WALANG ganang mag-agahan si Cattleya habang iniisip ang kahihiyang dinanas nang nakaraang gabi. Mukha siyang tanga na naghihintay kay Liam sa restaurant sa baba ng hotel pero hindi ito sumulpot. She thought he would be amenable at least. Na pakikinggan nito ang proposal niya. Sa kasamaang palad ay hindi niya nakita kahit ang anino nito.
Marami na siyang nakaharap na mahihirap na transaction bilang assistant ng pinsan niyang si Pierro na isang matagumpay na businessman. Maaarteng kliyente, mga investors na maraming demands. Lahat iyon ay nalagpasan niya.
Pero di niya maintindihan kung bakit grabe ang iritasyong nararamdaman niya sa pang-i-indian ni Liam na parang na-indian siya sa date. Hindi sa nakikipag-date siya. Di lang siguro niya matanggap na nagawa siya nitong balewalain. After all, she was taken seriously in the business world. Ang pangalan niya ay kadikit ng pangalan ng pinsan niya na iginagalang at nirerespeto.
Nag-ring ang cellphone niya at kinagat niya ang labi nang makitang tumatawag ang pinsan niya. Sa huli ay napilitan din siyang sagutin iyon sa masiglang boses. "Hello! Good morning, Kuya."
"How’s your meeting? Pumayag na ba si Liam na maging parte ng El Mundo? You see, nagpapalakas na ang ibang team. They have many new players from all over the globe. I must assemble my dream team fast. Kailan daw siya dadating ng Manila?"
She curled her lips. "Hindi pa siya pumipirma sa kontrata pero very promising ang takbo ng usapan namin." Di man iyon totoo sa ngayon pero plano niyang bumawi.
"I need results soon. I don't want promises."
Ngumiwi siya. Ayaw niya ng ganitong tono mula dito. Lalo siyang ninenerbiyos. "Of course. Ang totoo papunta na po ako sa bahay niya ngayon."
"Good. Alam mo naman na malaki ang tiwala ko sa iyo. Oras na makuha mo si Liam at manalo tayo sa league, makukuha mo rin ang lupa na pag-aari ng magulang mo."
Gumaan ang loob niya. Matagal na niyang gustong makuha ang lupa ng magulang niya na naibenta nang mamatay ang mga ito para na rin bayaran ang mga utang ng mga magulang niya. Pangarap niyang bawiin iyon. "Hindi kita bibiguin, Kuya."
"I know you won't."
Nagkaroon siya ng kakaibang sigla nang maisip kung anong magiging kapalit kapag natupad niya ang gusto ng pinsan niya. Bagamat istrikto ang pinsan niya ay generous ito na boss. Kahit naman walang reward ay handa siyang gawin ang lahat para dito. Sa dami ng nagawa nito para sa kanya, ang magagawa na lang niya ay huwag itong biguin. At hindi siya papayag na si Liam Aramis lang ang bibigo sa kanya.
Inilabas niya ang light yellow dress niya na may flower accent. Iyon ang secret weapon niya. Kapag hindi makuha sa pormal na usapan, minsan ay kailangang gamitan ng feminine charms para makuha ang atensiyon ng isang matigas na lalaki at palambutin ito. Tinernuhan niya iyon ng brown knee-length boots.
Dumaan muna siya sa bilihan ng cake saka sumakay ng taxi. Ibinigay niya ang address ni Liam sa driver. Ibinigay iyon ng coach nito. Naawa kasi sa kanya nang makitang nangangatog siya sa stadium matapos siyang iwan ni Liam. Baka sakali daw ay mas ameniable kausap si Liam kapag umaga. Sa araw na iyon ay free day ni Liam. Walang training ang mga ito.
Makalipas ang dalawampung minuto ay humimpil ang taxi sa harap ng isang Sorrento style na bahay. Pinindot niya ang doorbell. Di nagtagal ay isang babae na nasa mid-fifties ang lumabas. May pagtataka sa mukha nito nang mapagmasdan siya. “G-Good morning. I am looking for Liam Aramis,” nakangiti niyang wika.
Pasimple siyang hinagod ng tingin ng babae. “Are you his girlfriend?” marahan nitong tanong. Animo’y may pag-asam sa mga mata nito.
Umiling agad siya. “No. I am Cattleya Bautista from Manila. I work for El Mundo FC and we are interested in signing Liam.”
Nagningning agad ang mata nito. “Galing ka sa Pilipinas at gusto ninyong dalhin ang Liam ko sa team ninyo?” excited na sabi nito. Hinalikan siya nito sa magkabilang pisngi. “Ako ang nanay ni Liam. Ako si Eleonor. Pumasok ka. Pasok. Ang diyaskeng batang iyon hindi man lang sinabi na may darating siyang bisita.”
“H-Hindi ko naman po kasi sinabi na pupunta ako ngayon. Gusto ko po siyang… sorpresahin,” wika niya at naramdaman agad ang init ng pagtanggap ni Eleonor.
“Natutuwa ako na malaman ang tungkol dito. Magandang sorpresa ito para sa amin ng Papa niya. Noon pa siya kinukulit ng asawa ko na bumalik sa Pilipinas.” Mabilis ang hakbang nito habang papasok ng bahay.
Isang matandang lalaki ang lumabas ng silid. “Tama ba ang dinig ko na may dumating na namang girlfriend si Liam?”
“Hindi, Daddy. Assistant daw ng isang football club sa Pilipinas,” excited na balita ni Leonora.
“Sir, I am from El Mundo FC,” pagpapakilala ni sa matandang lalaki at kinamayan ito. “Kayo po ang tatay ni Liam? Nagpadala po kayo ng mga video clips niya kaya siya napili na maglaro sa training camp noong isang buwan kasama anng national football team.”
“Ako nga iyon. Tawagin mo na lang akong Bert.” Itinuro nito ang maroon na sofa sa sala. “Maupo ka, hija. Ihinatid lang ni Liam ang ate niya at mga pamangkin sa train station. Babalik na kasi sila ng Frankfurt. Pero pabalik na rin iyon.
Umupo siya at nagpasalamat kay Leonora nang dulutan siya ng orange juice at slice ng banana cake na may cream cheese sa ibabaw. “We are very impressed with Liam. Pero nauunawaan ko po kung may hesitation siya sa pagbalik sa Pilipinas. Nandito na ang buong buhay niya.”
“Oo. Pero gusto talaga namin ng ama niya na mag-retire sa Pilipinas,” sabi ni Leonora at umupo sa tabi ng asawa.
“Kung mamamatay ako, mas gusto ko sa Pilipinas.”
“Huwag naman mamamatay. Tatanda lang,” anang si Leonora na bakas ang pag-aalala sa mukha at hinaplos ang pisngi ng asawa. Bakas naman sa itsura ng matandang lalaki na may dinaramdam ito.
“Gusto mo bang makita ang pictures ni Liam noong bata ka pa?” tanong ng matandang lalaki at ipinalabas ang mga photo album sa asawa.
Sampung taon na pala si Liam nang mag-migrate ang pamilya nito sa Germany. Nakuhang researcher sa isang pharmaceutical compny ang ama nito at lumipat doon kasama ang buong pamilya.
Tinitingnan niya ang picture ng binata noong mag-JS prom ito nang marinig niya ang ugong ng sasakyan na pumarada sa garahe. “Nandito na si Liam.”
“Nanay, bumili na rin po ako ng carrots at brocolli,” sabi ni Liam pagpasok.
Biglang nawala ang ngiti nito nang makita siya at kumunot ang noo. “Miss Bautista? Anong ginagawa mo dito?”
“Uhmm… Nag-aalala kasi ako dahil hindi ka nakapunta sa usapan natin kahapon. Baka kasi may nangyaring di maganda kaya di ka nakarating,” sabi niya at isang matagumpay na ngiti ang sumilay sa labi. Akala siguro nito ay basta-basta na lang siya nitong matatakasan.
“Mag-uusap lang po kami ni Miss Bautista,” wika ni Liam sa seryosong boses at saka siya hinawakan sa braso para dalhin sa front porch. Pinaupo siya nito sa bench at saka humalukipkip. “Hanggang dito ba naman sinusundan mo ako?At sa mismong bahay ko pa.”
“Hindi ka kasi nagpunta sa hotel kagabi. Nag-aalala ako…”
“The message is loud and clear then. Ayokong pumirma ng kontrata,” mariin nitong wika at bahagyang inilapit ang mukha sa kanya. “Ayokong sumama sa iyo sa Pilipinas.”
“P-Perhaps you can consider,” aniya niya at binasa ang labi niya.
Hindi niya maintindihan kung bakit kinakabahan siya lalo na nang maramdaman niya ang init ng katawan nito. Liam was a bit intimidating. At hindi siya ang tipo ng babae na basta-basta nai-intimidate at kinakabahan. Pero bakit ganito ang nararamdaman niya kay Liam?
Nagsalubong ang kilay nito at inilapit ang mukha sa kanya. “Ayoko.”
“Pero baka naman…”
Lalong tumiim ang anyo nito. “Tagalog na nga, di mo pa rin maintindihan?”
Namanhid na ang dila niya nang ilapit nito ang mukha sa kanya at tuluyan nang nablangko ang utak niya. Hindi niya maintindihan ang nangyayari sa kanya. Nasaan na ang talas ng isipan niya? Sa ganitong sitwasyon ay nakakaisip agad siya ng witty remarks. Magaling siyang mangumbinsi ng mga tao dahil sa talas ng isipan niya. Nang mga oras na iyon ay lumipad na sa bintana ang anumang natitira sa utak niya.
Tumutok ang mata ng binata sa labi niya. Nahigit niya ang hininga. Parang may kakaibang kuryente na dumadaloy mula sa mata nito patungo sa labi niya. Humaplos ang mata nito sa labi niya. She felt hot all over. Hindi naman siya nito hinahawakan pero pakiramdam niya ay hinaplos siya nito. Pakiramdam niya ay gusto siya nitong halikan.
May ibang lalaki na sinosopla agad niya oras na maramdaman niya ang intensiyon. Walang nakakalapit sa kanya ng ganito. She was never romantically involved with any man. Not with a client. Not with a colleague. Not with anybody. At hindi niya sisimulan kay Liam Aramis – hindi sa arogante, antipatiko at… kung makatitig ay nakakatunaw na lalaking ito.
Pero bakit hindi magawa ni Cattleya na itulak ito palayo? Bakit parang gusto niyang lumapit pa ito sa kanya hanggang dumampi ang labi nito sa kanya. Gusto niyang maramdaman ang halik nito. As if it was something she had been waiting for a long, long time.