Finding Carrot Man 4: Forever Means By Your Side Chapter 33

“Ako,” sagot naman ni Jeyrick at itinuro ang sarili.

“Nandito ako dahil ikaw ang gusto kong makasama. Ikaw ang pinili ko. Ako at ng puso ko ang magdedesisyon kung sino ang bagay sa akin. Hindi ibang tao. Hindi naman sila ang pwdeng magsabi kung sino at ano ang dapat na magpasaya sa akin,” paglilinaw ni Paloma. Pero mukhang di iyon sapat para makumbinsi ang binata.

“Parang perpekto na si Thirdy. Lahat yata gusto siya. Matagal mo rin siyang naging boyfriend. Tatlong taon din ang pinagsamahan ninyo. Tapos malalaman nila na sa isang taga-tribo sa Cordilera lang na magsasaka at tourist guide ang ipapalit mo sa idolo ng lahat na si Thirdy Concepcion.”

“Hindi naman perpekto ang gusto kong buhay, Jeyrick. Kahit na gaano pa kaperpekto ang isang tao, di ibig sabihin siya ang tama para sa akin.” Lumakad siya papunta sa bintana at pinagmasdan ang malakas na ulan sa labas. “Sa loob ng mahabang panahon, akala ko masaya ako sa buhay ko. Sabi nila nasa akin na ang lahat - magandang career, maraming oportunidad at isang boyfriend na gustong makuha ng lahat. Di na daw ako dapat magreklamo. Dapat makontento na ako. Na maswerte daw ako dahil ako daw ang nagustuhan ni Thirdy. I thought it was okay. I thought I was fine.”

Because it was not really a relationship. She was a full-time actress. May mga direktor at scriptwriter sa paligid nila ni Thirdy. Beinte-kuwatro oras sa loob ng tatlong taon siya na nagpanggap na masaya sa piling nito. Daig pa niya ang robot. Wala siyang pahinga. Lahat ng kilos ay idinidikta ng tiyahin niya at ni Thirdy.

Mariing pumikit si Paloma. “But I was dying inside, Jeyrick. Basta ang alam ko hindi na ako masaya. Parang tumitibok na lang ang puso ko pero wala na akong nararamdaman. Pero nang makita ulit kita, parang nabuhay ulit ang puso ko. Alam ko may kulang sa buhay ko - ikaw. Hindi mahalaga sa akin kung hindi ka mayaman o kasing sikat ni Thirdy. You are the only one who could make my heart sing.”

Tumayo ito at niyakap ang baywang niya mula sa likuran. “Magandang regalo ito para sa akin, Paloma. Salamat kasi minahal mo ako kahit di naman ako perpekto.”

Pumikit si Paloma at ninamnam ang init ng yakap nito. “Oo. This is what I call perfect, Jeyrick. Here in your arms. ‘Yung tayo lang dalawa. Malayo sa mga reporter na nakabantay sa bawat kilos ko at sa mga mata ng publiko na manghuhusga sa atin.”

Subalit nararamdaman pa rin niya ang tensyon ng binata. “Paloma, bakasyon lang ito para sa iyo.”

Tiningala niya ito. “Anong ibig mong sabihin?”

“Parang magandang panaginip lang ang lahat ng ito. Hindi ito ang mundo mo. Wala dito sa Kadaclan ang mga pangarap mo. Nasa Maynila ang buhay mo. Hindi ka isang ordinaryong babae lang. Hindi kita inaasahang dito mananatili sa Kadaclan habambuhay. Alam ko naman na may buhay na naghihintay sa iyo sa Maynila. Baka kapag bumalik ka doon, magbago na rin ang isip mo pati ang nararamdaman mo para sa akin.”

Kumalas si Paloma sa pagkakayakap dito at itinulak ito palayo. “Nakakainis ka na, ha? Panira ng moment. Ang saya-saya natin dito tapos iniisip mo na matatapos agad ito?”

“Iyon ang realidad. Ikaw si Paloma Escalante. Hindi kita maaalok ng magarbong buhay. Nakita mo naman kung gaano kasimple ang buhay ko dito. Magbubukid ako, may pinag-aaral na mga kapatid at di ganoon kalaki ang kita ko bilang tourist guide. Dati may excuse pa ako kung bakit hindi pantay ang buhay natin. Estudyante pa lang ako noon. Pero ngayon iba na. May mga responsibilidad ako sa pamilya ko at may responsibilidad ka sa pamilya mo. Di ka ordinaryong tao, Paloma. Artista ka. May fans ka na pinangangalagaan. Mahalaga ang imahe mo sa publiko. Sa ayaw at sa gusto mo, pag-aari ka ng publiko. At magiging pag-aari na rin nila ako. Plano mo ba akong itago?”

Magkahalo ang lungkot at takot sa mga mata nito. Reality hit her hard. Magkaiba ang mundong ginagalawan nila. Sa ayaw niya’t sa gusto, makikialam ang publiko sa magiging relasyon nilang dalawa. Nanganganib ang tahimik na buhay ni Jeyrick. Ayaw din naman niya na lumabas ito sa publiko bilang nobyo niya at sabihing ginagamit lang siya nito o ginagamit niya ito gaya ng paniniwala niya.

“Hindi ko naman obligasyon na ipaalam ang relasyon natin sa publiko. Pero kung may magtatanong, di naman natin kailangang magpaliwanag,” sabi niya kay Jeyrick.

Gusto niyang ipagsigawan sa mundo kung gaano niya kamahal si Jeyrick. Gusto niyang ipagmalaki ang lalaking mahal niya. Pero alam niya na hindi ganoon kasimple ang lahat. Mas mapoprotektahan niya si Jeyrick kung magiging sekreto ang relasyon nila. Kailangan lang niyang makausap ang binata sa tunay na kalakaran ng showbiz. Sa ayaw niya’t sa gusto, haharap at haharap pa rin ito sa publiko bilang si Carrot Man.

Nagkibit-balikat ang binata. “Wala kang kailangang problemahin. Nandito lang naman ako sa Cordillera. Walang makakaalam ng relasyon natin. Di ako pag-iinteresan ng mga reporter.”

He was wrong. In-underestimate nito ang kasikatan nito bilang si Carrot Man. Maaring pakakawalan ito ng reporters sa ngayon pero gagawa at gagawa ng paraan ang tiyahin niya para tiyaking makukuha nito si Jeyrick. Hindi titigil ang Tita Bevz niya. Misyon niya na idala si Jeyrick sa mundo ng showbiz. Kailangang mabuksan niya ang isipan nito sa pagpasok sa showbiz, para na rin sa kinabukasan nito.

“Jeyrick, ayaw mo bang magkasama tayo nang mas madalas? A-Ayaw mo bang subukan mag-showbiz?” marahan niyang tanong at hinawakan ang kamay nito. “Sumama ka sa akin sa Manila. Maraming opportunity na naghihintay sa iyo doon.

Kuntodo iling ang binata, di maipinta ang mukha. "Hindi ko talaga forte iyan. Saka sino ba naman ako para sumikat? Walang magkakainteres sa akin.”

Tinapik niya ang kamay nito. “You are talented. Magaling kang kumanta at napatunayan na natin iyan. At Filipino na Filipino ang itsura mo. Pwede kang maging model. Pagkakaguluhan ng mga babae ang dimples mo naman iyan. Pwede kang I-make over at maraming magkaka-interes sa iyo.”

May fans club na ito. Napatunayan na niya na may X-factor ito dahil sinundan ito ng mga fans nito hanggang sa Cordillera.

“Akala ko ba nagseselos ka pag may nagkakagusto sa akin na ibang babae?” magkasalubong ang kilay na tanong nito. “Di ba mas mabuti nga kung magtago na lang ako sa mga tao?”

“Selosa ako pero maiintindihan ko ang trabaho mo, lalo na kung trabaho mo na magustuhan ng mga tao.” Yumakap siya sa leeg nito. “Saka confident naman ako na ako ang gusto mo. I don’t have to be worried.”

Bilang nobya nito ay hahabaan niya ang pasensiya. Once in public, she must share a part of Jeyrick to other people. Gaya nang ibinabahagi niya ang parte niya sa mga fans niya.

Fans could be rabid. Pakiramdam ng iba sa mga ito ay pag-aari ang idolo ng mga ito. Mabuti na lang at naging nobya na siya ni Thirdy Concepcion. Di man siya nakaramdam ng selos dito, sanay naman siyang sugurin at I-bash ng ibang fans nito. They could be so mean and won’t respect boundaries.

Siguro naman ay kakayanin din niyang maging professional girlfriend pagdating kay Jeyrick. Hindi siya magseselos. Ngingiti lang siya sa mga basher. Mas mahalaga ang career ni Jeyrick. Mas mahalaga na umunlad ang pamilya nito. Naroon lang siya sa tabi nito para makatulong at suportahan ito sa mga pangarap nito.

Humalukipkip ito. “Paloma, di naman ako madadala ng mga pa-cute-cute lang. Alam ko na para tumagal sa industriya, kailangan maging magaling talaga. “Hindi ako tatagal nang dimples lang. Kailangan kong maraming ipakita na kakayanan sa mga tao.”

“Papasok ka sa workshop. Hahasain nila ang kakayanan mo.” Pinagpag niya ang balikat nito. “Nandito ako para alalayan ka. Pwede kong kausapin si Tita Bevz.”

Nahintatakutan siya nitong tiningnan. “Hindi ka papayagan ng tita mo na mapalapit sa akin. Tiyak na ilalayo ka niya sa akin. Iisipin niya na inaabuso ang kabaitan mo. Sigurado ako na mas gugustuhin niya si Thirdy Concepcion para sa iyo. Kalimutan mo na lang. Hindi ako papasok sa showbiz.”

“Ayaw mo bang bigyan ng chance si Tita Bevz? Alam ko na hindi maganda ang impression na iniwan niya sa iyo. Perfectionist kasi si Tita. Pero sigurado ako na matutulungan ka niya. Subukan mo muna.”

Hindi na ito itataboy ng tiyahin niya. She would welcome him with open arms. Baka nga tratuhin pa ito na parang VIP katulad ng pagtrato kay Thirdy. Hindi na ito ang simpleng si Jeyrick lang na nagkakargardor sa palengke para may maibaon at maipantustos sa pag-aaral. Ito na ang internet sensation na si Carrot Man.

Nagkibit-balikat ang binata. “Hindi ko talaga nakikita sa ganoong kalagayan ang sarili ko, Paloma.”

“Ayaw mo ba akong magkasama?” tanong niya at humilig sa dibdib nito.

“Siyempre gusto kitang makasama pero…”

“Basta sumama ka lang sa akin sa Manila. Hindi mo kailangang mag-artista kung ayaw mo. Pero maraming opportunities na naghihintay sa iyo. Isipin mo na lang kung gaano kalaki ang maitutulong nito sa pamilya mo.”

“Ayoko ring mawala ka sa akin, Paloma. Ngayon na lang ulit tayo nagkasama. Pero hindi tayo habambuhay na pwedeng magtago. Kahit di ako mag-artista, di natin maitatago ang relasyon natin. Mapapansin ka dahil mula kay Thirdy Concepcion, isang hamak na gaya ko ang pipiliin nila. Pagtatawanan ka nila. Paloma, iisipin nila na ginagamit lang kita. Na pinulot mo lang ako sa kung saan.”

“Jeyrick, hindi ka pinulot lang sa kung saan. Tandaan mo na di ako papayag na hilahin mo pababa ang sarili mo. Huwag mong pakikinggan kung ano ang sasabihin ng iba sa iyo dahil talento mo ang pinag-uusapan dito at ang kinabukasan mo. Subukan mo muna. Kung hindi para sa akin, para sa pamilya mo. Di mo naman hihingin ang kikitain mo, Jeyrick. Paghihirapan mo iyon kaya wala kang dapat na ikahiya,” giit ni Paloma.

Pagak itong tumawa. “Hindi ko alam, Paloma. Parang nananaginip pa nga ako ngayon nang sabihin mo na mahal mo ako. Tapos ngayon gusto mo na sumama ako sa iyo sa Maynila. Parang magandang panaginip lang ang lahat. Baka mamaya magising na lang ako basta at hindi pala totoo ang lahat ng ito.”

Kinuha niya ang kamay nito at idinikit sa pisngi niya. “Totoo ang lahat ng ito. Alam ko hindi madali dahil magbabago ang buhay mo. Mas komportable ka sa buhay mo dito. Pero binibigyan kita ng isang magandang pagkakataon para mabago ang buhay ng pamilya mo. Para mabago ang buhay mo. Para matupad mo ang pangarap mo. At pangarap ko rin na makasama, Jeyrick. Hindi ako aalis dito sa Kadaclan nang di ka kasama. I don’t want to miss you anymore. Ayoko nang malungkot. Ayokong mapalayo sa inspirasyon ko. Six years na tayong nagkahiwalay. Ayokong mawala ka pa sa akin.”

Kinintalan nito ng halik ang pulsuhan niya. “Natatakot ako pero gusto kong subukan.”

“Sasama ka sa akin pabalik ng Manila?” excited niyang tanong.

“Kailangan ko munang makausap ang pamilya ko tungkol dito. Buhay din nila ito. Maaapektuhan din sila sa pag-alis ko.”

“No problem, Jeyrick. Alam mo naman na sila ang priority mo. Katulad nang priority ko rin ang pamilya ko. Anuman ang desisyon nila, irerespeto ko.”

Gaya ni Jeyrick, simple lang din ang pamilya nito at mapagpakumbaba. Anuman ang maging desisyon ng mga ito, sana ay makagawa siya ng pagkakataon upang makatulong sa mga ito sa kahit anong paraan. Tutal ay parang pamilya na rin niya ang mga ito.

“Gusto mo ba silang makita?”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.