“LAYLAYDEN sik a,” usal ni Jeyrick habang di makapaniwala na nakatitig sa kanya. “Alam mo ba kung ano ang ibig sabihin ng salitang iyon?”
Magkakahalo ang emosyon sa mukha ni Jeyrick. Naroon ang pagkagulat at pag-aalinlangan. Mababanaag sa mga mata nito ang tuwa at pag-asam. Dahil para sa kahit na sino, iyon ang pinakamagandang salitang Igorot o Kankana-ey na pwedeng sabihin sa isang tao. At parang sasabog ang puso ng dalaga nang sabihin iyon.
Bahagyang pinisil ni Paloma ang pisngi ng binata. “Oo naman. Hindi ko nakakalimutan. Natitiyak ko na hindi “good night” ang ibig sabihin no’n gaya ng unang itinuro mo sa akin.”
“Hindi biro ang salitang iyan. Magseryoso ka,” nagbabantang sabi ng binata.
Kinintalan ng halik ang labi nito para ipakita kung gaano siya kaseryoso at kasinsero. She kissed him to erase his doubts. It was her first real kiss. A kiss that she wanted. Halik na hindi nakabase lang sa script at pagpapanggap. Halik iyon para sa lalaking laman ng puso niya. It was the kiss she dreamt about. Like a fairy tale kiss.
Iyon ang halik na gusto niyang ibigay dito nang ma-compose niya ang unang kanta habang nakatitig sila sa mga bituin. Nahalikan sana niya ito matapos niyang kantahin ang original composition niya sa harap ng mga hurado ng You’re A Star at mapili silang dalawa ng binata sa susunod na round. Hinagkan sana niya ito nang malaman niya na napasok siya sa live show at ipapadala sa Maynila. Pinangarap din niyang halikan ito nang makarating siya sa finals ng You’re A Star.
She won’t hold back anymore. Dahil baka lumampas na naman ang pagkakataon at pagsisihan niya. This was her only chance to be with Jeyrick. At parang ulap siya na lumulutang sa asul na langit. She was finally free to say what her heart wanted. Parang sasabog ang puso niya sa saya.
“Mahal kita, Jeyrick. Sa simula pa lang, ikaw na ang nakaka-inspire sa akin na mag-compose ng kanta. At ang mga kanta na iyan, ginawa ko iyan noong di ko pa boyfriend si Thirdy. Kaya siguro naramdaman mo kasi para talaga iyon sa iyo. Ikaw ang nami-miss ko. Ikaw ang hinahanap ko. Ikaw ang gusto kong manatili sa buhay ko.”
“Dati mo pa ako mahal?” namamanghang usal nito. Tumawa ito at hinawakan ang labi. “Para sa akin ang kanta na iyon.” At nangilid ulit ang luha nito. “At mahal mo ako. Ako talaga?”
Marahan siyang tumango. “Di ako nagkaroon ng pagkakataon na sabihin sa iyo noon. Masyado pa tayong bata. I don’t want to burden you with my feelings. Ayokong mahati ang atensiyon at nararamdaman mo sa mga bagay na mahalaga sa iyo. Kasi alam ko priority mo ang pamilya mo at ang pag-aaral mo.”
“Hindi bilang kaibigan ang pagmamahal mo sa akin?” naniniyak na tanong nito.
“Jeyrick, higit pa sa kaibigan ang tingin ko sa iyo. Anim na taon ang lumipas at akala ko mawawala iyon. Pero nandito ka pa rin, nasa puso ko pa rin. Ipinaglaban kita. Kahit nang sabihin ni Tita Bevz na ayaw niyang maging parte ka pa ng buhay ko, ipinaglaban kita. Kahit nang putulin mo na ang komunikasyon mo sa akin at sinabi ko sa sarili ko na dapat kalimutan na kita, hindi namatay ang pagmamahal ko sa iyo. Hindi iyon nagbago kahit anim na taon na ang lumipas. ‘Yung pagmamahal ko sa iyo ang nagbibigay sa akin ng dahilan para maging masaya. Pakiramdam ko bata ulit ako dahil sa iyo. Na pwede pa rin akong mangarap nang kasama ka. Naniniwala ka ba sa akin?”
“Parang… parang hindi totoo. Kahit dati pa di ko naman inaasahan na magugutuhan mo ako. Na mamahalin mo ako. Masaya lang ako na nasa tabi mo at napapasaya ka. Pero mahal mo ako hanggang ngayon…”
He was staring at her with amazement. Nakatitig lang ito sa kanya hanggang naging tahimik na ang paligid. Nakakailang ang pagtagal ng katahimikan sa pagitan nila. Si Paloma na rin ang umiwas ng tingin. Anim na taon na ang nagdaan. Di pwedeng babalik na lang siya at aasahan na mahal pa rin siya nito. Na parang walang nagbago sa buhay nito. Marami na ang nangyari. Hindi na sila bata. Nagma-mature ang nararamdaman ng isang tao. Hindi siya habambuhay na hihintayin ni Jeyrick. Posible na may iba nang nagmamay-ari sa puso nito. Parang umimpis na lobo ang sayang nararamdaman niya kanina.
Pilit na ngumiti si Paloma kahit parang kinukurot ang puso niya. “Jeyrick, hindi ko naman inaasahan na sasabihin mo rin na mahal mo ako. Sinabi ko lang iyon kasi baka wala na akong pagkakataon sa susunod. Hindi mo kailangang sumagot. Maiintindihan ko kung hindi tayo pareho ng nararamdaman. Anim na taon tayong di nagkita. Baka may iba kang babae na nagustuhan.” Katulad ni Beliza.
Lalong nasaid ang kompiyansa ng dalaga nang maalala na mas maraming pinagsamahan ang mga ito. Ayon sa dalaga ay ito ang nasa tabi ni Jeyrick sa mga pagsubok na napagdaanan nito. Sinabi na ni Jeyrick na wala itong girlfriend. Pero di niya naitanong kung may ibang babae itong mahal.
Huminga ito ng malalim. Nanginig ang kamay nito nang hawakan ang pisngi niya at idinikit ang noo sa noo niya. “Paloma, ikaw lang ang gusto ko. Alam mo na noon pa na mahal kita at walang nagbago.” Biglang umakyat sa stratosphere ang saya ni Paloma. Mahal pa rin siya ni Jeyrick at walang ibang babae sa buhay nito. Kahit pa si Beliza na malapit sa puso nito ay hindi siya nagawang palitan. Subalit natigil ang pagdiriwang niya nang makita na hindi ito masaya sa rebelasyon. “Pero simula nang pumunta ka ng Maynila at kailangan kong harapin ang responsibilidad ko sa pamilya ko. Pakiramdam ko sa bawat pagsikat mo, palayo ako nang palayo sa iyo. Sinubukan kitang habulin, sinubukan ko na maiahon ang sarili ko sa hirap. Pero anim na taon na ang lumipas, nandito pa rin ako. Maliit ako kumpara sa iyo. Hindi ako katulad ng naging boyfriend mo na si Thirdy Concepcion. Guwapo siya, sikat at mayaman. Lahat ng babae mas pipiliin ang katulad niya. Perpekto na siya. Wala akong panama sa kanya. Mas bagay ang katulad mo sa kanya.”
His fallen face broke her heart. Namayani ang insecurity ng binata. Hindi niya ito masisisi. Noon pa mang magkaklase sila ay sanay na itong maliitin. Kaya maging sa sarili nito ay wala itong tiwala. Kahit alayan niya ito ng pagmamahal, mas inaaalla nito ang nagiging pamantayan ng mga tao sa pag-ibig - hindi pantay.
Pinitik niya ang noo nito. “Anong hindi bagay? Sino ang may sabi? Ako na nga ang unang nagsabi na mahal kita tapos iisipin mo pa na hindi tayo bagay?” Pinanlakihan niya ito ng mata nang akmang kokontra sa kanya. “Jeyrick, hindi mo kailangang makipagkompitensiya kay Thirdy. Magkaiba kayong dalawa. Hindi isa pang Thirdy ang hinahanap ko sa buhay ko. Sino ba ang kasama ko ngayon - ikaw o si Thirdy?”