Football Hotties 2: The Wicked Striker Chapter 28

Nabulabog ng pagkatao ni Cattleya sa posibilidad na mag-ama si Liam at ang pamangkin niyang si Pierson. Naalala niya ang reaksyon ni Raiza nang unang beses na nagkasama sina Pierson at ang binata sa football field. Kung paanong halos mag-eskandalo ito sa hotel palayuin lang ang anak nito sa pamilya ni Liam. Kung paanong naiyak ang ama ni Liam nang yakapin ang bata.

At ngayon ay napilitang dalhin ni Raiza ang bata sa poder ni Liam para makita ng mga magulang nito. Na parang obligadong gawin iyon ng babae dahil may pinanghahawakang karapatan ang lalaki kay Pierson. May isang sekreto na gagawin ni Raiza ang lahat para di mabunyag.

Iyon lang ang naiisip niya. Nagkakilala ang pinsan niya at si Raiza sa isang bar, they had a one-night stand, fell in love and got married. It was a whirlwind romance, according to them. Buntis na si Raiza nang magpakasal. Kahit nga siya ay hindi makapaniwala dahil napakasigurista ni Pierro pagdating sa babae. Well, he made the right decision. Di man perpektong asawa si Raiza ay mas masaya naman ang buhay ng pinsan niya mula nang dumating ito at si Pierson.

Pero ngayon ay nakatakdang masira ang lahat dahil sa isang kasinungalingan. O katotohanan. Alam ba ni Kuya Pierro ito? Dapat ko bang sabihin ang totoo? O ang inaakala kong totoo? Pero kung magsasalita ako, baka tuluyang masira ang lahat. Ang gusto lang naman ng magulang ni Liam ay makita si Pierson. Pero paano kung gusto nitong angkinin si Pierson kalaunan?

Hindi alam ni Cattleya kung gaano siya katagal doon hanggang katukin siya ni Liam. “Cattleya, are you okay? Baka nakatulog ka na diyan.”

Pumitlag siya. “P-Palabas na ako.”

Naghugas siya ng kamay nang wala pa ring matinong plano sa isipan. Ni hindi nga niya alam kung paano haharapin si Liam o ang asawa ng pinsan.

Lulugo-lugo siyang lumabas at si Liam agad ang bumungad sa kanya. “Are you okay? Nagluto ng soup si Nanay. Sabay na tayong kumain. Huwag mong sabihin na pareho pa tayong may sakit.”

“N-No. Wala akong sakit,” tanggi niya. “I...” Parang may malaking butas lang sa puso niya na di niya maipaliwanag.

"Kumusta na ang pakiramdam mo?" tanong niya at sinalat ang noo at leeg nito. Medyo mainit pa ito.

"Medyo nilalamig pa rin.”

Exposed kasi sa elements ang mga football player. Minsan ay nakababad ang mga ito sa sobrang init at pagkatapos ay mababasa ng malakas na ulan. Nakakapagpababa daw iyon ng resistensiya kahit pa sabihing sanay ang football players sa ganoong klase ng kondisyon.

“Dumaan kasi ako sa training ninyo kanina at nabanggit ni Fonz na may sakit ka." Lumabas siya sa may dining area. “Ang mag-asawang Eleonor at Bert na lang ang nandoon at naglalaro ng PS3. “Nasaan sila Pierson at Ate Raiza?”

“They left. Dumaan lang naman sila dito. Di ka na daw nila aabalahin. Mukhang nagmamadali si Raiza,” kaswal lang na sabi nito na parang wala naman itong itinatagong sekreto. Or maybe he was good at hiding one. Ipinaghila siya ng binata ng upuan. “Kumain ka na.”

“Ikaw ang kumain. Iinom ka pa ng gamot."

"Alagang-alaga mo ako. Baka ma-in love ako sa iyo."

Itinulak niya ang noo nito. "May sakit ka na nga, kung anu-ano pa ang sinasabi mo. Kumain ka na lang."

Nang ngumiti ito ay binura na niya ang natuklasan sa isipan. Hangga’t di si Liam ang nagsasabi sa kanya ng totoo, mas pipiliin niyang manahimik na lang. Para sa kabutihan ng lahat, pipiliin niyang magpanggap na walang alam.

"CATTLEYA, malapit ka lang ba sa Taguig? Kanina pa kasi umiinom si Pierro. Ayaw pa niyang umuwi. Lasing na lasing siya. Inaaway na niya ang mga bodyguards niya," sabi ni Mackintosh nang tawagan si Cattleya sa cellphone. Katatapos lang ng meeting niya at magkikita sila ni Liam para manood ng sine. Isang linggo na mula nang lagnatin ito at mabilis itong gumaling. Gusto daw nitong bumawi sa pag-aalaga niya dito.

"Naglalasing si Kuya?" nagtataka niyang tanong. Hindi siya sanay sa ideya na naglalasing si Pierro. Lagi itong nasa kontrol. Minsan lang itong naglasing nang mamatay ang nanay nito noong beinte kuwatro anyos ito. Kung naglalasing ito, ibig sabihin ay may personal itong problema. "Ano daw ang problema?"

"Ayaw naman niyang sabihin. Baka mas makakabuti kung uuwi na lang siya.”

“Bakit hindi si Ate Raiza ang tawagan ninyo?” tanong niya.

“Hindi naman sinasagot ang cellphone niya. Daanan mo si Pierrp dito sa Goal," anitong may himig ng pakiusap. Hindi nga naman maganda sa reputasyon ng Goal Sports Bar kung may naglalasing doon na manager ng isang football club. Hangga't maari ay ipino-promote sa bar ang moderate na pag-inom at disiplina sa alak. At lalong hindi makakabuti sa reputasyon ng El Mundo Football Club kung sa Goal pa gagawa ng eksena ang mismong manager nila.

"Sige. Susunduin ko siya diyan. Papunta na ako." Matapos makausap si Mackintosh ay si Liam ang tinawagan niya. "Hello. I am afraid I have to cancel our movie date. Kailangan kong sunduin si Kuya Pierro sa Goal."

"May problema ba?" tanong nito na may himig ng pag-aalala sa boses.

"Naparami lang ng inom. Iuuwi ko lang siya sa villa niya. Kailangan siguro niyang magpahinga."

"Kailangan mo ba ng tulong?" tanong ni Liam.

"Hindi na. Kaya ko na ito."

"I-set na lang natin ang date natin sa ibang araw. Huwag kang magpapagod masyado."

"Thank you." Hindi niya pwedeng isama si Liam sa Goal. Paano kung si Raiza ang problema ni Pierro at may kinalaman si Liam? Ayaw niyang magkagulo ngayon. Sa ngayon ay pipilitin muna niyang kontrolin ang sitwasyon.

"Tawagan mo pa rin ako kung kailangan mo ng tulong ko. Mami-miss kita."

Nag-iwan ng ngiti sa labi niya ang huling sinabi nito. Nalulungkot din siya na hindi natuloy ang date nila. Pinaghandaan pa mandin niya iyon. Pero kailangan din siya ni Pierro. She must brace herself on what's to come. Mukhang di biro ang problema ni Pierro.

Sinalubong agad siya ni Mackintosh nang dumating siya sa bar. Itinuro agad nito si Pierro na nakalungayngay sa sulok ng bar counter at nag-uutos pa rin sa bartender na dulutan ito ng alak. Mabuti na lang at wala pang customer sa bar kung hindi ay gagawa itong eksena doon.

Sinenyasan niya ang mga bodyguard nito na sumunod sa kanya. Lumapit siya kay Pierro at pinigilan ang kamay nito nang akmang iinom na naman ng alak. "Kuya, tama na iyan. Lasing ka na. Hindi mo na kayang uminom."

"Bakit mo ba ako pinipigilan? Hayaan mo lang ako. May pambayad naman ako."

"Uuwi na tayo," giit niya at pinalapit pa ang mga bodyguard.

"I am Pierro Dantes. Kaya kong bilhin itong Goal kung gusto ko."

"Sige na. Ilabas na ninyo si Kuya," utos niya.

"Sisesantehin ko kayo kapag di pa ninyo ako binitiwan. Let go!" ungol ni Pierro kahit na hindi na nito kayang lumaban.

Hindi na rin ito kinatakutan ng mga bodyguard nito dahil naroon siya. Sa kanya nanggaling ang utos. Bilang second in command ay valid ang mga desisyon niya kapag wala ito sa huwisyo.

Ipinamaneho na lang niya sa isa sa bodyguards ang kotse niya at ipinasunod sa villa.Sumakay na lang siya sa kotse ni Pierro at tinabihan ito sa likod ng upuan.

"Gusto ko pang uminom. Ayoko pang umuwi," ungol nito at pilit na inaabot ang hawakan ng pinto ng sasakyan.

"Uuwi na tayo. Sasakit ang ulo mo kapag uminom ka pa," saway niya dito. "May mahalaga ka pang meeting bukas. Hindi pwedeng ganyan ka."

"Wala akong pakialam. Oras na um-attend ako sa meeting na iyon, makakakita na naman siya ng butas para may pag-awayan kami," ungol nito at sumandal sa balikat niya.

Hindi na muna siya nagtanong. Mukhang personal nga ang problema nito.

Nang dumating sa mansion ay idinala nila ito sa kuwarto. Tinangka niya itong bihisan katulong ang isa pang kawaksi para mas maging komportable ito pero nahirapan lang sila dahil nagwawala ito.

"Kuya, bakit ka ba naglasing? Ano bang problema?" iritado niyang tanong.

"Nanlalamig na sa akin si Raiza. Basta na lang siyang nagseselos nang walang basehan. Gusto naman niya kanina na sisantehin ang sekretarya ko.Hindi ko na siya maintindihan," sumbong nito sa kanya.

"Pag-usapan ninyo iyan, Kuya. Anng tagal na ninyo. Baka mamaya nag-aaway pa kayo nang naririnig ni Pierson.”

"May iba siyang lalaki. Alam ko na may iba siyang lalaki. Hindi ako papayag na mapunta siya sa iba. Sa akin lang siya. At kapag tinangka niya akong iwan, papatayin ko silang dalawa. Papatayin ko sila. Hindi nila ako pwedeng gawing tanga at hayaan silang makalusot. Mamamatay sila at kung kinakailangan ako mismo ang papatay sa kanila. Sa akin lang ang anak ko. Akin lang si Pierson. Ako ang ama niya. I am his father. Pagbali-baligtarin man ang mundo, ako ang ama niya.”

Pumikit ito at tumahimik. Tanging narinig niya ay mahinang hilik. Nakadama siya ng kilabot. Matindi na talaga ang problema. Dahil sa panlalamig ni Raiza kay Pierro ay naghihinala na ang pinsan niya na nagtataksil ito. Wala pang ebidensiya si Pierro ngayon pero alam na niya kung sino ang ibang lalaki sa buhay ni Raiza.

Si Liam ang isa sa madadamay oras na sumabog ang gulo. May relasyon ba talaga ito kay Raiza? Ipinilig niya ang ulo. Kinikilabutan siya sa magiging scenario oras na lumala pa ang sitwasyong ito. Si Liam ang nasa alanganin.

Sinalubong ito ni Raiza sa mansion. “Pierro, ano ba ito? Alam mo naman na ayokong uuwi ka ng lasing.”

Humagikgik si Pierro nang alalayan din ito ni Raiza. “I am your husband. Mabuti pa kapag lasing ako, naiisip mo akong alagaan. Nararamdaman ko na mahal mo ako. Mahal mo ba talaga ako?”

“Ano bang pinagsasasabi mo?” angil ni Raiza. “Siyempre mahal kita.”

“Isigaw mo na mahal mo ako. Ako lang. ‘Yung maririnig ng lahat.”

Naiwan siya sa sala ng villa at hinayaan muna si Raiza na asikasuhin ang pinsan niya. Nagbilin siya sa kawaksi na sabihin kay Raiza na hihintayin niya ito sa library. Makalipas ang labinlimang minuto ay dumating ito sa library kasunod ang kawaksi na may bitbit na tsaa. Si Raiza pa mismo ang nagsalin para sa kanya.

“I am sorry for the bother. Mabuti na lang na ikaw ang nag-uwi sa kanya kaysa naman doon siya sa sekretarya niya tumuloy,” sabi nito at inilapit sa kanya ang honey para siya na ang maglagay.

“Salamat,” sabi niya. “Ako ang tinagawan ni Mackintosh dahil hindi mo daw sinasagot ang cellphone mo.”

“I.. I was asleep.” Huminga ito ng malalim. “Hindi kami magkakasundo ng pinsan mo hangga’t di nawawala ang sekretarya niya sa buhay niya.”

Ikiniling niya ang ulo. “Iyon lang ba talaga ang problema?”

“Of course. Gusto mo bang palabasin na ako ang may problema. Siyempre kakampihan mo agad ang pinsan mo.”

Napamaang siya at itinaas ang kamay. “Wait! Bakit ganyan agad ang sinasabi mo sa akin? Wala naman akong kinakampihan sa inyo ng pinsan ko. Gusto ko lang ayusin ninyo ang relasyon ninyo dahil maaring makaapekto kay Pierson.” Kung makapagbato ito ng akusasyon, parang guilty ito.

Yumuko ito. “I am sorry.”

Tumayo siya at isinukbit ang bag sa braso. “Ikaw ang higit na nakakaalam sa ikinikilos mo, Raiza. Ikaw ang higit na nakakaalam kung paano aalagaan ang pamilya mo. It would be nice if you will start supporting my cousin’s projects. Kaysa puro kayo selosan, ipakita mo na karapat-dapat ka bilang asawa niya.”

Saka siya taas-noo na lumabas ng silid. Kung alam nito ang makakabuti dito, lalayuan na nito si Liam.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.