Finding Carrot Man 4: Forever Means By Your Side Chapter 39

“Talaga? Parang di naman ako naniniwala na okay lang sa iyo ‘yon. Excited na ang mga fans ni Kuya Jeyrick sa concert niya nang I-announce ng tiyahin mo. Lalo kang mawawalan ng career kapag hindi mo naiharap si Kuya Jeyrick sa mga tao,” may halong pang-aasar na sabi ni Charlene na nakatayo sa hagdan.

“Hindi ako umaarte lang, Charlene. Di naman kita pipiliting maniwala sa akin kung ayaw mo. You already believed the worst in me. Kahit naman siguro gawin ko di ka pa rin naniniwala,” sagot ni Paloma dito.

“Kung talagang mahal mo si Kuya Jeyrick, aalis ka dito sa Kadaclan. Bumalik ka sa Maynila nang di mo siya kasama. Huwag mo na siyang guluhin pa,” hamon ni Charlene sa kanya.

“Charlene, di naman yata tama iyan. Kuya Jeyrick mo lang lang ang may karapatan na magpaalis sa kanya dito. Dapat pag-usapan muna nila ang relasyon nila. Di ‘yung basta na lang may aalis,” saway ni Aling Ronalee sa anak.

“Hindi po babalik si Kuya Jeyrick hanngga’t nandito siya. At di rin po matatahimik ang pamilya natin hanggang pilit tayong pinapaikot ng babaeng iyan. Gusto kong magkaroon ng magandang kinabukasan si Kuya Jeyrick at ang pamilya natin. Pero di ako papayag na pagsamantalahan siya ng babaeng ito. Ayaw na nga ni Kuya Jeyrick sa kanya, isisiksik pa niya ang sarili niya. Di na siya nahiya. Sana naman magtira siya ng kahihiyan sa sarili niya. Huwag na niyang hintayin na ipagtabuyan pa siya ni Jeyrick. Kusa na siyang umalis.”

Nang mga oras na iyon, pakiramdam ni Paloma bagsak na bagsak na siya. Mas masakit pa sa masabihang laos ang mga naririnig niya ngayon. Nakabagsak na siya pero patuloy pa ring sinisipa-sipa. Tama pa ba na hintayin niyang ipagtabuyan siya ni Jeyrick? Wala na ba siyang ititira sa sarili niya?

Tumayo si Paloma. “Aalis na po ako, Tita. Kukunin ko lang po ang gamit ko kay Ma’am Fe. Sa Chupac na po ako matutulog ngayong gabi at bukas din po babalik na ako ng Manila. Pasensya na po ulit sa gulo.”

“Hindi. Huwag kang umalis nang di nakakausap si Jeyrick,” apela ni Aling Ronalee.

Yumakap siya dito. “Salamat po sa pagtanggap ninyo sa akin. Tama po si Charlene, Tita. Di po makakabuti sa atin kung mananatili pa ako dito.”

“Ihahatid ka na ni Charles pabalik ng Chupac kung ganoon,” sabi ni Ronalee na nauunawaan ang sitwasyon niya.

“Ate, tutulungan na kitang mag-ayos ng gamit mo,” sabi ni Aiza na mangiyak-ngiyak at hinawakan ang kamay nito.

“Salamat,” usal niya. Wala na si Charlene nang tingnan niya. Masaya na siguro ito na aalis siya. Sa simula pa lang, mainit na ang dugo nito sa kanya.

“Pasensya na kay Ate Charlene, Ate Paloma. Mahal lang talaga niya si Kuya Jeyrick kaya gusto niyang protektahan. Sana huwag kang magalit sa kanya,” pakiusap ni Aiza habang naglalakad sila sa trail pabalik sa bahay ni Ma'am Fe.

“Hindi ko galit sa kanya. Naiintindihan ko siya. Kung ang nasa sitwasyon ni Charlene, di ko rin magugustuhan ang sarili ko para kay Jeyrick. Hindi ako naging totoo kay Jeyrick. Di ko sinabi kong alam kong siya si Carrot Man. Di ko sinabi sa kanya na may mga plano ang tiyahin ko na I-manage siya. Pero di ko inaasahan na pangungunahan ni Tita ang desisyon ni Jeyrick. Hanggang sa pagdadala lang sa Maynila kay Jeyrick lang ang usapan namin.”

“Naniniwala ako sa iyo, Ate Paloma. Sabihin mo iyan kay Kuya Jeyrick. Sigurado ako na makakapag-isip-isip siya. Naniniwala ako na mahal mo siya. At kung totoong mahal ka niya, dapat bigyan ka niya ng pagkakataon.”

Tipid siyang ngumiti. “Hayaan na muna natin ang Kuya Jeyrick mo.”

Di na madaling mabawi pa ang pagmamahal ng binata. Mahihirapan na siyang makuha ang tiwala nito. Kahit anong gawin niyang pagtatanggol sa pagmamahal niya, di rin naman ito maniniwala.

Oportunista. Manggagamit. Laos na celebrity. Ganoon na ang tingin ni Jeyrick sa kanya. Aalis siya nang di nalilinis ang pangalan dito.

“Paloma, ang aga mo namang bumalik,” gulat na sabi ni Manang Fe na nagsusulsi ng damit.

“K-Kukunin ko lang po ang damit ko. Babalik na po ako ng Chupac.”

“B-Bakit biglaan yata ang alis mo? May nangyari ba?” nag-aalalang tanong nito. “Aalis na ba kayo ni Jeyrick at isasama mo na siya sa Maynila?”

Umiling siya at humagulgol ng iyak. Napayakap na lang siya dito. Si Aiza na ang sumagot sa tanong nito. “Ma’am Fe, may di po sila napagkasunduan ni Kuya Jeyrick. N-nagkasagutan po kasi kanina.”

“Mabait na bata naman si Jeyrick. Ano bang nangyari?” tanong ni Manang Fe.

“A-Ako po ang may kasalanan. S-Saka ko na lang po ikukwento. Basta salamat po sa pagtanggap ninyo sa akin.”

“Lagi namang bukas ang tahanan ko para sa iyo,” sabi ng matandang babae at tinapik ang likod niya.

Ngumiti siya kahit na patuloy ang pag-agos ng luha sa mga mata niya. Baka iyon na ang huli niyang pagtapak sa Kadaclan. Baka bukas ay persona non grata na siya.

“Sana po sa susunod kayo naman ang maimbitahan ko. Matutuwa po ang nanay ko na makilala kayo,” sabi naman niya dito.

Sa huli ay pinili niya na mag-isang nag-empake ng gamit habang si Aiza naman ay hiningan ng tulong ni Ma’am Fe para maghanda ng pagkaing ibabaon niya.

Parang di mauubos ang luha niya dahil ayaw naman niyang umalisl ng Kadaclan. Sa lugar na iyon siya naging masaya. Doon niya nakuha ang kompiyansa sa sarili niya. Doon niya nakita ang pagtutulungan at pagmamahalan ng mga tao. Doon natutong kumanta ang puso niya. Doon siya unang nagmahal.

It was heartbreaking. Mas masakit pa ito kaysa sa una nilang paghihiwalay. Because their love story should not end up like this.

Bakit ba lagi na lang kaming hinahadlangan ni Jeyrick? Bakit hindi kami hinahayaang maging masaya?

Nag-init ang mga mata niya nang maisip na baka di talaga sila para sa isa’t isa. Na kailangang magtapos ang lahat dito. Magsasawa din ang mga tao sa paghahanap kay Jeyrick. Habang kailangan naman niyang harapin ang mga taong naghihintay sa kanya sa Maynila lalo na ang tiyahin niyang umaasa na iaalay niya si Carrot Man sa mga ito at pasusunurin sa mga plano nito.

Hindi na niya kailangang gamitin si Jeyrick para sumikat muli. She was more than that. Kahit iyon pa ang paniniwala ng mga tao sa paligid niya, si Jeyrick mismo ang nagsabi na higit pa doon ang talento niya.

She was broken now. Pero mabubuo pa rin niya ang sarili niya. Dahil naabot niya ang pangarap niya dati nang naniwala si Jeyrick sa kanya. Gagawin ulit niya iyon ngayon kahit na di sila ni Jeyrick ang para sa isa’t isa. Isa pa rin itong inspirasyon.

Paglabas niya ng kuwarto ay nagulat siya nang makita si Jeyrick na nag-aabang sa sala. “S-Sinundan mo ako dito?”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.