MAINGAY ang bangka dahil nangingibabaw ang boses ni Crisanta habang kinakantahan nito ang bangkero nila na si Iking. DI talaga nag-aksaya ng panahon ang kaibigan ni Aurora para mabawi ang dating nobyo. Habang excited naman siya dahil ito ang unang beses na makakalabas ulit siya at kasama si Alvaro. Date daw ang tawag doon sabi ni Crisanta. Mabuti na lang at pumayag ang ama niyang si Manoy Gener dahil kalahating oras lang naman ang Isla Paloma mula sa Juventus. Marami silang baong pagkain dahil magpi-picnic sila doon.
“Alvaro, ayos ka lang ba?” tanong niya nang mapansing tahimik ang nobyo.
“Oo naman. Ina-appreciate ko lang ang ganda ng dagat.”
“Napansin ko kasi na tahimik ka. Hindi ka naman siguro natatakot dahil nasa dagat tayo,” aniya nang maalala ang takot nito sa dagat noon.
“Maganda naman ang panahon. Di ako natatakot.”
Humilig siya sa balikat ng binata. “Kailangan natin ito dahil ilang araw na tayong di gaanong nagkakasap o nagkakasama dahil sa paninilbihan.”
Kinintalan nito ng halik ang noo niya. “I think I really need this. Pero nakaka-miss din pala ang pagtatrabaho sa koprahan. Ngayon ko lalong na-appreciate ang nagtatrabaho sa coconut industry at kung gaano kahirap ang buhay ng coconut farmers. Di man lang sila nabibigyan ng compensation ng gobyerno. Sana may maitulong ako. Pagbalik ko sa Manila...”
Naalarma siya. “Alvaro!” Babalik ito ng Maynila? May plano ito? Anong mangyayari sa kanilang dalawa? Iiwan na ba siya nito nang tuluyan?
“O! Groupie muna tayo,” sabi ni Crisanta at itinaas ang cellphone nito.
“Ako na lang ang kukuha ng picture n’yo,” anang si Alvaro.
“Gusto ko nga kasama ka,” giit ni Crisanta. “Heto na ng. Groupie na tayo e. Tapos ia-upload ko ito sa internet. O baka naman gusto mo solo ang picture?” At akmang kukuhanan nito ng picture si Alvaro.
“I said no! That is invasion of privacy. Bawal iyan!”
“Ang OA mo naman. Parang picture lang.”
“Burahin mo iyan,” utos ni Alvaro. Natakot siya dito dahil parang galit na ito.
Ngumuso si Crisanta. “Para namang di tayo close.”
“Burahin mo!” utos ni Alvaro at pilit na hinatak ang cellphone mula dito.
“Ayoko,” tutol ni Crisanta at hinatak ang cellphone palayo kay Alvaro. Nasobrahan ito ng hatak dahilan para tumilapon ang cellphone nito sa tubig. Nanlaki ang mga mata nito at dumukwang sa bangka habang pinapanood ang pagbulusok ng cellphone nito sa ilalim ng dagat. “Ang cellphone ko.”
Nagulat na lang siya nang biglang tumalon ng tubig si Crisanta. Nahigit ni Aurora ang hininga. “Crisanta, huwag mo nang kunin!”
Naestatwa naman si Alvaro. Gusto sana niyang tumalon para tulungan ang kaibigan. Mabuti na lang at maagap si Iking at tumalon din sa tubig. “Crisanta, buang ka talaga!” sigaw nito nang masagip ang babae. “Magpapakamatay ka dahil sa cellphone?”
“Madami tayong pictures doon,” hikbi ng kaibigan.
“Magpa-picture na lang ulit tayo. Hindi iyon dapat maging kapalit ng buhay mo.”
Humagulgol ng iyak si Crisanta. “Mahal mo pa ba ako?”
“Oo naman. Kaya huwag kang mawawala sa akin.”
Kahit paano ay maganda pa rin naman ang ending dahil nagkabalikan sina Crisanta at Iking. Pero nag-aalala siya dahil sa naging reaksyon ni Alvaro. Ano bang nangyayari dito?
Nilapitan siya ni Alvaro habang nag-iihaw siya ng isda. “Nag-sorry na ako kay Crisanta. Nangako ako na papalitan ko ang cellphone niya. She can buy a better one if she wants to. I am also sorry, Aurora. Di ko alam kung anong nangyari...”
“Bakit parang may malaki kang problema pagdating sa internet, Alvaro? Parang ayaw mong makita ka ng iba.” Tumayo siya at humalukipkip. “May pinagtataguan ka ba o may itinatago ka sa akin?”
Umiling ito. “Wala. Ano naman ang itatago ko?” Pero di nito magawang salubungin ang mga mata niya.
Huminga siya ng malalim at ginagap ang mag kamay ng binata. “Pwede mo akong pagkatiwalaan. Hindi naman ako magagalit. May dapat ba akong malaman tungkol sa iyo? Akala mo ba hindi ko napapansin na parang may inaalala ka?”
“No.” Ipinilig nito ang ulo. “Pero gusto ko lang malaman mo na kailangan ring bumalik ng Maynila sa tamang panahon.”
“Sawa ka na ba sa isla?”
“Aurora, I wish I could stay in the island forever. Pero marami akong responsibilidad na naghihintay sa akin sa Maynila. At gusto kong makasama ka pero hindi ko pwedeng kalimutan ang mga taong nakadepende sa akin. I wish when that time comes, you could come with me. Hindi ba gusto mong makita ang ibang lugar, iba sa isla na ito?”
Mataman niyang pinagmasdan ang binata. “H-Hindi ako makakasama sa iyo...”
“Look. Gusto mo bang habambuhay na lang isla? Ayaw mo bang ituloy ang pangarap mo na maging teacher? You see, I can help you with that. Maraming magagandang university sa Manila. Marami kang matututunan. Marami ka pang madidiskubre sa mundo. Handa akong ibigay ang lahat ng iyon sa iyo basta sumama ka lang sa akin. HIndi mo makukuha ang mga pangarap mo kung mananatili ka dito.”
Gusto niya ang sinasabi nito. Gusto niyang maranasan ang buhay na iba sa buhay niya sa Isla Juventus. Gusto niyang matuklasan at masaksihan ang mga bagay na nakikita niya sa libro. Masarap ang pangarap na iyon. Pero hindi niya alam kung ano ang mangyayari sa realidad. Di rin niya maaring basta na lang iwan ang isla. Di siya handa.
“Kapag di ako sumama sa iyo, anong mangyayari? Di ka na ba babalik?” nanginginig ang boses niyang tanong.
“Susubukan kong bumalik pero di ko alam kung kailan. Maaring buwan. Maaring taon. I... I really don’t know.”
Ginagap niya ang kamay nito at pilit na ngumiti. “Di ba pwedeng dito ka na lang? Masaya naman tayo dito. Mas tahimik ang buhay.”
Nanatiling desidido ang anyo nito. “Hindi lang ito tungkol sa akin. This is about our future as well.” Hinalikan nito ang ibabaw ng ulo niya. “Think about it, Aurora. Iyon lang ang naiisip kong paraan para magkasama tayo. I can’t give you much here. Pero sa Maynila, maibibigay ko ang lahat ng pangarap mo. Nang higit sa inaakala mo.”
Nang tawagin ito ni Iking dahil manghuhuli ng isda ay iniwan siya ng binata. Hindi alam ni Aurora kung ano ang gagawin. Tiyak na tututol ang ama niya kung sinabi niyang gusto niyang sumama kay Aurora. Pero kung di siya sasama kay Alvaro, baka tuluyan nang mawala sa kanya ang lalaking mahal niya at ang pag-asa niyang matupad ang pangarap niya. Pag-alis ni Alvaro, babalik na naman siya sa buhay niya sa isla nang may kahungkagan sa puso niya.
HINDI pa rin tumitigil ang pag-ulan. Kahapon lang nang umaga ay mainit pa ang sikat ng araw. Kinahapunan ay dumilim na lang ang langit at naging malupit ang hangin kasabay ng walang patawad na pagbuhos ng tubig.
“Nakakalungkot ang panahon,” usal ni Aurora at malungkot na tumanaw sa bintana. Dapat ay mamamasyal sila ni Alvaro ngayon pero di natuloy dahil na rin sa ulan. Kinailangan din ito sa koprahan. Sa labas ng ulan sa labas ay wala halos makita kahit ang mga karatig na maliliit na isla.
“Maagang pumasok ang tag-ulan,” sabi ng ama niya. “Tama nga ang sabi sa balita. Hindi man lang ako nakapaghanda. Ang mga kopra natin na ibibilad sana...”
“Hayaan na po ninyo ang mga trabahador doon, Amay. Ngayong umaga nandoon din si Alvaro. Sila na po ang bahala doon na pauusukan ang kopra.”
Karaniwan ay tatlong araw na pinatutuyo sa araw ang kopra. Pero kapag ganitong may ulan ay pinauusukan ang kopra sa isang malaking kamalig sa loob ng beinte kuwatro oras. Di pwedeng palampasin ng tatlong araw nang di napapatuyo ang laman ng niyog dahil masisira iyon at masasayang. Di na nila maibebenta sa merkado.
Ipinaglaga muna niya ng salabat ang ama. Parang umiikot ang paningin ni Aurora na hindi niya maintindihan habang nagpaparingas ng apoy. Hindi maganda ang pakiramdam niya dahil na rin sa biglang pagbabago ng panahon. Ayaw pa mandin niya sa lahat ay nagkakasakit dahil ayaw niyang maging alagain. Walang mag-aalaga sa tatay niya kapag nagkasakit siya.
Nang bumalik siya sa maliit nilang sala ay nandoon na si Alvaro at kausap ang ama niya. Nakakapote pa ito at may hawak na tasa na may takip na platito. “Nagluto ng arroz caldo si Tiya Manuela.”
“Ikaw ba ang nagkatay ng manok na inilagay diyan?” pabiro pang tanong ng ama niya. Isang magaang tawa ang isinagot ng binata.
Pagdating kasi sa mga hayop ay malambot ang puso ni Alvaro. Nang nakaraan ay inutusan ito ng tatay niya na manghuli ng isa sa mga alagang manok at ipinakatay dito. Nang tuturuan niya ito paano katayin ay tahimik itong umiyak. Alaga na daw kasi nito ang manok na iyon dahil ito ang nag-aalaga at parang anak na nito. Di daw nito kayang patayin. Malambot talaga ang puso nito.
Pero dahil sa dedikasyon nito sa paninilbihan sa kanila ay nakikita niyang unti-unting lumalambot ang puso ng ama niya dito. Tinuturuan din nito ang binata sa kung paano pinapalakad ang koprahan pati na rin ang kalakaran sa negosyo. Sana lang ay tuluyan nang tanggapin ng ama niya si Alvaro.