Football Hotties 2: The Wicked Striker Chapter 17

Nang dumating sina Liam at Cattleya sa Goal Sports Bar ay iilan pa lang ang mga tao. Kabubukas pa lang ng bar nang hapong iyon. Sinalubong agad sila ni Mackintosh. "Kumusta na ang ngipin mo?" tanong nito kay Liam.

Nag-thumbs up si Liam at ngumiti. "Ayos na ayos na."

"Ayos pala e! Kumpleto na ulit ang kaguwapuhan mo." Tumingin si Mackintosh sa likuran nila. "Akala ko kasama ninyo si Misagh. Sabi niya pupunta daw siya dito ngayon pagkatapos samahan si Liam sa clinic."

"Naiwan siya sa dentista. Masakit daw ang ngipin niya," sabi ni Cattleya. "Nadali sa game."

Kumunot ang noo ni Mackintosh. "Alam ko masakit ang balikat at binti niya pero hindi naman siya tinamaan ng kalaban sa mukha. Paanong masakit ang ngipin niya?"

"Sa kakakain siguro. Matakaw kasi. Muntik na kaming ubusan ng tanghalian kanina," natatawang kwento ni Liam.

Natawa rin si Mackintosh. "Umupo na kayo. Ako na ang bahala sa dessert. May bagong ice cream cake sa menu. You should try it."

"Thank you," sabi ni Liam at umupo sila sa couch. Umorder lang siya ng vegetable salad sandwich. "Iyan lang ang order mo? Akala ko ba magse-celebrate tayo." Siya ang na-shock nang dagdagan nito ang order. Nakaanim yata itong putahe.

"Liam, sabi ko celebrate lang. Hindi tipong kumain na ngayon dahil bibitayin na bukas," angal ng dalaga.

"Kainin mo lang ang kaya mo. Alalahanin mo na dadating pa si Misagh. Tiyak na magugutom iyon pagdating. Ano kayang nangyari sa pagpapa-check up niya?"

"Malalaman din ni Nooshin na wala naman talagang damage sa ngipin niya," natatawa niyang sabi.

"May paraan si Misagh para mapatagal ang pananatili niya sa clinic. Can't blame the man. He is in love. Para-paraan lang para makasama ang taong mahal niya. Kahit magmukha kang tanga."

"Kahit na mainis at magalit sa kanya ang taong iyon?" tanong ni Cattleya.

"Oo naman. Kapag in love ka, masaya ka nang tapunan ng atensiyon para lang malaman niya nag-e-exist ka. Makapagpapansin lang. O basta makasama lang ang taong gusto mo. Siguro naman nagawa mo na iyon."

Kanina basta na lang iniwan ni Cattleya ang trabaho niya para lang samahan si Liam sa dentista. Trabaho lang iyon, depensa niya. Hindi naman siya in love dito. Malabong mangyari iyon.

"Hindi pa." Uminom siya ng tubig para may excuse siya na di ito tingnan habang sumasagot siya.

"Kahit noong high school ka? Kahit sa crush mo?" tanong nito.

Ibinaba niya ang baso at pinunasan ang labi ng napkin. "Wala akong crush at hindi pa ako nai-in love."

"Talaga? Bakit naman?" nagtatakang tanong nito.

Nagkibit-balikat ang dalaga. "Hindi pa ako nagka-interes sa lalaki. Noong bata ako focus ko lang ang pag-aaral ako. Sino naman ang pag-iinteresan ko sa mga kaklase ko na puro immature at isip-bata? Puro papogi lang samantalang walang ibubuga."

"At ngayon na mas matanda ka na?"

"Wala pang nakakuha ng interes ko. And besides, I don't have a social life. Sa dami ng trabaho na kailangan kong asikasuhin kaysa makipag-date o mag-entertain ng manliligaw."

Nagpasalamat ito sa waiter na ibinaba ang order sa mesa nila. Dumampot ito ng isa at sumubo. "Walang taong busy kapag na-in love. Kahit na gaano ka pa ka-busy, iiwan mo ang lahat para makasama mo ang taong mahal mo."

"Mas marami pa akong importanteng dapat asikasuhin kaysa sa pag-ibig na iyan."

At hindi na talaga niya uulitin ang ginawa kanina na iiwan niya ang importanteng trabaho para lang bakuran si Liam. Hindi naman siya in love dito. Why would she bother? Bakit nga ba?

Ipinaglagay siya nito ng hipon sa bakanteng platito. "Masyado mong sineseryoso ang pag-aasikaso sa football club. Ikaw pa mismo ang sumama sa akin na magpa-check up."

"Mahalaga ka sa club. Mahalaga ka para kay Kuya Pierro. Mahalaga kay Kuya Pierro ang El Mundo. Pangarap niya ito. He used to play for a college league. Kaso na-injured siya. Di na siya makapaglaro kaya pangarap na lang niya na magkaroon ng sarili niyang football club. So when he was rich enough, he bought his own club. Eksakto naman nagbu-boom ang football sa Pilipinas. At sa lahat ng ventures niya, sa football club na ito siya nakakakuha ng kakaibang kasiyahan."

At least totoo ang bagay na iyon. Mahalaga kay Pierro ang lahat ng aspeto ng club at mahalaga ng contribution niya para maging maayos ang pagpapatakbo nito kahit pa sabihing maliit lang ang detalye. Iisipin na lang niya na sinusuportahan talaga niya si Pierro sa maliit na gawaing ito. Tiyak na matutuwa pa nga ito sa kanya dahil sa moral support na ibinibigay niya kay Liam.

"Ikaw? Masaya ka ba sa football?"

Nagulat si Cattleya sa tanong ni Liam. Hindi niya hilig ang football. Di niya gaanong hilig ang sports maliban lang sa golf dahil napapakinabangan iyon sa mga business dealings. "Basta makita kong masaya si Kuya Pierro..."

Umiling ito. "No. Ikaw mismo masaya ka ba sa football?"

"Oo naman," aniya at sumubo ng salad.

Hindi man siya naglalaro ng football pero kakaibang high ang nararamdaman niya kapag sinusuportahan ang El Mundo Football Club. At pakiramdam niya nitong nagdaang mga linggo ay mas napapahalagahan na niya ang football club. Siguro dahil na rin mas naiintindihan na niya ang mundo ng mga ito at ang saloobin ng mga manlalaro maging ng mga fans.

"So what really makes you happy? Walang kinalaman sa gusto ni Boss Pierro."

Nakakunot ang noo niya itong pinagmasdan. "Bakit ganyan ang tanong mo? Para namang nakasalalay kay Kuya Pierro ang kaligayahan ko."

"Hindi nga ba?" Akmang bubuka ang bibig ni Cattleya pero nagpatuloy ang binata sa pagsasalita. "Let's put it this way. May nagpapasaya ba sa iyo na taliwas sa gusto ng pinsan mo?"

"Hindi naman..." Napaisip siya at wala siyang maisagot. Lahat kasi ng nakakahiligan niya ngayon ay may kinalaman sa gusto ni Pierro. Bakit nababasa siya nito? Parang di niya ito matatakasan. "Oo na. Tama ka na. Lahat ng interes ko ay interes din ni Kuya Pierro. Hindi mo naman ako masisisi. Siya na lang ang pamilya ko. He is my mentor. Lahat ng nalalaman ko ngayon sa negosyo at sa buhay ay halos galing sa kanya. Kung paano magtrabaho. Kung paano makapagsara ng deal. Pati na mga interes niya. I learned to share his visions... his dreams. Mali ba iyon?"

"Not really. But you have your own individuality. Siguro naman may mga gusto ka na bagay bago ka napunta sa poder ng pinsan mo."

Napatitig ang dalaga sa sandwich niya. Naalala niya ang simple at mahirap niyang buhay na kasama ang pamilya niya. "Noong wala pa ako sa poder niya, simpleng probinsiyana lang ako na nangangarap makapagtapos at makatapak sa Maynila para magtrabaho at mabigyan ng magandang buhay ang magulang ko. I can't remember that life anymore. Ibang tao na ako. Ibang mundo na ang ginagalawan ko. Hindi naman na siguro aakma ang pagbubungkal ng lupa o pag-akyat sa puno ng bayabas o panghuhuli ng isda sa sapa sa bagong buhay ko ngayon."

"Kahit na malapit tayo sa mahal natin sa buhay, may sarili pa rin tayong pangarap. May mga bagay na nagpapasaya sa atin na di tayo naiimpluwensiyahan ng mga taong mahal natin. Hindi mo ba gustong i-explore iyon?" Ginagap ni Liam ang kamay niya. "We can explore it together."

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.