PUPUNGAS-PUNGAS pa si Cattleya nang dumating sa Turf sa Bonifacio Global City kung saan nagte-training ang El Mundo Football Club. Alas sais pa lang ng umaga ay sobrang intense na ng training. Hinati sa dalawang grupo ang buong team at pinaglaban. Itinaas ang level of play ng team. Mas mabilis na kaysa sa mga naunang training ng mga ito. Kailangan daw sindakin ang mga kalaban sa bagong paraan ng paglalaro ng mga ito. Hindi naman nahirapan si Liam sa training. After all, one of the reasons why El Mundo decided to sign him up was for his speed. At hindi rin ito nahirapan sa pakikibagay sa mga bagong manlalaro. Ito ang tipo ng player na mabilis maki-jive sa iba na parang ilang taon nang magkakasamang naglalaro ang mga ito.
Napatayo ang dalaga sa kinauupuan nang liparin ni Liam ang bola, tinira ang bola sa pamamagitan ng ulo at naka-goal. "That is my Superman!" Pumalakpak si Pierro saka tumuro sa direksiyon ni Liam. "Nice job, Liam. Nice job!"
"Nice build up. Tito Liam is really fast," sabi ng anak ni Pierro na si Pierson na kasama niya sa bench. "Go, Tito Liam!"
Isinama ito ni Pierre sa training. Nagulat siya dahil ang alam niya ay may lakad ang mga ito sa isang event kasama si Raiza.
Patapos na ang training nang biglang dumating si Raiza. Nakasuot ito ng creme blouse, midnight blue high-waist pants at itim na stiletto pumps. Kuntodo make up pa ito at kinulot-kulot pa buhok. Parang kagagaling lang sa salon.
“Mommy!” anang si Pierson at sinalubong ang ina.
“Get inside the car,” sa halip ay utos ni Raiza dito.
“But Mom, gusto ko pang manood ng training,” angal ng bata. Saka ito humingi ng saklolo sa kay Pierre. “Dad, tell mom I want to stay here.”
“Narinig mo naman ang sabi ng bata. Gusto niyang manood. Let him. Nagrereklamo ka na wala akong oras sa anak natin tapos ngayong kasama ko siya, pinalalayo mo naman sa akin,” sabi naman ni Pierro.
Ipinadyak ni Raiza ang paa. “But not like this. We are supposed to visit an opening of a hotel in Taal, Batangas. Doon ang bonding natin.”
“And I told you we prefer to watch the training,” anang si Pierro at umasim ang mukha. “Hindi ka na naman nakikinig.”
“Dahil gusto mo ikaw lang ang masusunod. Look! Sa palagay mo ba bagay ang ayos ko dito? And I am practically melting under the sun!” Hindi hilig ni Raiza ang football. Naalala nga niya kung paano nitong pagselosan ang football club kapag abala si Pierro dito. Boring daw ang laro at mainit pa.
Tumikhim si Cattleya at napilitang gumitna sa mag-asawa. “Kuya, mabuti pa siguro kung pag-usapan ninyo ito ng mahinahon. Naririnig kayo ni Pierson at nakukuha na rin ninyo ang atensiyon ng ibang tao,” aniya sa mahinang boses. “Kung gusto ninyo, tapusin na ninyo itong training saka kayo pumunta ng Tagaytay.”
“Fine,” sabi ni Raiza at itinaas ang baba. “Sa kotse muna ako habang aircon pa.”
Nang matapos ang cool down ng players ay nagkanya-kanyang pwesto ang mga ito sa turf para i-check ng physician ng El Mundo FC ang posibleng injury ng mga ito at maalagaan. Si Pierson naman ay dinala kay Liam at Gui na kausap ang players na sina Jerry na matagal nang manlalaro ng El Mundo at ang kapitan ng team na si Yu na isang Japanese national. Si Cattleya naman ay inabala ang sarili sa pag-check sa kondisyon ng ibang player kasama ang physiologist na si Wally.
Kausap niya sina Misagh at Angel pero lumilipad ang tingin niya kay Liam na nakikipaglaro kay Pierson. He was good with kids. Paano kung may anak na kaya ito? Siguro ay malambing itong ama at bibigyan nito lagi ng panahon.
Ipinilig niya ang ulo. Pakialam ba niya? Itinuon na lang niya ang atensiyon sa pakikipag-usap sa ibang players at tinanong kung posibleng problema ng mga ito. Sa huli ay nakausap na niya ang lahat ng player maliban kay Liam.
“Pierson, huwag ka nang magpawis. You will smell at the event,” sabi ni Raiza at kakamot-kamot na iniwan ng bata si Liam
Nagbihis na ang mga players kalaunan. Wala kasing dressing room sa turf. Napalunok siya nang hubarin ni Liam ang pang-itaas nitong training jersey. He had that intriguing tattoo on his chest. Bago pa niya malapitan ay naisuot na nito ang T-shirt. Hawak naman ni Jerry ang towel na nakapaikot sa baywang ni Liam habang nagbibihis ito at binibiro itong sinisilipan. Natural na iyon na joke ng mga kalalakihan at normal na lang din sa kanya. Dapat nga ay tumalikod siya pero di niya alam kung bakit parang hinihila siya palapit habang nakangiti.
"Liam…"
Nagulat pa ito nang makita siya. "Cattleya, may kailangan ka ba?"
Hindi siya makatingin nang diretso sa mukha nito kaya bumaba ang tingin niya sa hubad nitong dibdib. Napalunok siya. Bumaba sa firm nitong abs hanggang sa tapis na tuwalya sa baywang nito. Bigla niyag inangat ang tingin dito nang matuklasan ang direksiyong tinatahak ng mata niya. "M-Magaling ka kanina. Good job. M-May training ulit tayo bukas ng alas sais ng umaga. Huwag kang magpapa-late," sabi niya at biglang tumalikod nang di man lang hinihintay ang sagot nito.
Mabilis ang lakad ng dalaga habang halos di humihinga. Nagawa na niya ang duty niya. Nakausap niya ito nang nakangiti. Medyo strained nga lang pero at least di siya nagsusuplada. Kailangan na niyang lumayo dahil may naglalaro sa isipan niya kung anong nasa ilalim ng tuwalya nito. Sana lang ay di nito napansin kung gaano siya kaapektado dito kanina at kung paano gumala ang mata niya.
"Cattleya!" tawag ni Liam sa kanya.
"Bakit?" tanong niya at humarap.
"Bulaga!" sabi nito at biglang tinanggal ang towel na nakatapis sa tuwalya nito.
Tumili siya at naitakip ang kamay sa mata pero nakabuka naman ang mga daliri niya kaya nakita pa rin niya ang nasa ilalim ng tuwalya nito. Muntik na siyang atakihin sa puso nang makita ang ilalim ng tuwalya nito. Naka-shorts lang pala ito.
Natulig ang tainga niya nang marinig ang tawa nito at ni Jerry. Naramdaman niya ang pag-iinit ng pisngi niya pati ang leeg at dibdib niya. Nakakainis! Nawala ang composure niya doon. Tuluyan nang nagdilim ang paningin niya at sinugod ito.
"Buwisit ka talaga!" angil ni Cattleya at hinampas ito sa braso.
"Aray! Kung maka-cariño brutal ka naman," angal nito.
"Dapat lang sa iyo iyan. Heto nga ako at sinusubukan kong maging mabait sa iyo. Ayoko na ngang awayin ka tapos gaganyanin mo pa ako," aniya at patuloy sa paghampas dito. "Bastos ka talaga!"
"Paanong bastos?" tanong nito habang sinasalag ang paghampas niya. "Hindi naman ako nakahubad. Masama yata ang loob mo dahil di mo nakita ang kayamanan ko."
Kayamanan? Kayamanan? Bwisit na kayamanan iyan.
Awtomatikong kumilos ang paa niya. Sinipa niya ito sa binti. "Ungas ka!"
Nanlaki ang mata niya nang bigla itong bumagsak. Napasinghap na lang siya habang di makapaniwala habang nakatitig dito. Namimilipit si Liam habang hawak ang binti na animo'y nasaktan. "Liam!" bulalas ni Jerry at hinawakan ang nasaktan nitong binti.
Mariing pumikit si Liam. "Oo. Masakit ang sipa sa akin."
"Liam!" tili ni Raiza at sinalat-salat ang nasaktan nitong binti. "Dito ba masakit?" Puno ng pang-aakusa siya nitong tiningnan. "Bakit mo siya sinipa?"
"Siya naman kasi," paninisi niya kay Liam at hindi niya alam kung anong valid na rason ang ibibigay dito. "P-Pero di naman ganoon kalakas ang pagkakasipa ko sa kanya. He is just diving. Kunyari nasaktan…"
"Aray!" angil ni Liam at napangiwi nang pisilin ni Raiza. "Masakit talaga."
Lumapit si Doc Wally, ang club physician. "Liam, ako na ang bahala."
Madilim ang mukha ni Pierro nang tingnan niya. "Mag-usap nga tayo ng masinsinan, Cattleya."