ang kamay sa kanya. “Humawak ka.”

Inabot niya ang kamay nito at hinayaan siyang hilahin nito. Habol niya ang hininga nang makasampa sa taas ng cliff. Pumikit siya at nilasap ang preskong hangin. Saka niya pinagmasdan ang magandang tanawin mula sa taas ng talon. Malinaw pa rin ang tubig at napapaligiran pa rin ng mga puno ang ilog na bumabagsak sa talon.

“Ang ganda pa rin dito, hindi ba?” tanong ni Jeyrick. “Walang nagbago.”

“Akala ko hindi mo ako tutulungang umakyat dito.”

“Alam ko naman na gagawin mo pa rin kung ano ang gusto mo,” sabi nito at pinisil ang ilong niya.

“Kapag malungkot ako noon at nasu-suffocate ako sa gulo ng Maynila, naiisip ko ang lugar na ito. Na sana naririnig ko ulit ang lagaslas ng tubig. Kakanta ako. ‘Yung gusto kong kanta. ‘Yung kanta na ako mismo ang nag-compose. ‘Yung kanta na galing sa puso ko. Kakanta ako di dahil iyon ang marketable o iyon ang uso. Kahit na walang ibang makinig sa akin kakanta ako.”

Hinawakan ni Jeyrick ang kamay niya. “Nandito ako para laging makinig sa kanya. Kahit pa kanta ng mga bayawak iyan o baboy-ramo, makikinig pa rin ako sa iyo. Maa-appreciate ko iyan. Kaya huwag kang mawawalan ng tiwala sa sarili mo. Ako ang number one fan mo. Tandaan mo iyan.”

Tumingkayad siya at kinintalan ng halik ang pisngi nito. “Thank you, Jeyrick.” Yumakap siya sa baywang nito at humilig sa katawan nito. “I miss you a lot. Minsan kahit na maraming tao sa paligid ko, pakiramdam ko mag-isa pa rin ako at malungkot.”

“Kahit nasa malayo ka, tandaan mo na lagi mo akong kasama.”

Hindi. Ayaw na niyang malayo sa binata. Tutulungan niya si Jeyrick. Di nito kailangang pumasok sa mundo ng showbiz kung ayaw nito. Pero titiyakin niya na mas magiging maayos ang buhay nito at ng pamilya nito. Di niya ito bibitawan tulad ng di nito pagbitiw sa kanya.

PUMALAKPAK si Ma’am Fe nang iparinig ni Paloma dito ang kanta na nabuo niya para sa Kadaclan. Maghapon sila ni Jeyrick sa falls nang nagdaang araw. She was inspired. Nagsimula lang iyon bilang laro para sa kanila ni Jeyrick pero sa bawat pagtipa niya ng gitara ay dumadaloy naman ang salita mula dito. Malaki ang naitulong ng binata para mabuo ang lyrics.

“Ang ganda ng kanta mo,” anito at niyakap ang dalaga. “Pwede siguro na I-present iyan sa Menaliyam Festival sa Abril. Matutuwa ang mga tao dito dahil na-appreciate mo ang ganda ng lugar namin.”

“Alam naman po ninyo na may espesyal na lugar ang Kadaclan sa puso ko.”

“Narinig na ba iyan ni Jeyrick?” tanong nito.

“Hanggang chorus lang po. Kagabi ko po tinapos ang katuloy,” sabi niya.

“Dapat makasama ka sa festival namin. Pwede ka kayang imbitahan?”

Tumango siya. “Siyempre naman po. Malaking karangalan po kung makakasama ako sa festival ninyo. Naiku-kwento lang po iyon sa akin ni Jeyrick noon. Masaya daw po dahil ipinapakita ninyo ang kultura ng mga ninuno ninyo pati sinaunang palaro.”

“Totoo iyan. Ayaw naming makalimutan ng mga bata dito kung ano ang tradisyon ng mga ninuno namin. At sana maisalin pa iyon hanggang sa mga susunod na henerasyon,” puno ng pag-asang sabi ng matandang babae. “Salamat dahil naa-appreciate mo iyon.”

Isa sa kahanga-hanga sa Kadaclan ang mga kaugaliang ginagawa pa rin hanggang ngayon. Inaalagaan ng mga ito ang pamana ng mga ninuno gaya ng rice terraces at ang mga sinaunang kaugalian. Kahit na may modernong paniniwala, ipinagmamalaki pa rin ng mga ito ang mga tradisyon. And the Igorots were proud of their heritage.

“Pwede po bang iparinig ko kay Jeyrick itong kanta ko? Malayo po ba ang coffee farm dito?” tanong niya.

“Hindi. Taludturin mo lang ‘yung daan na iyan. Puro palayan iyan at may makikita kang bahay na maraming tanim na puno ng kape. Iyon na ang coffee farm. Mga sampung minuto mo lang namang lalakarin.” Tumayo ang matandang babae at itinuro ang matingkad na berdeng kulumpunan ng mga puno. “Sasamahan na kita.”

“Hindi na po. Ako na lang po. May meeting pa po kayo sa eskwelahan ngayon. Baka po ma-late pa kayo,” paalala niya dito.

Magbubukas ang night school para sa mga matatanda na hindi nakapag-aral. Sa palagay niya ay walang pinipiling edad ang edukasyon. Kahit siya ay gustong bumalik ng kolehiyo kung may pagkakataon at magkaroon ng college diploma.

“Dalhan mo ng pagkain. Minsan ang batang iyon kape at tinapay lang ang kinakain lalo na kapag maraming ginagawang trabaho.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.