Napansin ni Paloma ang pag-aalinlangan ni Jeyrick. “May problema ba kung ikaw ang magiging guide ko, Jey? Parang ayaw mo akong I-guide. Parang ayaw mo akong kasama. Nakakatampo ka na. Akala ko naman gusto mong ma-rekindle ang friendship natin.”
“H-Hindi ko lang alam kung kaya kong maging guide sa isang celebrity. Baka mautal lang ako,” nahihiya nitong sabi.
“Kaibigan mo ako. Hindi ako celebrity.” Inabot niya ang cellphone dito. “I-save mo dito ang number mo o magtatampo talaga ako.”
Napilitan itong kunin ang cellphone niya at in-encode doon ang numero. Napansin niya na nanginginig ang kamay nito. Ibig bang sabihin ay may epekto pa rin siya dito? May nararamdaman pa rin ba ito para sa kanya?
“Heto ang number ko. Sabihin mo lang kung ilan ang isasama mo at kung ilan para makapaghanda kami sa pagdating ninyo,” anang lalaki habang ine-encode ang numero.
Siya lang ang pupunta. Gusto niya na bigyan ng reward ang sarili niya. She wanted everything to be private. Di niya basta-basta ipo-post sa social media habang nasa tour at walang plano na magpabuntot sa mga reporter. Gusto lang niyang I-enjoy ang bakasyon niya kasama ang taong malapit sa puso niya.
Sa loob ng anim na taon ay nakatali siya sa showbiz. Kahit puso niya ay nakatali sa lalaking hindi niya mahal bilang bahagi ng trabaho niya. It was very timely. Hudyat ang pagkalas ni Paloma kay Thirdy ang pagbalik ni Jeyrick sa buhay niya.
“Salamat dito. Tatawag ako sa iyo. Kailangan ko lang I-clear ang schedule ko.”
“Maghihintay ako sa iyo. Ipagluluto kita ng pinikpikan. Sigurado ako na matutuwa sila Nanay kapag nakita ka nila.”
“Ngayon pa lang excited na ako.” Babawi siya kay Jeyrick. Babawi siya sa pamilya nito. At babawi siya para sa sarili niya.
Nai-imagine na ni Paloma ang sarili niya na naglalakad sa pilapil ng rice terraces habang nakasunod kay Jeyrick. Nararamdaman na niya ang malayelong tubig na bumabagsak sa waterfalls. Naririnig na niya ang magkahalong halakhak nila ni Jeyrick na tinatangay ng hangin
“O-Okay lang ba sa Tita Bevz mo na pumunta ka ng Kadaclan at ako ang magiging tourist guide mo?” tanong nito.
“Jeyrick, matanda na ako. Hindi na ako bata na kailangang kontrolin kung saan ako pupunta o sino ang dapat kong makasama,” sabi niya sa pinagaang boses pero ramdam niya sa puso niya ang paghihimagsik. Siya na ang magdedesisyon sa buhay niya.
“Mabuti naman hindi mo pa rin kami nalilimutan,” mahinang usal ni Jeyrick.
“Siyempre hindi. Naging busy lang ako pero hindi ako nakakalimot.”
Tumirik ang mata ni Paloma nang mag-ring ang cellphone niya. Sumimangot siya nang makitang si Hepburn ang tumatawag. “Excuse me lang.” Pumihit siya patalikod kay Jeyrick bago sumagot. “Hello. Abala ka naman sa amin ni Jey…”
“Hello, girlfriend. Nakakaabala ba ako sa iyo?”
Nanlamig ang katawan ni Paloma nang marinig ang boses ng dating nobyo. “Thirdy.” Alam na niya na iniiwasan ko siya. Alam na niyang wala ako sa kuwarto.
“I am so worried about you. Masama daw ang tiyan mo dahil sa nakain mo kaya nagkukulong ka sa kuwarto mo ngayon. Should I call a doctor? O baka dapat na akong magreklamo sa mga bagong kasal dahil minsan na lang kayo magkikita, magkakasakit ka pa dahil sa ipinakain nila sa iyo. Do you want me to tell them?”
Naggiyagis ang ngipin ng dalaga. “Don’t you even dare,” aniyang nakangiti pa rin para sa benefit ni Jeyrick. “Hindi ko naman sinabi sa iyo na sundan mo ako dito.”
“I am hurt. Sa layo ng ibiniyahe ko, pagtataguan mo lang ako. Sa palagay mo ano ang mangyayari kapag nalaman ng mga tao na mukha akong tanga na naghihintay dito habang kasama mo si Jey. Who is that Jey again? Ano kaya ang sasabihin ng fans mo kapag nalaman nila na nakipaghiwalay ka sa akin dahil sa ibang lalaki.”
At least, totoong lalaki si Jeyrick!
Gustong bulyawan ni Paloma si Thirdy pero pinigilan niya ang sarili. Maimpluwensiya pa rin ang lalaki. She didn’t want to antagonize him any further. Kayang-kaya siya nitong sirain. Wala itong ititira sa kanya at madadamay pati ang mga malapit sa puso niya.
Pumikit siya nang mariin at bumilang ng lima. Narinig ulit niya ang boses ng nobyo. “Paloma, I am waiting.”
“Babalik na ako diyan. At sabihin mo kay Bernardo na i-empake na niya ang mga gamit ko. Uuwi na kami.”
Humalakhak si Thirdy. “Inuutusan mo si Thirdy Concepcion?”
“Bitch!” usal niya at gigil na pinindot ang end button. “Pasensiya ka na, Jeyrick. Kailangan ko nang bumalik sa cottage. Babalik na ako sa Manila.”
“Gusto ba ng ex-boyfriend mo na umalis kayo ngayon?”
“May emergency lang,” sabi niya at di magawang salubungin ang mga mata nito. Sanay siyang magsinungaling. Sanay siyang umarte. Pero pagdating kay Jeyrick ay nahihirapan siyang itago ang totoong emosyon niya.
“Mukhang mahal ka talaga niya,” sabi ni Jeyrick habang naglalakad sila pabalik ng lodge.
“Siguro. Pero tapos na kami. At ayoko na siyang pag-usapan. Masaya lang talaga ako na nagkita ulit tayo,” sabi niya at pinisil ang kamay nito. “Salamat.”
“Saan?” tanong nito.
“Kasi hindi ka na lang basta naglaho ngayon.” Salamat dahil hinayaan mo akong maging malaya kahit na sandali. Na di ko kailangang magpanggap. Na nagawa ko ang gusto ko kahit na ilang minuto lang. Ang maging masaya kasama mo.
“Alam mo naman kung saan mo ako hahanapin. Nasa iyo ang number ko.
Tumigil sila sa harap ng lodge at nag-aalalang tumingala sa gusali. “Sigurado ka na okay ka lang dito?”
Tumango si Paloma. “Oo. Kaya ko nang pumasok mag-isa. Bumalik ka na kina Rjan. Mukhang nagkakasiyahan sila. Until we meet again, Jeyrick.”
“Yes. Until we meet again.”
At magaan ang mga paa niya na pumasok sa lodge. Konti na lang at makakalaya na siya. Konting tiis na lang.
“SOBRA na talaga si Thirdy! Sobra na talaga! Tinanggalan na niya ako ng trabaho. Bakit pa hindi niya ako tantanan?”
Nagdadabog na pumasok ng condo niya si Paloma. Ihinagis niya ang clutch bag sa sofa at tinanggal ang doll shoes niya. Kagagaling lang niya sa kaibigang may-ari ng bar para sa rehearsal ng gig niya kinabukasan. Pero ayon dito ay na-cancel na daw ang gig niya dahil hindi na nito kukunin ang serbisyo niya.
Sumunod sa kanya papasok ng condo si Bernardo at isinara ang pinto. “Kalma ka lang, girl. Do you want a mojito or chardonnay?” kaswal na alok nito.
“Ang kailangan ko? Ang makawala na sa impluwensiya ng impaktong iyon. Hindi na siya masayang ginulo niya ako, pati ibang tao gigipitin pa niya para lang mapaluhod ako. Wala naman akong ginawang masama sa kanya. Tahimik din ako sa totoong pagkatao niya. Ano pa bang kailangan niya sa akin? Wala na siyang mahihita.”
Halos hindi makahinga si Paloma sa sobrang panggigigil sa pekeng ex-boyfriend. Mula nang manggaling siya sa Baguio dalawang linggo na ang nakakaraan ay ginawa nitong impyerno ang buhay niya.
Walang nagawa si Paloma kundi magpakita kay Thirdy at manatili sa tabi nito habang nakikipagngitian sa mga bisita. Bago sila umalis sa kasalan ay nagpa-picture pa sila ng dating nobyo sa bagong kasal. Wala siyang nagawa nang I-post ni Thirdy sa social media ang picture nila at magpahiwatig na parang ikakasal din sila balang-araw.
Akala nito ay ganoon lang kadali para sa kanya na sumang-ayon sa palabas nito. Tumanggi siya na maging ka-date nito sa isang awarding ceremony para sa pelikula na pinagbibidahan nito kung saan ito nominado bilang best actor. Pinili niyang kumanta sa isang corporate party kung saan may siguradong kita siya. Nagsimula na ring mabawasan ang mga project niya. Nag-cancel na ang mga kaibigan niya ng performance niya sa establishment ng mga ito. Pati ang mga guesting sa teleserye ay ibinigay sa isang sexy star na puro boobs pero walang kakayahang umarte. Hindi na niya kailangang magtanong kung bakit. Alam niyang kagagawan iyon ni Thirdy.
“He really wants you to succumb to his charms,” sabi ng pinsan niya at inabutan siya ng moringa juice.
“Hindi na niya ako kailangan. May pwede namang I-date na ibang babae diyan.” Lumagok siya ng juice at hindi niya tigilan hangga’t di nauubos.
“Hindi siya sigurado kung pwedeng pagkatiwalaan ang ibang girlash. Praning din ang isang iyon dahil mawawalan siya ng heartthrob status kapag nalamang isa siyang Darna. Ayaw mo bang pagbigyan kahit na ilang buwan lang? Para lang bumalik ang projects mo at may enough ka nang ipon para sa resort na pinapatayo mo.”
May nabili siyang lupa sa North Cotabato na magiging jump off point para sa iba’t ibang magagandang falls at iba’t ibang cultural tours sa mga tribo sa Mindanao. Nasimulan na ang construction ng resort noong nakaraang taon. Doon sana niya planong manatili kapag nagretiro na siya sa showbiz.
Umiling si Paloma at tumayo. “No. Hind ko na talaga siya pagbibigyan.”
“Hindi iyan magugustuhan ni Mother. Alam mo naman na solid kay Thirdy iyon.”
“Wala talaga akong pakialam!” Nagmartsa siya papunta sa kuwarto niya at inilabas ang damit na makapal at mahaba ang manggas. “Tapos na kami ni Thirdy. Aalis na ako. Ikaw na ang bahala kay Tita Bevz na magpaliwanag.”
“Huwaaat!? Anong ako na ang bahala? Anong ipapaliwanag ko?”
“Na hindi ko na kayang magpanggap na girlfriend ni Thirdy. Ibinigay ko na sa kanya ang tatlong ng buhay ko. Gusto ko nang makalaya. I want to own back my life. ‘Yung kikilalanin ulit ako ng tao dahil sa talento ko at irerespeto nila ang kakayanan ko. At malaya akong mahalin kung sino ang totoong laman ng puso ko.”
“Ay! Ganyang level ang speech? Pwede bang back up dancer na lang ako? Ikaw na mag-explain kay Mama. We are a team here. Walang iwanan sa ere. Ako pa ang pahaharapin mo kay Mother Dragon. Ako ang bubugahan niya ng apoy. Matutupok ang beauty mo. No way!” Hindi niya ito pinansin at nagpatuloy sa pag-eempake. Pinigilan nito ang kamay niya nang ilalagay niya sa mountaineering backpack ang black coat niya. “At saan ka naman pupunta?”
“Mamumundok ako.”
“Sasapi ka na sa New People’s Army? Ano pang aabutan mo doon sa bundok kundi mga kamoteng gapang? Lahat sila susuko na kay President Duterte.”
“Sira. Pupunta ako sa Barlig. Matagal na akong di nakakadalaw doon.”
“A-aura ka kay Fafa Jeyrick?” nanunuksong tanong nito at kinuha ang muffler mula sa kanya.