“I MISS you. I miss our colorful days. I wish you are here with me. Come back to me, my shiny boy.”
Nang ibagsak ni Paloma ang huling chord sa gitara ay nakahinga siya nang maluwag. Sa wakas ay nakanta na niya kay Jeyrick ang isa sa kanta na ginawa niya para dito. And it felt so great.
Malakas ang ulan kaya hindi pa makaalis si Paloma sa kubo nito. Kaya naman nagkantahan lang sila ng binata. Hindi siya magsasawa na kantahan ito. He was very appreciative and very enthusiastic. Parang nag-aabang ito sa bawat bibitawan niyang salita at nota.
Pero nagtaka siya nang makitang nakayuko lang ang binata nang di man lang tumitinag. Wala itong reaksyon. Samantalang kanina ay pumapalakpak agad ito kapag natapos siyang kumanta. Anong nangyari? Nakatulog na ba ito? Na-bore na ba ito sa kanta niya o napagod na ito sa pakikinig sa kanya?
Tumayo siya para gisingin ito at pahigain para makatulog itong mabuti. Nakakangalay na makatulog nang nakaupo lang. Binulabog nga pala niya ang tulog nito kaninang umaga kaya siguro di na nito napigilan ang antok.
Akmang hahawakan ni Paloma ang balikat nito nang bigla iyong yumugyog. Gising si Jeyrick. Pilit niyang inaninag ang mukha nito pero nakatabing ang buhok sa mukha nito.
“Hoy, anong nangyari sa iyo?” tanong niya.
“Nalulungkot ako sa kanta mo. Maganda,” anito sa nanginginig na boses.
Umuklo siya sa harap nito at pilit na sinipat ang mukha nito. Hinawakan niya ang baba ni Jeyrick at nakita niya na basa ng luha ang mukha nito. “Umiiyak ka dahil sa kanta?”
Dali-dali nitong pinunasan ang luha. “Pinagtatawanan mo ba ako?”
“Hindi,” sabi niya at hinawi ang buhok nito.
Alam niyang emotional na tao si Jeyrick pero di niya inaasahan na ganoon ito ka-sensitive. Walang itatago ang binata. He always wore his heart on his sleeve. At hindi ito natatakot na ipakita kung ano ang totoong nararamdaman nito. Hindi ito natatakot na magmukhang mahina sa harap niya.
Mistulang isang produkto ang luha sa mundong ginagawalan niya. Minsan sa mga interview, di niya alam kung totoong luha ang nakikita niya o nagpapaawa lang. But with Jeyrick, she knew it was real. His tears were pure.
He was a novelty. He could be easily exploited if he was not careful. Someone as beautiful as him could be easily destroyed.
“Nararamdaman ko ang sakit sa kanta mo. You are longing for someone you love. Lahat ng kanta mo tumatagos sa puso. Paanong ayaw ka nilang bigyan ng album?” masama ang loob na tanong ni Jeyrick. “Wala man lang bang nagka-interes na pakinggan ang kanta mo? Wala bang naka-appreciate?”
“May kaibigan ako na gustong tumugtog ako sa bar niya bago ako pumunta dito. Everything was okay. Pero bigla siyang nag-cancel.”
Kinagat niya ang pang-ibabang labi. Hindi niya masabi dito na ginigipit siya ni Thirdy. At kahit pa makapag-perform siya, alam niyang may mga taong gagawa ng paraan para hilahin siya pababa. May mga tao na gustong maging sunud-sunuran lang siya at patuloy na magpanggap.
“Bakit hindi ka mag-record ng kanta mo at ilagay mo sa internet? May mga ibang tao na ganoon ang ginagawa. Sigurado ako na di lang ako ang makaka-appreciate ng talento mo,” sabi ni Jeyrick at ginagap ang kamay niya. “Kailangan mo lang marinig.”
Mariing nagdikit ang mga labi niya. “Hindi ako basta-basta makakagalaw nang walang go signal ni Tita Bevz. Siya ang may hawak ng social media network ko. May quality ng performance daw ako na kailangan kong I-maintain.”
Nakakasakal na minsan pero wala siyang magawa. Dahil walang lugar ang pagrerebelde sa tiyahin niya. Hawak nito ang leeg niya. Ito ang may hawak ng career niya.
“Subukan ko, Paloma. Malayo na ang narating mo. Marami ka nang pinaghirapan. Ngayon mo pa ba ipagkakait sa sarili mo na ilabas ang talento mo? Tutulungan kitang gumawa ng video. Kapag mas gumanda ang panahon, pwede tayong kumuha ng video mo sa falls. Sigurado ako na magugustuhan ng mga tao ang kanta mo. Hindi kita titigilan hangga’t hindi ka pumapayag.”
“Jeyrick…” usal niya at naramdaman ang pag-iinit ng mga mata. “Gagawin mo talaga iyon para sa akin?” Niyakap niya nang mahigpit ang binata. “Thank you. Bago ako pumunta dito, pakiramdam ko wala akong lakas para gawin ang bagay na gusto ko. Na wala naman talagang nakaka-recognize ng talento ko. Gusto nila ikahon lang ako. Pero nandito ka at naniniwala sa akin. Gaya ng dati.”
Si Jeyrick ang kasama niya nang ma-compose niya ang una niyang kanta. Ito rin ang nag-encourage sa kanya para tugtugin iyon sa harap ng maraming tao. He was not patronizing. Alam nito ang kakayanan niya at di ito bumibitaw hangga’t di niya iyon naipapakita sa maraming tao. At malaking bagay iyon sa kanya dahil unti-unti na siyang nawawalan ng pag-asa. Parang inaanod ng ulan ang tiwala niya sa sarili hanggang marinig uli siya nito, hanggang ipakita nito ang tiwala sa kanya.
“Paloma, maliit na bagay lang iyon.” Pinisil nito ang kamay niya. “Alam ko na importante din ang mga kanta mo sa iyo. Importante din ang taong dahilan kung bakit ginawa mo ang mga kanta na iyan. Dapat makarating iyan sa taong pinag-aalayan mo ng kanta. Dapat malaman niya kung ano ang nararamdaman mo.”
“Naiparinig ko na sa kanya,” usal ni Paloma.
Naging malungkot ang mga mata nito. “Oo nga pala. Nasabi mo nang naiparinig mo iyan kay Thirdy. Kung iyan pa ang nararamdaman mo sa kanya, bakit di mo siya balikan? Nakita ko noong nasa Baguio tayo. Sinundan ka pa niya.”
Malinaw pa sa alalala ni Paloma ang gabing iyon. Animo’y ibon siya na nakawala sa hawla. Sa loob ng ilang sandali, parang naangkin ulit niya ang buhay niya. Ni hindi niya kailangang pigilan ang puso niya na makaramdam at maging masaya. Ni wala siyang pakialam kung ano ang sasabihin ng ibang tao basta kasama niya si Jeyrick.
Pero sa huli, kailangan pa rin niyang bumalik sa realidad. Katulad ngayon. Pero sa pagkakataong ito ay wala na siyang balak na bumalik sa kay Thirdy kahit hilahin siya sa buhok. Ngayon ay malaya na niyang masasabi sa kay Jeyrick kung ano ang tunay na nilalaman ng puso niya.
Hinaplos niya ang pisngi ni Jeyrick at tiningala ito. “Hindi si Thirdy ang dahilan kung bakit ako na-compose ang mga kanta. Hindi niya ako na-inspire. Hindi siya ang hinahanap-hanap ko. Hindi siya ang nami-miss ko. Hindi siya ang hinihiling ko na nasa tabi ko. Hindi para sa kanya ang kanta na iyon.”
Kumunot ang noo ng binata. “Para kanino? May iba kang gusto bukod sa kanya?”
“Kakakanta ko pa lang sa taong iyon ng kantang iyon iyon at masaya ako na nagustuhan niya. Para sa iyo ang kanta na iyon, Jeyrick. Laylayden sik a.”