Finding Carrot Man 4: Forever Means By Your Side Chapter 38

MAINIT ang sikat ng araw sa labas subalit parang napakalamig sa loob ng sala nila Jeyrick. Nanunuot ang lamig sa katawan ni Paloma habang nakatitig sa kanya ang binata. His eyes were black, hard and cold. Nakatitig ito sa kanya na parang iyon ang unang beses siya nitong nakita. Na parang di siya nito kilala.

“Pwede mo na bang ipaliwanag sa akin kung ano ang concert na sinasabi ng tiyahin mo? Wala kang nabanggit sa akin nang huli tayong nagkausap,” kaswal na sabi ni Jeyrick at sumandal dingding na naghihiwalay sa dining area at sa sala. Pakiramdam ni Paloma ay napakalayo nito sa kanya kahit lang metro lang ang pagitan nila.

“Wala akong alam sa concert, Jeyrick. Si Tita Bevz lang ang nagsabi no’n at wala akong alam,” kaila ni Paloma at nilapitan ang binata. “Kung anuman ang desisyon mo, iyon ang susundin ko.”

“Desisyon ko ba ang hinihintay mo o minamanipula mo ako sa simula pa lang? Baka naman may plano kayo sa career ko sa simula pa lang. Paloma, pinag-uusapan pa lang natin nang nakaraan ang pagluwas ko sa Maynila. Ano ba ito? Pag umalis ba ako dito sa Kadaclan ihaharap mo na lang ako basta sa reporters at gugulatin ako sa mga plano ninyo nang walang paalam ko? Gusto mo bang mapilitan na lang akong tumango para di ka mapahiya?” angil ni Jeyrick sa kanya. “Gusto kong malaman kung ano ang totoo, Paloma. Ano ba talaga ang pakay mo sa akin?”

“Gusto ko lang tulungan ka, Jeyrick. Gusto ko na maging maayos ang buhay mo. You deserve this. Mahal kita kaya gagawin ko ang lahat para matupad mo ang mga pangarap mo. Iyon ang totoo,” giit niya.

Umangat ang gilid ng labi nito. “Mahal mo ba ako kahit na ordinaryong lalaki lang ako o dahil sumikat ako bilang si Carrot Man? Di kaya sinabi mo lang na mahal mo ako para mas madali na mapalambot at mapasunod sa mga gusto mo? Pag sinabi mong tumalon ako sa bangin, tatalon naman ako dahil mahal nga kita. Kapag sinabi mo na magpakilala na ako sa lahat bilang si Carrot Man, papayag naman ako dahil gusto kong ipakita kung gaano kita kamahal. Di na ako nakakahiyang iharap sa mga tao. Di na nakakahiyang idikit kay Thirdy Concepcion.”

“Ganyan na ba kababa ang tingin mo sa akin?” naghihinanakit niyang tanong. “Ganoon na ba ako ka-oportunista para husgahan mo? Ninyo?”

“Paloma, hindi ko alam kung ano ang totoo. Gusto kong maniwala na mahal mo ako dahil iyon ang pinakamagandang bagay na nangyari sa akin. Pero pakiramdam ko nanaginip lang ako. Para akong bata na naniwala na magkakatoto ang isang magandang painting na ipininta mo sa harap ko.”

Hinawakan niya ang magkabilang pisngi nito at pilit na hinuli ang mga mata nito.

“Jeyrick, mahal kita. Que ikaw si Carrot Man o hindi, mahal kita. At gusto ko na umayos ang buhay mo. Maniwala ka naman sa akin,” pakiusap niya.

“Tama na!” saway ni Jeyrick sa kanya at hinawi ang kamay niya. “Huwag ka nang magsinungaling. Huwag mong dumihan ang pagmamahal ko sa iyo, Paloma.”

Napaurong si Paloma nang makita ang galit sa anyo ni Jeyrick. Hindi na nakikita ang babaeng mahal nito sa kanya. Animo’y isang halimaw ang kaharap nito. kasuklam-suklam na halimaw. Kahit ano pang sabihin niya ay di ito makikinig sa kanya.

Inangat ni Jeyrick ang nakakuyom na palad at umurong si Paloma sa pag-aakalang sasaktan siya nito. Sa halip ay idiniin ni Jeyrick ang kamao sa sentido nito. Isang sigaw ang pinakawalan nito at mabibigat ang hakbang na lumabas ng bahay.

“Jeyrick, sandali! Mag-usap tayo,” tawag niya dito pero wala itong narinig. “Makinig ka muna sa akin.”

Akmang hahabulin niya ito nang pigilan siya ni AIza. “Ate, hayaan mo lang magpalipas ng sama ng loob si Kuya. Mahirap na pilitin siya kapag galit.”

“Kusa siyang babalik kapag lumamig na ang ulo niya at nakapag-isip-isip,” sabi ni Aling Ronalee. “Mahirap kausapin ang batang iyon kapag mainit ang ulo. Wala siyang pakikinggan. Wala siyang paniniwalaan.”

“Ate Paloma, uminom ka muna,” sabi ni Charles at inabutan siya ng baso ng tubig.

“Sorry po. Hindi ko gusto na magkagulo nang ganito,’ sabi ni Paloma matapos uminom ng tubig. Lumuwag na ang paghinga niya pero nananatili pa ring mabigat ang dibdib niya. “Mahal ko po talaga si Jeyrick. Wala po akong ibang gusto kundi umayos ang kalagayan ng pamilya ninyo. Marami po siyang pangarap sa inyo mula noong mga bata pa kami. Naging mabuti po sa akin si Jeyrick kahit dati pa. Sa ayaw at sa gusto niyang pumasok ng showbiz bilang si Carrot Man, kahit po di pa siya magpa-interview at humarap sa mga reporter, handa pa rin po akong tumulong. H-Hindi ko po ipagkakalat ang tulong ko.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.