Finding Carrot Man 4: Forever Means By Your Side Chapter 30

Ikiniling ni Jeyrick ang ulo. "Pero sikat ka na. Hindi mo na kailangang gawin ito.”

"Image lang iyong sosyal-sosyal. Marami akong kilalang sikat pero simple pa ring tao. May mabubuting mga tao sa showbiz na gusto ng simpleng buhay. May mga di nga interesado na magsuklay o mag-make up man lang kapag wala naman sila sa harap ng camera. Di lang naibabalita dahil iba ang gustong pag-usapan ng mga tao. Minsan din natatakot sila na kapag lumabas ang totoo nilang pagkatao, masisira ang image nila at di sila magugustuhan ng mga fans nila. Ganoon," usal niya at nagkibit-ballikat. Gaya ng image na kailangan niyang pangalagaan ayon sa standard ng tiyahin niya.

Lumamlam ang mga mata ng binata. “Ayokong mangyari iyon. Ayokong magpanggap. Simple lang naman ang buhay ko. Wala akong pakialam sa sasabihin ng iba. Mas gusto kong maging totoo.”

Parang tinadyakan si Paloma sa dibdib. Hindi siya nagiging totoo kay Jeyrick. Hindi rin siya totoo sa sinasabi niya sa publiko. Gusto ni Jeyrick ng tahimik na buhay. Pero kailangan niyang kaladkarin ang lalaki sa magulong mundo ng showbiz.

"Mabuti kung ganoon. Pero sana huwag mong husgahan ang ibang tao kung kailangan nilang magpanggap o magsinungaling. Minsan di naman nila gusto. Minsan kailangan lang,” sabi niya dito sa kawalan ng maikakatwiran.

Nagpatuloy siya sa pagpupulot. She could feel his curious gaze on her. Anim na taon silang hindi nagkita si Jeyrick. Kahit na nagkukwento sila sa naging buhay niya, marami pa rin siyang hindi sinasabi dito.

“Paloma, masaya ka ba sa showbiz?” tanong ni Jeyrick.

“Oo naman. Pangarap ko ito,” nakangiti niyang sagot dito.

“Pakiramdam ko kasi minsan hindi ka masaya. Pero nagtataka ako bakit nandiyan ka pa rin.”

Kinuyom niya ang palad na may naipong civet droppings. “Jeyrick, hindi perpekto ang mundo ng showbiz, aaminin ko. Pero ito ang mundo ko. Dito ko binubuhay ang pamilya ko. I have fans. Sa sarili kong paraan, alam ko na napapasaya ko sila.”

He gave her a warm smile. "Tama. May mga tao kang napapasaya kahit di mo alam. At kung aalis ka ng showbiz, mami-miss ka nila. Hahanap-hanapin din kita.”

Kung pwede lang di ako umalis sa tabi mo, Jeyrick. Kung pwede manatili na lang tayo sa Kadaclan. Nakakadama siya ng kapayapaan sa piling nito. Hindi niya kailangang maging sikat, magkaroon ng role sa sikat na pelikula at teleserye o magkaroon ng hit album o laging mag-trending para maging significant at masaya.

“Ang layo na ng narating natin pero parang kokonti pa rin ang napupulot natin,” puna ni Jeyrick. "Nabanggit na iyan dati sa amin ng Agriculture Office pero wala namang bumibili madalas ng mga kape."

"Meron iyan. May mga kakilala ako na may-ari ng cafe sa Manila. Pwede nating ialok iyan. Kung sisikat ka, malaking tulong para mai-promote ang agricultural products ninyo dito sa Kadaclan. Hindi lang kape ang sisikat. Pati pamana rice at walis tambo ninyo, pwede nating ibenta.”

"Kung sisikat ako? Paano ako sisikat?" naguguluhang tanong ni Jeyrick.

Nanigas ang buong katawan ni Paloma. Nadulas ang dila niya. Sasabihin ba niyang alam niyang ito si Carrot Man? Paano kung masamain nito? Banta siya sa privacy at katahimikan ng binata. Lalong nagiging mahirap para sa kanya na sabihin ang pakay niya.

"Ano... naisip ko kasi na pwede kong i-post ang picture ko dito pagbalik ko ng Manila. Pwede kitang i-refer na guide ko. Okay iyon, di ba?" palusot ng dalaga at tinalunton ang trail na puro pine trees na.

"Gagamitin kita?" tanong ni Jeyrick.

“Hindi mo ako gagamitin. Tulong ko iyon sa iyo. Tulong ko sa Kadaclan. At sasabihin ko lang naman kung ano ang totoo. Na nag-enjoy ako habang nandito. Marami kayong pwedeng I-offer sa mga turista, Jeyrick. Pagkakataon na ito para mai-showcase ang Kadaclan sa ibang tao.”

"May nai-shoot nang travel show dito. Ilalabas nila ang magagandang tourist spots ng Barlig."

"Lalabas ka na sa TV?" excited niyang tanong dito. Sa palagay niya ay positibo iyon kung magkakaroon ng exposure si Jeyrick sa telebisyon.

Ipinilig nito ang ulo. "Di siguro ako gaanong mahahagip ng camera. Marami naman kaming guide doon."

"Tutulong ako. Pasisikatin natin ang buong bayan ng Barlig,” sabi niya at ibinuka ang mga bisig. “Gusto ko na ma-experience nila kung paano maging masaya katulad ko. Kaso baka naman dumugin ka ng fans kapag sumikat ka. Parang ayaw kitang i-expose sa iba."

"Nagseselos ka?" nanunukso nitong tanong.

"Oo,” walang gatol niyang sagot.

Nag-init ang mga mata niya nang maalala ang mga comments dito sa internet. Kung paano itong pagkaguluhan ng mga kababaihan at mga beki. Sinundan pa ito ng ibang mga fans sa Barlig. Higit sa lahat ay nariyan si Beliza. Di niya alam kung ano ang pakay nito sa pagsasabing girlfriend nito si Jeyrick. Pero sa loob ng anim na taon ay inokupa nito ang pwesto niya dati sa buhay ni Jeyrick. May dahilan siya para magselos.

Umangat ang gilid ng labi ni Jeyrick. Parang kumikindat sa kanya ang isang malalim na dimple nito. “At nagseselos ka dahil…”

Napipilan si Paloma. Tama ba na sabihin niyang mahal niya ito? Ano ang klase ng relasyon na maiaalok niya dito kung tututukan din sila ng mga camera sa huli. Hindi niya kayang ibigay dito ang privacy na hinihiling nito. At maraming responsibilidad ang dalaga. Hindi niya alam kung hanggang anong parte ng buhay niya ang kailangan niyang isuko para lang sa pangarap niya para sa pamilya niya.

Iniwas niya ang tingin kay Jeyrick. "Bumalik na tayo sa coffee farm. Uulan na.”

Inalis nito ang cap at ipinatong sa ulo niya. “Balatuhan mo na lang ako kapag kumita ka na diyan sa kape mo,” pabirong sabi ni Jeyrick.

Ngumiti ang dalaga pero di umabot sa mga mata niya. Abuhin na ang langit at bumababa na ang ulap. Malamig ang hangin subalit mas malamig ang puso ni Paloma.

Malalaman din ni Jeyrick na alam niya na ito si Carrot Man. Matutunton din ito ng ibang tao. Malalaman din nito ang tungkol sa interview niya at ang totoong pakay niya dito. I need more time. Gusto ko pang makasama si Jeyrick nang kami lang. Ayoko munang maging Carrot Man siya.

Dahil oras na malaman ni Jeyrick ang totoo, di niya alam kung gusto pa nitong maging bahagi siya ng buhay nito.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.