Finding Carrot Man 4: Forever Means By Your Side Chapter 7

Isang tili ang kumawala dito. “Bet na bet. Runaway lovers. I love it! Forever na ba iyan?”

“Ano ka ba? Seryoso ako.” Nagagawa pa talaga nitong kiligin sa kanila ni Jeyrick. “Baka hanapin ako ni Thirdy sa iyo. Ayoko siyang makita. Ayokong manggulo siya sa kasal ni Rjan. Gusto ko na mag-focus ang mga tao sa kasal. Hindi sa kanya. Hindi ako papayag na gamitin niya ang okasyon na ito para magkabalikan kami. Hindi ako magpapakita habang nandiyan siya.”

“Okay, okay, I will think of something. Enjoy!” sabi nito.

“Salamat,” aniya at in-off ang cellphone.

Pumikit siya at pinakinggan ang tunog ng gangsa. Narinig din niya ang huli ng mga kuliglig. Her soul was longing for this feeling. Walang inaalala. Walang nanggugulo sa isip niya. Walang Thirdy Concepcion.

Hanggang maramdaman niya na may mga matang nakatuto sa kanya. Nang dumilat si Paloma ay nakasandal lang sa Jeyrick sa dingding at nakatitig lang . “Bakit? Parang hindi ka na kumukurap diyan.”

“Wala,” anito at ibinaba ang tingin na parang nahihiya. “Matagal na tayong di nagkita. Parang… parang nakakapanibago lang. Ilang taon din kitang nakikita sa TV lang. Parang hindi… parang hindi na kita kilala.”

“Jeyrick, hindi ko naman kasalanan kung bakit parang di mo na ako kilala. Ikaw ang hindi na lang basta nagparamdam sa akin,” aniyang di maitago ang pagtatampo dito.

Yumuko lang ito. “Tungkol doon… pakiramdam ko kasi kasi…”

“Tapos na iyon. Ayoko nang pag-usapan,” putol niya sa sasabihin nito. Inunat niya ang paa. “Salamat pala dahil sinamahan mo ako na tumakas. Hindi ko kasi kabisado dito.” Kung wala si Jeyrick, malamang ay hindi siya magkakaroon ng lakas ng loob na umalis ng party. Wala siyang magagawa kung hindi harapin si Thirdy at maging sunud-sunuran sa palabas nito.

“Bakit ayaw mong harapin ang ex-boyfriend mo? Malayo pa ang ibiniyahe para sa iyo tapos tataguan mo lang,” sabi ng binata na may halong pag-aalala.

Pagak na tumawa si Paloma. Ibang klase talaga si Jeyrick. Kung kailan akala niya ay kakampi niya ito, aalalahanin pa nito ang ibang tao. He really had a soft heart. Parang walang masamang tinapay dito pagdating sa ibang tao.

“Gusto kong magpakalayo-layo dahil sa kanya. Gusto niyang makipagbalikan sa kanya pero ayoko. Akala ko malinaw na iyon sa kanya.”

Kumunot ang noo ng lalaki. “Bakit hindi ka makipagbalikan sa kanya?”

Umiling siya at sumandal sa dingding. Maliit lang ang kubo kaya magkaharap pa rin sila ni Jeyrick habang halos magpantay ang nakaunat nilang binti. “Kung gusto ko, di na ako makikipag-break in the first place.”

“May problema ba?” tanong nito. “Pwede mo akong kausapin gaya ng dati. Hindi ko naman ipagsasabi sa iba. Makikinig lang ako.”

Niyakap niya ang sarili. “Okay lang ako. I-I just need a little time for my self.”

Hindi pa siya handang ipagsabi sa iba kung ano ang totoong sitwasyon nila ni Thirdy. Sa mundo ng showbiz na puro pagkukunwari, natuto rin siyang maging maingat sa sasabihin niya sa ibang tao. It was too confidential. Kahit sa break up nila ni Thirdy ay wala siyang malinaw na rason na ibinigay kundi mutual decision ang paghihiwalay nila. Siyempre si Thirdy na naman ang mukhang kawawa at sinabi nitong gagawin pa rin nito ang lahat para mabawi siya. Parang mahal na mahal talaga siya nito.

Umalis sa pagkakasandal ang lalaki. “Gusto mong iwan kita?”

Pinigilan niya ang binti nito. “Hindi. D-Dito ka lang, Jeyrick. Please. H-Hindi ko rin naman gustong mag-isa.”

Bumuntong-hininga ang lalaki. “Alam ko na matagal na tayong hindi nagkita. Matagal tayong di nagkausap. Kaya maiintindihan ko naman kung ayaw mong magkwento sa akin tungkol sa mga personal na bagay. Kasalanan ko.”

Kinagat niya ang pang-ibabang labi. “Nawalan na tayo ng communication matapos mong mag-quit sa singing contest. Hindi na kita ma-contact at nalaman ko tumigil ka na sa school. Nagpapadala ako ng sulat noon at package pero bumabalik lang sa akin. Nag-alala tuloy ako baka… baka nakalimutan mo na ako.”

Bumalik na naman ang sakit sa dibdib niya. Naalala ni Paloma ang mga panahon na iyon na wala na silang koneksyon ni Jeyrick. Noong panahon na may bashers siya, ginigipit o kaya ay pagod na pagod sa trabaho pero wala siyang karapatan na umangal. She just needed someone to talk to. Kung gaano kasakit na nag-iipon siya para may maipadala dito na regalo at sa pamilya nito para maipakita ang pag-appreciate niya sa sakripisyo nito para sa kanya. Pero sa huli ay bumabalik lang sa kanya nang walang paliwanag. Hindi niya alam kung may ginawa siyang mali. Kahit sinasabi ng marami na matagumpay siya at sikat, pakiramdam niya noon ay mag-isa lang siya.

“Maraming nangyari. Nanganak si Nanay at kailangan kong tumulong kay Tatay sa pagpapaaral sa mga kapatid ko. Iyon rin ang dahilan kung bakit di na ako tumuloy sa competition at lumuwas ng Maynila. Hindi na rin ako nag-aral. Di ko maiwan ang pamilya ko,” sabi nito at yumuko.

Tumabi siya kay Jeyrick at humawak sa kamay nito. “Pero malaki sana ang tulong ng You’re A Star para makatulong ka sa pamilya mo. Hindi mo kailangang mag-quit.”

He gave her a kind smile. “Hindi ko naman talaga gusto ang sumikat. Inalalayan lang naman kita noon, hindi ba?”

“Pero bakit hindi ka na nagparamdam sa akin? Sabi ko naman sa iyo kapag kailangan mo ng tulong, nandito lang ako. At nangako ka rin sa akin na kahit saan ako makarating, di mo ako bibitawan.”

“Paloma, may mga bagay na mahirap ipaliwanag. Masyadong maraming nangyari noon kaya pasensiya ka na kung pakiramdam mo tinalikuran kita. Wala kang kasalanan. Wala kang ginawang masama.” Tinapik nito ang kamay niya. “Huwag mo nang intindihin iyon. Matagal na iyon.

She felt guilty. Maraming pinagdaanan si Jeyrick. Isinuko nito ang pangarap sa kanya. At kahit na wala na silang komunikasyon, he was still treating her nicely. Ito pa rin si Jeyrick. “Hindi pa ako nagpapasalamat sa nagawa mo para sa akin.”

“Wala iyon. Gusto ko lang makita na masaya ka. At masaya ka naman, di ba? Natupad mo na ang pangarap mo. Sikat na sikat ka na.”

Pangarap? Di nga niya alam kung pangarap ba talaga ang buhay niya o isang masamang panaginip. Hindi lahat ng nakikita ng mga tao sa TV o sa magazine ay totoo. Na hindi niya pag-aari ang pagkatao niya. Na mistula siyang puppet na pinapagalaw para sa kasiyahan ng ibang tao. Para maging relevant pa rin sa mundo ng showbiz.

But she didn’t have the heart to tell that to Jeyrick. Isinakripisyo nito ang sariling oportunidad para matupad ang pangarap niya. Hindi niya pwedeng ibagsak dito ang di magagandang nangyari sa buhay niya. Mas gusto niyang pasayahin ito.

Marahan siyang tumango. “M-Masaya naman ako. May trabaho ako na nakakapagpasaya ng mga tao. Ito naman talaga ang pangarap ko noon pa. K-Kumusta na sa inyo? Kumusta na ang pamilya mo? Sa Ogo-og pa rin ba kayo nakatira?”

“Oo. Doon pa rin sa bahay namin. Nagbubukid pa rin kami si Tatay. Nag-aaral naman ang ibang kapatid ko. Si Charlene naman may anak na. Naunahan pa ako,” natatawa nitong sabi.

“At ikaw?” tanong niya.

“Tourist guide na ako ngayon. Tinutulungan ko si Lerome sa pag-promote ng tourism sa Barlig.”

“Yes, si Lerome. Naalala ko ang best friend mo.” Guwapo ang kaibigan ni Jeyrick na iyon pero may pagka-suplado. Mas ahead ang lalaki ng ilang taon sa kanila.

“Siya na ang head ng tourism sa Barlig ngayon. At marami kaming projects para mas makilala ang bayan namin bilang tourism hub.”

Maganda naman talaga ang Barlig lalo na sa gusto ng nature at katahimikan. Kung ito ang magiging guide niya, gusto na niyang magbakasyon sa Barlig. “Gusto kong makadalaw sa inyo. Pwede mo ba akong ipasyal? I mean, maganda kung maire-recommend ko rin ang lugar ninyo sa mga fans ko. Nami-miss ko na rin mamasyal lalo falls. Okay lang ba?”

“Oo naman. Karangalan kung magiging bisita namin si Paloma Escalante.”

“Paloma lang, Jeyrick. Ako pa rin ang Paloma na nakilala mo dati. Walang nagbago.” Siya pa rin ang babaeng minahal nito. Siya pa rin ang babaeng nagmahal dito.

“Alam ko na busy ka… at wala pa kaming five star hotel o resort doon. May matutuluyan doon pero mga guesthouse lang.”

“Jeyrick, hindi ako pupunta doon para sa five-star accommodation. Kahit sa tent lang ako matulog o sa sahig, walang problea sa akin. Ganoon naman tayo dati pa.”

“Paloma Escalante ka na…”

“So?” Tinapik niya ang sahig na kahoy. “Pwede na ako sa ganito. Jeyrick, kung magbabakasyon ako, gusto kong maranasan ang mga bagay na di ko pa nagagawa o kaya gusto ulit gawin. Tulad ng tumuloy sa kubo gaya nito. Walang internet, walang TV at tahimik lang ang lahat. Ikaw ang guide ko.”

Alumpihit ito. Parang di ito komportable sa ideya. “Gusto mo bang ibigay ko ang number ni Rexan? Sa area siya ng Barlig proper naka-destino. Sa Kadaclan area naman ako…”

“E di sa Kadaclan ako mamamasyal para madalaw ko rin ang pamilya mo,” kaswal niyang sabi. “Marami akong masasayang alaala noong nasa Kadaclan ako. Gusto kong I-share iyon sa mga fans ko. Hindi ba magandang ikaw mismo na kaibigan ko ang maging guide ko? Ikaw naman ang dahilan kung bakit ako napadpad sa Kadaclan dati.”

Napakamot ito sa ulo. “Kasi…”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.