Finding Carrot Man 4: Forever Means By Your Side Chapter 44

“NAKAAYOS na ang condo para sa iyo at para kay Beliza,” sabi ni Thirdy kay Jeyrick habang bumibiyahe na sila papunta sa sentro ng Barlig para sunduin si Beliza. “May mga interview at TV guesting ka nang naka-line up mula bukas ng umaga. Tumawag na rin sa amin ang abogado na kinuha ninyo para sa contract signing. Baka may gusto pa kayong I-request para naman maihanda na bago kayo dumating ng Maynila. Tanungin mo na rin ang girlfriend baka may kailangan pa siya.”

Mula sa rearview mirror ng sasakyan ay nakita ni Paloma na kinalabit ni Lolo Pio si Jeryrick na nasa tabi ng ama nito. Abala ang lalaki sa cellphone.

“Ah, oo! Ayos na siguro iyan sa ngayon,” sabi lang ni Jeyrick na bakas ang pag-aalala sa anyo habang parang may tinatawagan sa cellphone.

Di na sila nakapag-usap pa ng binata mula nang umalis ito pauwi sa bahay nito kagabi. Alas nuwebe na sila ng umaga nakaalis ng Kadaclan dahil ihinatid pa si Jeyrick ng pamilya at kababayan nito. Matindi ang suportang ibinigay sa binata dahil sa unang pagkakataon ay may naging celebrity sa bayan ng mga ito.

Nilingon niya ang binata. “Nakausap mo na ba si Beliza? Pumayag ba siya na lumuwas na kasama mo?”

“Hindi ko pa ma-contact si Beliza,” anang si Jeyrick na maasim na ang mukha. “Kagabi pa siya hindi sumasagot. Di naman nawawalan ng signal sa sentro. Kahit si Kuya Cardo di rin sumasagot. Magkasama daw sila sabi ni Manang Lourdes.”

Tinapik ni Lolo Pio ang ulo nito. “Huwag ka nang mag-alala. Alam mo naman na ligtas si Beliza sa pinsan mo.”

Ipinikit na rin ni Paloma ang mga mata at sumandal. Pagod na pagod ang isip niya at paputol-putol ang tulog. Hindi niya alam kung ano ang naghihintay para sa kanila ni Jeyrick. Alam niya na sisikat ito. Guwapo ito at may talento. Tamang management lang at intense workshop tiyak na mahahasa ito. Pero paano sila?

Akala niya kapag pumasok si Jeyrick sa showbiz ay mas mapapalapit sila sa isa’t isa. Hindi na rin ito ipagtatabuyan ng tiyahin niya dahil sikat na rin ito. They were in an equal footing now. Pero ngayon ay mas malawak pa sa karagatan ang pagitan nila. Parang mas nahihirapan siyang abutin ito dahil inilalayo nito ang puso niya.

At least he was civil with her. Hindi ito pwedeng maging masungit sa kanya sa harap ng maraming tao. Magtataka ang mga tao. Sa harap ng mga tao ay magkaibigan pa rin sila. Isa itong kaibigan na malaki ang utang na loob sa kanya. He performed that part well. Maayos siya nitong tinrato sa harap ng mga tao at pamilya nito. Kahit si Charlene ay hindi siya sinungitan kanina. Di niya alam kung alam ng mga ito ang tensyon na namumuo sa kanila ni Jeyrick. Kung alam man ng mga ito ay di ipinahalata.

Bandang alas onse ng tanghali nang makarating sila sa sentro ng Barlig. Ipinarada ang van nila sa harap ng police station ng Barlig. “Nagpahanda ng pagkain ang mga staff kay Manang Lourdes. Sa Sea World Inn muna tayo,” sabi ni Lerome at binuksan ang pinto nila.

Naunang bumaba si Jeyrick sa kanya at awtomatiko nitong inilahad ang palad sa kanya nang bababa na siya. Hinawakan nito ang kamay niya at nagtagpo ang mga mata nila. She felt that same old zing whenever they touch.

Pero ibinaba nito ang kamay nang makababa siya. “Kailangan ko nang makausap si Beliza. Matagal mag-empake ang isang iyon. Kumain na muna kayo,” sabi nito.

Sinundan lang niya ng tingin ang binata nang umakyat papunta sa mga kuwarto ng Sea World Inn kung saan tumutuloy si Beliza. Naglakad naman si Paloma kasabay ng iba sa dining area ng inn. Her heart was heavier than ever.

She thought the magic was back. Pero nagising siya bigla sa katotohanan - na si Beliza ang girlfriend nito. Kung ipipilit niya ang nararamdaman niya dito at mapapasin ng iba, siya ang lalabas na naninira ng relasyon. Siya lang ang masasaktan sa huli.

“Pio, totoo ba na dadalhin ni Miss Paloma sa Maynila si Jeyrick? Mag-aarista na ba siya?” tanong ni Manang Lourdes na may-ari ng inn at tiyahin ni Beliza nang hainan sila ng sinabawang gulay na may etag o pinausukan at pinatuyong karne ng baboy.

“Oo. Yayayain nga niyang sumama si Beliza sa kanya. Tutal magre-review din naman sa board exam si Beliza kaya maganda na ‘yung magkasama sila ni Jeyrick doon. Mas komportable si Jeyrick kung magkasama sila. Maraming magagandang review school sa Maynila kaya walang problema,” sabi ni Lolo Pio.

Sinapo ni Manang Lourdes ang dibdib. "Isasama niya sa Maynila ang pamangkin ko? Di kaya delikado para kay Beliza?"

"Bakit naman po?" tanong ni Paloma.

"Kasi may nagbanta sa buhay niya. Kinabukasan lang matapos ang press conference n'yo, may nagtangkang sumaksak sa kanya.”

"A-Ano pong nangyari? Malapit lang sa police station," usal ni Paloma. Ang alam niya ay zero-crime rate sa lugar. Mababait din ang mga tao sa Barlig.

"May nakaaway ba si Beliza?" tanong ni Lolo Pio.

"Mabait ang pamangkin ko. Di naman siya tagadito at iilan lang kaming kakilala niya. Sinabihan na kasi ni Officer Cardo na huwag aalis dito sa Inn nang hindi siya kasama dahil ibinilin nga ni Jeyrick sa kanya. Di na tiyak ang kaligtasan ng mga tao dito dahil sa dami na ng labas-masok na di namin kilala mula nang dumating si Jeyrick. Bumaba ng Macalana si Beliza nang di nagpapaalam kay Officer Cardo. Dinalaw ang kamag-anak namin doon. May gusto daw makipagkita sa kanya na tagahanga. Iyon pala gusto siyang patayin. Buti nasaksak lang ng kutsilyo ang braso niya."

"Mabuti ligtas si Beliza," sabi ni Paloma. "May mga tao po talaga na wala sa matinong pag-iisip. Fan po ba talaga ni Jeyrick iyon? Na-obsess?"

Kahit magkaribal sila ni Beliza ay di niya nanaisin na mapahamak ito o kahit sinong tao. Hindi gusto ni Beliza na sumikat o makuha ang atensyon ng ibang masasamang loob. Pinoprotektahan lang nito si Jeyrick.

Pero para sa gaya ni Paloma na sanay na sa mundo ng showbiz, alam niyang nagsisimula pa lang ang lahat para kay Jeyrick at sa mga mahal nito sa buhay. Maaring maging target ang mga ito ng pambabatikos, panlalait, inggit at pananakit na pisikal. Sadyang may mga tao na di masaya sa naabot ng ibang tao. May iba naman na gustong angkinin ang mga ito kaya sasaktan ang sinumang malapit sa taong iyon. Obsession.

"Hindi pa alam ng magulang ni Beliza ang tungkol sa pagtangkang pagpatay sa kanya. Ang alam nila ligtas siya dito. Baka di nila payagan si Beliza na lumapit kay Jeyrick kapag nalaman nila ang nangyari,” kinakabahang sabi ni Manang Lourdes. “Baka pati ako mapasama sa nangyayari.”

"Nakakatakot. Baka galit sa magaganda ang taong iyon at nasa panganib ang buhay natin," sabi ni Hepburn at ginagap ang kamay ni Paloma.

Di magiging madali ang buhay nina Jeyrick at Beliza mula dito. Bukod sa nakasunod na ang mata ng mga tao sa mga ito mula ngayon, may mga tao rin na pwedeng maging banta sa mga ito. Magbabago na ang dating tahimik at pribadong buhay ng mga ito.

Paano kung di na sumama pa sa kanila si Jeyrick kapag tumanggi si Beliza? Di man in love si Jeyrick dito, matalik na magkaibigan pa rin ang mga ito. Mas kilala nito si Jeyrick. Mas may tiwala din si Jeyrick sa babae kaysa sa kanya.

“Huwag kayong mag-alala. Nahuli na ang nagtangkang manakit kay Beliza,” sabi ni Officer Cardo nang pumasok sa dining area. “Na-identify na siya ni Beliza sa Bontoc kanina. Obsessed na tagahanga ni Jeyrick. Mukhang may diperensiya siya sa pag-iisip. May lupa ang mga de Leon dito sa Barlig kung saan nasaksak si Beliza. Nagtago siya sa pag-aaring hotel ng pamilya niya sa Bontoc. Kaya siya nahuli dahil may teenager na tagahanga ni Jeyrick na basta na lang siyang sinaksak. Kaya huwag kayong mag-alala dahil ligtas kayo dito.”

“Gosh! I am safe! You’re my hero!” tili ni Hepburn at niyakap ang gwapong pulis.

“Wala naman akong ginawa para maging hero mo,” gulat na usal ni Cardo na parang naalibadbaran kay Hepburn.

“Pwede ba kitang kuning personal bodyguard para bantayan ang million-dollar body ko?” tanong ni Hepburn na ayaw nang iwan ang lalaki.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.