Finding Carrot Man 4: Forever Means By Your Side Chapter 45

Matatapos nang kumain si Paloma pero di pa rin bumabalik si Jeyrick. “Saan po ang kuwarto ni Beliza, Manang Lourdes?” tanong ng dalaga nang dulutan siya ng mainit na salabat ng matandang babae. “Baka po kailangan niya ng tulong sa pag-eempake.”

“Miss Paloma, huwag na po. Nakakahiya naman kung kayo pa ang tutulong sa kanya,” sabi ni Manang Lourdes.

“Kung sasama po si Beliza sa Maynila, kasama siya sa responsibilidad ko,” sabi ni Paloma. Alam niyang di siya gusto ni Beliza pero kailangan nilang magkasundo para kay Jeyrick.

“Sasama siya sa Maynila?” tanong ni Cardo na natigilan sa paghigop ng sabaw. “P-Pero baka mas hindi siya ligtas doon. Baka maraming fans si Jeyrick na hindi matutuwa na makitang kasama siya.”

“Don’t worry, baby ko. Titiyakin ko namin na safe siya,” sabi ni Hepburn. “Ano pala ang type mo? Not necessarily babae.”

Iniwan niya ang pinsan na nagpapa-cute kay Cardo. Umakyat siya sa second floor tumigil siya sa panghuling pinto. Naririnig pa niya sa loob na nag-uusap sina Jeyrick at Beliza. Kumatok siya. “Jeyrick, kailangan na nating umalis in ten minutes. May naka-schedule ka nang interview bukas ng umaga.”

“Nag-uusap pa kami ni Beliza,” anang si Jeyrick sa pormal na boses. Mukhang di pa rin nito nakukumbinsi si Beliza na sumama.

Huminga siya ng malalim. Gusto niyang alukin ito na kausapin si Beliza, makipagnegosasyon. Pero baka makasama pa. Siya rin ang huling tao na gugustuhing makita ni Beliza at baka isipin ng babae na banta siya dito lalo na’t katatapos lang mahuli ng nagtangkang pumatay dito. Baka na-trauma pa ang babae.

“Sige. Hihintayin ko kayo,” sabi ni Paloma at lumayo sa pinto.

Di nagawang bumaba ni Paloma at bumalik sa dining area. Nanatili siya sa bintana sa common area ng inn at pinagmasdan ang rice terraces. It somehow relaxed her, like an escape.

“Paloma, bakit nandito ka pa?” tanong ni Jeyrick at lumapit sa kanya.

“I could use the solitude. Baka wala na akong ganitong pagkakataon kapag bumalik na ako sa Manila. Maingay na naman at magulo.”

Tumayo sa tabi niya si Jeyrick, sa kabilang hati ng bintana at minasdan din ang tanawin. “Baka ito na rin ang huling pagkakataon na makita ko ito nang tahimik, mag-isa. Mag-iiba na ang buhay ko mula ngayon at ng mga taong malapit sa akin.”

“Walang di makakakilala sa iyo. Sikat na sikat ka na kahit saan. Kahit sa ibang bansa na-feature na ang picture mo.” Nagustuhan ng mga ito ang exotic looks ni Jeyrick pati na rin ang Cinderella story ng binata. Mula sa pagbubuhat ng kaing ng carrots ay nakilala na ito sa mundo.

Nanlaki ang mata nito. “T-Totoo?”

“May fans ka daw sa Argentina, Korea at pati sa United Kingdom. Isama mo pa ang mga Filipino sa iba’t ibang parte nng mundo. Kapag lumabas ka o nag-mall, pagkakaguluhan ka ng mga tao. Maaring sa Cordillera walang pakialam ang mga tao sa artista pero iba sa ibang lugar.”

“Di ko alam kung tama ang ginagawa ko na isasama ko si Beliza sa bagong mundo ko. Napahamak siya dahil sa akin. Ni hindi ko siya naprotektahan nang muntik na siyang patayin ng babaeng iyon.”

“Jeyrick, alam ko na hindi mo ginusto ang nangyari. Titiyakin namin ang kaligtasan mo at ni Beliza.” Ipinatong niya ang kamay sa kamay nitong nakahawak sa hamba ng bintana. “Hindi madali ang magiging buhay mo sa showbiz pero gagawin ko ang lahat para mas maging magaan sa iyo. Alam ko hindi pa kita naihahanda sa magiging bagong buhay mo. Pero kailangan ko ang tiwala mo.”

“Mapagkakatiwalaan ba talaga kita, Paloma?”

Tumigil sa pagtibok ang puso niya nang makita niya ang pagdududa sa mga mata nito. "Alam ko na mahirap pero gagawin ko pa rin ang alam kong pinakamabuti para sa iyo."

"Jeyrick, halika na!" tawag ni Beliza dito. Dala ng babae ang duffel bag. May benda ang isang braso nito. Doon siguro ito nasaksak ng fan ni Jeyrick.

"Titingnan natin," sabi ni Jeyrick nang iwan siya at nakangiting nilapitan si Beliza. Kinuha nito ang bag sa babae. "Sabi ko sa iyo tawagin mo ako. Huwag kang magbitbit ng mabigat dahil baka bumuka ang sugat mo."

"Ang sweet mo. Lalong dadami magseselos sa akin niyan dahil labas na labas ang dimple mo pag nagagalit ka," anang si Beliza at pinisil ang pisngi ng lalaki. "Mas guwapo ka kapag ginagalit."

"Ang galing sa pambobola," natatawang sabi ni Jeyrick na di umiwas sa pangungurot nito.

Parang kinurot ang puso ni Paloma nang makita ang pagngiti ni Jeyrick dito. May kumurot sa puso niya. Kailan siya huling nginitian ni Jeyrick? Parang napakatagal na panahon nang huli siya nitong ngitian. Kahit kahapon lang iyon.

Lumapit si Paloma sa dalawa. "Beliza, kumusta ang injury mo? Gusto mo bang patingnan muna natin sa doktor bago lumuwas ng Maynila? Hindi ba masakit?"

Umiling ito. "Hindi naman. Salamat. Naalagaan akong mabuti ni Cardo kaya mas magaling na ang sugat ko. May benda lang ako para tiyakin na di muna ako gagalaw o magbubuhat nang mabigat."

"Dadaan tayo ng Bauko para maipagpaalam ka sa magulang mo. Kakausapin ko sila," sabi ni Paloma. "Naghanda din kami ng condo na katabi ng condo ni Jeyrick para tuluyan mo. Tutulungan ka rin namin mag-enroll magandang review school."

"Kapag ikaw ang kumausap kay Mama, papayagan ka nila. Fans mo sila ng kapatid ko," sabi ni Beliza at bahagyang ngumiti. "Pero di ko naman kailangang tumira sa condo o tulungan sa review school."

At sa mga mata nito, parang sinasabi nito na wala itong planong maging BFF sila. Na di sila ang tipo na magsasamang mag-shopping o masayang magpapalitan ng paboritong make up.

"Iyon ang gusto ni Jeyrick," giit niya. "Alam ko na hindi magiging madali sa iyo ang desisyon mo. Maraming mababago sa buhay mo lalo na pagdating sa privacy mo. May mga fans na magiging masungit sa iyo pero may mababait din sa fans na mamahalin ka dahil kay Jeyrick. Ngayon pa lang nagpapasalamat ako na sumama ka kay Jeyrick."

Napuno ang pagtataka sa mukha nito pero tumango din kalaunan. "Magpapaalam muna ako kay Auntie Lourdes. Salamat."

Mabigat ang mga hakbang ni Paloma na sumunod kay Jeyrick at Beliza. Nakaalalay ang lalaki dito, isang bagay na dapat niyang makasanayan mula ngayon.

Sa mata ng mundo, si Beliza ang babae na mahal ni Jeyrick. She was just a helpful friend. Hindi siya ang babae sa tabi nito. Lagi lang siya sa likod nito, laging susuporta. At kailangan niyang ngumiti kahit na nasasaktan.

Si Beliza ang panangga ni Jeyrick sa kanya para di na mapalapit sa kanya ang binata. Wala siyang magagawa kundi hayaang lalong maging malapit ang dalawa sa isa’t isa. Di niya mapipigilan kung makikita na ni Jeyrick si Beliza di bilang simpleng kaibigan kundi babaeng mamahalin nito.

Ito lang ang paraan para manatili sa tabi ni Jeyrick.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.