Finding Ethan: The Dream That You Seek Chapter 42

“Baka naman nagpapahinga lang silang lahat.”

Pagkokopra at pangingisda ang pangunahing ikinabubuhay ng mga tao sa Isla Juventus. Kaya naman gusto ng ama niya na tagadoon din sa isla ang mapapangasawa niya para daw mapahalagahan din ang industriya na bumuhay sa pamilya nila.

Nagulat na lang siya nang makasalubong si Alvaro na may dalang sako ng kopra sa balikat. “O! Saan mo dadalhin iyan?” tanong niya dito.

“Sa bangka daw sa may pier. Sige ha? Nagmamadali ako.”

“Pero...” Hindi na siya pinansin ng binata dahil nagmamadali ito habang sunong ang sako. Hindi siya makapaniwala na mag-isa lang ni Alvaro na binibibit ang kopra nang wala man lang karitela o kabayo na gamit.

“Wala namang gumagawa nang ganyan dito sa atin. May kalayuan kaya ang pier. Sampung minuto din na lalakarin iyon. Kaya bang bitbitin ni Kuya Alvaro ang kopra?”

Hindi maipinta ang mukha ni Aurora nang puntahan ang ama. Nasa kubo ang mga ito at nagmimiryenda na. “Nagmimiryenda po pala kayo.”

“Saluhan ninyo kami. Nagluto si Soling ng bibingka,” yaya ng ama.

“Kumain na po ba si Alvaro?”

“Hindi pa dahil di pa tapos ang trabaho niya. Mabagal siya.”

Kumakain na ang mga ito pero di man lang pinakain si Alvaro. Napansin niya na may nakasakay na sako ng kopra sa karitela. “Amay, may karitela naman po pala. Bakit kailangan pa ninyong pagbuhatin si Alvaro ng kopra para isakay ng bangka?”

“Hindi natin magagamit si Akbar dahil may pilay siya at kailangan ko ng tagabuhat para makahabol tayo dahil paalis na ang bangka. Sabi niya ay kaya naman niya kaya hinayaan ko na lang siya,” kaswal na sabi ng Ama.

“Amay, kahit po noong panahon ninyo hindi kayo nagbuhat nang ganoon kalayo. Masyado naman po ninyong pinahihirapan si Alvaro,” reklamo niya.

Pumalatak ang ama niya at hinarap siya. “Magkalinawan nga tayo, Aurora. Ang paninilbihan sa akin ni Alvaro ay tungkol lang sa aming dalawa. Labas ka na doon. At dahil anak lang kita, wala kanng karapatan na utusan ako sa dapat kong gawin. Ako pa rin ang ama mo at gagawin ko kung ano ang sa palagay ko na makakabuti.”

Walang sabi-sabing tinalikuran ni Aurora ang ama at naglakad palayo. Kahit sa ibang naninilbihan na mga nakilala niya ay di naman naging ganito kalupit.

Sinundan siya ni Kenzo. “Ate, hindi mo ba pakakainin si Tiyo Gener ng buko pie mo?”

“Si Alvaro na lang ang pakakainin ko. Tutal nagmimiryenda na sila. Saka pipintasan lang naman ni Amay ang luto ko,” nanghahaba ang nguso niyang sabi.

Naghintay sila sa upuang kawayan sa gilid ng daan. Tumayo siya nang makita na hangos na parating si Alvaro. “Kain muna tayo. Masarap itong...”

“Mamaya na lang pag-uwi ko tayo mag-usap. Marami pa akong gagawin.”

Mistulang lobo na nawalan ng hangin si Aurora. Gusto na sana niyang hilahin na lang si Alvaro at sabihing hayaan na ang tatay niya. Pero nakalayo na ito.

Hinawakan ni Kenzo ang balikat niya. “Ako na ang bahala sa buko pie na luto mo, Ate. Ako na ang magpapakain kay Kuya Alvaro.”

“NANDITO na po si Alvaro? Nakain na po ba niya ang buko pie?” tanong ni Aurora sa Tiya Manuela niya nang maakas na ang mga sinampay niya. Nagsisimula nang lumubog ang araw at nakauwi na rin ang tatay niya mula sa koprahan kaya alam niyang dumating na rin ang binata.

“Nasa likod-bahay. Dinala na rin doon ni Kenzo ang buko pie kani-kanina lang. Mukhang pagod na pagod nga,” anang tiyahin niya.

Mabibilis ang hakbang niya. Sa wakas ay makakausap na niya ang binata. “Alvaro!”

“Shhh!” saway agad sa kanya ni Kenzo na nakatayo sa tabi ng duyan at may inuugoy.

“Nasaan si Alvaro?” tanong niya.

Tumuro ito sa duyan. “Natutulog si Kuya.”

“Nakatulog?” Nang lumapit siya ay nakita niyang mahimbing na mahimbing ang tulog. Parang kahit na hulugan ito ng bomba ay hindi ito matitinag. “Nakain ba niya ang buko pie?”

“Hindi nga, Ate. Mukhang paglapat ng likod sa duyan nakatulog na siya. Napahirapan siguro nang husto ni Tiyo.”

Huminga siya nang malalim. Masaya naman siya na ginagawa ito ni Alvaro para sa kanya pero hindi naman niya kakayanin kung lagi itong pinahihirapan ng ama niya dahil sa kanya.

“Ako na ang bahala kay Alvaro dito. Ikuha mo na lang siya ng unan at kumot.”

Sumunod naman ang pinsan niya at nilagyan ng kumot ang binata. Pero nang inangat niya ang ulo nito ay naalimpungatan ito. “Aurora?”

“Matulog ka lang diyan. Alam ko na pagod ka.”

“No. I am okay. You are here,” mapungay ang mata nitong sabi at bumangon. Umupo ito sa duyan. “Para sa akin ba ‘yung nasa plato?”

“O-Oo. Dala ko kanina sa koprahan pero abala ka. Gusto mo bang kumain?” Tumango ito at inabot niya dito ang plato. “Ako ang nagluto niyan.”

Kumagat lang ito. “Masarap. Salamat.” Nakita naman niya na pinipilit nitong kumain pero sa huli ay muntik na nitong mailaglag ang tinidor. Namayani ang pagod dito. “Pasensiya ka na. Kakainin ko din ito. I am just bit dizzy.”

Tumayo siya sa likod nito at minasahe ang balikat nito. “Naiintindihan ko. Alvaro, ayos lang naman sa akin kung gusto mo nang sukuan ang paninilbihan sa akin. Huwag mo nang pilitin kung hindi mo kaya.”

“Mukha bang gusto kong umurong?”

“Pero hindi naman madali ang ipinagagawa sa iyo ni Amay.” Ayaw na lang niyang sabihin na hindi makatarungan ang ipinagagawa dito ng ama. “Kita mo nga pagod na pagod ka. Iniisip ko tuloy kung kailangan mo itong gawin para sa akin.”

“Siyempre gagawin ko ang kahit ano para sa iyo.” Pinigilan nito ang kamay niyang nagmamasahe sa balikat niya at nilingon siya. “Because you want me for being me. For being Alvaro. Dahil sa iyo, nadiskubre ko ang mga simpleng bagay na pwede kong gawin. Nalaman ko kung sino talaga ako. Kung ano ang pakiramdam nang maging malaya pero tatanggapin at mamahalin ka pa rin ng mga tao sa paligid mo. Marami akong kakulangan pero nagustuhan mo pa rin ako. That is really important to me.”

Kumunot ang noo ni Aurora. “Ano bang klaseng buhay mayroon ka?”

“I have to pretend. Always. And it is pretty tiring.”

“Magpanggap saan?” tanong niya sa binata.

Pumikit ito at binitiwan ang kamay niya. “Just keep on doing that. You make me feel good.” At hindi na nito sinagot ang tanong niya. Siguro nga ay mas makabubuti kung di na niya alam kung anong buhay ang mayroon ito sa lungsod. Isang buhay na ayaw nitong balikan. Mas mabuti iyon para manatili lang ito sa tabi niya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.