“Heto na pala ang banana cake mo, Liam. Baka gutom ka na,” sabi ni Eleonor at lumabas ng porch na dala ang tray na may lamang cake at juice.
Umigtad palayo sina Cattleya at Liam sa isa’t isa na parang tinamaan sila ng kidlat. Bigla siyang tumalikod at hinamig ang sarili. Habol niya ang hininga niya. Saka niya natuklasang kanina pa pala niya pinipigilan ang paghinga niya. Kung hindi siguro dumating si Eleonor ay baka ano nang nangyari sa kanila ni Liam. And she could feel her control slipping any moment.
Narinig niya ang paglapit ni Liam kay Eleonor at kinuha ang tray sa ina. “Nanay, sana po tinawag ninyo ako para hindi na kayo nagbitbit.”
“Hoy, Liam! Hindi pa ako matanda. Saka gusto kong pagsilbihan si Cattleya. Wala pa daw siyang boyfriend,” anang babae sa nanunuksong boses.
Matiim ang anyo nito at nakatuon ang tingin sa slice ng cake na nakahain dito. “Ma, bakit konti lang ang akin?” angal ni Liam. Mabuti na lang sa cake nakatuon ang atensiyon nito at hindi sa kanya.
“Dahil hindi ka pwede sa masyadong matatamis. Kailangan mo ng mas matinding disiplina lalo na’t pupunta ka na sa Pilipinas,” nanlalaki ang matang sabi ni Eleonor at saka bumaling sa kanya. “Ikaw na ang bahalang magbantay sa anak ko. Minsan kasi nasosobrahan siya sa matamis at minsan din matigas ang ulo sa pitch. Walang pakialam kahit ma-injured siya. Bisyo lang naman niya kape.”
Ngumiti siya kay Eleonor habang nagbibilin ito. Tango lang siya ng tango. Magaan ang loob niya sa nanay ni Liam. Naaalala kasi niya ang nanay niya na maalalahanin din.
“Nay, I don’t want to promise you anything. Wala akong planong umalis ng Germany,” magkasalubong ang kilay na wika ni Liam.
Nahigit ni Eleonor ng hininga. “Pero nandito na ang pagkakataon mo. Alam mo naman na noon ko pa gustong bumalik sa Pilipinas. Kami ng papa mo.”
Napipilan siya. Di niya inaasahang tahasang sasabihin iyon ni Liam sa harap ng nanay nito. She thought they would at least discuss things in private. Pero mukhang gustong ipakita ni Liam na hindi talaga ito interesado.
“I am sorry, Ma,” wika ni Liam at iniwas ang tingin.
“Pero si Miss Bautista…Sayang naman ang ipinunta niya dito.”
“Hindi sa lahat ng pagkakataon ay matutupad ang lahat ng gusto niya. I am sure she understands that.” At binigyan siya ng nagbababalang-tingin na huwag itong kontrahin. Pagdating sa isyu tungkol kay Liam at sa nanay nito ay di siya maaring makialam.
Lumipad ang tingin nito kay Liam. “Liam, ipasyal mo si Cattleya. Maraming magagandang lugar dito sa Hamburg. Gusto ko na mag-enjoy siya habang nandito siya.”
“Mama!” tutol agad ni Liam.
“Hindi na po kailangan, Tita. Ayoko na pong mang-abala pa,” maagap niyang sabi. Kaya naman niyang ipasyal ang sarili sa Hamburg. Di niya kailangan ng masungit na tourist guide.
“Hindi. Ipapasyal ka ni Liam kung ayaw niyang magalit kami ng tatay niya sa kanya. That is the least he can do. Who knows? Baka makumbinsi mo siya na pumirna na sa El Mundo,” wika ni Eleoor at kumindat.
“Nanay!” angal ni Liam.
Pinanlakihan nito ng mata ni Liam. “Ipapasyal mo siya. Narinig mo?”
Bumagsak ang balikat ni Liam. “Opo, Nanay.”
Wala na itong nagawa kundi sumang-ayon. Kung tutuusin ay tagumpay niya ito. May pagkakataon siyang isingit ang proposal kay Liam. Kailangan lang niyang tatagan ang loob niya. Ang ideya na silang dalawa lang ni Liam ang magkasama ay nakakapagpakaba sa kanya.
Ihinatid niya ng tanaw si Eleonor kasama ang manugang at apo nito hanggang makapasok sa train station. “Let’s go,’ wika ni Liam sa wakas.
“Di mo ako kailangang samahan kung napipilitan ka lang,” aniya nang sundan ito.
“Nangako ako sa nanay ko na sasamahan kitang mamasyal. Kaysa naman nagmumukmok ka lang sa hotel room mo, ipapasyal na kita. Maikot mo man lang ang Hamburg bago ka man lang bumalik ng Pilipinas.”
“WHAT can you say?” tanong nito habang nagkakape sila sa isang café sa Miniatur Wunderland, isang open museum ng iba’t ibang klase ng tren at pinakapopular na pasyalan sa Hamburg. She was not a train lover but she loved the place. Sa sobrang pagkaaliw niya ay hindi niya napansin na tanghali na pala at gutom siya hanggang yayain siya ni Liam na kumain.
“Maganda dito. Pero nami-miss ko ang init ng Pilipinas. And the people here are…not as warm.” Nagkibit-balikat siya. “I don’t know. They are a bit cold.”
At ganoon din si Liam sa kanya. He was a good tourist guide but he was cold and grumpy. Kaya pinipilit na lang niyang aliwin ang sarili sa mga nakikita niya para mawala ang atensiyon niya dito at di niya masyadong maramdaman ang presensiya nito. Ayaw na niyang mangyari ang nangyari sa kanya kanina sa bahay nito.
“Hindi katulad sa Pilipinas na laging nakangiti ang lahat ng tao at welcome ang lahat.” May kakaibang ngiti sa mata nito na parang inaalala ang pagbisita nito sa Pilipinas. “Filipino people are as warm as the country.”
"Bakit mas gusto mo dito sa Germany? Narinig ko na mas gusto ng mama mo na bumalik kayo sa Pilipinas. Lahat sila nagpaplano nang umuwi. Ikaw na lang ang gustong maiwan dito. Wala ka namang girlfriend na maiiwan dito. None that I am aware of."
Alam niya ay wala itong nobya at di rin mahilig makipag-date.
Tumaas ang kilay nito. "Why the question?"
"Ano bang meron dito na di mo nakukuha sa Pilipinas? Sa palagay mo ba mas masaya ka dito? Don't you want a better career, popularity and you can make your family happy? Nakita mo ang mama mo kanina. Nadismaya siya nang sabihin mo na hindi mo gustong umalis ng Germany."
Mariing nagdikit ang labi nito. "Alam ko iyan."
"Bakit di mo tanggapin ang offer? Hindi pa ba mataas ang salary na inaalok sa iyo?"
Itinaas nito ang isang kamay lagpas sa ulo nito. "As high as the skyscraper. I am not signing still."
“Bakit ayaw mong sumama? May babae ka bang naiwan sa Pilipinas na nanloko at nanakit sa iyo at…”
Iwinasiwas nito ang kamay. “Just cut it, okay?” angil nito na biglang umigting ang anyo. “Wala akong naiwang babae sa Pilipinas. Ayoko lang bumalik doon. Pero hindi dahil sa isang babae.” Pero kung wala itong naiwang babae sa Pilipinas, bakit parang lalo pa itong nagalit sa kanya. Did she hit close to home?
Gusto pa niyang mag-urirat ngunit hindi iyon makakabuti. Baka mahirapan siyang kumbinsihin ito na maging bahagi ng El Mundo FC. Dapat ay mag-focus lang siya sa misyon niya. She didn’t freaking care about his past or his love life.
Pinakatitigan niya ito. "What will make you sign?"
Naniniwala siya na ang lahat ay may katapat na halaga. Malaki ang pagkakataon nitong sumikat lalo na't nagsisimula nang umangat ang football sa Pilipinas at marami ang nag-i-invest dito.
"Ganyan ka ba kakulit?" iritado nitong tanong.
"Yes. Dahil di ako pwedeng bumalik sa Pilipinas hangga't di ka pumipirma sa El Mundo FC," aniya sa desperadong boses.
"Enjoy your stay in Germany then, sweet face. I am not going,” anito at tumayo saka nag-iwan ng pera para sa bill nila sa kape. Saka nagmamadaling naglakad palabas ng café.
Hinabol niya ito. “Look, ano bang kailangan kong gawin para lang mapapayag ka?”
"What an enticing question. What are you willing to give me to convince me to sign the contract. A touch? A kiss?" Gumuhit ang nanunuksong ngiti sa labi nito at lumapit sa kanya hanggang ilang pulgada na lang ang pagitan nila. "A night together?"
He was generating a certain kind of warmth that was making her warm all over. Hindi niya alam kung bakit nagre-react ang katawan niya ng ganito sa lalaking iniisip na handa siyang ibigay ang katawan niya para lang mapapirma ito ng kontrata.
Matapang niyang sinalubong ang mata nito. "Hindi ako ganoong klaseng babae."
Naging malamlam ang mga mata nito at hinuli ang ilang hibla ng buhok niya na kumawala sa bonnet niya. "And here I thought that you are willing to do everything to make me sign. Nang huling beses kong makausap si Pierro, he sounds so desperate. Napirata ang dalawa sa magagaling ninyong striker at midfielder. He said I am perfect to fill in both roles." He knew his value and he knew that he was holding the cards. At pakiramdam niya ay di lang buhok niya ang hawak nito kundi maging leeg niya.
"Pero di kami ganoon kadesperada para ipagamit ko ang sarili ko sa iyo. Marami na akong napapirma ng kontrata nang hindi ko kailanganv mag-resort sa ganyan kababang taktika. Hindi ako cheap."
He rolled the strand of her hair with his fingers. "But I like you."
Humakbang siya paurong. Hindi iyon ang salitang inaasahan niya mula dito. Gusto siya nito? Gusto siguro siya nitong atakihin sa puso. Sa dami ng magagandang babae sa Germany, imposible ang sinasabi nito. Hindi siya ang tipo ng babae gustuhin ng mga lalaki. She was always ignored or even feared.
Hinawakan niya ang leeg niya. "Hindi ako ang type mo."
Tumaas ang kilay nito. "Anong alam mo sa type ko? Huwag mong sabihing higit pa sa football ang ni-research mo sa akin?"
Ipinamulsa niya ang kamay sa coat. Hindi niya pwedeng hayaang ilayo siya ng ilayo sa pakay niya. "Mr. Aramis, ang gusto ko lang ay seryosohin mo ako at ang proposition ko. Malaking opportunity ito para umangat ang football career mo. Malaki ang opportunity mong umunlad kung maglalaro sa Pilipinas."
"Ilang ulit ko bang sasabihin sa iyo na wala akong interes na umalis ng Germany. Goodbye, Miss Bautista," anito at naglakad palayo. That was it? Basta na lang siya nitong tatalikuran nang hindi man lang makikipag-negotiate sa kanya.
"Liam! Mr. Aramis..."
Lumingon ito sa kanya. "Auf Wiedersehen!" pagpapaalam nito at kumaway.
Akmang hahabulin niya ito may humarang sa kanya na isang mascot at niyakap siya. Nanigas ang buong katawan niya at hindi siya makagalaw sa kinatatayuan. Gumapang ang takot sa buong katawan niya. Isang matinis na tili ang pinakawalan niya.