TAHIMIK lang si Aurora habang pinapanood si Alvaro na maglatag ng mga niyog para patuyuin at ibilad sa araw. Maganda pa ang panahon at tirik ang araw kaya naman sa halip na pausukan ay iyon na lang ang paraan ng pagpapatuyo. Nagdala siya ng tanghalian ng tanghalian sa mga trabahador doon pero halos di niya kinakausap ang ama. Nagtatampo pa rin siya dito mula kahapon.
“Nakita mo naman, di ko na gaanong pinahihirapan ang nobyo mo. Hindi mo man lang ako binigyan ng buko pie kahapon. Nagluto ka pala,” anang si Manoy Gener nang tabihan siya sa kawayang upuan.
“Baka po hindi ninyo makain. Si Alvaro lang naman po ang nagtitiyaga sa luto ko.”
“Kumain naman ako ng luto mo kanina, hindi ba? Kung magsalita ka, parang ang Alvaro lang na iyan ang nagmamahal sa iyo.”
Bumuntong-hininga si Aurora. Iba lang talaga si Alvaro kumpara sa pagtrato sa kanya ng ibang lalaki sa isla. Mas nararamdaman niya na mahalaga siya at maari siyang mag-isip. Di siya pinangungunahan ng binata. “Importante po ako kay Alvaro at inaalagaan niya ako. Ipinaparamdam po niya sa akin kung paano maging masaya. Sana po pahalagahan din ninyo ang taong nagpapasaya sa akin.”
“Ano pa nga bang ginagawa ko? Hindi ba nandito pa rin si Alvaro?”
Nilingon niya ang ama. “Ibig pong sabihin nagugustuhan na ninyo siya?”
“Tinitiis ko ang presensiya niya para sa iyo. Marami pa siyang kailangang patunayan,” anito at naglakad patungo sa tabasan ng buko.
“BFF fries! BFF!” narinig ni Aurora na tawag ng isang babae.
Isang babae ang basta na lang sumulpot mula sa niyugan at sinugod siya ng yakap. “Sino bang... Crisanta?”
“Sino pa nga ba? Ako lang naman ang friend mo na ganito kaguwapa.”
“Santisima! Ano ba ‘yang itsura mo?” usal niya at pinagmasdang mabuti ang matalik na kaibigan. Puro ito kolorete sa mukha at makulay din ang suot nitong damit na kahel na blouse at dilaw na hapit na palda na hanggang ibabaw ng tuhod. Nakasuot ito ng bulaklaking sapatos na may kataasan ang takong. Hinawakan niya ang kulay kahel nitong buhok. “Anong nangyari sa iyo?”
“Ito ang uso ngayon. Ang sabi sa Maynila, Batang Hamog look daw ito sabi ng mga friends ko. Bagay ba sa akin?” anang babae at nagpaikot-ikot pa sa harap niya.
Napangiwi siya. “Buhay pa ba ang buhok mo?”
“Oo naman. Naninibago dahil di ka naman umaalis dito sa isla. Tingnan mo nga. Hanggang ngayon mukha ka pa ring manang. Nag-move on na ang mundo. Ikaw na lang ang hindi pa at ang islang ito.”
Tipid na ngumiti si Aurora. “Ayos lang naman ako na ganito. Masaya naman dito. Bakit nga pala hindi ka nakadalo sa pista?”
Taga-Isla Juventus din ang pamilya ni Crisanta at naging kaklase niya mula elementarya hanggang high school. Dapat ay magkasama silang luluwas ng Tacloban para mag-kolehiyo. Hindi siya pinayagan ng ama na mag-aral habang ito naman ay nakadalawang palit ng kurso sa kolehiyo at sa huli ay nagtrabaho na lang bilang bantay sa isang tindahan ng mga tsinelas at payong sa Cebu. Bukod sa pista, masasabi niyang ang presensiya ni Crisanta ang nagpapaingay sa buong Isla Juventus.
“Nag-break kami ni loveydoods,” mangiyak-ngiyak nitong sabi.
“Ito ba ‘yung gym instructor?” tanong niya.
“Hindi. Break na kami noon last month pa. Si Loveydoods ‘yung pulis na nanliligaw sa akin. Nalaman ko kasi na may asawa na siya. Manloloko!”
Huminga siya ng malalim. Di na bago sa kaibigan niya ang papalit-palit ng nobyo. Kapag kasi may guwapo ay atat na atat ito na sagutin. Di niya alam kung paano sila naging matalik na magkaibigan dahil magkaiba silang dalawa. Pihikan ang puso niya habang ito naman ay napakabilis mahulog ang loob.
Pinisil niya ang balikat nito. “Ipahinga mo muna ang puso mo. Huwag ka agad mai-in love. Magpaligaw ka muna bago...”
Subalit wala na sa kanya ang atensiyon ng kaibigan. “Parang pamilyar siya sa akin.”
“Ha?” tanong niya at sinundan ito ng tingin. Kay Alvaro nakatutok ang mga mata nito.
“Kilala ko siya. Hindi ako pwedeng magkamali. Siya si Ethan. Ethan!!!” tili ni Crisanta at saka sinugod si Alvaro. Bago pa niya mapigilan si Alvaro ay niyakap na ito ng kaibigan. “Ethan ko, mahal na mahal kita! Sa wakas nagkita na rin tayo.”
Nahindik ang mukha ni Alvaro at parang di nito alam kung anong gagawin. “M-Miss, h-hindi kita kilala. A-At lalong hindi ako si Ethan.”
“Akin ka. Kahit ano pang sabihin mong pagde-deny, gusto kong malaman mo na mahal na mahal kita,” anang si Crisanta at ngumuso. “Ikaw si Ethan! Ikaw ang Ethan ko.”
“Hindi talaga ako iyon, Miss,” anang si Alvaro na lalong namutla.
Hinatak niya ang kaibigan palayo sa lalaki. “Crisanta, ano bang ginagawa mo?”
“Aurora, kamukhang-kamukha niya ang paborito kong artista na si Ethan Ravales,” anang si Crisanta na nagpapungay pa ng mata kay Alvaro. “Hindi talaga ako makapaniwala na makakatagpo ako ng ganyan kaguwapo.”
Tumigas ang anyo ni Alvaro. “Hindi nga ako iyon, Miss. Ako si Alvaro. Alvaro Baltazar.”
“Que Alvaro o Baltazar o Barabas pa ang pangalan mo, di na importante iyon basta kamukha mo si Ethan ko. Ako nga pala si Crisanta. You can call me love or sweetheart. Pwede ding mahal. Kahit anong gusto mo,” kinikilig pa rin na sabi ng kaibigan. “Nandito ka ba dahil pinadala ka ng langit para maging tadhana ko?
Tumikhim si Alvaro. “Naninilbihan ako para kay Aurora.”
“N-Naninilbihan? Nanliligaw ka sa kaibigan ko? Hindi ka sasagutin niyan. Magmamadre iyan at wala siyang balak na mag-asawa. Akin ka na lang at ako ang magsisilbi sa iyo. Lalabhan ko pati ang brief mo...”
“Akin na iyan sabi,” anang si Aurora at hinatak ang buhok ng kaibigan. “Huwag ka nang umeksena. Naninilbihan na nga. Eeksena ka pa.”
“Aurora, dadalhin ko na ito sa bilaran. Nice meeting you, Crisanta,” maasim ang mukhang sabi ni Alvaro. Halatang nailang ito sa babae.
“Bye, Ethan ko! Nandito lang ako kapag ayaw mo na kay Aurora, ha? Love you!” anang kaibigan at nag-flying kiss pa kay Alvaro.
“Alam mo, pagod ka lang kaya kung anu-anong naiisip mo. Doon muna tayo sa bahay namin.”
Katakot-takot na pang-uuto ang ginawa niya kay Crisanta para di na nito mabanggit pa ang tungkol kay Alvaro o sa kamukha nitong artista na si Ethan Ravales. Dumating na rin kasi ang ibang mga kaibigan nila na binigyan nito ng pinaglumaang damit.
Nang papalubog na ang araw ay nakita niya si Alvaro na naglalakad sa dalampasigan. “Alvaro!” tawag niya dito at hinabol ito. “Pasensiya ka na kay Crisanta. May hataw lang talaga ang kaibigan ko minsan pero mabait siya.”
“Ethan Ravales kasi siya nang Ethan Ravales. Ang layo ko naman sa artistang iyon, Aurora. Saka sikat iyon.”
Tumaas ang kilay niya. “Di ko naman siya kilala. Ikaw ang kilala ko. Pero kung sinabi ni Crisanta na kahawig mo ang arista na iyon, siguro di iyon ang unang beses na may nakapansin. Baka nga sa Maynila maraming nagkakagusto sa iyo dahil kahawig mo ang Ethan Ravales na iyon.”
“Ayoko sa mga babaeng gusto lang ako dahil kahawig ko ang isang artista. Doon ako sa babaeng mahal ako bilang ako.” Ginagap nito ang kamay niya. “Someone like you.”
Nakangiti niya itong tiningala. “Ayoko din naman sa artista. Marami pa akong makakaribal na babae doon. Sa iyo pa nga lang marami na akong kalaban.”
Nawala ang ngiti sa labi nito. “Baka mamaya magbago ang isip mo kapag nakita mo si Ethan Ravales sa personal.”
“Malabo iyan dahil di naman ako makakakakita ng artista sa personal,” natatawa niyang sabi. Para namang makakaalis siya sa islang iyon. Hindi naman na niya kailangang umalis dahil nasa Isla Juventus na ang lahat ng kailangan niya.
“MUKHANG seryoso talaga ‘yung taga-Maynila sa iyo, Aurora,” sabi ni Kapitan Robredo nang kunin niya ang langka na ipinabibigay nito sa tatay niya. “Akala ko pa mandin ay ayos na kayo ng anak ko.”
Tipid siyang ngumiti sa butihing kapitan. “Ganoon po talaga. May sariling paraan po ang pag-ibig. Parang tatay ko pa rin naman po kayo.”
“Umaasa pa rin naman ako na kayo pa rin ni Omar ko sa huli.”
Isang ngiti na lang ang sagot ni Aurora sa matandang lalaki at nagpaalam nang umuwi. MAbuti naman at unti nang natatanggap ng mga tao ang relasyon nila ni Alvaro. Ang Amay Gener na lang talaga niya ang di pa din lumalambot kay Alvaro. Umaasa siya na konti na lang ay makukuha na ni Alvaro ang loob ng ama.
Papasok siya sa bakuran nila nang makita niya si Crisanta na nakasilip sa kay Alvaro habang nakatago sa likod ng puno. Hawak nito ang cellphone at parang kinukuhanan ang binata habang hinahakot ang panggatong. “Hoy! Anong ginagawa mo diyan?”
“Huwag kang magulo. Ini-stalk ko si Ethan.”
“Alvaro,” pagtatama niya. “Siya si Alvaro sabi.”
“Pareho na rin iyon dahil magkamukha sila. Alam mo ba na pwedeng lumabas sa TV ang Alvaro mo at maging kalokahlike ni Ethan Ravales? Tiyak na mananalo siya doon.” Binuksan nito ang ilang larawan sa cellphone. “Tingnan mo. Magkamukha sila. Gupitan lang ang buhok ni Alvaro at ahitan siya ng balbas, Ethan na Ethan na siya.”
Pinagmasdan niyang mabuti ang lalaki at sumikdo ang dibdib niya. Hawig nga ni Alvaro si Ethan Ravales lalo na sa mga mata. Di niya alam kung bakit nakadama siya ng takot. Marami namang magkakahawig na tao sa mundo.
“Ayaw ni Alvaro na mag-artista. Tahimik na buhay ang gusto niya,” usal niya at ibinalik ang cellphone dito.
“Saan nga ulit kayo nagkakilala? Saka saan siya galing?”
“Sa Calbayog kami nagkakilala. Sinagip niya ako sa nanghatak ng bag ko. Galing siyang Maynila at gusto daw niyang magbakasyon sa isang tahimik na lugar.”
Inilahad nito ang kamay. “May pamilya ba siya?”
“May kapatid siyang lalaki na nasa ibang bansa at namatay daw ang magulang niya sa aksidente sa dagat.”
Nanlaki ang mga mata nito. “Pareho sila ni Ethan. Namatay din ang magulang nila ng kapatid niya nang lumubog ang sinasakyan nilang barko ata.”
“Nagkataon lang iyon.”
Ibinalik nito ang tingin kay Alvaro. “Paano kung si Alvaro at Ethan ay iisa lang? Paano kung ang boyfriend mo ay isang artista?”
Pinitik niya ang noo ng kaibigan. “Tigilan mo na nga ‘yang iniisip mo dahil malabo iyan. Kahit pa sabihin mong siya si Ethan Ravales, ano naman ang gagawin niya sa Isla Juventus? Ni walang kuryente dito o kahit anong appliances. Ni walang signal ang cellphone. Mayaman ang Ethan Ravales na iyon at sigurado ako na sa mamahaling resort o kaya sa ibang bansa siya magbabakasyon. Hindi siya magtitiyaga sa lugar na ito.”
“Sabagay. May punto ka naman diyan, friend,” anito nang makapag-isip-isip sa wakas. “Ako nga di makakatagal ng isang araw dito sa isla, si Ethan Ravales pa kaya? Nakakabuwang kaya dito. Puro mga kuliglig ang naririnig ko sa gabi.”
“Kaya huwag mo nang babanggitin pa kay Alvaro si Ethan Ravales.”
“Oo na. Babawi na ako sa inyo. Mamasyal tayo sa Isla Paloma,” tukoy nito sa isla na pagtaas ng tubig ay lumulubog din. “Isama natin si Iking. Break na pala sila ni Ilona. Baka pwede na kaming magkabalikan. Alam mo na, first love never dies.”
“Ayan ka na naman sa pag-ibig na iyan. Tapos iyak-iyak ka sa huli.”
“Mahal ko pa rin siya. Di siya nawala sa puso ko.”
“Bahala ka na nga. Buhay mo iyan.” Mas mabuti nang mabaling sa iba ang atensiyon nito kaysa kay Alvaro.