Ihinahain na niya ang miryenda nang may sunud-sunod na kalabog sa pinto. “Tulong! Tulong! Manoy Gener, Aurora, tulong po!”
Pinagbuksan ni Aurora ng pinto si Celso. “Anong problema?” tanong niya.
“Sunud-sunod na ang mga nagkakasakit sa atin. Mapa-bata o matanda ay nagsusuka at malabnaw din ang dumi. Hindi na namin alam ang gagawin. Pati ang kapatid ko at mga pamangin ko ay kahapon pa nagsusuka. Hinang-hina na sila.”
“Anong sabi ni Doc Tagle?” tanong ni Aurora.
“Pati siya ay ganoon din ang sitwasyon. Hindi nga makabangon o makapagsalita man lang sa sobrang panghihina. Wala namang alam si Isagani kung ano ang gagawin. B-Baka po may maitutulong kayo kung anong gagawin,” nanginginig at mangiyak-ngiyak na sabi ni Celso.
“Titingnan namin,” sabi niya sa kaibigan. “Tawagin mo rin si Tiya Manuela at si Kenzo. Amay, maiwan po kayo dito sa bahay. Pababantayan ko po kayo kay Kenzo.”
Pagdating sa baranggay hall ay may tatlumpung katao ang naroon at naghihintay na mabigyan ng tulong kasama na si Doc Tagle. Hindi alam ni Auora ang gagawin. Ganito rin ang nangyari nang nakaraang taon at limang katao ang namatay nang di naagapan. Mas malala lang ngayon at sa palagay niya ay dadami pa sa paglipas ng oras.
“Anong gagawin natin?” tanong ni Aurora.
“Baka nagalit ang mga anito ng isla,” sabi ni Bert na mukhang may malaking kasalang ginawa. “H-Hindi ko dapat sinira ang nuno sa punso sa niyugan namin.”
“Baka kailangang mag-alay tayo ng manok bilang sakripisyo,” anang si Omar dahil iyon ang sinaunang kaugalian sa isla. At umugong ang pagsang-ayon iba.
“Kailangan na ng doktor. Baka epidemya na ito,” sabi ni Alvaro sa matatag na boses.
“At saan mo naman nakuha ang ideya na iyan?” tanong ni Kapitan Robredo.
“May application po sa cellphone ko. Pwede kong ilagay dito kung ano ang sintomas ng sakit at mate-trace kung anong posibleng sakit.” Binasa nito ang nakasulat sa cellphone nito. “Base sa sintomas, posibleng gastroenteritis ito. Epekto ng di malinis na kamay o di malinis na tubig at pagkain. Normal na iyan kapag tag-ulan o sobrang init ng panahon. Maraming bacteria at virus na naglalabasan.”
Umasim ang mukha ni Omar. “Ang dami mong alam.”
“At saan naman tayo kukuha ng doktor kahit pa totoo ‘yang sinasabi mo?” tanong ni Kapitan Robredo. “Wala namang pakialam sa amin ang doktor sa simula pa lang. Sa ibang isla may mga medical mission pero dito wala. Parang kinalimutan na kami.”
Masyadong malayo ang isla nila sa sibilisasyon. Maliit lang sila at napakadaling kalimutan. Kaya nga natuto na lang sila na umasa sa sarili nila at tanggapin na lang ang maibibigay ng kalikasan dahil wala naman silang maaasahan sa gobyerno o sa ibang tao.
“Kukuha ako ng doktor,” sabi ni Alvaro at tumingin ang lahat dito. “Sila na lang ang pag-asa natin. Sa pagsusuka at pagdudumi nila, mauubusan sila ng tubig sa katawan na maari nilang ikamatay kapag di naagapan. Kaya pupunta ako ng Calbayog para humanap ng doktor. May gusto bang sumama sa akin?”
“Ako!” prisinta ni Celso at nagtaas ng kamay.
“Bangka ko na lang ang gamitin natin. Malaki-laki iyon at kayang sumagupa sa malalaking alon,” prisinta naman ni Manoy Roman na mabilis na kumilos. “Ihahanda ko lang ang bangka.”
Nagbilin si Alvaro. “Pakuluan muna ninyo ang tubig bago inumin. Kailangang malinis ang kamay bago kumain. Tiyakin na laging malinis ang katawan at maingat din sa mga kinakain. Malinis din dapat ang mga kamay bago magluto at tiyakin na maayos ang pagkakaluto. Kailangang uminom ng maraming tubig ang mga pasyente para di maubusan ng tubig sa katawan. Mga malalambot na pagkain lang ang pwedeng ipakain sa kanila. Magagawa ba ninyo iyon?”
Nakarinig pa rin sila ng pagtutol at pag-angal sa pangunguna ni Omar. Di pa rin tanggap ang mga makabagong agham sa islang iyon. O sadyang ayaw lang ng iba kay Alvaro dahil dayo pa rin ito.
“Magagawa ba ninyo iyon?” mas matapang na tanong ng binata. “Kayo ang magiging responsable kapag isa sa mga nandito ang namatay. Wala na tayong oras para sa mga pagkontra ninyo.” Natahimik ang iba.
“Oo. Gagawin namin,” sabi agad ni Aurora. May tiwala siya kay Alvaro. Kahit ano ay handa siyang gawin para lang matiyak ang kaligtasan ng iba. Wala namang mawawala sa kanila. “Titiyakin ko na malinis ang paligid at malinis din ang tubig na iinumin nila.”
“May arroz caldo pa sa bahay. Dadalhin ko dito para makakain na sila,” sabi ni Tiya Manuela. “Pwede na ring magtulong-tulong sa pagluluto ang iba kung kulang.”
Pinangunahan na rin Kapitan Robredo ang paghahati-hati ng trabaho. Wala namang mawawala sa kanila kung susundin nila si Alvaro. Kahit ano basta masagip lang ang mga maysakit.
“I have to go,” anang binata. “Sana makabalik din kami agad kasama ang doktor.”
“Ako na ang bahala dito. Maraming salamat sa tulong mo.” Hinawakan niya ang braso nito. “Kaya mo na bang bumiyahe? Malalaki ang alon. H-Hindi ka ba natatakot?”
Umiling ito at bakas ang katapangan sa mga mata nito nang pagmasdan siya. “Mas natatakot ako na may masamang mangyari sa mga tao dito sa isla. Natatakot ako na may masamang mangayari sa iyo. Baka pati ikaw magkasakit din kung hindi ito maaagapan.”
Kahit na ayaw niyang mapalayo dito, masaya ang puso niya dahil isang matapang na lalaki ang minahal niya. Habang abala sa pagkontra ang iba, ito naman ay handang umaksyon. Dinaig pa nito ang ibang taal na taga-isla.
Kinintalan niya ito ng halik sa labi. “Hihintayin ko ang pagbabalik mo.”
At ihinatid na lang niya ito ng tanaw habang palayo na may pabaong panalangin. Ito na lang ang pag-asa nila ngayon. Sana ay maging mabuti ang dagat sa mga ito.
Nagpapakulo si Aurora ng tubig nang biglang haklitin ni Omar ang braso niya. “Ano sa palagay mo ang ginagawa mo? Bulag-bulagan ka na nga sa pagmamahal sa dayo na iyon, idinamay mo pa ang mga tao dito. Virus? Bacteria?”
“Ano pang problema mo? Gumagawa kami ng paraan para mabuhay ang mga tao dito. Walang masama sa pagbabago, Omar. Kung may malasakit ka sa mga tao dito, tumulong ka na lang. Kundi ka nakakatulong, wag kang dumagdag sa problema. Kaya kung wala kang maitutulong, huwag mong abalahin ang mga tao dito. Tumabi ka.”
Isang matalim na tingin ang ibinigay ni Omar sa kanya bago naglakad palayo. Pero sa huli ay tumulong din naman ito sa pag-iigib ng tubig.
Nakakaramdam ng hilo si Aurora pero di niya pinansin iyon. Kailangan niyang maging malakas para sa mga taga-isla. Kailangan niyang maging malakas hanggang bumalik si Alvaro. Malalampasan din nila ang pagsubok na iyon.