Football Hotties 2: The Wicked Striker Chapter 16

Tumikhim siya. "Gustong matiyak ni Kuya Pierro na magiging maganda ang pagkaka-repair sa ngipin ni Liam."

"Mabuti naman at concern ka kay Liam. Bati na ba kayo?" may halong panunukso nitong tanong.

"Wala naman siyang ginagawang masama sa akin. Basta hindi niya ako aasarin, wala naman kaming pag-aawayan. Saka responsibilidad ko pa rin ang mga players natin."

Lalo na si Liam. Matapos niyang marinig ang pananaw nito tungkol sa laro at ang commitment nito na makapag-contribute ng maganda sa football sa Pilipinas, gusto niyang tiyakin na masisiyahan pa rin itong manatili sa El Mundo FC.

"Sige. Walang problema," sabi ni Dondi.

Nagulat pa ang sekretarya niya nang makitang bitbit na niya ang bag niya nang lumabas ng opisina niya. "Wala naman akong importanteng meeting ngayon o pipirmahan, di ba?" Umiling lang ito. "Lalabas muna ako. May kailangan akong asikasuhin sa El Mundo."

"O-Okay, Ma'am. Ipapadala ko na lang po sa condo ninyo kung may kailangan kayong i-review na papers o kaya ay pirmahan."

Tipid siyang ngumiti. "Salamat."

Habang nagmamaneho papunta sa condo ni Liam ay iniisip pa rin ni Cattleya kung tama ang ginagawa niya. Siya mismo ang sasama dito sa dentista dahil gusto niyang i-monitor ang pakikisalamuha nito sa ibang babae? Nagseselos ba siya?

Ipinilig niya ang ulo. No. Pupunta siya doon bilang responsable at concerned na assistant manager ng El Mundo Football Club. Hindi siya nagseselos. Gusto lang niya si Liam sa professional level. Nothing personal. Kung makipag-flirt man ito sa ibang babae ay wala siyang pakialam.

Trabaho lang ito. Trabaho lang, paulit-ulit niyang sabi sa isip pagkatok sa pinto at hinihintay iyon na magbukas.

Si Liam ang nagbukas ng pinto. Nagulat ito nang makita siya. "Cattleya!"

Isang pormal na ngiti ang ibinigay niya dito. "Good afternoon."

"Come in. Kumakain pa ng lunch si Misagh at hinihintay namin si Sir Dondi," wika ni Liam.

"Hindi na siya sasama. Ako na ang sasama sa inyo sa dentista."

"Bakit ikaw? Hindi ba busy ka?"

"Si Kuya Pierro kasi gustong tiyakin ko mismo na magiging maayos ang pagkakaayos ng ngipin mo. Alam mo naman kung gaano kametikuloso si Kuya Pierro at sa akin niya ibinilin ito."

Namulsa ito sa khaki shorts nito. "Akala ko nag-aalala ka sa akin kaya ka nandito," sabi nito sa suwabeng boses at bahagyang inilapit ang mukha sa kanya.

What the… May kulang na nga sa ngipin nito pero guwapo pa rin ito at kaya pa ring mang-akit. Aaminin na ba niyang nag-aalala siya dito?

"Well, nothing can bring you down. Ikaw si Superman. Hindi ko kailangang mag-alala sa iyo. Man of Steel ka, di ba?"

"Even Superman has his kryptonite."

"At hindi iyon ang pingas na ngipin." Wala siyang ideya kung ano ang weakness nito. Basta ang alam lang niya ay nanghihina na ang tuhod niya dahil dito. Ito ang kryptonite niya.

"Kumain ka muna," yaya nito sa kanya.

"Ano bang tanghalian ninyo?" tanong ni Cattleya. Baka gutom lang ito. Di pa pala siya kumakain. Huling kinain niya ay ang donut at kape kaninang coffee break. Sumilip siya sa kusina. Siya ang na-shock nang makita si Misagh na namumuwalan sa pagkain. "Misagh! You're supposed to be on a diet. Anong ginagawa mo?" paangil niyang tanong.

"I am hungry. Mamamatay ako kapag di ako kumain." Pinapungay ng binata ang mata na parang nagmamakaawa. "Do you want me to die?"

Iniikot ng dalaga ang mga mata. Pagdating sa pagpapaawa ay eksperto talaga si Misagh. Noon pa ito inirereklamo ng coach dahil wala itong control sa pagkain lalo na sa sweets. Kung anu-anong pilosopiya kasi ang ginagamit nito para makalusot sa pagkain. "Fine. Pero bumawi ka ng workout. Kapag di ka nakatakbo dahil sa katabaan mo..."

Itiniklop nito ang braso para ipakita ang biceps nito. "Muscles 'to. Muscles." Hinawakan nito ang laylayan ng T-shirt nito. "Do you want to see my six-pack abs?"

Maasim siyang ngumiti. "Huwag na. Hindi ako interesado sa baby fats mo."

Ipinagpatuloy ni Misagh ang pagkain. Bumalik na lang siya sa sala at nagbasa ng magazine. Tinabihan siya ni Liam. "Ang totoo kinakabahan si Misagh kaya naparami ang kain niya."

"Saan naman siya kakabahan?" Sa palagay niya ay si Misagh ang tipo na walang kaba sa katawan. Malakas kasi ang loob nito at may kakapalan ang mukha. Hanggang stratosphere ang confidence nito.

"Pinopormahan yata niya ang dentista na pupuntahan namin."

"Diyan kayo magaling. Sa babae," pakli niya.

Napamaang si Liam. "I am innocent party here. Magpapaayos lang ako ng ngipin," depensa nito.

"Maniwala naman ako sa iyo."

Tama lang pala na sumama siya. Baka mamaya ay kung sinu-sinong babae ang lumapit di kay Liam. Napakalapitin pa mandin nito ng babae. Nakikita niya ang mga post ng kababaihan sa social media account nito. Kahit nang may pingas ang ngipin nito ay may nagpiprisintang fans na alagaan ito.

Kotse niya ang idinala nila. Nakaupo sa tabi niya si Liam habang si Misagh naman ay nasa likod at kanta ng kanta. Mabuti na lang sumama si Misagh kung hindi ay baka maging awkward ang atmosphere sa pagitan nila ni Liam.

"I hope that Nooshin will like my voice. Liam, what is your favorite song again?" tanong ni Misagh.

"Marry your daughter," sabi ni Liam. "Paborito din iyan ni Cattleya."

Pinanlakihan niya ito ng mata. Nananadya yata talaga ito. Akala niya ay okay na sila.

"Misagh, why don't you save your voice for later? Masobrahan ka sa pagpa-practice. Baka mawala ang boses mo," babala niya kay Misagh.

"Okay. I will keep quiet," sabi ni Misagh at ipininid ang bibig.

Naintindihan na nila kung bakit aligaga din si Misagh. Maganda nga ang dentistang may-ari ng clinic. Si Nooshin. Naging kaklase ito ni Misagh sa CEU College of Dentistry at ngayon ay may sarili nang clinic.

"Hi, Nooshin!" bati ni Misagh dito. "Do you miss me?"

"No!" mataray na sagot ni Nooshin pero ngumiti agad ito kay Liam. Inilahad nito ang palad. "This way please." Sumunod naman si Misagh kay Liam. Bigla itong hinarap ni Nooshin. "Where do you think you are going?"

"Sasama ako kay Liam. Natatakot siya sa dentista. I am a good friend. I will hold his hand," paliwanag ni Misagh at mahigpit na hinawakan ang kamay ni Liam.

Tinaasan ito ng kilay ni Nooshin. "Dito ka lang sa lobby o ipapakaladkad kita sa guard."

Bumitaw si Misagh kay Liam. "Okay. I will stay here and wait for you." Pero kay Nooshin ito nakatingin. Mukhang may tama nga yata ito.

Tinapik ni Cattleya ang sofa sa tabi niya. "Misagh, dito ka na. Your style sucks."

"No. Nooshin likes me. Kunyari lang masungit siya para hindi halata na gusto niya ako," sabi nito at pabagsak na umupo sa sofa.

Bumuntong-hininga siya at nagbasa na lang sa laptop niya ng mga articles tungkol sa kalaban nilang kompanya. Pero hindi siya makapag-concentrate sa binabasa dahil palakad-lakad si Liam sa harap niya. Daig pa nito ang pusang di maihi. "Misagh, umupo ka nga. Nahihilo na ako sa iyo. Ano bang problema mo?"

Sinapo nito ang pisngi. "Masakit ang ngipin ko."

"Kailan pa?"

"I was also at pitch remember? Sinaktan din nila ako."

Oo nga nasaktan ito sa pitch pero di naman nito inirereklamo iyon nang tanungin ni Doc Wally. Mukhang gumagawa lang ito ng dahilan para makalapit kay Nooshin.

Humalukipkip si Cattleya. "Di mo yata nabanggit na may masakit din sa ngipin mo. Kanta ka pa nga nang kanta kanina. Saka sobrang takaw mo. Tapos bigla na lang sasakit ang ngipin mo?"

Ngumisi ito at tumuro sa kanya. "You were busy ogling Liam that's why you didn't notice. You only care about him."

Ogling? Kailan? Di yata niya maalala. Ilang beses niya itong nilingon kapag naka-red ang traffic light. Pero di naman titig na titig. O baka naman nakakahalata na si Misagh na iba ang interes niya kay Liam na higit pa sa normal. Paano kung hindi lang ito ang nakakapansin? Hindi niya alam kung paano iha-handle kapag di lang ito ang nanukso sa kanya.

"Ogling ka diyan. Siya ang napingasan ng ngipin. Natural lang na mag-alala ako sa kanya." Hinawakan niya ang baba nito. "Your teeth is perfect. Ano naman ang aayusin diyan?" tanong niya para mawala ang atensiyon nito sa kanila ni Liam.

"That's what you thought. Perfect on the outside but it might be damaged inside. My gums and nerves are aching. Kailangang ma-X-ray ito para malaman kung ano ang totoong damage. I can't risk it because it might be too late. I have endorsements remember? What will happen to my career?"

"Sige na. Magpa-check up ka na." Lulusot at lulusot lang ito para makasama si Nooshin. Kung pipigilan niya ito ay sasakit lang ang ulo niya. Hindi naman kasi ito matatahimik hangga't di napagbibigyan. Isa pa ay mahirap makipag-argumento sa isang dentist pagdating sa ngipin. Matatalo at matatalo din siya.

Makalipas ang dalawang oras ay lumabas din si Liam at si Nooshin. Tumayo agad siya. "How's your teeth?"

"Good as new," sabi ni Liam at ngumiti. May bago na itong ngipin sa nabungalang parte. "Guwapo na ulit ako?"

Gusto niyang sumagot ng "oo" pero nagkabikig ang lalamunan niya. Nami-miss niya ang magandang ngiti nito. Nang bumalik sa dati ang ngipin nito ay parang lalo itong naging guwapo.

"Wow! You are guwapo again," sabi ni Misagh at inakbayan ito.

Siya ang kinausap ni Nooshin. "I applied dental implant to replace his tooth. Kung makakaramdam siya ng discomfort, pwede naman siyang bumalik dito. At kung maire-refer ninyo sa akin ang iba pang kakilala ninyo, pwede ko kayong bigyan ng discount."

Kinamayan niya ito. "Sure. Thank you, Doc Nooshin." Tinanguan niya sina Misagh at Liam. "Let's go? Gutom na ako."

"W-Wait!" wika ni Misagh. "Masakit."

"Ang ano?" tanong ni Nooshin.

Lumapit si Misagh dito habang hawak ang sariling panga. "I think it's my molar. Nasaktan din ako sa game. Parang umuuga nga ang ngipin ko."

"Talaga?" kaswal na tanong ni Nooshin. Ngumanga si Misagh at kunwari ay sinipat-sipat nito ang ngipin ni Misagh. "Parang wala namang diperensiya. Okay lang iyan."

"You have to check it thoroughly. Please. Masakit na masakit," pakiusap ni Misagh.

Bumuntong-hininga si Nooshin dahil alam nitong wala itong choice dahil baka lecture-an ito ni Misagh tungkol sa SOP ng pagtse-check up ng isang dentist. "Just wait for five minutes. Ihahanda lang ang mga gamit para sa iyo."

"Yes!" usal ni Misagh nang bumalik na si Nooshin sa loob ng main clinic nito. Nang nakita nitong nakataas ang kilay ni Cattleya ay muli nitong sinapo ang kanang panga. "Aray!"

Inilipat niya ang kamay nito sa kaliwang panga. "Dito siya masakit kanina. Be consistent, Misagh."

"Okay. Thanks," sabi nito. "You may go now. Just leave me here. Baka matagalan ako."

"Pero…"

"Hayaan mo na siya," wika ni Liam. "Maiinip lang tayo kung hihintayin natin siya."

"Gutom ka na ba?" tanong ni Cattleya dito.

Tumango si Liam. "Oo." Sabagay nakakapagod at nakakagutom din na nakanganga nang matagal na sandali.

"Come. Sa Goal tayo magmiryenda. I-celebrate natin ang bagong ngipin mo."

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.