Football Hotties 2: The Wicked Striker Chapter 12

MALAKAS na malakas ang kaba ni Cattleya nang lapitan si Pierro na nakatayo sa likuran ng sasakyan nito. Madilim ang mukha nito at alam niyang di mabuti para sa kanya ang mga sasabihin nito. "Anong ginawa mo kay Liam?" tanong nito.

"Kasi naman malakas siyang mang-asar. Bigla ba namang tinanggal ang tapis na tuwalya sa harap ko. He is such a tease," naiinis niyang kwento.

"Anong nakita mo? Nakahubad ba?" tanong nito.

Yumuko siya at tinitigan ang paa niya. "Hindi. Naka-shorts."

"Iyon naman pala. Di naman nakahubad. Bakit ginulpi mo ang player ko?"

Napangiwi siya sa igting ng boses nito lalo na nang idiin nito ang "player ko". Alam niyang malapit na siyang malintikan dito. Precious para dito ang manlalaro nito. The club pays a lot for the player's welfare. At kung pwede lang ay huwag padapuan sa lamok ang mga ito ay gagawin ni Pierro.

"Nagulat lang naman ako. Di kasi nakakatuwa ang biro niya."

Bumuntong-hininga ito at tinitigan siya na parang hindi siya nito kilala. "Ano bang nangyayari sa iyo? I trained you better than that. Tinuruan kita kung paano kontrolin ang emosyon mo lalo na sa mga kritikal na pangyayari. And I trained you how to rule in a man's world. Mahigit isang taon na nating hawak ang El Mundo. Wala na lang naman sa iyo ang makitang walang damit ang mga iyan. Minsan nakikipagsabayan ka pa ng green jokes sa kanila para ipakitang di ka iba sa kanila. Pero simpleng biro lang sa iyo ni Liam, ginugulpi mo na ang player ko. And it's not even that offensive. Hindi ko binabayaran ng malaki ang mga players ko para lang gulpihin mo. I need them in top condition once they step on the pitch. Di ka ba naaawa sa mga players natin? Nagugulpi na nga sila sa laro, sasaktan mo pa sila paglabas nila ng pitch. You of all people should know that. At hindi ikaw ang makakapigil para makuha ko ang kampeonato sa season na ito. Nagkakaintindihan ba tayo?"

Napilitan siyang tumayo. "Oo, Kuya."

"Nagkakaintindihan ba tayo?" pasigaw nitong tanong at mas mariin.

Tumuwid siya ng tayo. "Yes, Sir!" Nang mga oras na iyon ay hindi niya pinsan ni Pierro Dantes kundi tauhan nito.

Tumuro ito sa direksiyon ni Liam. "Now move. Mag-apologize ka kay Liam at ipagdasal mo na walang masyadong damage sa kanya o ikaw ang malilintikan sa akin."

Susukot-sukot siyang bumalik sa kay Liam. Nakayuko siya at di makatingin ng diretso sa iba. Ngayon lang kasi siya nasermunan ng ganito at dahil pa kay Liam.

"Doc Wally, kumusta na si Liam?" tanong ni Pierro.

"Wala namang malalang damage pero mukhang nasaktan talaga siya sa sipa ni Cattleya." Nakangising tumingin si Wally sa kanya. "Nag-taekwondo ka ba?"

"Oo. Red belter kaya di ako puwedeng kayan-kayanin lang. Kaya kong ipagtanggol ang sarili ko," pagmamalaki niya at nagmamalaking tiningnan si Liam bilang babala. Siguro naman ay naipakita na niya dito na di uubra sa kanya ang kalokohan nito.

Tumikhim si Pierro. "Cattleya, may sasabihin ka kay Liam."

She hissed. Nakalimutan niyang nandoon ito at may importante itong utos sa kanya. Kinuyom niya ang palad at tumingin kay Liam. "I-I am sorry." She was not sorry at all. Kung alam lang niyang ganito ang dadanasin niya sana ay nilakasan niya ang sipa niya.

"Okay lang iyon. Di naman ako tuluyang napilay. Nakakalakad pa ako," sabi ni Liam na cool na cool pa rin ang dating.

"Hindi pwede ang pwede lang," apela naman ni Pierro. "Iti-treat ka ni Cattleya sa labas. O mas maganda siguro kung ipagluto ka niya ng tanghalian. Magaling siyang magluto ng laing."

Maang niya itong tiningnan. "Kuya, marami akong gagawin. May importante akong meeting..."

Hindi siya makapaniwala na gusto nitong ipagluto pa niya si Liam. Di naman kung sinu-sino lang ang ipinagluluto niya ng espesyal niyang putahe. At lalong hindi si Liam.

"Ask someone else to attend it. Di naman ganoon kahalaga ang mga meeting ngayon. Di kasing halaga ng player ko." Tinapik nito ang balikat niya. "Inaasahan kong maipaparamdam mo kay Liam na talagang pinagsisisihan mo ang pananakit mo sa kanya. I want my players to be happy. Is that clear?"

"Yes, Sir," mas malamyang sagot niya.

"Sabi ko naman sa iyo, hindi ba?" makahulugang wika ni Raiza na may naglalarong ngiti sa labi na nagsasabing sana ay natuto na siya ng leksiyon niya. Humawak ito sa braso ni Pierro. "Let's go, sweetheart. Ayokong maabutan ng traffic sa SLEX."

"Lunch date later?" tanong ni Liam nang tumayo sa tabi niya. "Gusto kong matikman ang luto mo. See you at my condo later?"

"Whatever," aniya at tinalikuran ito. Dali-dali siyang pumunta sa kotse niya na nakaparada sa di kalayuan. Maganda pa ang ngiti ni Liam sa kanya nang dumaan ang kotse niya at kumaway.

Gusto niyang iumpog ang sarili sa manibela sa sobrang inis. Pakiramdam niya ay aping-api siya sa sitwasyon. Siya na nga ang napeste, siya pa ang masama sa huli. Ngayon ay kailangan pa niyang pagsilbihan si Liam. Great! Kung siya ang masusunod ay gusto niyang ipagluto ito ng ginataang sili.

Huminga siya ng malalim at bumuga ng hangin. Hindi siya dapat na magpadala sa galit niya at inis. Siya lang ang talo. May kasalanan naman talaga siya dahil nagpatalo siya sa emosyon niya.

Mariin siyang pumikit nang tumigil ang kotse niya sa traffic light. Kailangan niyang kalmahin ang sarili niya. Ipagluluto niya si Liam at susubukang ipakita na pinagsisisihan niya ang pananakit dito. Kailangan niyang burahin ang kontrabida image niya. Kailangang good shot ulit siya sa Kuya Pierro niya. Iyon na lang ang magiging goal niya. She must be nice to him or die trying.

"AKALA ko hindi ka darating," sabi ni Liam nang pagbuksan si Cattleya ng pinto sa condo. Dali-dali nitong kinuha mula sa kanya ang mga pinamili niya sa palengke. Mabuti na lang at hindi maputik ang palengkeng pinuntahan niya nang mamili siya. Wala kasi sa grocery ang mga sangkap na kailangan niya. "Ipagluluto mo nga ako."

"Sabi mo gusto mong tikman ang luto ko. Heto na ako," aniya at nagkibit-balikat. Wala naman siyang choice kung hindi tanggapin ang kapalaran niya.

Inilahad nito ang palad. "This way to the kitchen."

Napansin niya na masyadong tahimik ang condo. Wala ring kahit anong kalat. "Nasaan sina Jerry at Yu?" Ka-share nito ang iba pang players sa condo nito. Malaki naman kasi iyon at kasya pa nga ang apat na manlalaro.

Inilapag nito ang pinamili niya sa banggerahan. "Nasa mall pa. Tapos tutuloy daw sila sa spa."

Napalunok siya at pinagkiskis ang mga palad. "Tayong dalawa lang dito."

Hindi gusto ni Cattleya ang ideyang iyon. Lumapit nga lang kay Liam kahit na may ibang tao sa paligid ay di na siya komportable. Lalo naman kapag silang dalawa lang. Hindi niya gusto ang ipinaparamdam nito sa kanya. Mga bagay at emosyon na di niya kilala at di niya makontrol.

Tumayo ito sa harap niya at namaywang. "Bakit? Natatakot ka ba sa akin? Matapos mo akong gulpihin, matatakot na akong pagtangkaan ka ng masama."

Hindi si Liam ang tipo na may kinatatakutan. He was a man who thrives in danger. He was danger himself. Siya ang natatakot dito. Dahil alam niyang kahit anong pagtatapang-tapangan niya, he could see right through her. Alam nito kung ano mismong ginagawa nito sa kanya. He could make her weak. Hindi niya pwedeng hayaan iyon. Lalong di niya gustong makita nito na mahina siya.

Itinulak niya ang dibdib nito palayo. "Magaling ka lang umarte pero di ako naniniwala na nasaktan ka talaga kanina. Magaan lang ang sipa ko sa iyo."

Pumikit ito at umaktong nasaktan. "Masakit talaga. Kawawa naman ako. Ang katulad ko di na dapat sinasaktan. Sana minamahal na lang."

"Heh! Gusto mo pa ng pagmamahal. Ipagluluto na nga kita."

Inilabas niya ang dahon ng gabi sa loob ng paper bag at saka hinugasan. "Need help?" prisinta ni Liam.

"Hindi na," aniya at di nag-abalang tingnan ito. "Manggugulo ka lang sa akin."

"Ayoko namang maging inutil. Kakain din naman ako niyan," sabi nito.

Kumuha ito ng kutsilyo at siyang naghiwa ng karne at dahon ng gabi. Inabala naman niya ang sarili sa pagpipiga ng gata ng niyog. Sa unang pagkakataon ay tumahimik si Liam. Sineseryoso nito ang paghihiwa.

"Sa Germany ako ang nagluluto kapag busy si Nanay. Saan ka natutong magluto? Culinary school?" tanong nito.

"Hindi. Sa nanay ko." May tanim silang gabi sa likod-bahay at inaakyat naman ng tatay niya sa puno ng niyog ang gagamitin sa ginataan. Noon ay simple lang ang buhay.

Naghihiwa siya ng sibuyas nang marinig niya ang kanta ni Liam habang kinukuha ang kawali. "Marry your daughter. Make her my wife..."

Isang eksena ang biglang nag-flash sa utak niya. Nasa isang kotse siya katabi si Liam. Iyon ang musikang naririnig niya. Pasigaw niyang kinakanta iyon nang wala sa tono. As if she was drunk. Well, she was drunk. Napaupo siya dahil pinaupo siya ni Liam.

Tumutok ang mga mata niya dito. "Know what? Hindi ka naman guwapo. You are annoying much. But there's something about you that makes me want to kiss you." At dahan-dahan niyang inilapit ang labi dito. She wanted to kiss him.

Her breath hitched as if she woke up from a trance. Napaigik siya nang maramdaman ang sakit sa daliri niya. "Aray!" Nang tingnan niya ay may sugat iyon.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.