Lumunok si Paloma. Mas gusto talaga ni Jeyrick na solohin ang problema at isekreto kaysa magpaliwanag sa kanya. "Si Ma'am Fe. Kailangan kong malaman, kailangan kong maintindihan kung bakit ka umalis. Huwag ka sanang magalit sa kanya. Sana sinabi mo sa akin. Hindi mo iyon dapat dinanas na mag-isa."
"Hindi mo na dapat malaman pa iyon. Ayokong makaabala pa sa iyo."
She gently held his face. "Jeyrick, akala ko mahalaga ako sa iyo. Dapat alam ko ang mga nangyayari sa iyo. Sana natulungan kita. At hindi ka dapat nag-quit sa kompetisyon. Malaking tulong sana ang pagsali mo sa You're A Star para sa pamilya mo. Hindi sana kayo gaanong nahirapan. Ikaw sana ang nasa pwesto ko ngayon. Ikaw sana ang sikat. Sana naging mas magaan ang buhay mo."
Kung nanatili si Jeyrick sa kompetisyon, baka ito pa ang nanalo. Tiyak na marami ang gagawa ng paraan para matulungan ang pamilya nito. Mas maraming oportunidad ang magbubukas dito lalo na sa talentong mayroon ito.
Tumiim ang anyo ng binata. "Paloma, ako ang pumili ng buhay na ito. Desisyon ko na umalis."
Pinahid ng dalaga ang luha gamit ang likod ng palad niya. "Pakiramdam ko inagaw ko ang magagandang bagay na para sa iyo. Isinuko mo ang oportunindad at ako ang nakinabang. Anong klase akong kaibigan na wala man lang akong nagawa para sa iyo?"
Hinawakan nito ang baba niya at inangat. "Wala kang inagaw sa akin. Ayokong sisihin mo ang sarili mo kung anuman ang magagandang bagay na tinatamasa mo ngayon. Para sa iyo iyan. Pinaghirapan mo iyan."
Pinaghirapan niya. Yet she felt undeserving and ungrateful. "Pero paano ka naman? Di mo ba naisip na sana ikaw ang sikat ngayon? Na hindi mo na sana kailangang magtrabaho nang mabigat sa bukid? Na mapag-aaral mo ang kapatid mo at pati na rin ang sarili mo?"
Hinaplos nito ang pisngi niya. "Wala akong pinagsisisihan sa desisyon ko. Masaya ako na makitang natutupad mo ang mga pangarap mo. Ikaw ang bumuo ng mga pangarap mo. At huwag mong sisisihin ang sarili mo kung di man ganoon kaganda ang nangyari sa buhay ko. Unfair iyon sa iyo."
Kasikatan. Magandang pamumuhay. Akala niya ay magiging masaya siya kapag sikat na siya at nasa kanya na ang maraming oportunidad. Akala niya ay iyon na ang katuparan ng mga pangarap niya. Pero puro kasinungalingan lang ang lahat. Ang kasikatan niya ay binuo lamang ng pagpapanggap. Walang totoo.
Dahil malayo pa rin siya sa tunay na tagumpay. Ayaw niyang sabihin kay Jeyrick ang totoong pinagdaanan niya. Kung paano siya nadisilusyon ng industriya ng showbiz. Na mas magaling siyang magpanggap kaysa sa pagiging magaling na mang-aawit. Na kailangan pa niyang magpanggap na nobya ng sikat na leading man na si Thirdy Concepcion para magkaroon ng trabaho at manatili sa limelight. Na iyon na ang maituturing niyang achievement.
Ayaw niyang isipin ni Jeyrick na sayang ang sakripisyo nito.
She tried to smile for his benefit. Inisip na lang niya kung ano ang magagandang bagay sa buhay niya ang naidulot ng pagsikat niya. "Salamat, Jeyrick. Dahil sa iyo nakasama ko na ulit ang nanay ko."
Sa lahat ng di magagandang napagdaanan niya sa showbiz, iyon marahil ang pinakamagandang nangyari sa kanya.
Umaliwalas ang mukha ng binata. "Napanood ko nga sa TV. Nakulong pala siya nang makapatay siya ng Arabo na muntik mang-rape sa kanya.”
"Malaking tulong ang paglabas ko sa TV. Na-trace siya. May mga nag-donate para sa blood money niya at nakalaya siya,” kwento niya dito. Kahit hindi siya nanalo noon sa singing competition, daig pa niya ang grand champion. She found her mother. Nabawi niya ang piraso ng puso niya na nawala.
"Nakita mo na? Dahil sumikat ka kaya nahanap mo ang nanay mo gaya ng pangarap mo. Sinabi ko naman sa iyo na baka may dahilan kaya di ka na niya nabalikan, hindi ba? Hindi ka niya iniwan katulad ng inaakala mo, na baka sawa na siyang mag-alaga sa iyo o kinalimutan ka na niya. Nakabalik na sa iyo ang nanay mo. Di dahil umalis ang isang tao at di na siya bumalik, di dahil ayaw ka na nilang makasama. May dahilan sila,” paliwanag nito sa magaang boses.
“Katulad mo. May dahilan kung bakit basta ka na lang umalis. Akala ko wala ka nang pakialam sa akin. Na kinalimutan mo na ako. Down na down ako noon lalo na kapag nilalait ako ng judges o napapagalitan ako ng mentors ko. At kilala mo naman si Tita Bevz, mas matindi pa ang comment sa mga judges.”
Tumango ang binata. “Oo. Alam ko na mahigpit siya.”
Niyakap niya ang sarili. “Pakiramdam ko madalas mag-isa lang ako sa laban. Kung nandoon ka sana alam ko palalakasin mo ang loob ko. Kaya nga hanggang finals sinubukan ko na ipa-contact ka. Gusto ko na manood ka. Para maramdaman ko na may kakampi ako. Na kaya ko.”
“Pasensiya ka na. Kung pwede lang nandoon ako sa tabi mo. Sinubukan ko na pumunta pero... hindi ko pwedeng iwan ang pamilya ko. Nandoon si Lerome pero di na daw siya pinalapit sa iyo." Hinaplos nito ang buhok niya. "May mga naging kaibigan na kasama mo sa trabaho, di ba? Naging masaya ka?"
"May mga aging kaibigan ako. Pero mahigpit ang kompetisyon sa mundo na iyon, Jeyrick. Pag nasa taas ka, hihilahin ka pababa. At kapag nasa baba ka na, masaya pa silang tadyak-tadyakan ka. Iba pa rin ang samahan natin." Tumutulong ito nang walang hinihinging kapalit. Wala itong sama ng loob kahit na nagawa nitong isuko ang pagkakataong gumanda ang buhay para matupad niya ang pangarap niya. At hanggang ngayon, wala siyang nakikitang pait sa puso nito. "Tapos ako pa itong walang naitulong sa iyo. Habang nagsu-shooting ako, ikaw naman mabigat ang trabaho sa bukid. Habang nag-aaral ako ng kanta, pinag-aaral mo naman ang mga kapatid mo. Anong klaseng kaibigan ba ako kung wala akong naitulong sa iyo?"
Naisip niya ang mga pera na nagastos niya sa di gaanong importanteng bagay. Ang ilan doon ay dahil gusto lang magpasikat ng tiyahin niya at nang may mai-post siya sa social media accounts niya.
Hinawakan ni Jeyrick ang kamay niya. "Alam ko na malayo ang buhay ko kaysa sa pinapangarap ko. Dati sa edad na ito, gusto ko nang patigilin sa pagtatrabaho ang mga magulang ko. Na sana engineer na ako at napatayuan ko na rin ng bahay ang mga kapatid ko. Pero mabait pa rin ang Diyos sa pamilya namin. May mabubuting tao na tumulong sa amin. Ang kaibigan kong si Lerome inilapit kami sa government agencies at NGO. May mga kamag-anak din kami na sumagot ng gamit sa eskwela ng mga kapatid ko. Sila rin ang nagbibigay sa akin ng trabaho. Di man ako sumikat pero nalampasan naming pamilya ang mga pagsubok. Simple lang ang buhay namin pero masaya kami. Nakakaraos kami sa buhay. Sapat na iyon para ipagpasalamat ko.”
Namangha si Paloma habang pinagmamasdan ang mapayapang mukha ng binata. "Ibang klase ka talaga. Marami akong kakilala na nagrereklamo sa simpleng bagay. Isang pimple lang parang gusto nang maghurumentado. Pero ikaw nanatili kang positibo sa dami ng pagsubok na pinagdaanan mo. Masaya ka pa rin."